Surah 2 - Al-Baqarah (Ang Baka)

PLPHP - Abdulatif Arceo

Surah 2
Surah Al-
Baqarah

(Ang Baka)

 

Sa Ngalan ng Allah, ang Pinakamahabagin, ang Pinakamaawain

 

 

1.             Alif, Lam, Mim (mga titik A, La, Ma).

 

2.             Ito ang Aklat (Qur’an), naririto ang tunay na patnubay na walang alinlangan sa mga may pangangamba sa Allah.

 

3.             Na nananalig sa Al-Ghaib (nakalingid) at matimtiman sa pagdalangin at gumugugol sa mga bagay na Aming ipinagkaloob sa kanila.

 

4.             At nananampalataya sa Kapahayagan na ipinadala sa iyo (O Muhammad) at sa ipinahayag nang una pa sa iyo (Torah [mga Batas] at Ebanghelyo) at sa (kanilang puso) ay may pananalig sa Kabilang Buhay.

 

5.             Sila ay nasa (tunay na patnubay) mula sa kanilang Panginoon at sila ang magsisipagtagumpay.

 

6.             At sa mga nagtatakwil sa pananampalataya, ito ay walang pagkakaiba sa kanila kahima’t sila ay iyong paalalahanan o hindi paalalahanan; sila ay hindi sasampalataya.

 

7.             Ang Allah ang naglapat ng sagka sa kanilang puso at sa kanilang pandinig, at sa kanilang paningin ay may lambong. Kasakit-sakit ang kaparusahan (na kanilang tatamuhin).

 

8.             At sa karamihan ng mga tao ay mayroong nagsasabi: “Kami ay sumasampalataya sa Allah at sa Huling Araw;” datapuwa’t sila ay hindi tunay na nananalig.

 

9.             Kanilang (napag-aakala) na malilinlang nila ang Allah at ang mga sumasampalataya; datapuwa’t dinadaya lamang nila ang kanilang sarili at ito ay hindi nila napag-aakala!

 

10.          Ang kanilang puso ay may karamdaman (ng alinlangan at pagkukunwari) at ang Allah ang nagdagdag sa kanilang karamdaman. At kasakit-sakit ang kaparusahan na sasakanila sapagkat sila ay nahirati sa kasinungalingan.

 

11.          At kung sa kanila ay ipinagbabadya: “Huwag kayong magsigawa ng mga kabuhungan sa kalupaan", sila ay nagsasabi: “Kami lamang ang mga tagapagpayapa.”

 

12.          At katotohanang sila ang nagsisigawa ng kabuhungan, datapuwa’t ito ay hindi nila napag-aakala.

 

13.          At kung sa kanila (na mapagkunwari) ay ipinagbabadya: “Magsisampalataya kayo ng katulad ng mga sumasampalataya.” Sila ay nagsasabi: “Kami ba ay magsisipaniwala ng katulad ng paniniwala ng mga baliw?” Katotohanang sila ang mga baliw, datapuwa’t ito ay hindi nila nababatid.

 

14.          At kung kanilang nakakadaupang palad ang mga sumasampalataya, sila ay nagsasabi: “Kami ay sumasampalataya”, datapuwa’t kung sila ay nag-iisa na lamang na kasama ang kanilang masasama (mga pagano, mapagpaimbabaw, atbp.) sila ay nagsasabi: “Katotohanang kami ay nasa inyo, (datapuwa’t) kami ay nanunuya lamang.”

 

15.          Ang Allah ang manunuya sa kanila at magbibigay ng dagdag sa kanilang mga kamalian upang sila ay magsilibot na katulad ng isang bulag.

 

16.          Sila yaong ipinagpalit nila ang kamalian sa patnubay, kaya’t ang kanilang kalakal ay walang kapakinabangan; at sila ay nawalan ng patnubay.

 

17.          Ang kanilang kahalintulad ay katulad ng isang (tao) na nagpaparikit ng apoy. Nang ito ay magbigay ng liwanag sa kanyang paligid, ang Allah ang kumuha ng kanilang liwanag at iniwan sila sa kadiliman. Kaya’t sila ay hindi makakita.

 

18.          Sila ay mga bingi, pipi at bulag; sila ay hindi makakabalik (sa tamang landas).

 

19.          (At ang isa pang kahalintulad) ay ang mabigat na ulap sa alapaap; naririto ang kadiliman, ang kulog at kidlat. Idinidiin nila ang kanilang mga daliri sa kanilang mga tainga upang hindi nila marinig ang nakakabinging pagkidlat dahilan sa kanilang pangangamba sa kamatayan. Datapuwa’t ang Allah ang nakakasakop sa mga hindi sumasampalataya.

 

20.          Ang kidlat ay halos umagaw na ng kanilang paningin; sa anumang sandali na ito ay sumisilaw sa kanila; sila ay nagsisilakad dito; at nang ang kadiliman ay lumukob sa kanila, sila ay napatigil na hindi kumikilos. At kung ninais lamang ng Allah, magagawa Niyang kunin ang kanilang pandinig at paningin; sapagkat ang Allah ay may kapangyarihan sa lahat ng bagay.

 

21.          O! sangkatauhan! Sambahin ninyo ang Tagapangalaga ninyong Panginoon na lumikha sa inyo at sa mga nangauna sa inyo upang kayo ay maging matuwid,

 

22.          Na lumikha sa kalupaan bilang inyong himlayan at ng mga alapaap bilang inyong silungan at nagpamalisbis ng ulan mula sa mga alapaap at nagpasibol dito (sa kalupaan) ng mga bungangkahoy bilang inyong ikabubuhay. Kaya’t huwag kayong magtambal ng anupaman sa Allah kung batid ninyo (ang katotohanan).

 

23.          At kung kayo (na mga paganong Arabo, mga Hudyo at Kristiyano) ay nag-aalinlangan tungkol sa Aming ipinahayag sa Aming alipin (na si Muhammad), kung gayon, kayo ay gumawa ng isang surah (kabanata) na katulad nito at tawagin ninyo ang inyong mga saksi at kawaksi tangi pa sa Allah kung kayo ay nagsasabi ng katotohanan.

 

24.          Datapuwa’t kung kayo ay hindi makagawa, at katotohanang hindi ninyo magagawa; inyong pangambahan ang Apoy na ang kanyang panggatong ay mga tao at bato na siyang inihanda sa mga nagtatakwil sa pananampalataya.

 

25.          Datapuwa’t magsipagbigay kayo ng magandang balita sa mga sumasampalataya at nagsisigawa ng kabutihan, na ang kanilang bahagi ay Halamanan na sa ilalim nito ay may mga ilog na nagsisidaloy (Paraiso). Sa bawat sandali na sila ay pakakainin ng mga bungangkahoy nito, sila ay magsasabi: “Ito ang ipinagkaloob sa amin noong una”, at sila ay bibigyan ng mga bagay na nakakahalintulad (kawangis sa hubog datapuwa’t iba ang lasa), at sasakanila ang mga asawa na busilak (malaya sa dumi, ihi, regla, atbp.) at sila ay mananahan dito magpakailanman.

 

26.          Katotohanang ang Allah ay hindi nakikimi na magbigay ng paghahalintulad kahima’t ito ay isang lamok o anumang malaki kaysa rito. Ang mga nagsisisampalataya ay nakakatalos na ito ang katotohanan mula sa kanilang Panginoon. Datapuwa’t ang mga nagtatakwil sa pananampalataya ay nagsasabi: “Ano baga ang ibig ipakahulugan ng Allah sa ganitong paghahalintulad?” Sa pamamagitan nito ay pinapangyari Niya na maligaw ang marami at pinapangyari Niya na maakay ang marami sa tamang landas. At hinahayaan lamang Niya na maligaw ang mga lumilisan sa pagtalima sa Allah.

 

27.          Ang mga sumisira sa Kasunduan sa Allah matapos na ito ay mapagtibay at hindi tumutupad sa mga ipinag-uutos na dapat gawin at nagsisigawa ng kabuktutan sa kalupaan, sila ang mga talunan.

 

28.          Paano mo baga itatakwil ang pananampalataya sa Allah? Napagmamalas ka noon na walang buhay at ikaw ay ginawaran Niya ng buhay, at ikaw ay hahayaan Niya na pumanaw at muli, ikaw ay bibigyan Niya ng buhay (sa Araw ng Muling Pagkabuhay); at ikaw sa Kanya ay magbabalik.

 

29.          Siya ang lumikha para sa inyo ng lahat ng mga bagay na nasa kalupaan; at makaraan, Siya ay nag-Istawa (pumaibabaw) sa kalangitan (sa paraang naaangkop sa Kanyang Kamahalan) at yaon ay Kanyang ginawa na pitong suson. At sa lahat ng bagay, Siya ay may Ganap na Kaalaman.

 

30.          Nagmasdan! Ang  inyong Panginoon ay nagwika sa mga anghel: “Katotohanan, Ako ay maglalagay (ng sangkatauhan) sa kalupaan sa maraming sali’t saling lahi.” Sila ay nagsabi: “Maglalagay ba Kayo roon ng (mga tao) na magsisigawa ng kabuktutan at doon ay magdadanak ng dugo, habang kami ay lumuluwalhati ng mga pagpupuri at pagpaparangal sa Inyong Banal (na Pangalan)?” Siya (Allah) ay nagwika: “Nababatid Ko ang hindi ninyo nalalaman.”

 

31.          At itinuro Niya kay Adan ang pangalan ng lahat ng bagay at itinambad Niya ang mga ito sa harapan ng mga anghel at nagsabi: “Sabihin ninyo sa Akin ang pangalan ng mga ito kung kayo ay nagsasabi ng kawastuan.”

 

32.          Sila (anghel) ay nagsabi: “Luwalhatiin Kayo! Kami ay walang karunungan maliban sa itinuro Ninyo sa amin; sa katotohanan Kayo lamang ang may Ganap na Kaalaman at Karunungan.”

 

33.          Siya (Allah) ay nagwika: “O Adan! Sabihin mo sa kanila ang kanilang pangalan.” At nang masabi na niya ang kanilang mga pangalan, ang Allah ay nagwika: “Hindi baga Aking winika  sa inyo na nababatid Ko ang mga lihim ng langit at lupa at talastas Ko kung ano ang inyong inilalantad at ikinukubli?”

 

34.          At pagmasdan! Aming ipinangusap sa mga anghel: “Yumukod kayo kay Adan.” At sila ay yumukod maliban kay Iblis (isang Jinn na nasa lipon ng mga anghel nang sandaling yaon); siya ay tumanggi at siya ay palalo. Siya ay isa sa mga nagtatakwil sa pananampalataya.

 

35.          At Aming winika: “O Adan! Manirahan ka at ang iyong asawa sa Halamanan at kumain kayo rito ng mga masaganang bagay (saan man at kailanman) ninyo naisin, datapuwa’t huwag ninyong lapitan ang punong ito, baka kayo ay mapasadlak sa kapahamakan at paglabag.”

 

36.          (Ngunit hindi naglaon) ay ginawa ni Satanas na sila ay makatalilis dito (sa Halamanan) at hinayaan silang makalabas sa katayuan (ng katahimikan) na dati nilang kinalalagyan. Kami (Allah) ay nagwika: “Magsibaba kayo, lahat, ng may pagkagalit sa pagitan ninyo. Ang kalupaan ang inyong magiging tahanan at isang pansamantalang kaligayahan.”

 

37.          At si Adan ay tumanggap ng mga Salita (Kapahayagan) mula sa kanyang Panginoon at ang kanyang Panginoon ay nagpatawad sa kanya (tumanggap sa kanyang pagsisisi). Katotohanang Siya ay Lagi nang Nagpapatawad, ang Pinakamaawain.

 

38.          Aming (Allah) winika: “Magsibaba kayong lahat sa pook na ito (Paraiso), at kailanma’t may dumatal na patnubay mula sa Akin, at sinumang sumunod sa Aking patnubay, sila ay hindi magkakaroon ng pangamba, gayundin naman sila ay walang kalumbayan.”

 

39.          Datapuwa’t ang mga nagtatakwil ng Pananampalataya at nagpapasinungaling sa Aming Ayat (kapahayagan, aral, katibayan, tanda, atbp.), sila ang magsisipanahan sa Apoy; maniniharan sila rito magpakailanman.

 

40.          Angkan ng Israel! Alalahanin ninyo ang Aking biyaya na ipinagkaloob Ko sa inyo at inyong tuparin (ang inyong tungkulin) sa Aking Kasunduan (sa inyo); tutuparin Ko rin ang Aking Kasunduan sa inyo at huwag kayong mangamba sa iba pa maliban sa Akin.

 

41.          At manampalataya kayo sa Aking ipinahayag (ang Qur’an) na nagpapatotoo sa kapahayagan na nasa sa inyo (Torah [mga Batas] at Ebanghelyo) at huwag kayong manguna sa mga hindi nananalig dito, gayundin ay huwag ninyong ipagbili ang Aking mga Tanda (Kapahayagan) sa isang maliit na halaga, at pangambahan ninyo Ako at Ako lamang.

 

42.          At huwag ninyong takpan ang Katotohanan ng kasinungalingan (alalaong baga, si Muhammad ay Tagapagbalita ng Allah at ang kanyang mga katangian ay nasusulat sa Kasulatan [ang Torah {mga Batas} at Ebanghelyo]), gayundin naman ay huwag ninyong ikubli ang Katotohanan kung ito ay inyong batid.

 

43.          At kayo ay mag-alay ng palagiang pagdarasal nang mahinusay (Iqamat-as-Salah) at magbigay ng Zakah (katungkulang kawanggawa), at kayo ay magyukod ng inyong ulo na kasama ang mga yumuyukod (sa pagsamba).

 

44.          Ipinatutupad ba ninyo ang Al-Birr (kabanalan at katuwiran at bawat isa at lahat ng gawa ng pagsunod sa Allah) sa mga tao gayong kayo sa inyong sarili ay nakakalimot (na isagawa ito) bagama’t kayo ay dumadalit ng Kasulatan (ang Torah [mga Batas])? Hindi baga kayo nakakaunawa?

 

45.          At inyong hanapin ang tulong (ng Allah) sa pagiging matimtiman at matiyaga at sa pagdarasal. Katiyakang ito ay mabigat at mahirap (sa iba) maliban sa Al-Khashi’un (alalaong baga, ang mga tunay na nananampalataya sa Allah, na sumusunod sa Kanya ng may ganap na pagtalima, na labis na nangangamba sa Kanyang kaparusahan, at nananalig sa Kanyang Pangako [ang Paraiso] at sa Kanyang Babala [ang Impiyerno]),

 

46.          Na namamalagi sa kanilang isipan at may katiyakan na kanilang makakadaupang palad ang kanilang Panginoon at sila sa Kanya ay magbabalik.

 

47.          Angkan ng Israel! Alalahanin ninyo ang Aking Biyaya na Aking ipinagkaloob sa inyo, na kayo ay higit Kong pinahalagahan sa lahat ng mga nilalang (sa inyong kapanahunan na lumipas).

 

48.          At inyong pangambahan ang Araw (ng Paghuhukom) na ang bawat isa ay hindi makakaasa ng tulong ng iba; na ang pamamagitan (ng iba) ay hindi tatanggapin sa kanya at wala ring kabayaran ang tatanggapin mula sa kanya at sila rin ay hindi matutulungan.

 

49.          At alalahanin nang kayo ay Aming iniligtas sa mga tao ni Paraon na naglalapat sa inyo ng kasakit-sakit na kaparusahan; na pumapatay sa inyong mga anak na lalaki at hinahayaang buhay ang inyong kababaihan, at naririto ang matinding pagsubok mula sa inyong Panginoon.

 

50.          At alalahanin nang Aming hinati ang dagat para sa inyo at iniligtas kayo, at (Aming) nilunod ang mga tao ni Paraon sa harap ng inyong paningin.

 

51.          At alalahanin nang Aming itinalaga kay Moises ang apatnapung gabi, at sa kanyang pansamantalang pagkawala ay inyong ginawa ang batang baka (para sambahin); at kayo ay gumawa ng kasuklam-suklam na kamalian.

 

52.          Gayunpaman, kayo ay Aming pinatawad. Kayo ay mayroong pagkakataon upang kayo ay magkaroon ng damdamin ng pasasalamat.

 

53.          At alalahanin nang ibinigay Namin kay Moises ang Kasulatan (Torah, [mga Batas]) at ang Pamantayan (ng tama at mali) upang kayo ay mapatnubayan sa katuwiran.

 

54.          At alalahanin si Moises nang kanyang sabihin sa kanyang pamayanan: “O aking pamayanan! Katotohanang isinadlak ninyo ang inyong sarili sa kamalian nang inyong sambahin ang batang baka; kaya’t magbalik loob kayo (sa pagsisisi) sa inyong Tagapaglikha at inyong utasin ang inyong sarili (ang walang kasalanan ay pumatay sa mga buktot sa karamihan ninyo); ito ay higit na mainam sa inyo sa paningin ng inyong Tagapaglikha. (At hindi nagtagal) ay Kanyang tinanggap ang inyong pagtitika. Katotohanang Siya ang Tanging Isa na tumatanggap ng pagsisisi, ang Pinakamaawain.

 

55.          At alalahanin nang inyong sabihin: “O Moises! Kailanman ay hindi kami maniniwala sa iyo hangga’t hindi namin nakikita nang lantad ang Allah.” Datapuwa’t kayo ay sinakmal ng kidlat habang kayo ay nakatitig.

