Ang Mga Ipinahihintulot at ang Mga Ipinagbabawal Sa Islam

PLPHP

 

 

 

Sa Ngalan ng Allah, ang Mapagpala, ang Mahabagin

 

 

Ang Mga Ipinahihintulot at ang Mga Ipinagbabawal Sa Islam

[PLPHP]

 

 

Ang kabatiran sa Halal at Haram ay hindi na lingid sa kaalaman ng tao, noon pa mang sinaunang panahon.

 

Ganyunpaman ang tao ay nagkaroon ng iba’t-ibang pakahulugan tungkol sa lawak, uri at dahilan ng pagbabawal. Karamihan dito ay bunga ng sinaunang paniniwala, pamahiin at kathang-isip.

 

Sa ganitong kalagayan ay dumating ang banal na kapayahagang pananampalataya, taglay ang batas at pag-uutos na may kinalaman sa Halal at Haram, upang maitaas ang antas ng sangkatauhan mula sa mga maling paniniwalang kinagisngan tungo sa kagalang-galang na kalalagayan na angkop sa pananatili ng tao.

 

Ganoon pa man, sa mga naunang kapahayagan (bago ang Islam) ay may mga umiiral na pagbabawal at mga kapahintulutan na pansamantalang isinabatas ayon sa kalalagayan at kapaligiran ng tao.

 

Halimbawa: Ipinagbawal ng AllahU ang ilang mabubuting bagay sa mga Israilitas bilang kaparusahan sa kanilang pagiging suwail. Pagkatapos noon ay sinabi nang Propeta Hesus (as) sa mga tao na:

 

“Ako ay ipinadala upang magpatotoo sa kapahayagang nauna sa akin (Taurat) at gawing makatarungan sa inyo ang ilang bagay na ipinagbawal sa inyo.” [Surah Al Imran 3:50]

 

At nang marating na ng sangkatauhan ang antas ng kaganapan ng talino, at handa ng tumanggap ng huling kapahayagan mula sa AllahU – dumating ang Islam na taglay ang kabuuan, kalawakan at walang hanggang batas (Shari’ah) para sa buong sangkatauhan. At alinsunod sa bagay na ito, matapos maipahayag ng AllahU ang pagbabawal sa mga pagkaing di-kanais-nais – sinabi ng AllahU:

 

“Sa araw na ito ay aking ginawang ganap ang inyong relihiyon, at nilubos ang tulong sa inyo, at pinili ang Islam na inyong maging relihiyon.” [Surah Al Maidah 5:3]

 

Ang pananaw ng Islam sa Halal at Haram ay napaka-simple at maliwanag. Ito ay bahagi ng dakilang pagtitiwala na inialay ng AllahU sa tao. Isang pagtitiwala na kailangang isagawa ng tao upang maisakatuparan ang tungkulin na iniutos sa kanya ng AllahU bilang katiwala sa lupa at kasabay na pagtanggap sa pananagutan na may kinalaman doon.

 

Sa mga pananagutang ito ibabatay ng AllahU ang paghatol sa maaaring maging gantimpala o kaparusahan ng tao.

 

At dahilan sa pagtitiwalang ito, binigyan ng AllahU ang tao ng katalinuhan, kakayahan at kalayaang makapamili, at ipinadala pa rin ang Kanyang mga sugo at ipinahayag ang Kanyang mga aklat upang ganap na maging maliwanag sa tao ang lahat.

 

Wala sa tao ang magtanong “Kung bakit may Halal at Haram”, “Bakit hindi ako iniwan na malayang magawa ang gusto ko” – sa dahilang sa kalayaan niyang makapamili at gawain, ganap siyang masusubukan.

 

Sa iba pa ring pananaw – ang Halal at Haram ay bahagi ng kabuuang legal na pamamaraan sa Batas ng Islam (Shari’ah). Isang kaparaanan na ang pangunahing layunin ay ang kabutihan ng sangkatauhan. Ang Batas ng Islam (Shari’ah) ay inaalis sa mga tao ang mga makapipinsala at mahihirap na kaugalian (customs) at mga pamahiin, sa layunin mapadali at mapagaan ang pang araw-araw na gawain at pamumuhay. Ganoon din ang ikabubuti ng bawat isa sa komunidad at ng sangkatauhan sa kabuuan.

 

Ang Islam ay dumating bilang awa mula sa AllahU, na sakop ang lahat ng Kanyang alipin at tungkol sa Kanyang Sugor; sinabi ng AllahU:

 

“Ikaw ay hindi Namin ipinadala maliban sa maging biyaya sa mga daigdig.” [Surah Al Anbiya’ [21:107]

 

At sa isang Hadith na iniulat ni Al-Karim, mula sa kapahintulutan ni Abu Hurairah (ra) sinabi ng Propeta Muhammadr:

 

“Ako ay biyayang handog.”

 

Ang Islamikong panuntunan hinggil sa Halal at Haram ay napapaloob sa mga sumusunod na dalawang (2) Ayat:

 

Ipahayag! Sino ang napagbawalan sa palamuti at mabubuting bagay na ginawa at inilaan ng Allah (SWT) para sa Kanyang mga alipin, ipahayag: sila ay yaong mga naniwala sa panahon na nasa mundong ito, at sa araw nang Pagkabuhay na Mag-uli, ay tanging ilalaan lamang sa kanila, at hindi makakahati ang mga hindi nananampalataya. Kaya nga, aming ipinaliwanag nang buong linaw ang aming mga tanda doon sa mga nakakaalam. [Surah Al A’raf 7:32]

 

Ipahayag: ang mga bagay na ipinagbawal ng aking Panginoon ay totoong kasuklam-suklam, maging lantad man o kubli – hindi makatuwirang pang-aapi, pagbibigay tambal kay Allah na wala Siyang ibinigay na kapahintulutan, at magsabi ng mga bagay tungkol kay Allah na wala silang kaalam-alam. [Surah Al A’raf 7:33]

 

Ang Halal at Haram sa Batas ng Islam (Shari’ah) ay hindi napakadaling bagay. Wala sa tao o maging sa Propeta (na sa pansariling pagpapasiya) ang magpahayag kung ano ang Halal at Haram.

 

Sinuman ay walang karapatan na magpahayag ng kahit anong pagkain, kasuotan o kalakal na bagay na Halal o Haram.

 

Isa sa mga kapansin-pansin sa katangian ng Islam ay ang tiyakin na ang mga tao ay pantay sa harap ng kautusan sa Halal at Haram.

 

Ang hindi makatarungan para sa isang “Kalipa” ay hindi rin makatarungan para sa mga karaniwang tao, at ang hindi makatarungan para sa isang “Imam” ay hindi rin makatarungan para sa kaniyang mga tagasunod.

 

Walang dalawang pamantayan (double standard) sa Batas sa Islam (Shari’ah). Kung ano ang Haram sa isa, ay mananatiling Haram din sa iba; at kung ano ang Halal sa isa, ay mananatiling Halal din sa iba.

 

Ang tanging pamantayan sa pagtatakda ng Halal at Haram ay ang naipahayag na mga kautusan sa Qur’an – dahil tanging ang AllahU lamang ang nakakaalam ng makabubuti at makakasama sa tao.

 

 

Halal at Haram

 

Kahulugan Ng Katawagan:

 

Al Haram:      Mga bagay na ipinahintulot, at walang paghihigpit na umiiral.

 

Al Halal:    Mga bagay na ganap na ipinagbawal, at sinuman ang magkamaling magsagawa ay matatamo ang kaparusahan ng AllahU sa kabilang buhay, gayundin ang legal na kaparusahan sa lupa.

 

Al Makruh: Mga bagay na hindi ganap na tinutulan ng AllahU at mas mababa ang antas kaysa sa Haram. Ang kaparusahan sa pagsasagawa ng mga bagay na Makruh ay mas mababa kaysa sa kaparusahan sa mga Haram na bagay na nagawa – maliban, kung paulit-ulit na naisasagawa, daan o bagay upang mapatungo sa pagiging Haram.

 

 

Mga Islamikong panuntunan hinggil sa Halal at Haram:

 

1.      Ang hindi mapag-aalinlangang pinagmulan o pinagkunan (Qur’an o Sunnah ng Propeta Muhammadr) ay batayan sa pagpapahintulot sa mga bagay.

 

2.      Ang pagpapahintulot at pagbabawal ay tanging karapatan lamang ng AllahU.

 

3.      Ang pagbabawal sa Halal at pagapapahintulot sa Haram, ay katulad ng pagsasagawa ng Shirk.

 

4.      Ang pagbabawal sa mga bagay ay dahilan sa karumihan at kapinsalaan.

 

5.      Ang Halal ay sapat na; at ang Haram ay kalabisan.

 

6.      Anumang bagay na magbibigay daan sa Haram ay Haram na maituturing.

 

7.      Maling pagsasalarawan sa Haram upang mapalabas na Halal ay ipinagbabawal.

 

8.      Ang mabuting layunin ay hindi dahilan upang matanggap ang Haram.

 

9.      Ang mga bagay na nakapagdududa ay dapat iwasan.

 

10.  Ang Haram ay ipinagbabwal sa kanino pa man.

 

11.  Ang mahigpit na pangangailangan ay nagbibigay pahintulot sa pagsasagawa ng Haram.

 

 

Pagpapaliwanag sa mga Islamikong Panuntunan

 

 

I.  Ang hindi mapag-aalinlangan pinagmulan o pinagkunan (Qur’an at Sunnah), ay ang batayan ng pagpapahintulot at pagbabawal sa mga bagay.

