Pagbibigay-Mukha sa mga Kaaway

Jaime B. Veneracion

(Unang Bahagi)

 

Ang aklat ni Saturnino Martin Cerezo (El Sitio de Baler, Ang Paglusob sa Baler) ang natatanging salaysay sa pagsalakay ng mga kawal Pilipino sa destacamentong Kastila sa Baler noong 1898-1899. Puno ng detalye ang aklat-kung paanong nilabanan nila ang pagkabagot, gutom at pagtakas ng kapwa nila sundalo upang sumapi sa kalabang Pilipino. Nandoong nagsaya sila kunwa at nag-awitan, upang ipakita na hindi sila napapagod. Nandoong tirahin nila ang mga kalabaw sa paligid upang paminsan-minsan ay mayroong silang karneng makakain. At dahil may mga nanghina ang loob at ang ilan ay tumakas upang sumapi sa mga Pilipino, dalawa sa mga nagbalak ay kanilang ipinabaril sa firing squad.

 

Ngunit sa isang reenactment ng pangyayaring ito, hindi katanggap-tanggap na ang salaysay ay mula sa punto de bista ng isang Espanyol tulad ni Saturnino Martin Cerezo. Halimbawa, matindi ang kanyang pagkamuhi sa mga tumakas na kasama upang sumapi sa mga Pilipino. Sa kanyang palagay, traidor sila. Ngunit sa punto de bistang Pilipino, ang pagbaliktad na ito ay isang pratikal na pag-amin na wala na talagang patutunguhan ang laban sapagkat sumuko na ang mga Kastila sa lahat ng lugar sa Pilipinas.

 

Kaya ang praktikal na suliranin sa isang reenactment ay kaninong punto de bista ang gagamitin upang maging kapani-paniwala sa audience ang ilalarawan. Sa kabutihang-palad, sa salaysay mismo ni Cerezo, may isang bata na pinatungo ng mga Pilipino dala ang isang bandilang puti at isang malaking envelop na naglalaman ng mungkahing tigil-putukan. Ipinag-utos ni Cerezo na barilin ang hawak na envelop ng bata na ikinagulat nito. Karipas siya ng takbo dahil sa nangyari.

 

Kung may gulang na siyam hanggang sampung taon siya noong 1899, hindi na puwedeng buhay pa siya ngayon. Ngunit maaaring mayroon siyang anak na napagkuwentuhan ng pangyayari, isang creative device sa teatro na maraming bentahe. Sa isang salaysay ng isang hindi saksi sa pangyayari ngunit may kaugnayan dito, maraming detalye na hindi tumpak ang puwedeng matanggap ng manonood. Ang lalabas kung gayon ay mga panlahat na katotohanang historikal.

 

Halimbawa, sa pag-unawa ng isang bata, hindi magiging makatwiran ang mga pulitikal na basehan ng labanan.

1
1094
تعليقات (0)