 

56.          At pagkatapos, kayo ay Aming binuhay mula sa kamatayan upang kayo ay magkaroon ng damdamin ng pasasalamat.

 

57.          At pinapangyari Namin ang mga ulap na lambungan kayo ng lilim at ipinanaog (Namin) sa inyo ang Manna at mga pugo (at Kami ay nagwika): “Magsikain kayo ng mabubuting bagay na Aming ipinagkaloob sa inyo.” (Datapuwa’t sila ay nagsipaghimagsik), sila ay hindi nakapagbigay sa Amin ng kapariwaraan, subalit ipinariwara nila ang kanilang sarili.

 

58.          At alalahanin nang Aming winika: “Magsipasok kayo sa bayang ito (Herusalem) at kayo ay kumain nang masagana at may kasiyahan sa inyong maibigan at tumuloy kayo sa tarangkahan na nagpapatirapa (at may kapakumbabaan) na nagsasabi: “Patawarin (Ninyo) kami”, at Aming ipatatawad ang inyong mga kasalanan at daragdagan (Namin) ang (pabuya) sa mga gumagawa ng katuwiran.

 

59.          Datapuwa’t ang mga buktot ay nagbigay ng kamalian sa salita na iginawad sa kanila upang (ipahayag) sa iba, kaya’t Aming ipinadala sa mga buktot ang isang salot mula sa langit dahilan sa kanilang paghihimagsik na tumalima sa Allah.

 

60.          At alalahanin nang si Moises ay manalangin (dahil sa pangangailangan) sa tubig ng kanyang pamayanan; Aming (Allah) winika: “Hampasin mo ang bato ng iyong tungkod.” At bumukal dito ang labingdalawang batis. Ang bawat pangkat ay nakakaalam ng kaniyang lugar ng tubig. Kaya’t magsikain at uminom kayo mula sa panustos na ikabubuhay na ipinagkaloob ng Allah, at huwag kayong gumawa ng katampalasanan sa kalupaan.

 

61.          At alalahanin nang inyong sabihin: “O Moises! Hindi namin kayang pagtiyagaan ang isang uri ng pagkain (lamang); kaya’t manawagan ka sa iyong Panginoon patungkol sa amin upang magpasibol ng maaaring tumubo sa lupa, (tulad ng) mga herba, pipino, bawang, lentil at sibuyas.” Siya (Moises) ay nagsabi: “Ipagpapalit ba ninyo ang mainam sa mababang (uri)? Magsihayo kayo sa anumang bayan at inyong masusumpungan ang inyong ninanais!” At sila ay nalambungan ng kahihiyan at kapighatian; hinatak nila sa kanilang sarili ang Poot ng Allah. Ito’y sa dahilang sila ay nagtatakwil sa Ayat (aral, kapahayagan, katibayan, tanda, atbp.) ng Allah at pumatay sa Kanyang mga Tagapagbalita ng walang katuwiran. Ito’y sa dahilang sila ay naghimagsik at nagpatuloy sa pagsuway.

 

62.          Katotohanan! Ang mga sumasampalataya (sa Qur’an at ang mga sumusunod sa Kasulatan (sa Torah, [mga Batas]), ang mga Hudyo, ang mga Kristiyano at  mga Sabiyano, at sinumang nananampalataya sa Allah at sa Huling Araw at nagsisigawa ng kabutihan ay tatanggap ng kanilang biyaya mula sa kanilang Panginoon at sa kanila ay walang pangangamba, gayundin naman, sila ay walang kalumbayan. (Ang talatang ito ay sinusugan ng Allah sa Surah 3:85).

 

63.          At alalahanin (O Angkan ng Israel), nang Aming kinuha ang inyong Kasunduan at Aming itinaas nang higit sa inyo ang Bundok (ng Sinai) na nagsasabi: “Manangan kayo nang matatag sa Aming ipinagkaloob sa inyo at inyong gunitain ang nakapaloob dito upang kayo ay maging Al-Muttaqun (mga matimtiman sa kabanalan, mabuti at matuwid na tao).”

 

64.          Datapuwa’t kayo ay nagsitalikod dito. At kung hindi lamang sa Biyaya at Habag ng Allah sa inyo, katiyakang kayo ay nasa lipon ng mga talunan.

 

65.          At katotohanang batid ninyo kung sino sa inyong lipon ang sumuway sa (kautusan) ng (araw ng) Sabado. Aming (Allah) winika sa kanila: “Kayo ay maging unggoy, na kinasusuklaman at itinatakwil.”

 

66.          Kaya’t ginawa Namin ang kaparusahang ito bilang isang halimbawa sa kanilang panahon at sa susunod na sali’t saling lahi at isang aral sa mga may pangangamba sa Allah.

 

67.          At alalahanin nang sabihin ni Moises sa kanyang pamayanan: “Katotohanang ang Allah ay nag-uutos sa inyo na kayo ay magsakripisyo (mag-alay) ng isang baka.” Sila ay nagsabi: “Ginagawa mo ba kaming katatawanan?” Siya (Moises) ay nagsabi: “Iligtas nawa ako ng Allah na mapabilang sa Al-Jahilun (mga tao na walang pag-iisip, mangmang at may kabaliwan)!”

 

68.          Sila ay nagsabi: “Manikluhod ka sa iyong Panginoon patungkol sa amin na gawing maliwanag kung anong (baka) ito!” Siya (Moises) ay nagsabi; Kanyang (Allah) winika: “Katotohanan, ito ay hindi lubhang matanda o lubhang bata, ngunit ito ay katamtamang gulang lamang; kaya’t gawin ninyo ang sa inyo ay ipinag-utos.”

 

69.          Sila ay nagsabi: “Tawagan mo ang iyong Panginoon patungkol sa amin na maging maliwanag kung ano ang kulay nito!” Siya (Moises) ay nagsabi: “Kanyang (Allah) winika na ito ay dilaw na baka, na marikit sa kanyang kulay at nakakaakit sa mga tumitingin.”

 

70.          Sila ay nagsabi: “Manawagan ka sa iyong Panginoon patungkol sa amin na maging maliwanag sa amin kung ano ba siya; para sa amin ang lahat ng mga baka ay magkakatulad. At katotohanang kung nanaisin ng Allah, kami ay mapapatnubayan."

 

71.          Si (Moises) ay nagsabi: “Katotohanang Kanyang (Allah) winika: Ito ay isang baka na hindi pa natuturuang magbungkal ng lupa o magdilig ng bukirin, matatag, at walang anumang mantsa maliban sa marikit na dilaw.” Sila ay nagsabi: “Ngayon, ikaw ay naghatid ng katotohanan.” Kaya’t kanilang kinatay ito bagama’t sila ay nag-aatubili na ito ay gawin.

 

72.          At alalahanin nang inyong patayin ang isang tao at kayo ay nagsipagtalo-talo sa isa’t isa tungkol sa krimen. Datapuwa’t inilantad ng Allah ang inyong inililingid.

 

73.          Kaya’t Aming winika: “Inyong hampasin siya (ang patay na katawan) ng isang piraso (ng kinatay na baka).” Sa ganito ibinabalik ng Allah ang patay sa pagkabuhay at ipinamamalas Niya sa inyo ang Kanyang Ayat (kapahayagan, aral, katibayan, tanda, atbp.) upang kayo ay magkaroon ng pang-unawa.

 

74.          Ngunit pagkaraan nito, ang inyong puso ay tumigas at naging bato at higit na naging malala sa katigasan. At katotohanang may mga batuhan na sa ibabaw nito ay may mga ilog na nagsisidaloy, at ang iba, kung ito ay mabiyak, ay binubukalan ng tubig at katotohanang ang ibang (bato) ay nalalaglag dahil sa pagkatakot sa Allah. At ang Allah ay walang hindi nalalaman sa inyong ginagawa.

 

75.          Kayo ba (na mga matatapat na sumasampalataya) ay umaasa na sila ay sasampalataya sa inyong relihiyon, kahima’t ang ilang pangkat sa lipon nila (ang mga Hudyo na may kaalaman) ay palaging nakakarinig ng Salita ng Allah (ang Torah [mga Batas]); at sila ay tandisang nagbabago nito, matapos na ito ay kanilang maunawaan?  

 

76.          Pagmalasin! Kung sila (ang mga Hudyo) ay makadaupang palad ng mga sumasampalataya (ang mga Muslim), sila ay nagsasabi: “Kami ay sumasampalataya”, datapuwa’t kung sila ay nangagkakatipon sa kubli, sila ay nagsasabi: “Ipangungusap ba ninyo (O Hudyo!) sa kanila (Muslim) kung ano ang ipinahayag ng Allah sa inyo (tungkol sa nababanggit kay Propeta Muhammad sa Torah [mga Batas]), upang sila ay makipagtalo sa inyo tungkol dito sa harapan ng inyong Panginoon?” Kayo baga ay walang pang-unawa?”

 

77.          Hindi baga nila (ang mga Hudyo) nababatid na talastas ng Allah ang kanilang inililingid at kanilang inilalantad?

 

78.          At mayroong mga tao sa lipon nila (mga Hudyo) ang mga mangmang na hindi nakakaalam sa Aklat datapuwa’t nananangan lamang sa kanilang pagnanasa at gumagawa lamang ng sapantaha.

 

79.          Kung gayon, kasawian (sa kaparusahan) sa mga sumusulat ng Aklat sa kanilang sariling mga kamay at nagsasabi: “Ito ay mula sa Allah”, upang bumili sa pamamagitan nito ng isang maliit na halaga! Kasawian (sa kaparusahan) sa kanila, sa anumang sinulat ng kanilang mga kamay at kasawian (sa kaparusahan) sa kanila sa anumang kanilang kinita.

 

80.          At sila (ang mga Hudyo) ay nagsasabi: “Ang Apoy ay hindi sasayad sa atin maliban lamang sa ilang natatakdaang araw.” Ipagbadya (O Muhammad): “Kayo baga ay kumuha ng Kasunduan mula sa Allah; sapagkat kailanman, Siya ay hindi sumisira sa Kanyang pangako? O kayo baga ay nagsasabi ng tungkol sa Allah ng wala kayong kaalaman?”

 

81.          Tunay nga! Sinumang kumita ng kasamaan, at ang kanyang kasalanan ay pumalibot sa kanya; sila ang magsisipanirahan sa Apoy (Impiyerno); maninirahan sila rito magpakailanman.

 

82.          Datapuwa’t ang mga may pananampalataya at nagsisigawa ng katuwiran, sila ang mga magsisipanirahan sa Paraiso; mananahan sila rito magpakailanman.

 

83.          At alalahanin nang Kami ay kumuha ng isang Kasunduan mula sa Angkan ng Israel na nagsasabi: “Huwag kayong sumamba maliban lamang sa Allah at maging masunurin at mabuti sa inyong mga magulang, at sa mga kamag-anak, at sa mga ulila at sa mga mahihirap na nagpapalimos; kayo ay mangusap nang makatuwiran sa mga tao; maging matimtiman sa pananalangin; at magbigay ng Zakah (katungkulang kawanggawa).” Ngunit kayo ay tumalikod, maliban lamang sa ilan sa inyo, at kayo ay nanunumbalik (sa dating masamang gawi).

 

84.          At alalahanin nang Aming kinuha ang inyong Kasunduan (na nagsasabi): “Huwag ninyong padanakin ang dugo ng inyong pamayanan, gayundin naman ay huwag ninyong itaboy ang inyong pamayanan sa kanilang tirahan.” At ito ay inyong pinagtibay at dito kayo ay nagbigay saksi.

 

85.          Pagkaraan nito, kayo ang pumatay sa bawat isa sa inyo at nagtaboy ng isang pangkat sa kanilang mga tahanan; kayo ay tumulong (sa kanilang mga kaaway) laban sa kanila sa kasalanan at pagsuway. At kung sila ay dumating sa inyo bilang mga bihag, inyong ipinatutubos sila bagama’t ang pagtataboy sa kanila ay ipinagbabawal sa inyo. Kayo ba ay naniniwala lamang sa bahagi ng Kasulatan at nagtatakwil sa iba pa? Datapuwa’t ano ang kabayaran sa inyo na may pag-uugaling ganito, maliban sa kahihiyan sa buhay sa mundong ito? At sa Araw ng Muling Pagkabuhay, sila ay isasadlak sa kasakit-sakit na kaparusahan sapagkat ang Allah ang may kabatiran sa inyong ginagawa.

 

86.          Sila ang mga tao na bumibili ng buhay sa mundong ito bilang kapalit ng Kabilang Buhay. Ang kanilang kaparusahan ay hindi pagagaanin at sila rin ay hindi tutulungan.

 

87.          Aming ibinigay kay Moises ang Aklat at Aming sinundan siya ng marami pang Tagapagbalita. Aming isinugo si Hesus na anak ni Maria na may maliwanag na Ayat (mga tanda, aral, kapahayagan, katibayan, atbp.) at Aming pinatatag siya ng Banal na Espiritu (Gabriel). Ito ba ang dahilan, na kailanma’t may dumatal na Tagapagbalita sa inyo na hindi ninyo ninanais, kayo ay napupuspos ng kapalaluan? Ang iba ay tinatawag ninyong nagbabalatkayo at ang iba ay inyong pinapatay!

 

88.          At sila ay nagsasabi: “Ang aming puso ay nababalutan (alalaong baga, hindi na nakikinig at nakakaunawa ng salita ng Allah).” Hindi, ang Allah ang sumumpa sa kanila dahilan sa kawalan nila ng pananalig, kakarampot lamang ang kanilang paniniwala.

 

89.          At nang may dumatal sa kanila (ang mga Hudyo) na isang Aklat (ang Qur’an) mula sa Allah na nagpapatotoo kung ano ang nasa kanila (Torah [mga Batas] at Ebanghelyo), bagama’t noong una ay nanawagan sila sa Allah (sa pagdatal ni Muhammad) upang sila ay magkamit ng tagumpay laban sa mga walang pananampalataya. At nang dumatal sa kanila (ang bagay) na kanilang nakilala (na hindi maipagkakaila), sila ay tumanggi na manalig dito. Kaya’t hayaan ang Sumpa ng Allah ay manatili sa mga walang pananampalataya.

 

90.          Kaaba-aba ang kabayaran sa pagbibili nila ng kanilang sarili (kaluluwa), na sila ay hindi magsisisampalataya (sa bagay) na ipinahayag ng Allah sa kanila (ang Qur’an), na nagngingitngit ang kanilang kalooban na ipinahayag Niya ang Kanyang Biyaya sa sinumang Kanyang maibigan sa Kanyang mga alipin. Kaya’t pinamayani nila sa kanilang sarili ang sunod-sunod na pagkapoot. At kaaba-aba ang kaparusahan sa mga walang pananampalataya.

 

91.          At nang ito ay ipagbadya sa kanila (mga Hudyo): “Panaligan ninyo ang ipinanaog ng Allah,” sila ay nagsasabi, “Kami ay naniniwala sa ipinanaog sa amin”, ngunit sila ay hindi naniniwala sa dumatal (na pahayag) na kasunod nito, bagama’t ito ang katotohanan na nagpapatotoo kung ano ang nasa kanila. Ipagbadya (O Muhammad sa kanila): “Bakit ninyo pinatay ang mga Propeta ng Allah noon pa mang una, kung kayo ay katotohanang sumasampalataya?”

 

92.          At katotohanang si Moises ay dumatal sa inyo na may maliliwanag na katibayan; datapuwa’t sinamba ninyo ang batang baka pagkaraang siya ay (pansamantalang) lumisan, at kayo ay gumawa ng katampalasanan.

 

93.          At alalahanin nang Aming kinuha ang inyong Kasunduan at Aming itinaas nang higit sa inyo ang bundok (ng Sinai) na (nagsasabi): “Tumangan kayo nang mahigpit sa anumang ipinagkaloob Namin sa inyo at makinig (sa Batas).” Sila ay nagsabi: “Kami ay nakarinig at kami ay sumuway.” At ang kanilang puso ay nalagom (ng pagsamba) sa batang baka dahilan sa kawalan nila ng pananampalataya. Ipagbadya: “Tunay na kabuktutan ang ipinakikita ng inyong pananalig, kung kayo nga ay mayroong (anumang) pananalig!”

 

94.          Ipagbadya sa kanila: “Kung ang huling tahanan ng Kabilang Buhay sa Allah ay katiyakan na tanging sa inyo lamang at hindi sa mga iba ng sangkatauhan, kung gayon, ay inyong hangarin ang inyong kamatayan kung kayo ay nagsasabi ng katotohanan.”

 

95.          Datapuwa’t sila ay hindi maghahangad ng kamatayan, dahilan (sa mga kasalanan) kung saan sila itinaboy noon ng kanilang mga kamay. At ang Allah ang Ganap na Nakakabatid sa Zalimun (mga tampalasan, buhong, buktot, mapaggawa ng kamalian).

 

96.          At katotohanang inyong matatagpuan sila; sa lahat ng mga tao, na pinakasakim sa buhay, na (higit pang sakim) sa mga hindi naniniwala sa Muling Pagkabuhay (ang mga pagano, mapagsamba sa mga diyus-diyosan, atbp.). Ang bawat isa sa kanila ay naghahangad na sila ay mabigyan ng buhay na isang libong taon. Datapuwa’t ang pagbibigay sa kanila ng gayong buhay ay hindi makakapagligtas sa kanila sa (nararapat) na kaparusahan, sapagkat ang Allah ang Lubos na Nakakamasid ng lahat nilang ginagawa.