 

Ang unang panuntunang itinatag ng Islam ay yaong mga bagay na nilikha ng AllahU at ang kapakinabangan na matatamo sa mga iyon ay para sa ikabubuti ng tao – ito ay ipinahihintulot.

 

Walang bagay na Haram, maliban sa naipagbawal ng matibay at malinaw na NAS, mula AllahU.

 

Ang kahulugan na NAS ay alin man sa Ayah sa Qur’an o malinaw at matibay na Sunnah ng Propeta Muhammadr.

 

Kung ang NAS ay hindi matibay tulad halimbawa sa kaso ng “Weak Hadith”, o kaya ay hindi malinaw ang pagkakahayag sa pagbabawal – ang orihinal na panuntunan sa pagpapahintulot ay iiral.

 

Ang panuntunan sa likas na pagsasagawa at kapahintulutan sa mga bagay ay ibinatay ng mga pantas na Muslim mula sa malinaw na Ayat sa Qur’an. Halimbawa sabi ng AllahU:

 

“Tanging Siya ang lumikha ng lahat ng nasa lupa para sa inyo.” [Surah Al Baqarah 2:229]

 

“Kanyang ipina-ilalim sa inyo ang lahat ng mga kalangitan at ang lahat ng nasa kalupaan.” [Surah Al Jathiyah 45:13]

 

“Hindi ba ninyo namamasdan na ipina-ilalim sa inyo ng Allah anuman na nasa Kalangitan, ganoon din ang nasa kalupaan, at Kanyang ginanap at nilubos ang Kanyang biyaya sa inyo – malinaw man o hindi.

 

Sa Islam ang kalipunan ng mga bagay na ipinagbabawal ay napakaliit, samantalang ang mga bagay na ipinahihintulotan ay napakalawak.

 

Iilan lamang ang bilang ng matibay at malinaw na paksa na may kinalaman sa pagbabawal. At anuman ang hindi naihayag sa NAS bilang Halal o Haram ay sumasa-ilalim sa mga bagay, at napapaloob sa saklaw na tulong at habag ng AllahU.

 

At tungkol sa bagay na ito, sinabi ng Propeta Muhammadr:

 

“Ang bagay na ipinahintulot ng Allah sa Kanyang aklat ay Halal, at ang bagay na Kanyang ipinagbawal ay Haram. At doon sa mga bagay na wala Siyang nabanggit ay ipinahihintulot bilang kanyang tulong. Inyong tanggapin ang Kanyang tulong, dahil ang Allah ay walang bagay na nakakalimutan.” [Iniulat ni Al Hakim at inuring Sahih]

 

 

 II.     Ang pagpapahintulot at pagbabawal ay tanging karapatan lamang ng AllahU.

 

Ang ikalawang panuntunan ay nauukol lamang sa kapangyarihan sa pagsasabatas ng Halal at Haram. Alisin iyon sa kamay ng tao, gaano man sila katapat, at ilaan lamang iyon sa tanging Panginoon ng tao.

 

Walang rabbi, pari, hari o sultan na maaaring magbawal sa mga bagay na permanente sa mga alipin ng AllahU.

 

Kung may tao na gagawa nito, katiyakan na siya ay lumabis sa kanyang hangganan – kanyang inangkin ang kapangyarihan ng AllahU na siyang tanging may karapatan magsa-batas para sa mga tao.

 

Sa mga sumang-ayon sa ganitong paglabag at kasabay na isinagawa ang mga isinabatas ng mga mapang-agaw, kanilang itinaas ang antas ng mga ito bilang kasama o katulong ng AllahU. Sabi ng AllahU:

 

May iniugnay ba silang katulong ng Allah na nagpayo sa kanila hinggil sa relihiyon ng mga bagay na walang ibinigay na kapahintulutan ang Allah. [Surah Ash Shura 42:21]

 

Binigyang sala ng Qur’an ang mga angkan ng kasulatan (Hudyo at Kristiyano) ng kanilang ilagay sa kamay ng kanilang mga rabbi at pari ang kapangyarihan na magpahayag ng Halal at Haram. Sabi ng AllahU:

 

“Kanilang tinanggap ang mga rabbi at pari bilang kanilang panginoon bukod sa Allah, sa pagsunod nila sa mga na ipinahihintulot at ipinagbabawal na isinagawa ng mga ito (rabbi at pari) ayon sa sarili nilang pagnanasa, at kanila pa ring itinuring ang Mesiyah (anak ni Maria) bilang kanilang panginoon gayong sila’y napagtagubilinan (sa Taurat at Injeel) na huwag sumamba kaninuman maliban sa Tangi at Nag-iisang (Ilah).” [Surah At Taubah 9:31]

 

Mula sa malilinaw na Ayat sa Qur’an at matibay na Hadith ng Propetar, buong linaw na naunawaan ng mga mambabatas sa Islam na tanging ang AllahU lamang ang may karapatan na magpahayag nang Halal at Haram, alinman sa dalawa, mula sa kanyang aklat o mula sa labi ng Propetar.

 

Hindi nila gawain ang magpahayag kung ano ang pinahihintulotan o ipinagbabawal sa mga tao. Kaya naman, sa kabila ng kanilang katalinuhan at kakayanan sa Ijtihad, sila ay umiiwas sa pagbibigay hatol na may kinalaman sa Halal o Haram. At kung magkakaroon ng problema sa bagay na ito, ay ipinapasa sa iba sa takot na maipasyang Halal ang isang bagay gayong ito pala ay Haram, o kaya ay maipasyang Haram ang isang bagay, gayong ito pala ay Halal.

 

 

III.        Ang pagbabawal sa Halal at pagpapahintulot sa Haram ay katulad ng pagsasagawa ng Shirk.

 

Samantalang binalaan ng Islam ang mga tao sa pansarili nilang kapahintulutan ay nagpahayag ng Halal at Haram – ay higit itong mahigpit doon sa mga nagpahayag ng pagbabawal. Sapagka’t ang pagpapataw ng pagbabawal ay nagbubunga ng pahirap sa mga tao, walang katarungang pinakikipot ang mga bagay na ginawang malawak ng AllahU sa Kanyang mga nilalang:

 

Sa isang Hadith na inuulat ni Ahmad, sinabi ng Propetar:

 

“Ako ay ipinadala na taglay kung ano ang matuwid at madali.”

 

Ang pagbabawal sa mga bagay na Halal ay katulad ng pagsasagawa ng Shirk, at ito ang dahilan kung bakit binigyang sala ng Qur’an ang nga politista sa Arabia dahilan sa pagbabawal sa kani-kanilang mga sarili ng pagkain at paggamit sa ilang uri ng pananim at hayop na walang kapahintulutan ang AllahU.

 

Ilan sa mga hayop na kanilang ipinagbawal noong panahon ng Jahiliyah ay ang Bahirah, Saibah, Wasilah at Ham.

 

Ang Bahirah ay babaeng kamelyo (na laslas ang tainga) na nag-anak ng limang (5) guya, at ang huling lumabas ay lalake. Ito ay kanilang pinakakawalan upang malayang makagala. Hindi ito maaaring sakyan, gatasan o katayin, at malayang makakain, makainom saan mang lugar niya gustuhin.

 

Ang Saibah ay tumutukoy sa lalake o babaeng kamelyo na pinakawalan upang malayang makagala, dahilan sa naipangako matapos na makabalik ng payapa mula sa paglalakbay o gumaling sa karamdaman.

 

Ang Wasilah – kung ang unang anak ng babaeng kambing ay lalake, ito ay isasakripisyo ng mga politista sa mga diyus-diyosan na kanilang sinasamba. Samantalang kung babae, ito ay kanilang ilalaan para sa kanila, at kung sakali namang kambal – isang babae at isang lalake, kanilang sasabihin na; “Siya ay kapatid ng babaeng kambing.” at sa halip na isakripisyo ang lalaking kambing, ito ay kanilang pakakawalan upang malayang makagala, at siya ay kikilalaning si “Wasilah”.

 

Ang Ham – kung ang anak ng lalaking kamelyo ng ikalawang henerasyon ay may kakayahang dalhin ang taong sakay nito, kanilang pakakawalan ang mas nakatatandang kamelyo, at kanilang sasabihin na; “Iniligtas niya ang kanyang linkod, at siya ay tatawaging ‘Ham’.”