 

97.          Ipahayag (O Muhammad): “Sinuman ang maging kaaway ni Gabriel (hayaan siyang mamatay sa kanyang pagkapoot), sapagkat katotohanang ipinarating niya (ang kapahayagan, ang Qur’an) ) sa inyong puso sa kapahintulutan ng Allah; isang pagpapatunay sa mga dumatal (na patnubay) noon pang una (ang Torah [mga Batas] at Ebanghelyo) at magandang balita sa mga sumasampalataya.

 

98.          Sinuman ang maging kaaway ng Allah, ng Kanyang mga anghel, ng Kanyang mga Tagapagbalita, ni Gabriel at Mikael, kung gayon, katotohanang ang Allah ay isang kaaway ng mga walang pananampalataya.

 

99.          At katotohanang ipinanaog Namin sa iyo ang lantad na Ayat (ang mga talata ng Qur’an na masusing nagpapahiwatig hinggil sa balita ng mga Hudyo at ang kanilang lihim na layunin), at walang nagtatakwil dito maliban sa mga mapaghimagsik.

 

100.       Hindi ba (gayon nga), na sa bawat panahon na gumawa sila ng kasunduan, ang ilang pangkat sa kanila ay nagwawalang bahala? Hindi! Sa katotohanan, ang karamihan sa kanila ay walang pananampalataya.

 

101.       At nang dumatal sa kanila ang isang Tagapagbalita (Muhammad) mula sa Allah na nagpapatotoo kung ano ang tinanggap nila, ang isang pangkat sa lipon nila (ang Angkan ng Kasulatan) ay naghagis ng Aklat ng Allah sa kanilang likuran na wari bang (ito ay isang bagay) na hindi nila nababatid!

 

102.       Sinusunod nila kung ano ang dinadalit ng mga demonyo (ang kasinungalingan ng salamangka) sa panahon ni Solomon. Si Solomon ay hindi nawalan ng pananampalataya, datapuwa’t ang mga demonyo ay hindi sumampalataya, na nagtuturo sa mga tao ng salamangka at mga bagay-bagay na dumatal sa Babilonia sa dalawang anghel, si Harut at si Marut, datapuwa’t ang sinuman sa kanilang dalawa ay hindi nagturo sa kaninuman (ng gayong bagay) hangga’t  hindi sila nakakapagsabi: “Kami ay para sa pagsubok lamang, kaya’t huwag kayong mawalan ng pananalig (sa pamamagitan ng pag-aaral ng ganitong salamangka mula sa amin). Napag-aralan nila sa kanila (mga anghel) ang mga paraan upang magtanim ng di pagkakaunawaan sa pagitan ng lalaki at kanyang asawa. Datapuwa’t hindi nila masasaktan ang sinuman malibang pahintulutan ng Allah. At natutuhan nila kung ano ang pumipinsala sa kanila at nagbibigay kapakinabangan sa kanila. At batid nila na ang mga tumatangkilik (sa salamangka) ay walang bahagi ng kaligayahan sa Kabilang Buhay. At kabuktutan ang kabayarang halaga, na kanilang ipinagbili ang kanilang kaluluwa kung kanila lamang nalalaman!

 

103.       Kung pinangalagaan lamang nila ang kanilang Pananampalataya at binantayan ang kanilang sarili sa kasamaan, higit na mainam sana ang gantimpala mula sa Allah kung kanila lamang nalalaman!

 

104.       kayong may pananalig! Huwag ninyong sabihin (sa Tagapagbalita) ang “Raina” (Maging maingat, makinig ka sa amin at kami ay makikinig sa iyo), datapuwa’t magsabi kayo ng “Unzurna” (Hayaang kami ay makaunawa) at makinig (sa kanya). At sa mga walang pananampalataya ay mayroong kasakit-sakit na kaparusahan.

 

105.       Hindi kailanman hinangad ng mga walang pananampalataya sa lipon ng Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano), gayundin ng mga mapagsamba sa diyus-diyosan, na magnais na may anumang magandang bagay na dumatal sa inyo mula sa inyong Panginoon. Subalit ang Allah ang humihirang mula sa Kanyang Habag ng sinumang Kanyang mapusuan, at ang Allah ang Panginoon ng Nag-uumapaw na Biyaya.

 

106.       Wala sa Aming mga kapahayagan ang Aming sinusugan o hinayaang makalimutan, na hindi Namin pinalitan ng higit na mainam o katumbas nito. Hindi baga ninyo nababatid na ang Allah ang may kapangyarihan sa lahat ng bagay?

 

107.       Hindi baga ninyo nababatid na ang Allah ang nag-aangkin ng kapamahalaan ng mga kalangitan at kalupaan? At maliban sa Kanya, kayo ay walang anumang tagapangalaga o kawaksi.

 

108.       O nais ba ninyong tanungin ang inyong Tagapagbalita (Muhammad) na katulad din nang si Moises ay tanungin noon (alalaong baga, ipakita mo sa amin ang iyong Panginoon)? Datapuwa’t sinumang magpalit ng Pananampalataya sa (halip) ng kawalan ng Pananampalataya ay katotohanang napaligaw sa tuwid na landas.

 

109.       Marami sa Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano) ang nagnanais na muli kayong mawalan ng pananalig matapos na kayo ay manampalataya, dahilan sa pagkainggit  mula sa kanilang sarili, matapos na ang katotohanan (na si Muhammad ay sugo ng Allah) ay maging malinaw sa kanila. Datapuwa’t magpatawad at pabayaan (sila), hanggang sa ibigay ng Allah ang Kanyang Pag-uutos, sapagkat ang Allah ang may kapangyarihan sa lahat ng bagay.

 

110.       At maging matimtiman sa pagdalangin (Iqamat-as-Salah) at magkaloob ng Zakah (katungkulang kawanggawa), at anumang kabutihan ang ipinarating ninyo sa inyong sarili noon (at ngayon), ito ay matatagpuan ninyo sa Allah, sapagkat ang Allah ang nakakabatid ng lahat ninyong ginagawa.

 

111.       At sila ay nagsasabi: “Walang sinuman ang makakapasok sa Paraiso maliban na siya ay Hudyo o Kristiyano.” Ito ay kanilang (sinasapantahang) pagnanais (pag-aakala) lamang. Ipagbadya (sa kanila, O Muhammad): “Ipakita ninyo ang inyong katibayan kung kayo ay nagsasabi ng katotohanan.”

112.       Tunay nga! Sinumang magsuko nang ganap ng kanyang sarili sa Allah at mapaggawa ng kabutihan, ay matatanggap niya ang gantimpala mula sa kanyang Panginoon. Sa kanila ay walang pangangamba, gayundin, sila ay walang kalumbayan.

 

113.       ng mga Hudyo ay nagsasabi: “Ang mga Kristiyano ay walang pinanghahawakan (sila ay nasa maling pananampalataya)” at ang mga Kristiyano ay nagsasabi:  “Ang mga Hudyo ay walang pinanghahawakan (nasa maling pananampalataya).” Datapuwa’t sila (ay kapwa) nagpapamarali na kanilang pinag-aaralan (o dinadalit) ang (magkatulad) na Kasulatan. Ang kanilang salita ay katulad ng mga pagano na walang kaalaman. Datapuwa’t ang Allah ang hahatol sa kanilang pinag-aawayan sa Araw ng Paghuhukom.

 

114.       At sino pa kaya ang higit na di makatarungan maliban sa kanya na nagbabawal na ang mga Pangalan ng Allah ay luwalhatiin at banggitin sa mga lugar ng pagsamba (moske) at nagsusumikap sa kanilang kapinsalaan? Hindi isang katampatan na sila ay pumasok (sa Tahanan ng Allah) maliban na may pangangamba. Sa kanila ay walang anupaman, maliban sa kahihiyan sa mundong ito, at sa Kabilang Buhay ay nag-uumapaw na kaparusahan.

 

115.       Ang Allah ang nag-aangkin ng Silangan at Kanluran at kahit saan mang dako na ibaling mo ang iyong sarili ay nandoroon ang  Mukha ng Allah (Siya ang Pinakamataas sa Kanyang Luklukan). Katotohanang ang Allah ay Puspos ng Panustos sa pangangailangan ng Kanyang mga nilikha, ang Ganap na Maalam.

 

116.       At sila (mga Hudyo, Kristiyano at Pagano) ay nagsasabi: “Ang Allah ay nagkaroon ng anak (na lalaki).” Luwalhatiin Siya! Hindi! Siya ang nag-aangkin ng lahat ng mga nasa kalangitan at kalupaan, at ang lahat ay nag-uukol ng pagsamba sa Kanya.

 

117.       Ang Pinagmulan (Lumikha) ng mga kalangitan at kalupaan; kung Siya ay magtakda (magnais) ng isang bagay, Siya ay magwiwika lamang ng: “Mangyari nga!” at ito ay magaganap.

 

118.       At ang mga walang kaalaman ay nagsasabi: “Bakit kaya ang Allah ay hindi makipag-usap sa atin (nang harapan)? O bakit kaya ang isang Tanda (pangitain) ay hindi dumaratal sa atin?” Ito ang sinasabi ng mga tao na una pa sa kanila, sa gayon ding salita. Ang kanilang puso ay magkatulad. Katotohanan, Aming ginawang maliwanag ang mga Tanda sa mga tao na matatag na nananangan sa kanilang Pananampalataya (sa kanilang puso).

 

119.       Tunay ngang ikaw (O Muhammad) ay isinugo Namin sa Katotohanan (alalaong baga, ang Islam) bilang tagapagdala ng magandang balita (ang mga sasampalataya sa iyong dinala ay papasok sa Paraiso) at isang Tagapagbabala (ang mga hindi sasampalataya sa iyong dinala ay papasok sa Impiyerno) ; at ikaw ay hindi tatanungin tungkol sa mga magsisipanirahan sa Naglalagablab na Apoy.

 

120.       Kailanman, ang mga Hudyo at mga Kristiyano ay hindi masisiyahan sa iyo (O Muhammad) malibang iyong sundin ang paraan ng kanilang pananampalataya. Ipagbadya: “Katotohanan, ang Patnubay ng Allah (ang Islam), ito lamang ang (tanging) patnubay.” At kung ikaw (O Muhammad) ay susunod sa kanilang nais, pagkaraan na iyong matanggap ang Karunungan (ang Qur’an), kung magkagayon, ikaw ay hindi makakatagpo ng anumang Wali (Tagapangalaga o Kawaksi) laban sa Allah.

 

121.       Ang mga biniyayaan Namin ng Aklat (Torah [mga Batas] at Ebanghelyo) ay nag-aaral nito (ang Qur’an) sa paraang nararapat na pag-aaral (alalaong baga, dumadalit nito at sumusunod sa [kanyang] pag-uutos at mga aral); sila ang mga nagsisisampalataya rito. At ang mga magtatakwil ng pananalig dito (sa Qur’an), sasakanila ang pagkatalo.

 

122.       Angkan ng Israel! Alalahanin ninyo ang Aking Biyaya na ipinagkaloob sa inyo at kayo ay Aking higit na pinahalagahan kaysa sa ibang mga nilalang (ng inyong kapanahunan na lumipas).

 

123.       At inyong pangambahan ang Takdang Araw (ng Paghuhukom), na walang isa mang kaluluwa ang makakaasa sa iba, gayundin ang bayad ay hindi tatanggapin sa kanya, gayundin ang pamamagitan ay walang saysay sa kanya, gayundin naman, sila ay hindi matutulungan.

 

124.       At alalahanin nang si Abraham ay sinubukan ng kanyang Panginoon sa natatanging Pag-uutos na kanyang tinupad. Siya (Allah) ay nagwika sa kanya: “Katotohanan, ikaw ay Aking gagawin na isang pinuno (Propeta) ng sangkatauhan.” (Si Abraham) ay nanikluhod: “Gayundin ang aking mga anak (lahi) bilang mga pinuno.” (Ang Allah) ay nagwika: “Ang Aking Kasunduan (paghirang sa Propeta, atbp.) ay hindi nakakasakop sa Zalimun (mga tampalasan, mapagsamba sa diyus-diyosan, mapaggawa ng kamalian).”

 

125.       At alalahanin nang Aming gawin ang Tahanan (ang Ka’ba sa Makkah) bilang isang lugar ng pagtitipon sa mga tao at isang lugar ng kaligtasan. At kayo ay Aming dinala sa Himpilan ni Abraham bilang isang lugar ng dalanginan at Aming ipinag-utos kay Abraham at Ismail na nararapat nilang dalisayin ang Aking Tahanan sa mga tao na pumapalibot dito, o namamalagi rito (sa pag-aala-ala sa Allah), o sa mga yumuyuko at nagpapatirapa rito (sa pananalangin).

 

126.       At alalahanin nang sabihin ni Abraham: “Aking Panginoon, gawin Ninyo na ang lungsod na ito (Makkah) ay maging isang lugar ng kaligtasan at Inyong biyayaan ang nagsisipanirahan dito ng mga bungangkahoy, sa mga katulad nila na sumasampalataya sa Allah at sa Huling Araw. Siya (Allah) ay nagwika: “At sa kanya na hindi sumasampalataya,  siya ay pansamantala Kong hahayaan sa pananagana, datapuwa’t hindi magtatagal, siya ay Aking itataboy sa kaparusahan ng Apoy, isang masamang patutunguhan!”

 

127.       At alalahanin nang itindig ni Abraham at Ismail ang mga haligi ng Tahanan (na may panikluhod): “Aming Panginoon! Tanggapin Ninyo (ang paglilingkod na ito) mula sa amin. Katotohanang Kayo ang Ganap na Nakakarinig, ang Tigib ng Kaalaman.”

 

128.       “Aming Panginoon! Kami ay gawin Ninyong mga Muslim na tumatalima sa Inyong (Kalooban) at gayundin ang aming mga anak (lahi) na tumatalima sa Inyong (Kalooban) at Inyong ipakita sa amin ang mga lugar ng pagdiriwang ng ritwal (sa Hajj at Umrah, atbp.) at Inyong tanggapin ang aming pagsisisi. Katotohanang Kayo ang Tanging Isa na tumatanggap ng pagsisisi, ang Pinakamaawain”.

 

129.       “Aming Panginoon! Isugo Ninyo sa kanila ang isang Tagapagbalita na mula sa kanila (at katiyakang ang Allah ay duminig sa kanilang panawagan sa Kanyang pagsusugo kay Muhammad), na magpapahayag sa kanila ng Inyong mga Talata (kapahayagan, aral, katibayan, tanda, atbp.) at magtuturo sa kanila ng Kasulatan (ang Qur’an) at Al-Hikma (Ganap na Karunungan sa Batas Islamiko, Paghatol at Pagpapasya, pagka-Propeta, atbp.), at Inyong dalisayin sila, sapagkat Kayo lamang ang Pinakamataas sa Kapangyarihan, ang Lubos na Maalam”.

 

130.       At sino pa kaya ang tumatalikdan sa pananampalataya ni Abraham maliban sa kanya na lumilinlang sa kanyang sarili? Katotohanang siya ay hinirang Namin sa mundong ito at katiyakang sa Kabilang Buhay, siya ay mapapabilang sa mga matutuwid.

 

131.       Pagmasdan! Ang kanyang Panginoon ay nagwika sa kanya: “Isuko mo (ang iyong kalooban sa Akin, maging isang Muslim).” Siya (Abraham) ay nagsabi: “Isinuko ko (ang aking kalooban, bilang isang Muslim) sa Panginoon at Tagapagtaguyod ng lahat ng mga nilalang.”

 

132.       At ang (pagtalima at pagsunod na ito sa Allah, ang Islam) ay ipinatupad ni Abraham sa kanyang mga anak na lalaki, (at gayundin ang ginawa) ni Hakob (na nagsasabi): “O aking mga anak (na lalaki)! Ang Allah ang humirang para sa inyo ng (tunay) na pananampalataya; kaya’t huwag ninyong hayaan na kayo ay pumanaw maliban sa katatayuan ng pagtalima (sa Islam, bilang mga Muslim).

 

133.       Kayo ba ay mga saksi nang ang kamatayan ay tumambad kay Hakob? Pagmasdan, nang kanyang sinabi sa kanyang mga anak (na lalaki): “Ano ang inyong sasambahin kapag ako ay wala na?” Sila ay nagsabi: “Aming sasambahin ang inyong Diyos at ang Diyos ng inyong mga ninuno, nila Abraham, Ismail at Isaac. Sa Isang (Tunay) na Diyos, sa Kanya (lamang) kami tatalima.”

 

134.       Sila ang mga tao (pamayanan) na nagsipanaw na. Kanilang tatamasahin ang bunga ng kanilang ginawa, at kayo, ng inyong ginawa! At ikaw ay hindi tatanungin tungkol sa kanilang ginawa.

 

135.       At sila ay nagsasabi: “Maging kayo man ay mga Hudyo o Kristiyano, magkagayunman, kayo ay mapapatnubayan.” Ipagbadya (sa kanila, O Muhammad): “Hindi, sinusunod lamang namin ang pananampalataya ni Abraham, ang Hanifan (Kaisahan ng Allah sa Islam, alalaong baga, ang maging matimtiman at sumamba lamang sa Allah), at siya kailanman ay hindi nagtatambal ng anumang diyos sa Allah.”