 

Ang ganitong pagbabawal ay tinutulan ng Qur’an at walang iniwang kapatawaran sa mga nagsagawa noon upang sundan ang mga pagkakamali ng kanilang mga ninuno. Sabi ng AllahU:

 

“Walang hinirang na ano pa man ang Allah tulad ng Bahirah, Saibah, Wasilah o Ham. Subalit sa mga hindi nananampalataya, sila ay nag-imbento ng kasinungalingan laban kay Allah. At nang masabi sa kanila na; ‘Halikayo sa bagay naipahayag ng Allah.’ at sa Sugo ay kanilang sinabi na; ‘Ang bagay na nakita naming ginagawa ng aming mga ama ay sapat na sa amin.’ Ano! Kahit na ang inyong ama ay walang kaalam-alam, at hindi nagabayan ng wasto.” [Surah Al Maidah 5:103-104]

 

Sa Madinah ay may ilang Muslim na nagpakita ng pagkahilig sa Asetismo, ipagkait sa kanilang sarili ang ilang kalugod-lugod na bagay na ipinahihintulot. Upang sila ay mapanatiling nakapaloob sa hangganang itinakda ng AllahU at maibalik sa tuwid na landas sa Islam, ipinahayag ng buong kadiinan ng AllahU ang mga sumusunod na Ayat:

 

“O kayong mga nananampalataya, huwag ninyong gawing Haram ang mga bagay na ginawang Halal sa inyo ng Allah, at huwag kayong pakalalabis. Katotohanan! Ayaw ng Allah sa mga makasalanan. Inyong kainin ang mga pagkaing hindi bawal at nakabubuti na inilaan sa inyo ng Allah, at inyo siyang katakutan – Siya na inyong pinaniniwalaan.” [Surah Al Maidah 5:87-88]

 

 

IV.         Ang pagbabawal sa mga bagay ay dahilan sa karumihan at kapinsalaan:

 

Karapatan ng AllahU, Siya na lumikha sa tao at nagkaloob ng hindi mabilang na biyaya ang mailagay sa kawastuhan ang lahat. Magbawal at magbigay ng tungkulin at pananagutan sa tao kung sa nakikita niya ay dapat.

 

Bilang Kanyang nilikha, walang karapatan na magtanong o sumuway sa kanya. Ganoon pa man, dahilan sa pagiging mahabagin ng AllahU sa Kanyang mga alipin – makatarungan ang lahat nang Kanyang pag-uutos. Ginawa Niya ang mga bagay na Halal at Haram ng may kadahilanan. Wala Siyang ipinahintulot na ano pa man, maliban sa mga bagay na malinis, at wala Siyang ipinagbawal na ano pa man, maliban sa mga bagay na marurumi.

 

Totoo, na may ilang mabubuting bagay na ipinagbawal ang AllahU sa mga Hudyo – subalit ito ay bilang kaparusahan sa kanilang pagiging mapaghimagsik, at pagmamalabis sa hangganan na itinalaga ng AllahU. Sinabi ng AllahU:

 

“Dahilan sa pagiging hindi makatarungan ng mga Hudyo, aming ipinagbawal sa kanila ang ilang mabubuting bagay na ipinahintulot sa kanila.” [Surah An Nisa 4:160]

 

Alam natin na sa Islam, ipinagbabawal lamang kung ang mga ito ay marurumi o makapipinsala. Anumang bagay na ganap na nakapipinsala ay Haram, at ang mga bagay na kapaki-pakinabang ay Halal. Kung nakahihigit ang pinsala sa pakinabang, ito ay Haram, at kung nakahihigit ang pakinabang sa pinsala, ito ay Halal.

 

Ang panuntunang ito ay naipaliwanag sa Qur’an na may kaugnayan sa alak at pagsusugal. Sabi ng AllahU:

 

“Tinatanong ka nila tungkol sa alak at pagsusugal. Ipahayag: O Propeta, sa mga ito aya may malaking kapinsalaan at ilang kapakinabangan, subalit ang kapinsalaan ay mas malaki kaysa kapakinabangan.” [Surah Al Baqarah 2:219]

 

Sa magkatulad na pangangatuwiran, kung maitatanong kung ano ang Halal sa Islam, ang sagot ay ang mabubuting bagay. Ang mabubuting bagay ay iyong tinatanggap ng pangkaraniwang tao na nakabubuti sa katawn, at sinang-ayunan ng mga tao sa pangkalahatan na walang kaugnayan sa kinaugalian ng isang partikular na grupo. Sabi ng AllahU:

 

“Tinatanong ka nila (O Propeta) kung ano ang hindi bawal sa kanila. Ipahayag! Anuman na mabuti ay ipinahihintulot sa inyo.” [Surah Al Maidah 5:4]

 

“Sa araw na ito, anumang mabubuti ay ipinahihintulot sa inyo.” [Surah Al Maidah 5:5]

 

Ang Muslim ay hindi inuutusang alamin nang tuwiran kung ano ang hindi malinis at nakapipinsala sa mga ipinagbabawal ng AllahU. Maaaring ito ay lingid sa kanya, subalit malinaw sa iba, o ang pinsala nito ay maaaring hindi natuklasan sa panahong siya’y nabubuhay at nabatid na lamang sa mga sumunod na panahon.

 

Ang hinihingi sa isang Muslim ay sabihin lamang ng buong kasimplehan na: “Aming narinig at kami ay kailangang sumunod.”

 

Hindi ba natin napapansin na ang ipagbawal ng AllahU ang pagkain ng baboy – ang mga Muslim ay walang kamalayan sa dahilan ng pagbabawal, maliban sa katotohanang ang baboy ay napakaruming hayop.

 

Daang-taon ang lumipas nang sa siyentipikong pananaliksik ay matuklasan ang pananatili ng mga nakamamatay na bulati sa laman ng baboy.

 

Kaya nga, kahit pa sa siyentipikong pananaliksik ay walang matuklasang ano pa man sa laman ng baboy, o may natuklasang higit pa dito. Ang Muslim ay patuloy na maniniwalang ang baboy ay napakaruming hayop.

 

Isa pang halimbawa dito ay ang nasabi ng Propetar:

 

“Iwasan ang tatlong (3) nakapandidiring mga gawain – sinuman ang magsagawa ng mga ito ay isusumpa ng Allah at ng mga tao: a) iwasan ang pagdumi sa tubig na dumadaloy (streams), b) pagdumi sa mga daanan (roadways), c) pagdumi sa mga lugar na may lilim (shaded places).” [Iniulat ni Abu Dawood, Ibn Majah, Al Hakim]

 

Alam lamang nga mga tao noong mga naunang panahon na ang ganitong gawain ay marumi at kamuhi-muhing asal. Subalit sa pagsulong ng siyensiya, atin ngayong napag-alaman na ang tatlong kamuhi-muhing gawain na ito ay mapanganib sa kalusudan ng publiko. Na ang mga ito ang ugat na dahilan sa pagkalat ng mapanganib na sakit tulad ng hookworm (bulating pumapasok sa bituka).

 

 

V.       Ang Halal ay sapat na, at ang Haram ay kalabisan:

 

Isa sa mga kagandahan sa Islam ay ang pagbabawal lamang nito ang mga bagay na hindi kailangan at hindi mahalaga, samantalang naglalaan ng mga pamalit na higit na mabuti, at nagbibigay ng higit na kadalian at kaginhawaan sa mga tao.

 

Ang paksang ito a naipaliwanag ni Ibn Qayyim sa ganito:

 

Ipinagbawal ng AllahU ang paghahanap ng kapalaran sa paraang pag-aala-suwerte at Kanyang inilaan ang Istikhara bilang pamalit.

 

Kanyang ipinagbawal ang patubuan, subalit itinaguyod ang kapaki-pakinabang na pagkakakitaan.

 

Kanyang ipinagbawal ang pagsusugal, subalit ipinahintulot ang paligsahan sa mga palakasan at relihiyon.

 

Kanyang ipinagbawal ang pagsusuot ng seda (silk) sa mga kalalakihan, subalit hinayaang makapamili sa ibang kasuotan tulad ng lana (wool), de-ilo (linen) at bulak (cotton).

 

Kanyang ipinagbawal ang pangangalunya at homoseksuwalidad, subalit itinaguyod ang makatarungang pagtatalik.

 

Kanyang ipinagbawal ang mga inuming nakalalasing upang matamasa ang mga kaaya-ayang inumin na kapaki-pakinabang sa katawan at isipan.

 

At Kanyang ipinagbawal ang maruruming pagkain, subalit inilaan ang mga masustansiya o kapaki-pakinabang na pagkain bilang kapalit.

 

“Istikhara” – ang paghingi ng patnubay sa AllahU na makagawa ng tamang pagpili sa pagitan ng 2 bagay na mahirap pagpasiyahan.

 

Kaya nga kung ating susuriin ang mga pag-uutos sa Islam sa kanyang kabuuan, ating makikita na kung binigyang hangganan man ng AllahU na makapamili sa ilang bagay ang Kanyang mga alipin, Kanya namang inilaan ang mas malawak na mga kapaki-pakinabang na pamalit na may kaugnayan sa ilang bagay na magkatulad na uri.

 

Katotohanan, walang hangarin ang AllahU na gawing mahirap at makipot ang pamumuhay ng tao, manapa’y hangad na maging magaan at mabuti ang pamumuhay ng tao. Sabi ng AllahU:

 

“Nais ng Allah na maging magaan ang inyong pasanin, dahil ang tao ay nilalang na mahina.” [Surah Al Manah 4:28]

 

 

VI.   Anumang bagay na nakapagbibigay daan sa Haram, ay Haram na maituturing

 

Isa pa ring Islamikong panuntunan na sa mga bagay na ipinagbabawal, anumang bagay na makapagbibigay-daan sa pagsasagawa ng mga iyon ay ipinagbabawal din.