 

136.       Ipagbadya (O mga Muslim): “Kami ay sumasampalataya sa Allah at sa kapahayagan na ipinagkaloob sa amin, at (sa mga ipinahayag) kay Abraham, Ismail, Isaac, Hakob at sa (labingdalawang) Tribo, at sa mga ipinahayag kay Moises at Hesus at sa mga ipinahayag sa (lahat) ng mga Propeta mula sa kanilang Panginoon. Kami ay hindi nagtatakda sa kanila ng pagtatangi-tangi at sa Allah lamang kami ay tumatalima.”

 

137.       Kaya’t kung sila ay mananampalataya na katulad ng inyong pananampalataya, katiyakang sila ay nasa tamang landas; datapuwa’t kung sila ay tumalikod, sila ang mga tumututol. (Kung gayon) Sapat na ang Allah sa inyo laban sa kanila. At Siya ang Ganap na Nakakarinig, ang Tigib ng Kaalaman.

 

138.       (Ang aming Sibghah [pananampalataya]) ay Sibghah (pananampalataya) na nagmula sa Allah (ang Islam) at ano pa kayang pananampalataya ang higit na mainam kaysa (sa itinakda) ng Allah. At Siya lamang ang aming sinasamba.

 

139.       Ipagbadya mo (O Muhammad sa mga Hudyo at Kristiyano): “Kayo ba ay makikipagtalo sa amin tungkol sa Allah, gayong Siya ang aming Panginoon at inyong Panginoon. At kami ay gagantimpalaan sa aming mga gawa, gayundin naman kayo sa inyong mga gawa. At kami ay matapat sa Kanya sa pagsamba at pagtalima”.

 

140.       O inyo bang sinasabi na sina Abraham, Ismail, Isaac, Hakob at ang (labindalawang) Tribo ay mga Hudyo o Kristiyano? Ipagbadya: “Higit ba kayong maalam kaysa sa Allah? At sino pa kaya ang higit na walang katarungan maliban sa kanya na naglilingid ng kanyang pagpapahayag sa Allah?” At ang Allah ang nakakaalam ng lahat ninyong ginagawa.

 

141.       Sila ang mga tao (pamayanan) na nagsipanaw na. Tatamasahin nila ang bunga ng kanilang ginawa, gayundin kayo, sa inyong ginawa. At ikaw ay hindi tatanungin kung ano ang kanilang ginawa.

 

142.       Ang mga walang pag-iisip (mga pagano, mapagpaimbabaw, atbp.) sa lipon ng mga tao ay nagsasabi: “Ano ang dahilan kung bakit sila nagpalit ng Qiblah (pook na kung saan sila nakaharap sa pagdarasal, alalaong baga, ang Herusalem), na kung saan sila ay nahirati na sa pagharap sa pagdarasal?” Ipagbadya (O Muhammad): “Ang Allah ang nag-aangkin ng Silangan at Kanluran. Pinapatnubayan Niya ang sinumang Kanyang maibigan sa tuwid na landas.”

 

143.       Kaya’t Aming ginawa kayo na isang makatarungan at pinakamainam na Pamayanan upang kayo ay maging mga saksi sa sangkatauhan, at ang Tagapagbalita (Muhammad) ay maging saksi sa inyong sarili. At ginawa Namin ang Qiblah (pook ng pagharap sa pagdarasal, alalaong baga, ang Herusalem) na nakagisnan na ninyong doon humaharap upang (Aming) masubukan ang susunod sa Tagapagbalita (Muhammad), at ang mga tatalikod sa kanilang sakong (susuway sa Tagapagbalita). Katotohanang ito ay mabigat (sa kanilang kalooban), maliban sa kanila na pinatnubayan ng Allah. At kailanman ay hindi hahayaan ng Allah na ang inyong pananampalataya (at pagdalangin) ay mawalan ng saysay. Katotohanang ang Allah ay Tigib ng Kabaitan, ang Pinakamaawain sa sangkatauhan.

 

144.       Katotohanang napagmasdan Namin ang pagbaling ng iyong mukha tungo sa kalangitan (O Muhammad). Katiyakang ililingon ka Namin sa isang Qiblah (pook ng pagharap sa pagdarasal) na magbibigay kasiyahan sa iyo, kaya’t ilingon mo ang iyong mukha patungo (sa direksyon) ng Banal na Bahay Dalanginan (sa Makkah). At kahit nasaan ka pang lugar, ilingon mo ang iyong mukha (sa pagdarasal) sa gayong lugar. Katiyakan, ang Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano) ay ganap na nakakaalam na ito ang katotohanan mula sa kanilang Panginoon. At ang Allah ang nakakaalam ng kanilang ginagawa.

 

145.       Kahit na iyong dalhin sa Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano) ang lahat ng Ayat (mga tanda, aral, kapahayagan, katibayan, atbp. nang sama-sama), hindi nila  susundin ang iyong Qiblah (pook ng pagharap sa pagdarasal) at hindi mo rin susundin ang kanilang Qiblah (pook ng pagharap sa pagdarasal), gayundin ay hindi nila susundin ang Qiblah (pook ng pagharap sa pagdarasal) ng bawat isa sa kanila. Katotohanan, kung ikaw ay susunod sa kanilang mga pagnanasa matapos na ikaw ay makatanggap ng kaalaman (mula sa Allah), kung magkagayon, ikaw ay maliwanag na (magiging) isa sa Zalimun (mga tampalasan, mapagsamba sa diyus-diyosan, mapaggawa ng kamalian, atbp.).

 

146.       Sila na Aming pinagkalooban ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano) ay nakakakilala sa kanya (kay Muhammad, o sa Qiblah o Ka’ba sa Makkah) na katulad ng pagkakakilala nila sa kanilang mga anak na lalaki; datapuwa’t may pangkat sa lipon nila na naglilingid ng katotohanan bagama’t ito ay kanilang nababatid.

 

147.       (Ito ang) Katotohanan mula sa inyong Panginoon, kaya’t huwag kayong sumama sa mga nag-aalinlangan.

 

148.       Sa bawat bansa (pamayanan) ay mayroong direksyon kung saan nila ibinabaling ang kanilang mukha (sa kanilang pagdalangin). Kaya’t magmadali kayo patungo sa lahat ng kabutihan. Kahit nasaan man kayong panig, ang Allah ang magtitipon sa inyo (sa Araw ng Muling Pagkabuhay). Katotohanang ang Allah ay makakagawa ng lahat ng bagay.

 

149.       At kahit saan mang pook kayo magsimula (sa pagdarasal), ilingon ninyo ang inyong mukha tungo sa direksyon ng Masjid Al Haram (Banal na Bahay Dalanginan sa Makkah). Katiyakang ito ang katotohanan mula sa inyong Panginoon. At ang Allah ang nakakaalam ng inyong ginagawa.

 

150.       At kahit saan mang pook kayo magsimula (sa pagdarasal), ilingon ninyo ang inyong mukha tungo sa direksyon ng Masjid Al Haram (Banal na Bahay Dalanginan sa Makkah), at kahit nasaan mang panig kayo, ilingon ninyo ang inyong mukha tungo roon (kung kayo ay magdarasal), upang ang mga tao ay walang maging pagtatalo laban sa inyo, maliban sa kanila na mapaggawa ng kamalian, kaya’t sila ay huwag ninyong pangambahan datapuwa’t inyong pangambahan Ako! At upang Aking maganap ang Aking paglingap sa inyo at upang kayo ay mapatnubayan.

 

151.       Gayundin naman (upang maging ganap ang Aking paglingap sa inyo), ay Aming isinugo sa inyo ang isang Tagapagbalita (Muhammad) na mula sa inyong lipon na nagpapahayag sa inyo ng Aming Kapahayagan (mga talata ng Qur’an) at nagpapabanal sa inyo at nagtuturo sa inyo ng Aklat (Qur’an) at ng Hikma (Karunungan, Batas Islamiko, Kahatulan at Pagpapasya, Sunna [mga gawa ng Propeta], atbp.) at nagtuturo sa inyo ng mga hindi ninyo nalalaman (na mga bagong karunungan).

 

152.       Samakatuwid, inyong alalahanin Ako (sa pagdarasal at pagluwalhati). Aalalahanin Ko (rin) kayo. Magkaroon kayo ng damdamin ng pasasalamat sa Akin (sa hindi mabilang na biyaya na ipinagkaloob Ko sa inyo), at huwag magtakwil sa pananampalataya.

 

153.       O kayong nagsisisampalataya! Magsihanap kayo ng tulong sa pagtitiyaga at pananalangin. Katotohanan, ang Allah ay nasa (gitna) ng mga matimtiman.

 

154.       At huwag ninyong sabihin sa mga namatay sa Kapakanan ng Allah (Pagtatanggol sa Pananampalataya, katulad ng Jihad [pagsisikap na mapanatili ang Islam maging ito man ay humantong sa pakikidigma]) na “Sila ay patay.” Hindi, sila ay buhay datapuwa’t hindi ninyo (ito) napag-aakala.

 

155.       At katiyakang kayo ay Aming susubukan sa mga bagay na tulad ng pangamba at pagkagutom, ang ilan ay pagkalugi sa hanapbuhay, pagkawala ng buhay at bunga (ng inyong pinaghirapan), datapuwa’t magbigay ng magandang balita sa mga matimtiman sa pagbabata,

 

156.       Na nagsasabi kung sila ay nakakaranas ng kapinsalaan: “Kami ay nagmula sa Allah at sa Kanya ang aming pagbabalik.”

 

157.       Sila ang mga tumatanggap ng Salawat (mga biyaya at kapatawaran) mula sa kanilang Panginoon at sila ang tumatanggap ng Habag at sila ang tunay na napapatnubayan.

 

158.       Pagmasdan! Katotohanan, ang As-Safa at Al-Marwa (dalawang bundok sa Makkah) ay ilan sa mga Tanda ng Allah. Kaya’t hindi isang kasalanan sa mga nais magsagawa ng Hajj (Pilgrimahe) o Umrah (Maigsing Pilgrimahe) sa Tahanan (ang Ka’ba sa Makkah) na magsagawa ng paglalakad sa pagitan nito (As-Safa at Al-Marwa). At kung sinuman ang gumawa ng kabutihan sa kanyang sariling kusa, katotohanang ang Allah ang Higit na Nakakakilala, ang Ganap na Maalam.

 

159.       Katotohanan, ang mga naglilingid ng maliliwanag na katibayan at patnubay na Aming ipinanaog, matapos na ito ay Aming ginawa na maging maliwanag sa Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano), sila ang mga sinusumpa ng Allah at isinusumpa ng mga manunumpa.

 

160.       Maliban sa mga nagsisisi at nagsisigawa ng kabutihan at lantad na nagpapahayag (ng katotohanan). Sa kanila, Ako ay tatanggap ng kanilang pagtitika. Sapagkat Ako ang Tanging Isa na tumatanggap ng pagtitika, ang Pinakamaawain.

 

161.       Katotohanan, ang mga hindi sumasampalataya at namatay habang sila ay walang pananampalataya, sasakanila ang sumpa ng Allah, gayundin ang sumpa ng mga anghel at ng sangkatauhan (nang sama-sama).

 

162.       Magsisipanatili sila rito (sa ilalim ng sumpa ng Impiyerno); ang kanilang kaparusahan ay hindi pagagaanin, gayundin naman (sila ay hindi bibigyan) ng palugit.

 

163.       At ang inyong Ilah (Diyos) ay Isang Ilah (Diyos). La ilaha illa Huwa (Wala ng iba pang diyos na karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Kanya), ang Pinakamapagbigay, ang Pinakamaawain.

 

164.       Pagmalasin! Katotohanan, sa pagkakalikha sa mga kalangitan at kalupaan, at sa pagsasalitan ng gabi at araw, at sa mga barko na naglalayag sa karagatan na rito ay may kapakinabangan sa sangkatauhan, at sa ulan na pinamamalisbis ng Allah mula sa alapaap at nakapangyayaring ang kalupaan ay mabuhay mula sa pagiging patay (tigang), at ang lahat ng uri ng mga buhay (at gumagalaw) na nilikha, na rito ay Kanyang ikinalat, at sa pagbabago ng (direksyon ng) hangin at sa mga ulap na nakalutang sa pagitan ng lupa at langit, ay katiyakang Ayat (mga tanda, katibayan, katunayan, atbp.) sa mga tao na may pang-unawa.

 

165.       Datapuwa’t mayroong mga tao na nagtuturing pa ng iba (sa pagsamba) bukod pa sa Allah bilang katambal (sa Kanya). Minamahal nila ito na katulad din ng pagmamahal (nila) sa Allah. Datapuwa’t ang may pananampalataya ay may nag-uumapaw na pagmamahal sa Allah. At kung mamamalas lamang ng mga mapaggawa ng kamalian; pagmalasin,  kanilang mamamasdan ang kaparusahan, (at mapag-uunawa nila) na ang Allah ang naghahawak ng lahat ng kapangyarihan at ang Allah ay mahigpit sa kaparusahan.

 

166.       At kung sila na kanilang pinamarisan (at sinunod) ay magpasinungaling (magtatwa o magmaang-maangan) sa mga sumunod sa kanila, at kanilang mamasdan ang kaparusahan, ang lahat ng kanilang pinagsamahan ay mapuputol.

 

167.       At ang mga sumunod (sa kamalian) ay magsasabi: “Kung mayroon man lamang kami kahit na isang pagkakataon na makabalik (sa makamundong buhay), aming itatatwa sila kung paano kami ay kanilang itinatwa.” At ipakikita ng Allah ang (bunga) ng kanilang mga gawa na (wala ng iba maliban) sa pagsisisi. At sila ay hindi makakatalilis sa Apoy.

 

168.       O sangkatauhan! Magsikain kayo ng anumang mabuti at pinahihintulutan dito sa kalupaan at huwag ninyong sundan ang mga yapak ni Satanas. Katotohanang siya sa inyo ay lantad na kaaway.

 

169.       (Si Satanas) ay nag-uutos lamang sa inyo kung ano ang masama at kasalanan, at upang kayo ay magsalita nang laban sa Allah sa mga bagay na hindi ninyo nalalaman.

 

170.       At nang ito ay ipagbadya sa kanila: “Sundin ninyo kung ano ang ipinahayag ng Allah.” Sila ay nagsasabi: “Hindi! Aming susundin ang paraan ng aming mga ninuno.” Ano! (Gagawin ba nila ito!), kahit na ang kanilang mga ninuno ay hungkag sa karunungan at patnubay?

 

171.       Ang nakakahalintulad ng mga tao na nagtatakwil ng pananampalataya ay katulad niya na  sumisigaw (sa pulutong ng mga tupa) na walang naririnig kundi tawag at panawagan. (Sila ay mga) bingi, pipi at bulag. Sila ay hungkag sa pang-unawa (at karunungan).

 

172.       kayong nagsisisampalataya! Magsikain kayo ng mga pinahihintulutang bagay na Aming ipinagkaloob sa inyo at magkaroon ng damdamin ng pasasalamat sa Allah, kung katiyakang Siya ang inyong sinasamba.

 

173.       Ipinagbawal lamang Niya sa inyo ang Maytata (patay na karne o hayop), at dugo, at ang laman (o karne) ng baboy, at (mga hayop) na kinatay bilang sakripisyo (alay) maliban pa sa Allah (alalaong baga, inialay sa mga diyus-diyosan, o hindi binanggit ang Ngalan ng Allah sa sandali ng pagkakatay). Datapuwa’t kung sinuman ang napilitan dahilan sa pangangailangan, na walang pagnanais o paglabag sa pagsuway, kung gayon, ito ay hindi  kasalanan sa kanya. Katotohanang ang Allah ay Lagi nang Nagpapatawad, ang Pinakamaawain.

 

174.       Katotohanan, ang mga naglilingid ng mga ipinahayag ng Allah sa Aklat, at bumibili ng maliit na pakinabang sa pamamagitan nito (ng makamundong bagay), wala silang nilulunok sa kanilang mga tiyan kundi ang apoy. Ang Allah ay hindi mangungusap sa kanila sa Araw ng Muling Pagkabuhay, gayundin naman ay hindi sila dadalisayin, at kasakit-sakit ang kanilang kaparusahan.

 

175.       Sila ang mga bumibili ng kamalian sa halaga (sa halip) ng Patnubay, at kaparusahan sa halaga (sa halip) ng Pagpapatawad. Ah! Ano itong katapangan (na kanilang ipinamalas) sa Apoy!

 

176.       Ito’y sa dahilang ipinadala ng Allah ang Aklat (ang Qur’an) sa katotohanan. At katotohanan, ang mga nagsisipagtalo-talo tungkol sa Aklat ay malayong-malayo na sa pagtutol.