 

Hangad ng Islam na hadlangan ang lahat ng daan tungo sa mga bagay na Haram.

 

Halimbawa: Samantalang ipinagbawal ng Islam ang ilegal na pagtatalik, kasabay din na ipinagbawal ang mga bagay na maaaring makapag-akit sa isa sa pagsasagawa noon, katulad ng mga sumusunod:

 

a.   mapang-akit na kasuotan

b.   lihim na pagtatagpo

c.   pagsasama-sama ng mga kalalakihan at kababaihan

d.   pagsasalarawan ng kahubaran

e.   malalaswang babasahin at awitin

 

Kaalinsunod sa panuntunang ito, napagtibay ng mga mambabatas na Muslim ang pamantayan na “Anumang bagay na makapagbibigay daan tungo sa Haram, ay Haram na maituturing.”

 

Sa magkatulad na panuntunan, ang kasalanan sa Haram ay hindi lamang saklaw ang taong nakagawa ng Haram, manapa’y umaabot sa mga taong tumulong sa kanya sa pagsasagawa ng Haram. Bawat isa ay mananagot ayon sa kanyang naibahagi.

 

Halimbawa: Sa kaso ng mga nakalalasing na inumin, isinumpa ng Propetar hindi lamang iyong uminom, manapa’y iyon ding gumawa noon, iyong nagsilbi, iyong pinagsilbihan, iyong nagbenta, iyong nakinabang sa pinagbilhan, iyong bumili at iyong pinagbilhan.

 

 

VII. Maling pagsasalarawan sa Haram upang mapalabas na Halal ay ipinagbabawal

 

Samantalang ipinagbawal ng Islam ang mga bagay na makapagbibigay daan sa Haram, ipinagbawal din nito ang paggamit sa Siyensya at Agham na pamamaraan upang maisagawa ang Haram kahit sa paraang lihis. Sinabi ng Propetar:

 

“Huwag ninyong gawin ang ginawa ng mga Hudyo, na masabi lamang na naaayon sa pagbabawal nang Allah ang kanilang gawain, ay isinasagawa ang gusto nila sa napakababaw na dahilan o pangangatuwiran.” [Iniulat ni Ibn Battah at inuring Sahih ni Al-Tirmidhi]

 

Ito ay may kinalaman sa pagbabawal ng AllahU sa mga Hudyo na mangisda sa araw ng “Sabbath” (Saturday).

 

Upang makaiwas sa pagbabawal na ito, sila ay maghuhukay ng kanal sa araw ng Biyernes upang mahulog o makulong ang mga isda doon sa araw ng Sabado at kanilang mahuli sa araw ng Linggo.

 

Ang pagbabago sa katawagan sa mga bagay na Haram, liban sa orihinal na katawagan ay lihis na kaparaanan. Sapagka’t ang pagbabago sa katawagan o anyo ay walang saysay habang ang bagay at ang diwa ay patuloy na nananatili o hindi nababago.

 

Kaya nga ng ang ilang tao ay mag-imbento ng mga bagong katawagan upang mapakitunguhan ang patubuan (usury) at pag-inom ng alak – ang kasalanan sa pakikitungo sa mga ito ay mananatili. Ating mababasa sa tinipong Hadith ang ganito:

 

“Isang pangkat ng mga tao ay gagawing Halal ang pag-inom ng alak sa pamamagitan ng pagbibigay ng ibang katawagan dito.” [Iniulat ni Ahmed]

 

“Darating ang panahon na lulunukin ng tao ang ‘patubuan’ at tatagurian iyon na isang hanap-buhay.” [Iniulat ni Al Bukhari at Muslim]

 

 

VIII.   Ang mabuting layunin ay hindi dahilan upang matanggap ang Haram

 

Sa lahat ng pagsasabatas, higit na binigyan ng pahalaga ng Islam ang kadakilaan ng kalooban, kalidad ng mga layunin at kalinisan ng hangarin. Sabi ng Propetar:

 

“Ang mga gawa ay hahatulan ayon sa layunin.” [Iniulat ni Al Bukhari]

 

Sa Islam ang karaniwan at kamunduhang bagay ay kaagad natutungo sa pagsamba at katapatan sa AllahU sa pagsamba at katapatan kay AllahU sa pamamagitan ng mabuting layunin. Ito ay kung ang isa ay kumain sa layunin na patuloy na mabuhay at mapalakas ang katawan upang maisagawa ang kanyang obligasyon na sa kanya ay lumikha at ganon din sa kanyang kapwa – ang kanyang pagkain ay itinuturing na pagsamba at katapatan sa AllahU.

 

Ganoon din, kung kanyang ikinakasiya ang pakikipagtalik sa kanyang asawa, hangarin na magka-anak, pagsumikapan na mapanatili ang kanyang kalinisan ganon din ang kanyang asawa. Ito ay itinuturing na gawaing pagsamba sa kanyang parte, at karapat-dapat na magantimpalaan sa kabilang buhay. Alinsunod sa bagay na ito, sinabi ng Propetar:

 

“Kung ikinalugod ninyo ang pagnanasa sa inyong asawa, iyon ay binibilang na isang gawa na karapat-dapat gantimpalaan. Nagtanong ang mga nakikinig sa Propeta: ‘O Sugo ng Allah, paanong mangyayari na matapos naming maisagawa ang aming nasa, kami ay magagantimpalaan sa bagay na iyon?’ Sumagot ang Propeta na: ‘Hindi kaya kasalanan kung sa kaparaanang ipinagbabawal niya iyon isinagawa?’ Samakatuwid, kung kanyang isinagawa iyon sa kaparaanang ipinahihintulot, may nakalaang gantimpala para sa kanya.” [Iniulat ni Al Bukhari at Muslim]

 

Sinabi pa rin ng Propetar:

 

“Sinuman ang naghahangad ng mga ipinahihintulot sa mundong ito, manatiling umiiwas sa mga kasalanan, naghahanapbuhay para sa kapakanan ng kanyang pamilya, nagmamalasakit sa kanyang kapitbahay – makikita niya ang kanyang Panginoon na nagniningning ang mukha tulad ng buwan sa kanyang kabilugan.” [Ang paksa ng Hadith ay isinalaysay ni Al Tabarani]

 

Sa ganitong kaayusan, kapag sa anumang ipinahihintulot na gawain na nananampalataya ay taglay ang kabutihan ng layunin – ang kanyang gawa ay nagiging gawaing pagsamba.

 

Subalit sa kaso ng Haram, ito ay ganap na kaiba. Ito ay mananatiling Haram gaano man kabuti, kadakila ang layunin. Kailanman ay hindi makapapayag ang Islam na gamitin ang Haram na kaparaanan upang makamit ang papuri sa bandang huli. Katunayan, iginigiit nito na hindi lamang maging dakila ang layunin, kundi maging ang kaparaanan sa pagtatamo noon ay kailangang maging malinis.

 

Ang kasabihang; “Ang kabutihan ng layunin ay magbibigay matuwid sa kaparaanang taliwas.” (The end justify the means) ay hindi tinatanggap sa Batas sa Islam (Shar’iah). Sa kadahilanang sapiliting ipinag-uutos ng Shar’iah na ang karapatan ay dapat na makamit lamang sa makatarungang paraan.

 

Kung ang isa ay nakatipon ng yaman sa pamamagitan ng patubuan, panlilinlang, pagsusugal, at iba pang kaparaanang Haram upang makapagtayo ng Masjid, makapagtatag ng samahang mapagkawanggawa o gumawa ng iba pang mabubuting bagay – ang pagkakasala sa Haram na nagawa ay hindi maaalis gaano man kalinis ang layunin.

 

Sa Islam, ang kabutihan ng layunin at hangarin ay hindi makapagbabawas sa kasalanan sa mga bagay na Haram.

 

At ito ang naituro sa atin ng Propetar ng sabihin niya na:

 

“Katotohanan, ang Allah ay mabuti, at hindi tumatanggap maliban sa kung ano ang mabuti. At inutusan ng Allah ang mga mananampalataya ng mga bagay na naiutos Niya sa Kanyang mga sugo, sa pagsasabing: ‘Kainin ninyo ang anumang bagay na mabuti, at gumawa ng mga tumpak na mga bagay. Katiyakan! Hindi malilingid sa Akin ang inyong mga gawain.’”

 

Pagkatapos sinabi ng Propetar:

 

“Isang tao ang naglakbay ng may kalayuan (para sa Hajj, Umrah o kahalintulad nito) na malago ang buhok at puno ang alikabok. Itinaas ang kanyang mga kamay sa langit at nagsusumamo kay Allah na tulungan siya – samantalang ang kanyang mga kinakain ay Haram, ang mga iniinom ay Haram, ang mga isinusuot ay bagay na Haram, at binubuhay ang kanyang sarili sa pamamagitan ng kaparaanang Haram. Paanong matatanggap ang kanyang panalangin?” [Iniulat nina Muslim at Al Tirmidhi sa kapahintulutan ni Abu Huraira]

 

At sinabi pa rin ng Propetar:

 

“Kung ang mga ari-arian ng isang tao ay natamo sa pamamagitan ng kaparaanang Haram, at magbigay ng kawang-gawa mula doon – iyon ay hindi matatanggap ng Allah; sa mga pag-gasta niya ay walang biyayang nakalaan. At kung mamatay siya na may kayamanang naiwan, iyon ang magiging baon niya sa Impiyerno. Katotohanan! Hindi pinapawi ng Allah ang isang masamang gawa ng isa pa ring masamang gawa, subalit Kanyang pinawawalang bisa ang masamang gawa sa pamamagitan ng mabuting gawa.”