 

177.       Hindi isang Al-Birr (kabutihan, kabanalan, katuwiran, at lahat ng gawa ng pagsunod sa Allah, atbp.) na ilingon ninyo ang inyong mukha sa Silangan o Kanluran (sa pananalangin), datapuwa’t Al-Birr (ang katangian) ng sumasampalataya sa Allah at sa Huling Araw, at sa mga Anghel, at sa Aklat, at sa mga Tagapagbalita; at gumugugol ng kanyang yaman dahil sa pagmamahal sa Kanya, sa mga kamag-anak, sa mga ulila, sa mga nangangailangan, sa mga naglalakbay (na walang matuluyan), sa mga humihingi, at sa pagpapalaya ng mga alipin; ang maging matimtiman sa pananalangin nang mahinusay (Iqamat-as-Salah), at nagkakaloob ng Zakah (katungkulang kawanggawa), at tumutupad sa kasunduan na kanilang ginawa; at matatag at matiyaga sa matinding kahirapan at karamdaman, at sa lahat ng panahon ng kagipitan (sa pakikibaka o pakikipaglaban sa digmaan). Sila ang mga tao ng katotohanan, at sila ang Al-Muttaqun (mga may pagkatakot sa Allah, matimtiman, matuwid, banal, mabuti, atbp.).

 

178.       kayong nagsisisampalataya! Ang Qisas (ang Batas ng Pagkakapantay-pantay sa kaparusahan) ay itinalaga sa inyo sa kaso ng pagpatay; ang kalayaan sa kalayaan, ang alipin sa alipin, ang babae sa babae. Datapuwa’t kung ang pagpapatawad ay iginawad ng mga kamag-anak (o isa sa kanila) ng napaslang sa kanilang kapatid (ang nakapatay o pumatay) [alalaong baga, huwag patayin ang pumatay o nakapatay, bagkus ay tumanggap ng kabayaran sa dugo sa kaso ng sinadyang pagpatay] kung gayon, ang mga kamag-anak (ng napatay na tao) ay marapat na humingi ng kabayaran sa dugo sa makatuwirang hiling (kabayaran) at ang nakapatay ay marapat na magbayad at magsukli ng magandang pagtingin ng pasasalamat. Ito ay isang kaginhawahan (pagpapalubag ng loob) at habag mula sa inyong Panginoon. At matapos ito, sinumang lumagpas sa hangganan (at nagmalabis, alalaong baga, ang pumatay sa nakapatay matapos na tanggapin ang kabayaran sa dugo), siya ay tatanggap ng kasakit-sakit na kaparusahan.

 

179.       At sa Al-Qisas (Batas ng Pagkakapantay-pantay sa kaparusahan) ay mayroong (pagliligtas) ng buhay sa inyo, o kayong mga tao na may pang-unawa, upang kayo ay maging Al-Mutaqqun (magkaroon ng kabanalan, kabutihan, katuwiran, atbp.).

 

180.       Ito ay itinatalaga sa inyo: kung ang kamatayan ay sumapit sa isa sa inyo, at kung siya ay nakaiwan ng kayamanan; na siya ay magpamana sa (kanyang) magulang at malalapit na kamag-anak ng ayon sa katamtamang paraan (o paggamit). Ito ay isang tungkulin ng Al-Muttaqun (mga may damdamin ng kabanalan at katuwiran).

 

181.       At kung sinuman ang magbago ng pamana matapos na ito ay marinig, ang kasalanan ay manggagaling sa bumago (o nagpalit) nito. Katotohanang ang Allah ang Lubos na Nakakarinig, ang Ganap na Nakakaalam.

 

182.       Datapuwa’t kung sinuman ang may pangangamba sa hindi makatwiran o kamalian na nagawa ng sumulat ng habilin, at kanyang pinagkasundo at pinayapa ang mga sangkot na tao, wala siyang kamalian o kasalanan dito. Katiyakang ang Allah ay Lagi nang Nagpapatawad, ang Pinakamawain.

 

183.       kayong nagsisisampalataya! Ang pag-aayuno ay iginawad sa inyo na kagaya rin naman nang pagtatalaga sa mga nangauna sa inyo, upang kayo ay maging Al-Muttaqun (magkaroon ng pagpipigil sa sarili, may kabanalan, kabutihan, katuwiran, kataimtiman, atbp.).

 

184.       (Magsipag-ayuno) kayo sa natatakdaang bilang ng araw; datapuwa’t kung sinuman sa inyo ang may karamdaman o naglalakbay, (ito ay maaaring ipagpaliban), at ang natatakdaang araw (ay dapat na bayaran) sa mga darating na panahon. At sa mga nag-aayuno (na walang kakayahan, halimbawa’y dahil sa katandaan), sila ay may kabayaran na magpakain ng isang naghihikahos na tao (sa bawat araw). Datapuwa’t siya na magbibigay pa ng higit dito ayon sa kanyang kagustuhan, ito ay higit na mainam sa kanya. Higit na mabuti sa inyo ang mag-ayuno, kung inyo lamang nalalaman.

 

185.       Ang Ramadhan ang buwan nang ipinahayag ang Qur’an, isang patnubay sa sangkatauhan, gayundin naman ay isang maliwanag (na Tanda o Katibayan) at ang Pamantayan  (pamamatnubay at paghatol sa pagitan ng tama at mali). Sinuman sa inyo na namamalagi (sa kanyang tahanan at nakakita ng duklay ng buwan sa unang gabi), ay nararapat na mag-ayuno sa buwan na ito, datapuwa’t kung sinuman ang may karamdaman o naglalakbay, (ito ay maaaring ipagpaliban) at ang natatakdaang araw (ay marapat na bayaran) sa mga darating na panahon. Ang Allah ay nagnanais na ang lahat ay maging magaan sa inyo; ayaw Niyang ilagay kayo sa kahirapan. (Nais Niyang) tapusin ninyo ang natatakdaang araw, at luwalhatiin Siya (katulad ng pagsasabi ng ‘Pinakadakila ang Allah’) sapagkat Kanyang pinatnubayan kayo; upang kayo ay magkaroon ng damdamin ng pasasalamat sa Kanya.

 

186.       At kung ang Aking mga alipin ay magtanong sa iyo (O Muhammad) tungkol sa Akin, kung gayon (sila ay iyong sagutin): “Tunay na Ako ay malapit (sa kanila); Ako ay tumutugon sa panawagan ng bawat nananawagan kung siya ay tumatawag sa Akin.” Hayaan ding sila ay tumalima sa Akin at manampalataya sa Akin; upang sila ay magsitahak sa tuwid na landas.

 

187.       Pinahihintulutan kayo sa gabi ng pag-aayuno na inyong sipingan ang inyong asawa. Sila ang inyong Libas (pangbalabal sa katawan, o saplot o Sakun [kasiyahan na mamuhay sa kanyang piling]), gayundin naman sila sa inyo. Ang Allah ang nakakabatid ng mga ginagawa ninyong pandaraya sa inyong sarili, kaya’t bumaling Siya sa inyo (at tumanggap ng inyong pagsisisi) at (Kanyang) pinatawad kayo. Kaya’t makipag-ulayaw kayo sa kanila at inyong hanapin ang itinalaga ng Allah sa inyo (na mga supling), at kumain kayo at uminom hanggang ang maputing hibla ng pagbubukang liwayway (pagdatal ng liwanag) ay maging lantad kaysa sa hiblang itim (kadiliman ng gabi); at inyong tapusin ang pag-aayuno hanggang sa dumatal ang gabi; datapuwa’t huwag kayong makipag-ulayaw sa inyong asawa kung kayo ay nasa (kalagayan) ng I’tikaf (alalaong baga, ang pamamalagi sa pag-aala-ala at pananalangin sa Allah at paglisan sa lahat ng mga makamundong gawain) sa loob ng moske (bahay dalanginan), ito ang mga pagbabawal na itinalaga ng Allah, kaya’t sila ay huwag ninyong lapitan (o sipingan). Kaya’t sa ganito ay hinahayaan ng Allah na maging maliwanag ang Kanyang Ayat (mga tanda, aral, kapahayagan, katibayan, atbp.) sa sangkatauhan upang kayo ay maging Al-Muttaqun (magkaroon ng kabanalan, damdamin ng katuwiran, kabutihan, atbp.).

 

188.       At huwag ninyong pag-imbutan ang mga pag-aari (o ari-arian) ng iba ng walang katarungan, gayundin naman ay huwag kayong magbigay ng suhol sa sinumang namamahala (o hukom) upang inyong makamkam sa kamalian (ng may kaalaman) ang ilang bahagi ng pag-aari ng iba.

 

189.       Sila ay nagtatanong sa iyo (O Muhammad) tungkol sa mga bagong buwan. Ipagbadya: “Ito ay mga tunay na tanda upang tandaan (o bilangin) ang mga natatakdaang panahon sa buhay ng sangkatauhan at para sa pilgrimahe (pagdalaw sa Banal na Bahay Dalanginan sa Makkah). Hindi isang Al-Birr (kabutihan, katuwiran, kabanalan, atbp.) na magsipasok kayo sa likuran ng bahay datapuwa’t isang Al-Birr (kabutihan, atbp.) na mangamba kayo sa Allah. Kaya’t magsipasok kayo sa mga tamang pinto at inyong pangambahan ang Allah upang kayo ay magsipagtagumpay.

 

190.       At makipaglaban kayo tungo sa Kapakanan ng Allah sa kanila na nakikipaglaban sa inyo, datapuwa’t huwag ninyong labagin ang hangganan, sapagkat ang Allah ay hindi nagmamahal sa mga nagmamalabis (sa pagsuway). [Ang talatang ito ay siyang unang ipinahayag tungkol sa Jihad (pakikidigma dahil sa Islam), ngunit ito ay kinatigan ng isa pang talata sa Surah 9:36].

 

191.       At inyong patayin sila, saan man sila ay inyong matagpuan at inyong itaboy sila kung saan kayo ay kanilang itinaboy; sapagkat ang kawalan ng pananampalataya ay higit na masama sa pagpatay. At sila ay huwag ninyong labanan sa Banal na Bahay Dalanginan (Masjid Al-Haram), maliban na sila (ay manguna) na kayo ay labanan. Datapuwa’t kung kayo ay lusubin nila, sila ay inyong patayin. Ito ang kabayaran ng walang pananampalataya.

 

192.       Datapuwa’t kung sila ay tumigil, ang Allah ay Lagi nang Nagpapatawad, ang Pinakamaawain.

 

193.       At sila ay inyong labanan hanggang sa mapalis ang Fitnah (kawalan ng pananalig at pagsamba sa iba maliban pa sa Allah) at (ang lahat at bawat uri) ng pagsamba ay matuon lamang sa Allah. Datapuwa’t kung sila ay maglubay, huwag hayaang magkaroon ng paglalaban at paglabag maliban sa Zalimun (mga tampalasan, mapagsamba sa diyus-diyosan, mapaggawa ng kamalian).

 

194.       Ang banal na buwan ay tangi sa banal na buwan, at sa mga ipinagbabawal na bagay ay mayroong Batas ng Pagkakapantay-pantay (Qisas). Kaya’t sinuman ang nagmalabis (sa hangganan) ng mga ipinagbabawal laban sa inyo, kung gayon, kayo ay lumabag din laban sa kanya. Datapuwa’t pangambahan ninyo ang Allah at inyong alalahanin na ang Allah ay nasa panig ng Al-Muttaqun (mga may kabanalan, mabuti at matuwid na tao).

 

195.       At gumugol kayo sa Kapakanan ng Allah at huwag ninyong hayaan na ang inyong sariling mga kamay ang maghantong sa (inyong) pagkawasak, datapuwa’t magsigawa kayo ng kabutihan; sapagkat ang Allah ay nagmamahal sa mga gumagawa ng kabutihan.

 

196.       At inyong isagawa nang maayos ang Hajj (Pilgrimahe) at Umrah (Maigsing Pilgrimahe) sa paglilingkod sa Allah. Datapuwa’t kung kayo ay nagkaroon ng sagabal (upang magampanan ang lahat ng ito), kayo ay mag-alay ng Hady (ang hayop, tulad ng tupa, baka, atbp.) ayon sa inyong kakayahan at huwag ninyong ahitin ang inyong ulo hanggang ang inyong Hady ay hindi pa nakakarating sa pook ng pag-aalay. At kung sinuman sa inyo ang may sakit, o may karamdaman sa kanyang anit (na kailangang ahitin), siya ay nararapat na magbayad ng Fidya (pantubos o panghalili); maaaring siya ay mag-ayuno (ng tatlong araw), o magpakain ng mahirap (anim na katao) o mag-alay (ng isang tupa). At kung ikaw ay nasa (katayuang muli) ng kaligtasan, sinuman ang magsagawa (o magpatuloy) ng Umrah hanggang Hajj sa buwan ng Hajj, siya ay nararapat na maghandog ng alay ayon sa kanyang kakayahan, datapuwa’t kung wala siyang kakayahan ay nararapat na siya ay mag-ayuno ng tatlong araw sa panahon ng Hajj at pitong araw pagkauwi niya, ganap na sampung araw sa lahat-lahat. Ito ay para (sa kanila) na ang mga pamilya ay (hindi nakatira sa loob ng hangganan) ng Banal na Bahay Dalanginan. At inyong pangambahan ang Allah at inyong maalaman na ang Allah ay mahigpit sa kaparusahan.

 

197.       Ang Hajj (Pilgrimahe) ay (nasa loob) ng mga bantog na buwan (alalaong baga, ang pansampu, panlabing-isa at unang sampung araw ng panlabingdalawang buwan ng kalendaryong Islamiko, alalaong baga, dalawang buwan at sampung araw). Kaya’t kung sinuman ang magpasyang magsagawa ng Hajj (Pilgrimahe), dito (na ang pasimula ay ang pagsusuot ng Ihram, alalaong baga, kasuutan na pang-Pilgrimahe), kung gayon, hindi marapat na siya ay makipag-ulayaw sa kanyang asawa, at huwag gumawa ng kasalanan at huwag ding makipagtalo ng walang katarungan sa panahon ng Hajj. At anumang mabuti ang inyong gawin, (huwag magkaroon ng alinlangan), ang Allah ang nakakatalos ng mga ito. At kayo ay magbaon ng inyong ikabubuhay, datapuwa’t ang higit na mainam na baon ay Taqwa (kabutihan, kabanalan, pangangamba at pagkatakot sa Allah, atbp.). Kaya’t Ako ay pangambahan ninyo, O kayong mga tao na may pang-unawa!

 

198.       Hindi isang kasalanan sa inyo kung kayo ay magsihanap ng Biyaya ng inyong Panginoon (sa panahon ng Pilgrimahe). At kung kayo ay paalis na sa (Bundok ng) Arafat, inyong ipagdiwang ang pagluwalhati sa (inyong) Panginoon sa Banal na Dambana (Muzdalifa) at ipagbunyi ang Kanyang papuri sapagkat kayo ay Kanyang pinatnubayan, bagama’t sa simula nito, kayo ay napaligaw.

 

199.       At kayo ay magbalik mula sa pook kung saan ang karamihan ng lahat ay maaaring magsama-sama at kayo ay manawagan sa Allah sa Kanyang kapatawaran. Katotohanang ang Allah ay Lagi nang Nagpapatawad, ang Pinakamaawain.

 

200.       Kaya’t kung matapos na ninyo ang mga ritwal (ang lahat ng seremonya at tungkulin ng Hajj), inyong ipagbunyi ang mga papuri sa Allah. Alalahanin ninyo ang Allah kung paano ninyo ginugunita ang inyong mga ninuno o higit pa ritong pag-aala-ala (sa puso at kaluluwa). Mayroon (sa karamihan) ng mga tao ang nagsasabi: “Aming Panginoon! Ipagkaloob Ninyo sa amin (ang Inyong biyaya) sa mundong ito!” Datapuwa’t sila ay walang bahagi sa Kabilang Buhay.

 

201.       At mayroon (sa karamihan) ng mga tao ang nagsasabi: “Aming Panginoon! Inyong pagkalooban kami ng mabuti sa mundong ito at ng mabuti sa Kabilang Buhay, at Inyong  iadya kami sa kaparusahan ng Apoy!”

 

202.       Sa kanila ay igagawad ang bahagi ng kanilang pinagsumikapan; at ang Allah ay Maagap sa Pagsusulit.

 

203.       At alalahanin ang Allah sa panahon ng Natatakdaang Araw (ang tatlong araw na ang mga tao ay namamalagi sa Mina sa panahon ng Hajj; sa panlabing-isa, panlabingdalawa at panlabingtatlong araw ng buwan ng Dhul-Hijjah sa pagsasabi nang malimit ng Allahu Akbar [ang Allah ang Pinakadakila sa lahat] at habang nagkakatay ng Hady (pangsakripisyong hayop) at sa panahon ng Ramy ng Jamarat [simbolikong pagpupukol ng mga bato sa mga burol bilang pagtatakwil kay Satanas]), datapuwa’t kung sinuman ang magmadali na lumisan (pagkaraan) ng dalawang araw, ito ay hindi isang kamalian sa kanya at sinumang magpaiwan, ito ay hindi kasalanan sa kanya kung ang kanyang layunin ay gumawa ng kabutihan at tumalima sa Allah, at inyong maalaman na katotohanang kayo ay titipunin tungo sa Kanya.

 

204.       At mayroong uri ng tao na ang kanyang pananalita sa buhay sa mundong ito ay nakakaakit sa iyo (O Muhammad), at siya ay nananawagan sa Allah na maging saksi kung ano ang nasa kanyang puso, datapuwa’t siya ang pinakapalaaway sa mga umuusig.

 

205.       At kung siya ay tumalikod na sa iyo (O Muhammad), ang kanyang pagsisikhay sa kalupaan ay upang gumawa rito ng katampalasanan at kanyang wasakin ang mga pananim at hayupan, datapuwa’t ang Allah ay hindi nagmamahal sa mga kabuktutan.

 

206.       At kung sa kanya ay ipinagbabadya: “Pangambahan ang Allah”, siya ay humahantong sa kapalaluan (sa higit na maraming) kabuktutan. Sapat na sa kanya ang Impiyerno, at tunay namang kasuklam-suklam ang pook na ito para panahanan!

 

207.       At mayroong isang uri ng tao na iniaalay niya ang kanyang buhay upang makamtan ang kasiyahan ng Allah; at ang Allah ay Tigib ng Kabaitan sa Kanyang mga lingkod.

 

208.       kayong nagsisisampalataya! Magsipasok kayo sa Islam (pagsunod, pagtalima, pagsuko sa lahat ng mga kautusan ng Allah) at huwag ninyong sundin ang mga yapak ni Satanas, sapagkat tunay ngang siya ang inyong lantad na kaaway!

 

209.       At kung kayo ay magbalik muli (sa kawalan ng pananalig) matapos ang maliwanag na mga Tanda (si Propeta Muhammad, ang Qur’an at Islam) ay dumatal sa inyo, kung gayon, inyong maalaman na ang Allah ang Pinakamakapangyarihan, ang Pinakamaalam.

 

210.       Sila baga ay naghihintay sa anuman, maliban pa na ang Allah ay dumatal sa kanila sa lilim ng mga ulap at kasama (Niya) ang mga anghel at ang katanungan (ay mapagpasyahan)? Datapuwa’t ang lahat ng katanungan ay nagbabalik lahat sa Allah (upang hatulan).

 

211.       Inyong tanungin ang Angkan ng Israel kung gaano karami ang maliliwanag na Ayat (mga tanda, aral, kapahayagan, katibayan, atbp.) na Aming ipinadala sa kanila. Datapuwa’t kung sinuman, matapos na ang Paglingap ng Allah ay sumakanya, ay magpalit nito (alalaong baga, bumalik sa kawalan ng pananalig at tumalikdan sa Relihiyon ng Allah, ang Islam), kung gayon, katotohanang ang Allah ay Mahigpit sa Kaparusahan.

 

212.       Ang buhay sa mundong ito ay kaakit-akit sa mga hindi sumasampalataya at sila ay nanunuya sa mga sumasampalataya. Datapuwa’t sila na sumusunod sa mga Pag-uutos ng Allah at umiiwas sa mga bagay na Kanyang ipinagbabawal ay mangingibabaw sa kanila sa Araw ng Muling Pagkabuhay; sapagkat ang Allah ang nagkakaloob ng Kanyang Biyaya (Pagpapala, Kasaganaan, Karangalan, atbp. sa Araw ng Muling Pagkabuhay) nang walang sukat sa sinumang Kanyang naisin.

 

213.       Ang sangkatauhan ay isang pamayanan lamang at ang Allah ang nagsusugo ng mga Tagapagbalita na may taglay na magandang balita at paala-ala; at sa kanila ay Kanyang ipinagkaloob ang Aklat sa katotohanan upang kanilang mahatulan ang mga tao sa mga bagay na hindi nila pinagkakasunduan; datapuwa’t ang Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano), matapos ang maliwanag na mga Katibayan (tanda, aral, kapahayagan, atbp.) ay dumatal sa kanila, ay hindi (lamang) nagkaiba-iba sa kanilang mga sarili, (bagkus), tangi pa rito, ay (sa kanilang) makasariling paghihimagsik. Ang Allah, sa pamamagitan ng Kanyang Biyaya ay namatnubay sa mga sumasampalataya sa Katotohanan tungkol sa mga bagay na hindi nila pinagkakasunduan. Sapagkat ang Allah ang namamatnubay sa sinumang Kanyang maibigan sa Tuwid na Landas.

 

214.       At kayo ba ay nag-aakala na kayo ay magsisipasok sa Halamanan (ng Kaligayahan) ng walang anumang (pagsubok) na katulad ng dumatal sa mga nangauna sa inyo? Sila ay nakaranas ng mga matinding kahirapan at karamdaman at lubha silang nawalan ng katatagan, na maging ang Tagapagbalita at ang mga naniniwala na kasama niya ay nagsabi: “Kailan pa kaya daratal ang Paglingap ng Allah?” Tunay nga! Walang pagsala, ang Tulong ng Allah ay nandiriyan na!

 

215.       Itinatanong nila sa iyo (O Muhammad) kung ano ang kanilang dapat gugulin (sa kawanggawa). Ipagbadya: “Anumang kayamanan na inyong gugulin mula sa mabuti ay para sa mga magulang at kamag-anak, at sa mga ulila, at sa mga humihingi at sa mga naglalakbay (na walang masilungan). At anuman ang inyong ginawa na mabuti, tunay na talastas ito ng Allah.”

 

216.       Ang Jihad (ang banal na pakikipagpunyagi sa Islam) ay ipinag-utos sa inyo (O mga Muslim) bagama’t ito ay hindi ninyo nais; maaari na hindi ninyo naiibigan ang isang bagay na mainam sa inyo at naiibigan naman ninyo ang isang bagay na masama sa inyo. Datapuwa’t ang Allah ang nakakaalam at ito ay hindi ninyo nalalaman.

 

217.       Sila ay nagtatanong sa iyo tungkol sa pakikipaglaban sa mga banal na buwan (ang una, pampito, panlabing-isa at panlabingdalawang buwan ng Kalendaryong Islamiko). Ipagbadya: “Ang pakikipaglaban dito ay isang matinding pagsuway (at pagmamalabis), datapuwa’t ang higit na pagsuway sa Paningin ng Allah ay ang pagpigil sa sangkatauhan na sumunod sa Landas ng Allah, ang hindi manampalataya sa Kanya, at pumigil na makapasok sila sa Banal na Bahay Dalanginan (Masjid Al-Haram sa Makkah) at itaboy ang nagsisipanirahan dito, at ang Al-Fitnah (kawalan ng pananampalataya at pagsamba sa mga diyus-diyosan) ay higit na masama sa pagpatay. At sila ay hindi kailanman titigil sa pakikipaglaban sa inyo hanggang sa kayo ay kanilang mailugso (mailigaw) sa inyong Relihiyon (Paniniwala sa Iisang Diyos at sa Islam) hangga’t kanilang magagawa. At sinuman sa inyo ang tumalikod sa kanyang Pananampalataya at mamatay na walang pananalig, kung gayon, ang kanyang mga gawa ay mawawala sa mundong ito at sa Kabilang Buhay, at sila ang magsisipanirahan sa Apoy. Sila ay mananahan dito magpakailanman.

 

218.       Katotohanan, ang mga nagsisampalataya at mga nagsilikas (dahilan sa Pananampalataya ng Allah, ang Islam) at nagsikap na mainam tangi sa Kapakanan ng Allah, sila ay mayroong pag-asa ng Habag ng Allah; at ang Allah ay Lagi nang Nagpapatawad, ang Pinakamaawain.

 

219.       Sila ay nagtatanong sa iyo (O Muhammad) tungkol sa nakalalasing na inumin at ang pagsusugal. Ipagbadya: “Sa mga ito ay mayroong malaking kasalanan at ilang kapakinabangan sa mga tao; datapuwa’t ang kasalanan ay higit sa kapakinabangan.” At itinatanong nila sa iyo kung magkano ang dapat nilang gugulin (sa kawanggawa). Ipagbadya: “Kung ano ang lumalabis sa inyong pangangailangan.” Kaya’t sa ganito ginawa ng Allah na maging maliwanag sa inyo ang Kanyang mga Batas upang kayo ay magkaroon ng pang-unawa - (ang kautusan sa talatang ito tungkol sa nakalalasing na inumin at pagsusugal ay sinusugan [o pinawalang bisa] sa pamamagitan ng talata sa Surah 5:90),

 

220.       Sa buhay sa mundong ito at sa Kabilang Buhay. At sila ay nagtatanong sa iyo tungkol sa mga ulila. Ipagbadya: “Ang pinakamainam sa lahat ay pangalagaan nang matapat ang kanilang ari-arian at kung pagsamahin ninyo ang inyong mga gawain sa kanila, sila ay inyong mga kapatid. At siya na may pag-iimbot (sa ari-arian) at siya na ang pagnanais ay mabuti (na pangalagaan ang ari-arian) ay nababatid ng Allah.” At kung ninais lamang ng Allah, maaari Niyang ilagay kayo sa kagipitan. Katotohanang ang Allah ang Pinakamakapangyarihan, ang Tigib ng Karunungan.

 

221.       At huwag ninyong pangasawahin ang Al-Mushrikah (walang pananampalatayang babae sa Allah, pagano, mapagsamba sa mga diyus-diyosan) hanggang sa sila ay manampalataya. Katiyakan, ang isang aliping babae na nananampalataya ay higit na mainam sa isang (malaya) datapuwa’t walang pananampalatayang babae kahit na nga siya ay nakakaganyak sa inyo. Huwag din ninyong ipangasawa ang inyong kababaihan sa Al-Mushrikun (walang pananampalatayang lalaki sa Allah, pagano, mapagsamba sa mga diyus-diyosan) hanggang sa sila ay manampalataya. Katotohanan, ang isang nananampalatayang lalaki ay higit na mainam kaysa sa isang (malaya), ngunit walang pananampalatayang lalaki, kahit na nga siya ay nakakaganyak sa inyo. Ang mga mapagsamba sa diyus-diyosan (Al-Mushrikun) ay nag-aanyaya sa inyo sa Apoy, datapuwa’t ang Allah ay nag-aanyaya (sa inyo) sa Paraiso at Pagpapatawad ayon sa Kanyang Kapasiyahan at ginawa Niyang maliwanag ang Kanyang Ayat (mga tanda, aral, kapahayagan, katibayan, atbp.) sa sangkatauhan upang sila ay tumanggap ng paala-ala.

 

222.       Sila ay nagtatanong sa iyo tungkol sa pagreregla ng mga babae. Ipagbadya: “Ito ay isang Adha (masamang bagay sa isang lalaki na makipag-ulayaw sa kanyang asawa), kaya’t manatiling malayo sa mga babae sa kanilang pagreregla at huwag ninyo silang lapitan (o makipagniig) hanggang sa sila ay hindi malinis (sa pagreregla at nakapaligo na). At kung napadalisay na nila ang kanilang sarili, kung gayon, sila ay inyong lapitan sa paraan na ipinag-utos ng Allah (makipag-ulayaw sa kanila sa anumang paraan hangga’t ito ay nasa loob ng kanilang kaluba). Katotohanang ang Allah ay tunay na nagmamahal sa mga nagbabalik loob sa Kanya sa pagsisisi at nagmamahal sa kanila na nagpapadalisay ng kanilang sarili (naliligo at naghuhugas na mabuti ng kanilang katawan at maseselang bahagi bilang paghahanda sa pagdarasal, atbp.).

 

223.       Ang inyong mga asawa ay isang taniman ng binhi kaya’t makipagniig sa inyong mayamang taniman sa anumang paraan na inyong naisin (makipagniig kayo sa inyong mga asawa hangga’t ito ay nasa loob ng kanilang kaluba at hindi sa likuran), kung kailan at paano ninyo ibig, datapuwa’t umusal ng mabuting gawa (manalangin na pagkalooban kayo ng mabuting mga supling) para sa inyong mga sarili; at inyong pangambahan ang Allah at inyong maalaman na Siya ay inyong makakatipan (sa Kabilang Buhay), at iyong ibigay (O Muhammad) sa mga sumasampalataya ang magandang balita.

 

224.       At huwag ninyong gamitin (ang Ngalan) ng Allah bilang dahilan sa inyong mga panunumpa (pamamanata), na makapigil sa inyong paggawa ng kabutihan, o makagawa ng kabanalan at magbigay ng kapayapaan sa sangkatauhan; sapagkat ang Allah ang Tanging Isa na Ganap na Nakakarinig at Lubos na Nakakaalam ng lahat ng bagay (alalaong baga, huwag manumpa nang labis at kung kayo ay nakapanumpa nang laban sa paggawa ng bagay na mabuti, kung gayon, magbigay ng kabayaran para sa sumpa at gumawa ng mabuti).

 

225.       Ang Allah ay hindi tatawag sa inyo upang magsulit sa mga panunumpa na hindi ninyo kusang ginawa datapuwa’t kayo ay Kanyang tatawagin upang magsulit sa mga naging layon ng inyong puso, at Siya ay Lagi nang Nagpapatawad, ang Pinakamapagpaumanhin.

 

226.       Ang mga nagsigawa ng panata na hindi makikipagtalik sa kanilang mga asawa ay nararapat na maghintay ng apat na buwan, ngunit kung sila ay magbalik (magbago ang kanilang pasya sa loob ng ganitong panahon), katotohanang ang Allah ay Lagi nang Nagpapatawad, ang Pinakamaawain.

 

227.       At kung sila ay magpasya sa pakikipaghiwalay (diborsyo), kung gayon, ang Allah ang Lubos na Nakakarinig at Ganap na Nakakabatid ng lahat ng bagay.

 

228.       Ang mga nahiwalay (nadiborsyong) babae ay maghihintay (tungkol sa kanilang pagsasama) ng tatlong buwanang dalaw (pagreregla); at hindi maka-Diyos (marapat) sa kanila na ilingid ang nilikha ng Allah sa kanilang sinapupunan kung sila ay sumasampalataya sa Allah at sa Huling Araw. At ang kanilang asawa (ang lalaki) ang may higit na karapatan na balikan (o kunin) sila sa panahong ito kung sila ay nagnanais ng pakikipagbalikan (pakikipagkasundo). At sila (ang kababaihan) ay mayroong karapatan (sa kanilang asawa na sila ay pangalagaan, katulad ng gastusin sa bahay, atbp.), gayundin naman (ang kalalakihan) sa kanilang (mga babae) pakikitungo (pagsunod at paggalang), sa paraang makatuwiran, datapuwa’t ang kalalakihan ay nakakahigit sa kanila (sa pananagutan), at ang Allah ang Pinakamataas sa Kapangyarihan, ang Lubos na Maalam.

 

229.       Ang paghihiwalay (diborsyo) ay pinahihintulutan lamang nang dalawang ulit; pagkaraan nito, ang dalawang panig ay dapat na magsamang (muli) sa makatuwirang kasunduan o maghiwalay sila nang matiwasay. Hindi maka-Diyos (o marapat) sa inyo (O kalalakihan) na bawiin ang anumang Mahr (handog o dote na ibinigay ng lalaki sa kanyang mapapangasawa sa panahon ng pag-aasawa o kasal) na inyong ibinigay sa kanila, maliban na lamang kung ang dalawang panig ay nangangamba na hindi nila masusunod ang takdang utos ng Allah (alalaong baga, hindi magiging makatuwiran sa isa’t isa). Kaya’t kung kayo ay nangangamba na hindi ninyo mapapanatili ang mga takdang utos ng Allah, hindi isang kasalanan sa bawat isa sa kanila kung kanyang ibalik (ang Mahr o dote o bahagi nito) para sa paghihiwalay (diborsyo) na Al-Khul (ang paghiwalay ng babae sa kanyang asawa sa pamamagitan ng isang tanging kabayaran). Ito ang mga katakdaan na itinalaga ng Allah, kaya’t huwag kayong sumuway dito. At sinumang sumuway sa katakdaang itinalaga ng Allah, kung gayon, sila ay Zalimun (mga tampalasan, mapaggawa ng kamalian, atbp.).

 

230.       At kung siya (ang babae) ay kanyang hiniwalayan (diniborsyo) sa pangatlong pagkakataon,  pagkaraan nito, siya (ang babae) ay hindi niya (uli) maaaring mapangasawa, maliban na lamang na siya ay mag-asawa sa ibang lalaki (at ang lalaking ito) ay hiniwalayan (diniborsyo) siya. Sa ganito, hindi isang kasalanan sa kanila kung sila ay muling magsama, kung inaakala nila na kanilang mapapanatili ang katakdaan na ipinag-uutos ng Allah. Ito ang mga katakdaan ng Allah na Kanyang ginawa na malinaw sa mga may kaalaman.

 

231.       At kung inyo nang nahiwalayan (nadiborsyo) ang kababaihan at (malapit) na nilang matupad ang kondisyon ng Iddat (natatakdaang araw ng paghihintay), sila ay maaari ninyong balikan (o kunin) sa makatuwirang paraan o hayaan silang maging malaya sa makatuwirang paraan. Datapuwa’t sila ay huwag ninyong kuning muli upang sila ay pasakitan, at sinumang gumawa nito ay nagbigay kamalian sa kanyang sarili. At huwag ninyong ituring ang mga Talata (Batas) ng Allah bilang isang katuwaan, datapuwa't alalahanin ninyo ang mga Pabuya ng Allah (alalaong baga, ang Islam) sa inyo, at ang Katotohanan na Kanyang ipinadala sa inyo sa Aklat (ang Qur’an) at Al-Hikmah (ang Karunungan, mga turo ni Propeta Muhammad at mga Batas, atbp.) tungo sa inyong patnubay. At inyong pangambahan ang Allah at inyong maalaman na ang Allah ang Ganap na Nakakatalos ng lahat ng bagay.