 

 

IX.          Ang mga bagay na nakapagdududa ay dapat iwasan.

 

Sa pagkahabag ng AllahU sa mga tao, hindi niya iniwan ang mga ito na walang kaalaman as kung ano ang mga bagay na ipinahihintulot at hindi ipinahihintulot. Katotohanan! Ginawa niyang maging malinaw kung ano ang Halal, at ipinaliwanag kung ano ang Haram. Sinabi ng AllahU:

 

“Kanyang ipinaliwanag sa inyo ng maliwanag ang mga bagay na ginawang Haram sa inyo ng Allah.” [Surah Al Anam 6:119]

 

Samakatuwid, magagawa ng isa kung ano ang ipinahihintulot, at kailangang iwasan kung ano ang ipinagbabawal. Ganoon pa man, sa pagitan ng Halal at Haram ay mayroong malabong bahagi. Ang bahaging ito ay ang nakapag-aalinlangan o nakapagdududa.

 

Ilang tao ang maaaring hindi makapagpasiya kung ang isang partikular na bagay ay ipinahihintulot o ipinagbabawal. Ang ganitong pagkalito ay maaaring dahilan sa nakapagdududang katibayan o pagdududa tungkol sa paggamit ng talata o paksa hinggil sa partikular na bagay na pinag-aalinlangan.

 

Ang ugat ng panuntunan na ito ay ang nasabi ng Propetar:

 

“Katotohanan! Ang Halal ay malinaw at ang Haram ay malinaw. Sa pagitan ng dalawang ito ay may mga bagay na nakapagdududa, na hindi alam ng tao kung ang mga ito ay Halal o Haram. Siya na umiwas sa mga iyon, upang mapangalagaan ang kanyang relihiyon at karangalan, ay ligtas.

 

Samantalang iyong isinagawa ng bahaging mga iyon, maaaring nakagagawa siya ng bagay na Haram, katulad sa isang nagpapakain ng mga alaga niyang hayop na malapit sa ‘hima’ na pag-aari ng isang hari.

 

Maaring ilan sa kanyang mga alaga ay mapaligaw at tatawid doon. Katotohanan! Bawa’t hari ay may hima, at ang hima ng AllahU ay ang mga bagay na Kanyang ipinagbawal.” (Ang hima ay lupain na nakalaan lamang sa mga hayop na pag-aari ng hari, at bawal sa ibang hayop.) [Iniulat nina Al Bukhari at Muslim at ang salaysay ay kinuha mula kay Al Tirmidhi]

 

 

X.       Ang Haram ay ipinagbabawal sa kanino pa man.

 

Sa Batas ng Islam (Shar’iah), ang Haram ay may pangdaigdigang pagpapatupad. Dito ay walang bagay na ipinagbabawal sa hindi Arabo, ay ipinahihintulot naman sa Arabo o anumang bagay na ipinagbabawal sa maitim subali’t ipinahihintulot sa maputi. Sa Islam ay walang itinatanging uri ng tao, na sa ngalan ng relihiyon ay magagawa ang anumang bagay na ikalulugod ayon sa kanilang nais.

 

Ang mga Muslim ay walang karapatang gumawa ng mga bagay na Haram sa kanyang kapwa, samantalang Halal para sa kanila.

 

Ito ay hindi maaaring mangyari, sa dahilang ang AllahU ay Panginoon ng lahat, at ang Shar’iah sa Islam ay patnubay para sa lahat. Anumang bagay na isina-batas ng AllahU sa pamamagitan ng Kanyang Shar’iah ay mananatili hanggang sa muling pagkabuhay.

 

Halimbawa: Ang pagnanakaw ay magkaparehong Haram sa isang Muslim at hindi Muslim. Ang kaparusahan dito ay pareho maging anuman ang katayuan ng pamilya ng nag-umit sa lipunan.

 

Ang alintuntunin na ito ay mahigpit na ipinatupad ng Propetar ng kanyang ipahayag na:

 

“Sa ngalan ng Allah, kung si Fatimah na anak ni Muhammad ay magnakaw, aking puputulin ang kanyang kamay.” [Iniulat ni Al Bukhari]

 

Isang kaso sa pagnanakaw ang idinulog sa Propetar na kasangkot ang dalawang (2) pinaghihinalaan. Isang Hudyo at ang isa ay Muslim.

 

Ilang kamag-anakan ng Muslim ay nagbigay ng paunang katibayan sa mga pangyayari upang mapagdudahan ang Hudyo, at mailigtas ang kanilang kamag-anak, gayong sa katotohanan ang kamag-anak nila ang may kasalanan.

 

Ang Propetar ay halos mahimok na mapaniwala na ang Muslim ay walang kasalanan. At noon naipahayag ang balita na nagsiwalat sa naganap na sabwatan, at nagpapawalang sala sa Hudyo at nag-aatas sa Propetar na itatag ang katarungan ng walang anumang pagtatangi.

 

 

XI.    Ang mahigpit na pangangailangan ay nagbibigay pahintulot sa pagsasagawa  ng  Haram

 

Samantalang binigyang hangganan ng Islam ang hanay ng mga ipinagbabawal ay kasabay din naman nitong siniguro na ang mga ipinagbabawal ay nasusunod.

 

At upang maiiwas ang tao sa pagsasagawa ng Haram, nilagyan ng tabing ang lahat ng maaring maging daan, malinaw man o tago, na magbibigay-daan tungo sa pagsasagawa ng Haram.

 

Samakatuwid, anumang bagay na magbibigay daan sa Haram ay Haram, bagay na makatutulong sa pagsasagawa ng Haram ay Haram.

 

Ganoon pa man, ang Islam ay hindi nakakalimot sa mga pangangailangan sa buhay o maging sa kahinaan ng tao at kakayahan na harapin ang mga iyon. Pinahihintulutan nito ang Muslim na nasa ilalim ng mahigpit na pangangailangan na kainin ang mga ipinagbabawal na pagkain na sapat lamang upang makatawid gutom at maligtas ang sarili sa kamatayan.

 

Kaugnay dito – matapos maihayag ang mga ipinagbabawal na pagkain sa uri ng mga patay na hayop, dugo at baboy – sabi ng AllahU:

 

“Subalit kung ang isa ay napilitan ayon sa pangangailangan – na hindi naghahangad at hindi nagmalabis – siya ay walang pagkakasala. Katotohanan! Ang Allah ay lalaging mapagpatawad at lalaging maawain.” [Surah Al Baqarah 2:173]

 

Base sa Ayah na ito at mga kahalintulad na Ayat sa Qur’an, ang mga mambabatas sa Islam ay bumalangkas ng mahalagang panuntunan at ito ay: “Ang pangangailangan ay nag-aalis sa pagbabawal.”

 

Ganoon pa man, dapat tandaan na pinahihintulutan ang taong nasa mahigpit na pangangailangan na kainin ang pagkain na ipinagbabawal sa kondisyon na wala siyang paghahangad at hindi magmamalabis.

 

Ito ay ipinaliwanag upang bigyang diin na wala siyang pagnanais at hindi pagmamalabis sa pagkain na kanyang kakainin at ginawa niya lamang iyon upang maibsan ang kanyang pagkagutom.

 

Sa ganitong kasunduan, ang mga Ulamah ay nakakuha pa rin ng ibang panuntunan na ang dami na ipinahihintulot ay ayon sa (laki) ng pangangailangan.

 

Ang batayan sa panuntunan na ito ay kahit ang isa ay nasa ilalim ng mahigpit na pangangailangan, siya ay hindi dapat panghinaan ng loob o magpakita ng kasabikan, manapa’y manatiling nagpapasakop sa mga bagay na Halal at sikaping humanap ng daan upang makabalik doon upang hindi makagawian ang Haram o mag-umpisang kalugdan iyon sa pagkukunwaring iyon ay kanyang kailangan.

 

Sa pagpapahintulot na isagawa ang Haram sa panahon ng pangangailangan, ang Islam ay tapat sa kanyang diwa o layunin at pangkalahatang panuntunan.

 

Ating mapapatunayan na ang diwa o layunin ng batas ng Islam ay laganap ay ang gawin nitong magaan ang pamumuhay at hindi maging malupit o mapang-api sa mga tao at kasabay na alisin ang mga pahirap na ipinataw ng mga naunang sistema at relihiyon. Sabi ng AllahU:

 

“Nais ng Allah ang kagaangan para sa inyo at hindi ang mga pahirap.” [Surah Al Baqarah 2:185]

 

“Hindi nais ng Allah na bigyan kayo ng pasanin, manapa’y mapadalisay kayo at Kanyang nilubos ang tulong sa inyo upang kayo ay kumilala ng utang na loob.” [Surah Al Maidah 5:6]

 

“Nais ng Allah na maging magaan ang inyong pasanin dahil ang tao ay nilalang na mahina.” [Surah Al Nisa 4:28]

 

 

PAGKAIN

 

Noon pa mang unang panahon ay magkaiba-iba na ang naging paniniwala ng tao sa mga pagkain na dapat kainin, lalong na kung may kinalaman sa mga hayop.

 

Ang mga “Brahmins” na puro gulay ang kinakain (vegetarian) ay ipinagbabawal sa kanilang sarili ang pagkatay at pagkain ng mga hayop. Ang kanilang katwiran ay ang pagkatay sa mga hayop ay isang kalupitan at sapagkat ang mga ito ay may buhay din na katulad ng tao - hindi dapat ipagkait sa kanila ang karapatang mabuhay.

 

Tungkol naman sa mga Hudyo - sa panimula ay ating nabanggit na ipinagbawal sa kanila ng AllahU ang ilang bagay na naunang ipinahintulot sa kanila at ang dahilan ng pagbabawal ay bilang kaparusahan sa kanilang pagmamalabis at mga kasalanan.

 

Ang pagbabawal na ito na ipinataw sa mga Hudyo, ay maaari din ipalagay na dapat sundin ng mga Kristiyano sapagka’t si Propeta Hesus (ang pagpapala nawa’y mapasakanya) ay hindi dumating upang ipawalang bisa ng “Taurat” manapa'y upang tuparin at patibayin ito.

 

Ganoon pa man, ipinahintulot ng mga Kristiyano para sa kanilang mga sarili ang pagkain ng laman ng baboy sa kabila ng katotohanang ipinagbawal sa talata ng “Torah” ang bagay na iyon magpahangggang  sa ngayon.

 

Sa mga Arabo naman (bago dumating ang Islam) kanilang ipinagbawal ang ilang hayop na ayon sa kanila ay marumi, ganoon din ang ilang hayop na kanilang ipinalalagay na sagrado at laan sa kanilang mga diyos.

 

Samantalang kanilang ipinag-bawal sa kanilang mga sarili ang pagkain ng mga uri ng hayop na nabanggit - kanila namang ipinahintulot ang pagkain ng laman ng mga patay na hayop at lusaw na dugo.

 

Ganito ang kalagayan ng sangkatauhan kaugnay sa mga pagkain na dapat kainin nang dumating ang Islam.

 

Naroong ipahintulot ang lahat ng uri ng karne, at pagkatapos at ipagbawal naman ang lahat ng karne.

 

Dahilan sa iba't-iba ang naging paniniwala ng tao kaugnay sa pagkain na dapat kainin, ipinaabot ng AllahU sa sangkatauhan na:

 

O tao! Inyong kainin kung ano ang mga ipinahintulot at mabuti sa lupa, at huwag ninyong sundan ang mga bakas ni Satanas – katotohanan siya ay lantad na kaaway sa inyo. [Surah Al Baqarah: 2:168]

 

At sa higit na malawak na detalye, sinabi ng AllahU sa mga mananampalataya:

 

Ang ipinagbabawal sa inyo ay ang laman ng mga patay na hayop, at dugo, at laman ng baboy. Iyong mga iniaalay sa ngalan ng iban bukod kay Allah, iyong mga pinatay sa pamamagitan ng pab-bigti, pagpalo, pagkahulog, pagkasuwag at iyong bahagyang kinain ng mabangis na hayop.  Maliban kung nagawa ninyong maging halal sa paraang makatay ito bago mamatay, at iyong mga isinakripisyo sa mga diyos-diyusan” [Surah Al-Maidah:  5:3]

 

 

I.    Ang Pagbabawal sa Pagkain ng Patay na Hayop at ang Kaalamang Napapaloob dito

 

Ang bagay na unang nabanggit sa ayah na ito na may kinalaman sa mga ipinagbabawal na pagkain ay ang laman ng mga patay na hayop.  Ito ay hayop o manok na ang sanhi ng ikinamatay ay natural na kadahilanan at hindi nagawang makatay.

 

 

May mga Maliwanag na Kadahilanan sa Pagbabawal na ito

a.   Ang pagkain ng laman ng isang patay na hayop ay kasuklam-suklam na gawain at taliwas sa dangal na tao.

 

b.   Ang kahalagahan ng pagkatay ay upang maiba ang kinatay na hayop sa uri o kategoriya ng “patay na hayop”.

 

c.   Kung ang hayop ay namatay sa pangkaraniwang sanhi ng kamatayan, maaari ang dahilan ng ikinamatay nito ay malubhang sakit sa paraang nakakain ng nakalalalsong halaman o kahalintulad ng mga kadahilanan; dahil dito ang pagkain ng laman nito ay maaring makapinsala sa tao.

 

 

II.      Ang Pagbabawal sa Lusaw o Tunay na Dugo

 

Ang ikalawang pagbabawal ay may kinalaman sa lusaw na dugo.

 

Si Ibn Abbas  (R.A.) ay tinanong tungkol sa pali (spleen)* at siya ay sumagot. “Maaari ninyong kainin iyon.” Sabi ng mga nagtanong: “Subalit iyon ay dugo.” Si Ibn Abbas ay sumagot: “Lusaw o tunaw na dugo lamang ang ipinagbabawal sa inyo. Ang dahilan sa pagbabawal sa pagkain o pag-inom ng dugo ay maaaring makapinsala ito sa kalusugan. Ang dugo na naiwan sa laman ng kinatay na hayop ay hindi ipinagbabawal na kainin matapos na gawin ng isa ang lahat ng kanilang makakaya na maalis o matanggal iyon.” *Spleen (pali) isang bahagi (organ) ng tiyan.

 

 

III.        Ang Ikatlong Ipinagbabawal na Pagkain ay Laman ng Baboy

 

Sapagka’t ang baboy ay labis ang pagnanais sa maruruming pagkain, ang laman nito ay nakapandidiring kainin. Bukod dito, pinatunayan ng mga dalubhasa sa medisina na ang pagkain ng laman ng baboy ay nakapipinsala sa kalusugan. Nakita pa rin sa siyentipikong pananaliksik na ang baboy ay nagdadala ng nakakamatay na parasito (trichina) at walang nakababatid sinuman sa maaring matuklasan ng siyensiya sa hinaharap sa makapagbigay liwanag sa pagbabawal nito.

 

 

IV.         Ang Inialay sa Ngalan ng iba Maliban sa AllahU

 

Sa bagay na ito, ang dahilan sa pagbabawal ay tungkol sa pananampalataya sa kabuuan. Upang mapangalagaan ang paniniwala sa kaisahan ng AllahU, mapadalisay ang pagsamba, labanan ang “Shirk” at politismo sa anupamang anyo na maaari itong maipahiwatig.

 

Katotohanan ang AllahU ang lumikha sa tao at ibinigay sa kanya ang pamamahala sa lahat ng bagay na nasa lupa. Ipailalim ang hayop sa kanyang kapangyariihan at pahintulutan siyang kitlan ang buhay nito para sa kanyang pagkain. Subali’t sa kondisyon na babanggitin ang pangalan NIYA sa sandali ng pagkatay.

 

Ang pagbanggit sa pangalan ng AllahU sa sandali ng pagkatay ay pagpapahayag na kikitlin niya ang buhay na nilalang na ito sa kapahintulutan ng sa kanya ay lumikha. Samantalang kung ang binanggit ay ibang pangalan, inalis ang karapatan niya sa pagpapahintulot na ito, at ipagkait sa kanya ang pagkain sa laman nito.

 

Uri ng mga Patay na Hayop

 

Ang mga naunang nabanggit ay ang apat (4) na pangunahing uri ng hayop na ipinagbawal na kainin. At gaya ng naihayag sa Surah Al Maidah (5:3) sa apat na ito ay naidagdag ang lima (5) pang uri na maihahanay sa mga patay na hayop at ito ay ang mga sumusunod:

 

V.            Ang Binigti:  Hayop na nabigti, halimbawa sa paraan na ipulupot ang lubid sa leeg nito.

 

VI.         Ang Pinalo: Hayop na pinagpapalo ng batuta o kahalintulad na bagay hanggang sa ito ay mamatay.

 

VII.      Ang Nahulog:  Hayop na namatay sanhi ng pagkahulog sa mataas na lugar o bangin.

 

VIII.   Ang Nasuwag: Hayop na namatay sanhi ng nasuwag ng sungay ng kapwa hayop.

 

IX.         Iyong Bahagyang Nakain ng Mabangis na Hayop: Hayop na bahagyang sinila ng mababangis na hayop na naging sanhi ng ikinamatay nito.

 

Matapos na maihayag ng AllahU ang limang (5) uri na ito, Kanya ring ipinasiya ang kataliwasan na: “Iyong nagawang maging halal sa paraan na makatay ito.” Ang ibig sabihin; kung inabot na buhay pa ang hayop, ang pagkatay ay magbibigay daan sa pagiging halal nito bilang pagkain.

 

Ang tamang pag-unawa sa salitang “Buhay Pa” ay may ilang palatandaan pa ng buhay na nalalabi dito.

 

Sinabi ni Ali Ibn Talib (R.A.):

 

“Kung magagawa ninyong makatay ang mga hayop kahit pinagpapalo, o nahulog, o nasuwag, habang naigagalaw pa nito ang kanyang paaa o binti, ito ay maaari ninyong kainin.”