 

232.       At kung inyo nang nahiwalayan (nadiborsyo) ang kababaihan at kanila nang natupad ang mga kailangan ng natatakdaang araw, sila ay huwag ninyong hadlangan na mapangasawang  muli ang kanilang (una o dating) asawa, kung sila ay kapwa nagkasundo sa makatuwirang paraan. Ang ganitong (pag-uutos) ay isang pagpapaala-ala sa kanya sa lipon ninyo na sumasampalataya sa Allah at sa Huling Araw. Ito ay higit na kabanalan at kadalisayan sa inyo. Ang Allah ang nakakabatid at kayo ay walang kaalaman.

 

233.       Ang mga ina ay magpapasuso sa kanilang mga anak sa loob ng dalawang taon, (ito ay) para (sa mga magulang) na nagnanais na ganapin ang natatakdaang panahon ng pagpapasuso, datapuwa’t ang ama ng bata ang siyang mananagot sa halaga ng pagkain at kasuutan ng ina sa katamtamang paraan. Walang sinumang tao ang papatawan ng dalahin ng higit sa kanyang kakayahan. Walang sinumang ina ang pakikitunguhan nang hindi makatuwiran dahilan lamang sa kanyang anak, gayundin ang ama, dahilan lamang sa kanyang anak. At sa tagapagmana (ng ama) ay kapanagutan sa kanya (ang anak) ang katulad (ng kung ano ang kapanagutan ng ama). Kung sila ay kapwa nagpasya sa pag-awat (sa pagpapasuso) sa kanya, sa magkapanabay na pahintulot, ito ay hindi kasalanan sa kanilang dalawa. At kung kayo ay nagpasya na mayroong isa na mag-alaga at magpasuso (bilang) ina sa inyong mga anak, ito ay hindi kasalanan sa inyo, ngunit kailangan ninyong bayaran (ang nagpasusong ina) kung ano ang inyong pinagkasunduan (na ibigay sa kanya) sa makatuwirang paraan. At inyong pangambahan ang Allah at inyong maalaman na ang Allah ang Ganap na Nakakamasid ng inyong ginagawa.

 

234.       At sa inyo na pumanaw at nakaiwan ng asawa, sila (na mga babaeng balo) ay maghihintay (tungkol sa kanilang naging pagsasama) sa loob ng apat na buwan at sampung araw, at kung kanilang naganap na ang natatakdaang araw, hindi isang kasalanan sa inyo kung sila (balong babae) ay magpasya sa kanilang sarili sa makatuwiran at marangal na paraan (alalaong baga, ang makapag-asawang muli). At ang Allah ang Ganap na Nakakatalos ng inyong ginagawa.

 

235.       Hindi kasalanan sa inyo kung kayo ay magpahiwatig ng kasunduang magpakasal o ilingid ninyo ito sa inyong sarili. Ang Allah ang nakakabatid na ito ay inaasam-asam ninyo sa inyong puso; datapuwa’t huwag kayong mangako ng kasunduan sa kanila sa lingid, maliban na kayo ay mangusap sa kanila sa marangal na pagsasalita ayon sa Batas Islamiko. At huwag ninyong gawing ganap ang pag-aasawa hangga’t ang natatakdaang araw ay hindi pa natatapos. At inyong maalaman na nababatid ng Allah ang nasa inyong isipan, kaya’t pangambahan Siya. At inyong maalaman na ang Allah ay Lagi nang Nagpapatawad, ang Pinakamapagpaumanhin.

 

236.       Hindi isang kasalanan sa inyo kung inyong hiwalayan (diborsyuhin) ang kababaihan kahit na sila ay hindi pa ninyo nakakaulayaw o hindi pa naibibigay ang Mahr (dote o handog na ibinibigay ng lalaki sa babae sa panahon ng pag-aasawa). Datapuwa’t sila ay inyong gawaran (ng angkop na handog), ang mayaman ng ayon sa kanyang kakayahan, at ng mahirap ng ayon sa kanyang kakayahan; ang isang handog sa makatuwirang halaga ay nanggagaling sa kanya na nagnanais na gumawa ng mabuti.

 

237.       At kung sila (ang kababaihan) ay inyong hiniwalayan (dinoborsyo) bago pa sila ay inyong makaulayaw, datapuwa’t pagkaraan na ang Mahr (dote o handog) ay napagpasyahan na, kung gayon, ang kalahati ng Mahr (dote o handog) ay nalalaan sa kanila, maliban na lamang (kung ang kababaihan) ay pumayag na hayaan na lamang (sa lalaki) ito, o kung (ang lalaki) ay pumayag na hayaan na lamang (sa babae) ang lahat ng ito. At ang magparaya at magbigay (sa kanya ng buong Mahr [dote o handog]) ay higit na malapit sa kabanalan. At huwag ninyong kaligtaan ang pagiging mapagparaya sa inyong sarili. Katotohanang ang Allah ang Ganap na Nakakamasid ng inyong ginagawa.

 

238.       Inyong pangalagaan na mainam ang inyong pagdarasal, tangi na rito ang Panggitnang Panalangin (alalaong baga, ang Asr o panghapong pagdarasal). At kayo ay tumindig sa harapan ng Allah ng may pagtalima.

 

239.       At kung kayo ay nangangamba (sa isang kaaway), kung gayo’y manatiling nakatindig sa pagdarasal o habang nakasakay (halimbawa ay sa kabayo). At kung kayo ay nasa ligtas (ng pook), inyong ialay ang pagdarasal sa paraan na Kanyang itinuro sa inyo na hindi ninyo nababatid (noon).

 

240.       At sa inyo na pumanaw at nakaiwan ng mga asawa, ay nararapat na magbigay sa kanilang asawa ng isang taong panustos (ikabubuhay) at tirahan na walang pagtataboy sa kanila, datapuwa’t kung nais nila (mga asawang babae) na umalis, ito ay hindi kasalanan sa inyo sa anumang ginawa nila sa kanilang sarili, kung sa pamamaraan na ito ay kapita-pitagan (alalaong baga, muling nag-asawa). At ang Allah ang Pinakamataas sa Kapangyarihan, ang Lubos na Maalam. (Ang kautusan sa talatang ito ay sinusugan [o pinawalang bisa] sa pamamagitan ng talata sa Surah  4:12)

 

241.       At sa mga nahiwalayan (nadiborsyong) kababaihan, (sa kanila) ang panustos na kabuhayan (ay marapat na igawad) sa katamtamang (sukat). Ito ay isang katungkulan ng Al-Muttaqun (mga may pangangamba sa Allah, may kabanalan, atbp.).

 

242.       At sa ganito ay ginawa ng Allah na maliwanag ang Kanyang mga Batas sa inyo upang kayo ay magkaroon ng pang-unawa.

 

243.       Hindi mo ba inilingon (O Muhammad) ang iyong paningin sa mga lumisan sa kanilang tahanan bagama’t sila ay libo sa bilang, dahil sa kanilang pagkatakot sa kamatayan? Ang Allah ay nagwika sa kanila: “Mamatay.” At pagkatapos ay ibinalik Niya ang kanilang buhay. Sapagkat ang Allah ay Tigib ng Biyaya sa sangkatauhan datapuwa’t ang karamihan sa kanila ay walang damdamin ng pasasalamat.

 

244.       At kayo ay makipaglaban sa Kapakanan ng Allah at inyong maalaman na ang Allah ang Ganap na Nakakarinig at Lubos na Nakakabatid ng lahat ng bagay.

 

245.       Sino baga siya na magpapautang sa Allah ng isang magandang pautang upang Siya ay magparami nito nang masagana? Ang Allah ang nagpapaunti at nagpaparami (ng inyong ikabubuhay), at sa Kanya kayo ay magbabalik.

 

246.       Hindi baga ninyo nagugunita ang tungkol sa pangkat ng Angkan ng Israel pagkaraan (ng panahon) ni Moises? Nang kanilang sabihin sa propeta na mula sa kanilang lipon: “Magtalaga ka sa amin ng isang hari at kami ay makikipaglaban sa Kapakanan ng Allah.”  Siya (ang propeta) ay nagsabi: “Kayo ba ay iiwas sa pakikipaglaban kung ang pakikipaglaban ay itinagubilin sa inyo?” Sila ay nagsabi: “Bakit hindi tayo makikipaglaban sa Kapakanan ng Allah samantalang tayo ay itinaboy nila sa ating mga tahanan at mga kaanak?” Datapuwa’t nang sila ay pinag-utusan na makipaglaban, sila ay umurong maliban (lamang) sa ilan sa kanila. At ang Allah ang may Ganap na Kaalaman sa Zalimun (mga gumagawa ng kamalian, mapagsamba sa diyus-diyosan, atbp.).

 

247.       At ang kanilang Propeta (si Samuel) ay nagsabi sa kanila: “Katiyakang ang Allah ay nagtalaga kay Talut (Saul) bilang hari sa inyo.” Sila ay nagsabi: “Papaano siya magiging hari sa amin kung kami ay higit na marapat na magpatupad ng kapamahalaan kaysa sa kanya at siya ay hindi biniyayaan ng maraming kayamanan?” Siya ay nagsabi: “Ang Allah ang humirang sa kanya ng higit sa inyo at (Kanyang) biniyayaan siya ng higit na karunungan at katikasan. Ang Allah ang nagkakaloob ng kapamahalaan sa sinumang Kanyang maibigan. At ang Allah ang may Ganap na Kasapatan sa pangangailangan ng Kanyang mga nilikha, ang Puspos ng Karunungan.”

 

248.       At ang kanilang Propeta (si Samuel) ay nagsabi sa kanila: “Katotohanan, ang tanda ng Kanyang kaharian ay mayroong darating sa inyo na At-Tabut (kahon na kahoy), na naroroon ang Sakinah (kapayapaan, kapanatagan at kaligtasan) mula sa inyong Panginoon, at ang mga latak ng mga naiwan ni Moises at Aaron na dinala ng mga anghel. Katotohanang ito ay Tanda sa inyo kung kayo ay tunay na nananampalataya”.

 

249.       At nang si Talut (Saul) ay tumulak na kasama ang sandatahan, siya ay nagsabi: “Katotohanang ang Allah ay susubok sa inyo sa (pamamagitan ng) ilog; kung sinuman ang uminom ng kanyang tubig, siya ay hindi sasama sa sandatahan; sila lamang na tumikim nito ang sasama sa akin maliban sa kanya (na uminom nito) sa kulong ng kanyang palad.” Datapuwa’t sila ay uminom dito, lahat sila, maliban sa ilan. At nang kanilang matawid ang ilog, siya at ang mga matimtiman na kasama niya ay nagsabi: “Sa araw na ito ay wala tayong lakas laban kay Goliath at sa kanyang mga kabig.” Datapuwa’t sila na nakakabatid ng may katiyakan na kanilang makakatipan ang kanilang Panginoon ay nagsabi: “Gaano  kadalas na ang isang maliit na pangkat ay nagwawagi sa malaking pangkat sa kapahintulutan ng Allah? Ang Allah ay nasa panig ng mga matimtiman sa pagtitiyaga.”

 

250.       At nang sila ay pumalaot upang sagupain si Goliath at ang kanyang mga kabig, sila ay nanalangin: “Aming Panginoon! Ibuhos Ninyo sa amin ang pagtitiyaga at gawin Ninyong matatag ang aming mga hakbang. Kami ay gawin Ninyong matagumpay laban sa mga walang pananampalataya.”

 

251.       Sa kapahintulutan ng Allah ay kanilang nailigaw sila at napatay ni David si Goliath, at ang Allah ay naggawad sa kanya (David) ng kaharian (pagkaraan ng kamatayan ni Saul at Samuel) at karunungan, at nagturo sa kanya ng Kanyang ninanais. At kung hindi sinubukan ng Allah ang isang lipon ng mga tao sa pamamagitan ng iba, ang kalupaan ay katiyakang mapupuspos ng kabuktutan. Datapuwa’t ang Allah ay Puspos ng Biyaya sa lahat ng Kanyang mga nilalang.

 

252.       Ito ang mga Tanda (aral, kapahayagan, katibayan, atbp.) ng Allah, ito ay Aming dinalit sa iyo (O Muhammad) sa Katotohanan, at katiyakang ikaw ay isa sa mga Tagapagbalita (ng Allah).

 

Bahagi Bilang 2

 

253.       Silang mga Tagapagbalita! Sila na Aming biniyayaan ng mga pabuya, ang ilan ay higit sa iba (sa kapanagutan at tungkulin), sa ilan sa kanila, ang Allah ay nakipag-usap; ang ilan ay Kanyang itinaas sa antas (ng karangalan); at kay Hesus na anak ni Maria, Kami ay nagbigay ng maliwanag na Tanda at Katibayan at siya ay pinatatag Namin ng Banal na Espiritu (Ruh-ul-Qudus o Gabriel). At kung ninais lamang ng Allah, ang mga sumunod na lahi ay hindi makikipaglaban laban sa isa’t isa pagkaraang ang maliwanag na Kapahayagan ng Allah ay dumatal sa kanila, datapuwa’t sila ay nagkaiba-iba, ang ilan sa kanila ay sumampalataya at ang iba ay hindi sumampalataya. At kung ninais ng Allah, sila ay hindi sana makikipaglaban sa isa’t isa, datapuwa’t ang Allah ay gumagawa ng Kanyang maibigan.

 

254.       kayong nagsisisampalataya! Gumugol kayo sa mga bagay na ipinagkaloob Namin sa inyo bago sumapit ang Araw na rito ay walang pakiusapan at pakikipagkaibigan at pamamagitan. At ang nagtatakwil ng pananampalataya, sila ang Zalimun (mga tampalasan, buktot, buhong, pagano, atbp.).

 

255.       Allah! La ilaha illa Huwa (Wala ng iba pang diyos na karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Kanya), ang Lalaging Buhay, ang may Sariling Kasapatan, ang Tagapanustos at Nangangalaga ng lahat (ng mga nilalang). Ang antok ay hindi makakapanaig sa Kanya gayundin ang pagkaidlip. Siya ang nag-aangkin ng lahat ng bagay sa mga kalangitan at kalupaan. Sino kaya baga ang makakapamagitan sa Kanya malibang Kanyang pahintulutan? Talastas Niya kung ano ang nangyayari (sa Kanyang mga nilikha) sa mundong ito (noon, pagkaraan, ngayon, bukas, sa kanilang harapan at sa kanilang likuran), at ang kanilang kasasapitan sa Kabilang Buhay. At sila ay hindi makakapagtamo ng anumang karunungan maliban na Kanyang naisin. Ang Kanyang Kursi (Luklukan) ay humahangga sa mga kalangitan at kalupaan at Siya ay hindi napapagal sa pagbabantay at pagpapanatili sa kanila sapagkat Siya ang Kataas-taasan, ang Sukdol sa Kaluwalhatian. (Ayat-ul-Kursi).

 

256.       Walang pamimilit sa pananampalataya. Ang katotohanan ay bukod sa kamalian. Sinuman ang hindi manampalataya sa Taghut (mga diyus-diyosan, idolo, imahen, anupamang sinasamba maliban pa sa Allah tulad ng anghel, banal na tao, propeta, satanas, bato, libingan, Hesus na anak ni Maria, krus, atbp.) at manalig sa Allah ay nakasakmal ng tunay na mapagkakatiwalaang tangan na hindi masisira. At ang Allah ang Nakakarinig at Nakakabatid ng lahat ng bagay.

 

257.       Ang Allah ang Wali (Tagapangalaga o Tagapagbantay) ng mga mayroong pananalig; mula sa kailaliman ng kadiliman ay Kanyang ginabayan sila sa liwanag. At sa mga nagtatakwil sa pananampalataya, ang kanilang kapanalig ay Taghut (mga diyus-diyosan, mga likhang bagay na sinasamba, atbp.), sila ay kanilang kinuha mula sa liwanag tungo sa kadiliman. Sila ang mananahan sa Apoy, at sila ay mananatili rito magpakailanman.

 

258.       Hindi baga ninyo napag-iisipan siya na nakikipagtalo kay Abraham tungkol sa kanyang Panginoon (Allah), sapagkat ang Allah ay nagkaloob sa kanya ng kaharian? Nang si Abraham ay magsabi (sa kanya na nakikipagtalo): “Ang aking Panginoon (Allah) ay Siyang nagbibigay ng buhay at naggagawad ng kamatayan.” Siya (na nakikipagtalo) ay nagsabi: “Ako ay nagbibigay ng buhay at naggagawad ng kamatayan.” Si Abraham ay nagsabi: “Katotohanan! Ang Allah ang nagpapasikat ng araw mula sa silangan; ikaw baga ang nakakapangyari na mapasikat ito mula sa kanluran.” Kaya’t siya na walang pananalig ay tunay na talunan. At ang Allah ay hindi namamatnubay sa mga tao na Zalimun (mga tampalasan, mapaggawa ng kamalian, buktot, atbp.).

 

259.       O inyo bang itinuring (o naisip bilang paghahambing) siya, na napadako sa isang bayan na lubhang nasalanta. Siya ay nagsabi: “Oh! Papaano kayang maibabalik ito ng Allah sa pagkabuhay matapos na ito ay mamatay?” Kaya’t pinapangyari ng Allah na mamatay siya ng isang daang taon, at siya ay (muling) ibinangon. Siya (Allah) ay nagwika: “Gaano katagal na nanatili ka (na walang buhay)?” Siya (ang tao) ay nagsabi: “(Marahil) ako ay nanatiling (walang buhay) ng isang araw o bahagi ng isang araw.” Siya (Allah) ay nagwika: “Hindi, ikaw ay nanatili (na walang buhay) sa loob ng isang daang taon, (datapuwa’t) tingnan mo ang iyong pagkain at inumin, ito ay hindi kakikitaan ng pagbabago; at tingnan mo ang iyong asno (patay na kalansay na lamang)! At sa ganitong (paraan), ikaw ay ginawa Namin na isang Tanda sa mga tao. Pagmasdan mo ang mga buto (ng asno), kung paano Namin binuo ito at binalutan ng laman.” At nang ito ay maliwanag na nalantad sa kanya, siya ay nagsabi: “Batid ko na (ngayon) na ang Allah ay makakagawa ng lahat ng bagay.”

 

260.       Pagmasdan! Si Abraham ay nagsabi: “Aking Panginoon, ipamalas Ninyo sa akin kung paano Kayo nagbibigay ng buhay sa patay.” Siya (Allah) ay nagwika: “Hindi ka ba naniniwala?” Siya (Abraham) ay nagsabi: “Tunay, (ako ay nananalig), nguni’t upang maging malakas ang (aking) pananalig.” Siya (Allah) ay nagwika: “Ikaw ay kumuha ng apat na ibon, talian mo sila (at hatiin mo sa maraming piraso), at iyong ilagay ang bawat piraso sa bawat burol, at sila ay iyong tawagin, sila ay magmamadali na paparoon sa iyo”. At iyong maalaman na ang Allah ang Pinakamakapangyarihan, ang Lubos na Maalam.

 

261.       Ang nakakatulad nila na gumugugol ng kanilang kayamanan sa Kapakanan ng Allah ay katulad ng mga butil (ng mais); ito ay tumubo (at lumaki) ng pitong busal, at ang bawat busal ay may isang daang butil. Ang Allah ang nagkakaloob ng saganang dagdag sa sinumang Kanyang maibigan. At ang Allah ay may sapat na panustos sa lahat ng pangangailangan ng Kanyang mga nilikha, ang Ganap na Maalam.

 

262.       Ang mga gumugugol ng kanilang kayamanan sa Kapakanan ng Allah, at hindi nagsasabi na ang kanilang handog ay marapat na alalahanin (bigyan ng pagpapahalaga o tanawing isang utang na loob) bilang tanda ng kanilang pagiging mapagbigay o kung (magdudulot) ng kapinsalaan (alalaong baga, ipapamalita na sila ay nagbigay na maaaring ikapahiya ng tumanggap), ang kanilang ganti ay nasa kanilang Panginoon. Sa kanila ay walang pangangamba, at sila ay hindi mamimighati.

 

263.       Ang mabuting salita at ang pagtatakip sa mga kamalian ay higit na mainam sa kawanggawa na sinusundan ng kapinsalaan (alalaong baga, nagpapatanaw ng utang na  loob sa tumanggap). Ang Allah ay Masagana (hindi nangangailangan ng anuman) at Siya ang Pinakamapagpaumanhin.

 

264.       kayong nagsisisampalataya! Huwag ninyong bayaan na mawalang saysay ang inyong kawanggawa sa pamamagitan ng pagpapaala-ala sa inyong pagiging mapagbigay o nang (pagdudulot) ng kapinsalaan (alalaong baga, na dapat tumanaw ng utang na loob ang nakatanggap), na katulad niya na gumugugol ng kanyang kayamanan upang mamasdan lamang ng mga tao, at siya ay hindi nananampalataya sa Allah, gayundin sa Huling Araw. Ang kanyang kawangki ay katulad ng isang makinis na bato na rito ay may bahagyang alikabok; dito ay bumuhos ang malakas na ulan at naiwan ito na hubad. Sila ay walang magagawang anuman sa anumang kanilang kinita. At ang Allah ay hindi namamatnubay sa mga nagtatakwil sa pananampalataya.

 

265.       At ang nakakahalintulad ng mga gumugugol ng kanilang kayamanan na naghahangad na magbigay lugod sa Allah at upang patibayin ang kanilang kaluluwa ay tulad ng isang halamanan na malago at malusog; ang malakas na ulan ay bumuhos dito at ito ay nagbunga ng higit na  maraming ani, at kung ito man ay hindi tumanggap ng malakas na ulan, ang kaunting pagkabasa nito ay sapat na. Ang Allah ang Ganap na Nakakamasid sa anumang inyong ginagawa.

 

266.       Mayroon baga na isa man sa inyo ang maghahangad na magkaroon ng halamanan na may mga palmera (datiles) at bagingan (mga gumagapang na halaman), na may mga ilog na nagsisidaloy sa ilalim, at ang lahat ng uri ng mga bungangkahoy para sa kanya ay naririto; at nang siya ay sumapit na sa katandaan at ang kanyang mga anak ay mahina na (at hindi makapangalaga sa kanilang sarili), na ito ay madaanan ng isang ipu-ipo, at ito ay masilaban? Sa ganito ipinapakita ng Allah na maging maliwanag ang Kanyang Ayat (mga tanda, aral, kapahayagan, katibayan, atbp.) sa inyo upang kayo ay magkaroon ng pagdidili-dili.

 

267.       O kayong nagsisisampalataya! Magsipagbigay kayo ng mabubuting bagay na inyong kinita (nang malinis), at ng mga bungang halaman (at mga pag-aani) mula sa kalupaan na Aming pinatubo sa inyo, at huwag magnais ng anumang masama, na mula rito kayo ay magbibigay, ngunit maging kayo sa inyong sarili ay hindi tatanggap nito nang hindi nakapikit ang inyong mga mata. At inyong maalaman na ang Allah ay Masagana (hindi nangangailangan ng anuman), ang Karapat-dapat sa lahat ng mga papuri.

 

268.       Si Satanas ay nananakot sa inyo ng kahirapan at nag-uudyok sa inyo na gumawa ng kasalanan; datapuwa’t ang Allah ay nangangako sa inyo ng pagpapatawad mula sa Kanya at ng kasaganaan; at ang Allah ay may Sapat na Panustos sa pangangailangan ng Kanyang mga nilikha, ang may Ganap na Kaalaman.

 

269.       Siya ang nagkakaloob ng karunungan sa sinumang Kanyang maibigan; at siya na pinagkalooban (Niya) ng karunungan ay tunay namang nakatanggap ng kapakinabangan na nag-uumapaw; datapuwa’t walang sinuman ang tatanggap ng paala-ala maliban sa mga tao na may pang-unawa.

 

270.       At anuman ang inyong gugulin sa kawanggawa o anumang pangako ang inyong ginawa, katiyakang ang Allah ay nakakabatid nito. At sa Zalimun (mga tampalasan, mapaggawa ng kamalian, atbp.), sila ay walang makakatulong.

 

271.       Kung kayo ay magpamalas ng inyong kawanggawa, ito ay kasiya-siya, datapuwa’t kung ito ay inyong ilingid at ilimos ito sa mga mahihirap, ito ay higit na mainam sa inyo. Ang Allah ay magpapatawad ng ilan sa inyong mga kasalanan. At ang Allah ang Ganap na Nakakatalos ng anumang inyong ginagawa.

 

272.       Wala sa iyo (O Muhammad) ang kanilang patnubay, datapuwa’t ang Allah ang namamatnubay sa sinumang Kanyang mapusuan. At anumang mabuting bagay ang inyong ginugol, ang kapakinabangan ay sa inyong kaluluwa, na kayo ay hindi gumugugol maliban na kayo ay naghahanap ng Mukha ng Allah (alalaong baga, ang pakikipagtipan sa Kanya). Anumang mabuting bagay na inyong ibinigay ay muling ibabalik sa inyo, at kayo ay hindi gagawaran ng kawalang katarungan.

 

273.       (Ang kawanggawa) ay para sa mahihirap, sila na dahil sa Kapakanan ng Allah ay napipigilan (na maglakbay), at hindi makapaglibot sa kalupaan upang makahanap (ng kalakal at hanapbuhay). Ang isang hindi nakakakilala sa kanila ay nag-iisip na sila ay hindi nangangailangan dahilan sa kanilang kakimian. Sila ay mapagkikilala ninyo sa kanilang (hindi nagmamaliw) na tatak; sila ay hindi tandisang namamalimos sa lahat (o sa anumang paraan). At anumang mabuting bagay na inyong ipagkaloob, isang katiyakan na ang Allah ang Lubos na Nakakaalam.

 

274.       Ang mga gumugugol (sa kawanggawa) ng kanilang kayamanan sa gabi at araw, lingid man o hayag ay mayroong pabuya mula sa kanilang Panginoon. Sa kanila ay walang pangangamba, gayundin sila ay hindi malulumbay.

 

275.       Ang mga nagpapasasa sa Riba (pagpapatubo sa salapi o interes), ay hindi titindig (sa Araw ng Muling Pagkabuhay) maliban sa pagtindig ng isang tao na hinataw ni Satanas, na nagdulot sa kanya ng pagkabaliw. Ito’y sa dahilang sila ay nagsasabi: “Ang pangangalakal ay tulad din ng Riba (pagpapatong ng tubo sa salapi o interes)”, datapuwa’t ang Allah ay nagpahintulot ng pangangalakal at nagbawal ng Riba (pagpapatubo sa salapi o interes). Kaya’t sinuman ang tumanggap ng paala-ala mula sa kanyang Panginoon at tumigil sa pagpapasasa sa Riba (patubo) ay hindi parurusahan sa anumang nakaraan (dahil sa kawalan ng kaalaman); ang kanyang usapin ay na sa Allah (upang hatulan); datapuwa’t kung sinuman ang magbalik (sa hanapbuhay) na may Riba (muling magpatubo o kumita ng tubo sa salapi), sila ang magsisipanahan sa Apoy, mananatili sila rito magpakailanman.

 

276.       Ang Allah ay hindi magkakaloob ng anumang biyaya sa Riba (pagpapatubo ng salapi), datapuwa’t magbibigay (Siya) ng higit pang (biyaya) sa mga gawa ng pagkakawanggawa sapagkat Siya ay hindi nagmamahal sa mga walang damdamin ng utang na loob ng pasasalamat at makasalanan.

 

277.       Ang mga sumasampalataya at gumagawa ng kabutihan, at nagsasagawa ng palagiang pagdarasal nang mahinusay (Iqamat-us-Salah) at nagkakaloob ng Zakah (katungkulang kawanggawa), ay mayroong biyaya mula sa kanilang Panginoon; sa kanila ay walang pangangamba, gayundin sila ay walang kalumbayan.

 

278.       O kayong nagsisisampalataya! Pangambahan ninyo ang Allah, at inyong ipagparaya (huwag nang ipabayad) ang anumang natira sa tubo ng inyong pautang (magmula ngayon), kung kayo ay tunay na sumasampalataya.

 

279.       At kung ito ay hindi ninyo gawin, inyong maalaman ang (mabubuong) digmaan mula sa Allah at ng Kanyang Tagapagbalita (alalaong baga, ang isang nagpapatubo ng salapi ay nakikipaglaban sa Allah at sa Kanyang Tagapagbalitang si Muhammad), datapuwa’t kung kayo ay magsisi, sasainyo ang halaga na inyong ipinautang. Huwag kayong makitungo ng walang katarungan at kayo rin naman ay hindi pakikitunguhan ng kawalang katarungan.

 

280.       At kung ang nagkakautang ay nasa kahirapan (o gipit), inyong gawaran siya ng palugit hanggang sa maging madali sa kanya ang pagbabayad. Datapuwa’t kung ipatawad ninyo ito at ibigay sa kanya bilang kawanggawa, ito ay higit na mainam sa inyo kung inyo lamang nalalaman.

 

281.       At pangambahan ninyo ang Araw na kayo ay ibabalik sa Allah. Sa gayon, ang bawat kaluluwa ay babayaran ng ayon sa kanyang kinita at sinuman ay hindi pakikitunguhan ng kawalang katarungan.

 

282.       O kayong nagsisisampalataya! Kung kayo ay nakikipagkasundo sa bawat isa sa mga pakikipagkalakalan na tumutukoy sa panghinaharap na obligasyon sa isang natataningang panahon, ilagay ninyo ito sa kasulatan. Hayaan ang isang tagasulat ay matapat na magtala sa pinagkasunduan ng dalawang panig; huwag hayaan na ang tagasulat ay tumanggi na magsulat sa paraan na ipinag-utos ng Allah sa kanya, kaya’t hayaan siya na magsulat. Hayaan siya na may pagkakautang ang magdikta at dapat niyang pangambahan ang Allah na kanyang Panginoon at huwag niyang bawasan ang anumang kanyang nautang. Kung ang panig na may pananagutan ay makitid ang isip, o mahina, o hindi niya kaya ang magdikta, hayaan ang kanyang tagapangalaga ang matapat na magdikta. At kayo ay kumuha ng dalawang saksi mula sa inyong kalalakihan. At kung wala ng dalawang lalaki, kung gayon ay isang lalaki at dalawang babae na inyong mapili bilang mga saksi, upang kung ang isa sa kanila (babae) ay malitang, ang isa ay makapagpapaala-ala sa kanya. Ang mga saksi ay hindi marapat na tumanggi kung sila ay tawagin (upang magbigay ng patibay). Huwag hayaan na maging tamad na isulat (ang inyong kasunduan), kahima’t ito ay maliit o malaki; ito ay higit na makatarungan sa Paningin ng Allah, at higit na akmang katibayan, at isang ginhawa upang mapigilan ang alinlangan sa pagitan nila, maliban na lamang kung ito ay isang pakikipagkalakalan na ngayo’t ngayon din (alalaong baga ay hora-horada,  narito ang kalakal ko, tinanggap ko ang bayad mo), na pinagkasunduan sa pagitan ninyo, kung gayon, ito ay hindi isang kasalanan sa inyo kung ito ay hindi ninyo naisulat. Datapuwa’t  kayo ay laging kumuha ng mga saksi sa anumang oras na kayo ay gumawa ng kasunduan sa pakikipagkalakalan. At huwag hayaan ang sinuman sa sumusulat at sumasaksi na ito ay magdulot sa kanya ng kapinsalaan (alalaong baga, bigyan sila ng hindi marapat na kapanagutan o panagutin sila kung anuman ang mangyari). Kung kayo ay gumawa (ng gayong kapinsalaan), ito ay isang kabuktutan mula sa inyo. Kaya’t magkaroon ng pagkatakot sa Allah sapagkat ang Allah ang nagtuturo sa inyo. At ang Allah ang Ganap na Nakakatalos ng lahat ng bagay.

 

283.       At kung kayo ay naglalakbay at hindi makatagpo ng tagasulat, kung gayon, hayaan na ang isang sanla ay kunin. At kung ang isa sa inyo ay magsanla ng isang bagay bilang pagtitiwala sa bawat isa, hayaan siya na pinagkatiwalaan, ang mangasiwa ng ipinagkatiwala (ng may katapatan), at hayaan siya na may pangangamba sa Allah, ang kanyang Panginoon. Huwag maglingid ng katibayan sapagkat kung sinuman ang maglingid nito, ang kanyang puso ay nabahiran ng kasalanan. At ang Allah ang Ganap na Nakakaalam ng lahat ninyong ginagawa.

 

284.       Ang Allah ang nag-aangkin ng lahat ng nasa kalangitan at kalupaan. Kahima’t inyong ilantad ang nasa inyong isipan o ikubli ito, ang Allah ay tatawag sa inyo upang magsulit. Siya ang nagpapatawad sa sinumang Kanyang maibigan at nagpaparusa sa sinumang Kanyang maibigan. Sapagkat ang Allah ay may kapangyarihan sa lahat ng bagay.

 

285.       Ang Tagapagbalita (Muhammad) ay nananampalataya sa anumang ipinahayag sa kanya mula sa kanyang Panginoon, gayundin naman ang mga sumasampalataya. Ang bawat isa ay sumasampalataya sa Allah, sa Kanyang mga anghel, sa Kanyang mga Kasulatan, at sa Kanyang mga Tagapagbalita. Sila ay nagsasabi, “Kami ay hindi nagtuturing sa sinuman sa Kanyang mga Tagapagbalita ng pagtatangi-tangi”, at sila ay nagsasabi, “Kami ay nakikinig at kami ay tumatalima, (sinusumpungan namin) ang Inyong Pagpapatawad, aming Panginoon, at sa Inyo ang pagbabalik (ng lahat).

 

286.       Walang sinumang kaluluwa ang binigyan ng Allah ng pasanin na hindi niya kayang dalhin. Ito ay magtatamasa ng bawat kabutihan na kanyang kinita at magdurusa rin naman sa bawat masama na kanyang kinita. (Magsipanalangin): “Aming Panginoon! Kami ay huwag Ninyong parusahan kung kami ay makalimot o masadlak sa kamalian, aming Panginoon! Huwag Ninyong ipapasan sa amin ang pabigat na Inyong iniatang sa mga nangauna sa amin (mga Hudyo at Kristiyano); aming Panginoon! Huwag Ninyong iatang sa amin ang pabigat na higit sa aming makakaya. Inyong patawarin kami at pagkalooban kami ng pagpapatawad. Kami ay Inyong kahabagan. Kayo po ang aming Maula (Tagapangalaga, Tagapagbantay, Tagapagtaguyod); kami ay gawaran Ninyo ng tagumpay laban sa mga tao na walang pananampalataya.

1
2107
تعليقات (0)