 

Sinabi ng ilang dalubhasa sa batas ng Islam na kung ang hayop ay nakatay habang naigagalaw pa nito ang paa, leeg, buntot, mata at dumadaloy pa ang dugo ito ay halal.

 

 

X.            Ang ika-sampung kategorya ng hayop na ipinagbabawal na kainin ay iyong isinakripisyo sa mga idolo.

 

Noong panahon ng kamangmangan, ang mga altar na bato ay nakatayo sa harap ng mga idolo sa paligid ng “Kaaba”. Kinakatay ng mga “Politista” ang mga hayop dito o malapit sa mga altar na ito sa paniniwala na magiging malapit sa kanila ang kanilang mga dini-diyos.

 

Ang ganitong pag-aalay ay katulad ng pag-aalay sa pangalan ng iba bukod sa AllahU, dahil parehong napapaloob sa pagluwalhati (glorification) sa mga hindi totoong diyos.

 

Ang kaibhan lamang ay iyong iniaalay sa iba bukod sa AllahU. Ang pagkatay ay hindi naganap sa lugar na malapit sa idolo at pangalan lamang nito ang nasambit sa bagay na isasakripisyo. Samantalang ang pag-aalay sa iba bukod sa AllahU – ang pagkatay ay ginawa sa harapan ng altar ng idolo, kaya hindi na kailangang banggitin ang kanyang pangalan.

 

 

Mga Kondisyon sa Pagkatay ayon sa Shari’ah:

 

Sang-ayon sa Shar’iah ang legal na pagpapadalisay sa laman ng hayop ay nangangailangan ng pagtupad sa mga sumusunod na kondisyon:

 

1.      Ang hayop ay dapat katayin sa pamamagitan ng matalas na instrumento na kayang magpadugo at putulin ang daluyan ng dugo.

 

2.      Ang pagkatay ay kailangang isagawa sa paraan na paglaslas sa lalamunan o pagtusok sa kailaliman ng lalamunan upang ikamatay nito.  Ganoon pa man kung maging imposible na katayin ang hayop sa paraang nabanggit, ang ikalawang kondisyon ay nawalang saysay.

 

Halimbawa: Kung ang hayop ay nahulog sa balon na una ang ulo, na kung saan ay may kahirapang hagilapin ang lalamunan nito o kaya’y naging mabagsik at nagsimulang manipa o magtatakbo. Sa ganitong kaso, ang mga hayop ay itinuturing na mabangis na hayop, at sapat na ang sugatan ito saan mang parte ng katawan upang ito ay mapadugo.

 

Ayon kay Rafi Ibn Khadij;

 

“Kami ay nasa paglalakbay na kasama ang Propeta nang isa sa mga kamelyo ay kumaripas ng takbo. Sapagkat ang mga tao ay walang kabayo, tinudla ng pana ng isa sa kanila ang kamelyo at ito ay tinamaan at nasugatan. Sinabi ng Propeta na: Ilan sa mga ganitong hayop ay katulad ng mabangis na hayop. Kung isa sa kanila ay kumilos o mag-asal ng ganito, tratuhin siya sa ganitong kaparaanan.” [Iniulat nina Al-Bukhari at Muslim]

 

3.      Wala nang iba pang pangalan maliban sa AllahU na kailangang banggitin sa harap ng hayop sa sandali ng pagkatay.

 

4.    Ang pangalan ng AllahU ay kailangang banggitin habang kinakatay ang hayop. Ito ay malinaw sa ayah sa Qur’an. Sinabi ng AllahU

 

At inyong kainin yaong (kinatay na hayop na) ang pangaln ng Allah ay nabanggit – kung kayo ay tunay na naniniwala sa Kanyang mga tanda. [Surah Al An'am: 6:118]

 

 

Ang Kahalagahan ng Pagbanggit sa Panaglan ng Allah

 

Ang pagbanggit sa pangalan ng AllahU upang mapadalisay ang pagsasagawa ng pagkatay  ay may mga kahalagahan na dapat isaalang-alang nang buong pag-iingat:

 

UNA: Ang kaugaliang ito ay pagsalungat sa gawain ng mga sumasamba sa mga diyos-diyusan (idolaters) na binabanggit ang pangalan ng kanilang sinasamba na hindi umiiral (non-existent) habang kinakatay ang hayop. Kung nababanggit ng mga politista (polytheist) ang pangalan ng huwad na diyos (false god), papaano makaliligtaang banggitin ng mga naniniwala ang pangalan ng Tunay na Diyos.

 

IKALAWA: Ang mga hayop na ito, katulad ng mga tao ay nilikha ng AllahU. Katulad ng mga tao, sila man ay may buhay. Samakatuwid papaanong mapapasa-ilalim sa kapangyarihan ng tao at ipagkait sa kanila ang mabuhay nang hindi muna siya hihingi ng pahintulot doon sa kanila ay parehong lumikha at sa lahat ng bagay ay nagmamay-ari? Ang pagbanggit sa pangalan ng AllahU habang kinakatay ang hayop ay pagpapahayag na banal na kapahintulutan, na nagbibigay pahiwatig na para bagang ang kumakatay ay nagsasabi: “ang pagsasagawa kong ito ay hindi gawain nang kawalang-matuwid laban sa mundo or pagmamalupit sa hayop na ito – manapa’y sa pangalan ng AllahU ay aking kakatayin at sa pangalan ng AllahU ay aking kakainin.

 

 

PANANAMIT AT PALAMUTI

 

Ipinahihintulot sa Islam at sa katunayan ay ipinag-uutos sa Muslim na maging maingat sa kanyang kaanyuan, pananamit, pagpapanatili ng kanyang dangal at kalugdan ang tunay na layon ng pagkakalikha ng AllahU sa damit at palamuti.

 

Sa Islam, ang damit ay may dalawang layunin; una, upang matakpan ang katawan, at ang ikalawa, ay upang mapaganda ang kaanyuan. Sinabi ng AllahU na ang damit at palamuti ay ilan sa Kanyang mga tulong na ipinagkaloob sa sangkatauhan.

 

Sinabi ng AllahU:

 

O mga anak ni Adam! Katotohanan, Aming ipinagkaloob sa inyo ang damit upang matakpan ang inyong dangal at ganoon din upang maging palamuti sa inyo. [Surah Al A’raf: 7:26]

 

Sapilitang ipinag-uutos ng Islam sa mga Muslim na takpan ang mga pribadong bahagi ng kanilang katawan, na bawat isa ay nakakadama ng kahihiyan kung iyon ay malantad – upang ang mga iyon ay maiiba sa mga hayop na hubad.

 

Iniulat ni Bahaz Ibn Hakim mula sa salaysay ng kanyang lolo na sinabi ng huli na:

 

“O Sugo ng Allah! Ano ang dapat naming itago at dapat ipakita sa pribadong bahagi ng aming katawan?” Sumagot ang Propeta na “Walang sinuman sa dapat makita ng mga iyon, maliban sa iyong asawa, o aliping babae.” Muli akong nagtanong; “Paano kung ang ilang mga tao ay magsama-sama? Halimbawa sa paglalakbay o nagkakampo?” Sumagot ang Propeta “Kung magagawan mo ng paraan na ang mga iyon ay hindi nila makita.” Pagkatapos ay aking sinabi: “Paano kung nag-iisa lamang?” Sinabi ng Propeta na: “Ang Allah tabarak wa ta'ala ang Siyang karapat-dapat na pag-ukulan mo ang iyong HIYA.” [Ang hadith na ito ay iniulat nina: Ahmad, Abu Dawuod, Al Tirmidh, Ibn Majah, Al Hakim at Al Bkihaq]

 

Tungkol sa kalinisan at kaayusan sa pananamit, naiulat na nakita ng Propetar ang isang lalaki na marumi ang suot na damit at siya ay nagwika:

 

Wala ba siyang makitang tubig upang malabhan niya ang kanyang damit? [Iniulat ni Abo Daoud]

 

Iniulat ni Al Nasa’i:

 

Isang lalaki ang lumapit sa Propeta na may suot na mumurahing kasuotan. Tinanong siya ng Propeta kung mayroon siyang ari-arian.  Ang lalaki ay sumagot ng Oo. Tinanong siyang muli ng Propeta: “Anong klaseng ari-arian?” Sinabi ng lalaki na: “Ibinigay sa akin ng Allah ang lahat ng uri ng kayamanan.” At sinabi ng Propeta sa kanya na: “Yamang ikaw ay ipinagkalooban ng Allah ng kayamanan – gawin mong makita sa iyong katawan ang bunga ng kanyang tulong at kagandahang loob sa iyo.” [Iniulat ni Al Nasa’I]

 

Ang kagandahan at kakisigan ay hindi lamang pinahihintulutan manapa’y ipinag-uutos sa Islam. Sa kabuuan, itinatatwa ng Islam ang anumang pagtatangka sa pagbabawal ng mga ito.

 

Ganoon pa man upang mapanatili ng mga kalalakihan ang pagiging maginoo, maiiba ang ganap ang katauhan sa mga kababaihan. Ipinagbawal sa kalalakihan ang pagsusuot ng gintong palamuti at damit na yari sa purong sutla o seda (silk) – subalit ipinahihintulot ang mga ito na maisuot ng mga kababaihan.

 

Iniulat ni Ali (R.A) na inilagay ng Propetar ang ilang seda sa kanyang kanang kamay at ilang ginto sa kanyang kaliwang kamay at sinabi:

 

“Ang dalawang ito ay Haram sa mga kalalakihan ng aking Ummah.” [Iniulat nina Ahmad, Abu Daoud, Al Nasa'i at Ibn Majah]

 

At sa isa pa ring pagkakataon na may kinalaman sa sedang kasuotan, sinabi ng Propetar na:

 

“Ito ang damit ng isang lalaking walang dangal.” [Iniulat nina Al-Bukhari at Muslim]

 

Ipinagbabawal ng Islam ang pagsusuot ng mga damit na hindi natatakpan ang katawan at iyong malinaw (transparent) na naaaninag ang nasa ilalim noon. Gayundin, Haram din ang magsuot ng makikipot na damit na naglalarawan ng mga bahagi ng katawan, lalong-lalo na iyong mga bahagi na nakakaakit sa kamunduhan.

 

Isinalaysay ni Abu Hurairah (RA) na sinabi ng Propetar:

 

“Hindi ako sasaksi sa dalawang uri ng taong nakalaan sa Apoy: isang pinunong malupit sa kanyang nasasakupan; at mga babaing hubad bagama’t nakadamit.” [Iniulat ni Muslim]

 

 

ALAK

 

Ang katagang “Khamr” sa pakahulugan ng Shar’iah (Batas Islamiko) ay: Anumang “inuming alkoholiko” na nakalalasing (nakalalango at nakahihilong tungo sa pagkawala sa matinong kaisipan).

 

Sa Sahih nina Al-Bukhari at Muslim, ay naiulat mula sa salaysay ni Ibn Umar (RA) na isa sa mga Khutbah (sermon) ni Kalipa Umar (RA) ay kanyang binigyan ng kahulugan ang “Khamr” na lahat ng inumin na nakapagpapapurol sa kakayahang magpaliwanag o pangangatwiran ng isa.

 

Ang mga Arabo noong panahon ng kamangmangan ay labis ang pagkahilig sa alak at pagtitipon sa inuman. Ang pagnanais sa alak ay nailarawan nila sa kanilang wika, na kung saan kulang sa isandaang (100) katawagan ang kanilang naibigay sa alak, sa kanilang mga tulain, at kanilang pinupuri ang alak.

 

Upang mapuksa ang paglaganap ng ganitong uri ng kasamaan sa lipunan, ang AllahU ay gumawa ng matalinong hakbang sa pag-aaral at pagsasanay at ipagbawal iyon sa tamang panahon.

 

Una – Ginawang malinaw ng AllahU sa tao na ang pinsala ng pag-inom ng alak ay higit na malaki kaysa sa kapakinabangan. Ikalawa – Sinabi ng AllahU sa kanila na huwag mag-alay ng Salah kung nasa ilalim ng kapangyarihan ng alak, at pagkaraan nito, Kanyang ipinagbawal ito nang ganap.

 

Sinabi ng AllahU:

 

“O kayong nananampalataya! Katotohanan na ang inuming nakalalasing at pagsusugal, pagsamba sa mga idolo, paghula sa maaaring maganap na pangyayari sa hinaharap, ay mga kasuklam-suklam na gawain ni Satanas. Inyong iwasan ang mga ito upang kayo ay maging matagumpay. Katiyakan na hangad ni Satanas na magtanim kayo ng pagkagalit at poot sa inyong kapwa sa pamamagitan ng inuming nakakalasing at pagsusugal. At mapigilan kayo sa paggunita sa Allah at maging sa inyong pagdarasal. Kung magkagayon, kayo ba ay hindi hihinto?” [Surah Al Baqarah 2:219; Surah Al Nisa 4:43; Sural Al Maidah 5:90-91]

 

Kasamaang dulot sa pag-inom ng alak at iba pang mga nakalalasing:

 

Ang kalasingan ay kalimitang nagtutungo sa pagkawala ng katinuan at humahantong sa paggawa ng iba’t-ibang uri ng krimen. Ang kalasingan ay labis na nakapipinsala sa dahilang kinikitil nito ang kakayahan ng tao na makita ang tama at mali, mabuti at masama.

 

Ang manginginom na nasa kanyang kalasingan ay nakagagawa ng mga bagay na nagbubunga ng pagkagalit at pagkapoot, at gumagambala sa kapayapaan at katahimikan ng pamilya at komunidad. Sa pag-inom ng alak, hindi lamang ang kalusugan ng tao ang napipinsala nito manapa’y maging ang kanyang kayamanan at ang kanyang dangal.

 

 

SUGAL

 

Sa pagbibigay pahintulot ng Islam sa iba’t-ibang uri ng laro at palakasan, kasabay na ipinagbawal nito ang anumang laro sa sangkot ang pustahan – na kung saan ay nakapaloob ang elemento ng sugal.

 

Hindi makatarungan para sa isang Muslim na gawing aliwan ang pagsusugal, ni hindi   para sa kanya ang magtamo ng salapi sa pamamagitan ng pagsusugal.

 

Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga kasamahang naidudulot ng pagsusugal:

 

1.      Ang sugal ay naglalayo sa tao sa paggunita sa AllahU at gayundin sa kanyang pagdarasal. Kapag ang manunugal ay umupo sa sugalan, sa kanyang pagkawili ay nalilimutan niya ang lahat ng nasa kanyang kapaligiran, lalo na ang kanyang sarili at ang kanyang pamilya. Samakatuwid, papaano niya ngayon magagawang mapangalagaan ang kanyang “SALAH”?

 

2.      Ang sugal, kasama na ang “LOTERYA at RIPA”, ay ginagawa ang isang tao na umasa na lamang sa “suwerte”, at inilalayo siya mula sa makatarungang pagkakakitaan ng salapi.

 

3.      Namumuo sa kalooban ng mga manunugal ang pagkamuhi at galit sa isa't-isa sa kabila ng sinasabi nilang ang pagkatalo ay hindi nila dinaramdam. Maaaring ang talunan ay magmukhang mahinahon, ngunit sa kabila ng kanyang kahinahunan ay may siphayo, galit at kalungkutan na namamahay sa kanyang kalooban. Pagkasiphayo dahilan sa tinamong kabiguan, pagkagalit dahilan sa pagkaubos ng pera, pagkalungkot dahilan sa hindi pagkapanalo.

 

4.      Ganap na inaalipin ang manunugal sa paraang nadaragdagan ang pagka-humaling sa sugal dahil sa pagkapanalo. Kung ito naman ay matalo, nadaragdagan din ang pagkawili sa pagsusugal sa hangad na mabawi ang natalo sa kanya. Sa ganitong kalalagyan tuluyan na siyang nabulid sa pagsusugal hanggang sa siya ay tuluyang maghirap nang lubusan.

 

Sa kabuuan, ang sugal ay siyang pangunahing dahilan sa di mabilang na mga kasamaang naidudulot sa kabuhayan ng tao. Nagagawa nito na maging dukha ang mga mayayaman na siyang sanhi upang ipasiya ng mga ito na magpatiwakal.

 

 

SIGARILYO

 

Ang pangkalahatang alituntunin sa “Shar’iah”, hindi ipinahihintulot sa isang Muslim na sumuong ng ano pa mang bagay na makapagbibigay ng panganib sa kanyang buhay.  Ang Muslim ay hindi ang may-ari ng kanyang sarili. Ang kanyang buhay, kalusugan at kayamanan ay ipinagkaloob sa kanya ng AllahU. Kaya hindi ipinahihintulot sa kanya ang gumawa ng ano pa mang bagay na makapipinsala sa kanya.

 

Sinabi ng AllahU:

 

“At huwag ninyong hayaan na ang sarili ninyong mga kamay ang magwasak sa inyo.” [Surah Al Baqarah: 2:195]

 

Sa mga maliliwanag ng mga pagsusuring ito, masasabi ng isa na ang paninigarilyo ay Haram, lalong-lalo na sa kaso ng isang tao na pinaalalahanan ng doktor ng malubhang kalalabasan nito sa kanyang kalusugan.

 

Malinaw na nakita sa makabagong pananaliksik na ang paninigarilyo ay nakapagpapamanhid sa utak at nerbiyos. Kung ang tao ay pagod at balisa, siya ay maninigarilyo at tila nakadadama ng kaginhawahan. Subalit ang katotohanan ay hindi siya nakadadama ng ginhawa, manapi'y wala na siyang nadarama na ano pa man dahilan sa minanhid ng tabako ang kaniyang utak at nerbiyos. Kaya hindi na niya nadarama ang hirap na dulot ng kapaguran at pagkabalisa.

 

Ang paninigarilyo ay nagdudulot ng iba't-ibang uri ng karamdaman dahil sa taglay ng tabako ang nakalalasong sangkap na kung tawagin ay nicotine at cibicianidric na higit na mabagsik kaysa nicotine.

 

Ang ilan sa mga sakit na makukuha sa paninigarilyo ay ang mga sumusunod:

 

Kanser sa baga, malakas at iregular na pagtibok ng puso, sakit sa mata, kahirapan sa paghinga, tuberculosis, panghihina ng utak, pag-ubo, rayuma, paghina ng memorya, ulcer, at iba't-ibang sakit sa balat.

1
2898
تعليقات (0)