Pagpapahalaga sa Tao

PLPHP - Balikas

Noong nakaraang linggo, sumambulat ang balita sa isang pahayagan tungkol sa masamang kalagayan ng mga manggagawa sa Anvil Ensembles, isang pagawaan ng mga damit sa Taytay, Rizal. Pangunahing tinalakay sa ulat ng Philippine Daily Inquirer ang tungkol sa pagpapainom ng gamot na Duromine sa mga manggagawa upang tuluy-tuloy na makapagtrabaho ang mga ito.

 

Ayon sa ulat, may panahon na inaabot ng dalawa hanggang tatlong araw na walang-patid ang pagtatrabaho para lamang maabot ang quota o dami ng damit na inorder sa Anvil ng mga kumpanya mula sa ibang bansa. Ang Anvil ay "sub-contractor" o gumagawa ng mga damit para sa mga kumpanyang tulad ng Little Betty, JC Penney at Sears & Roebuck.

 

Ang Duromine ay isang gamot na ginagamit sa pagpapapayat, at nagdudulot ng hindi pagkatulog sa sinumang iinom nito. Ayon pa sa ulat, ang gamot ay isang "restricted drug" at hindi maaaring bilhin ng walang reseta dahil maaaring magdulot ito ng masamang epekto sa mga may sakit sa puso o altapresyon.

 

Pagkalabas ng balita, kaagad nagbigay ng pahayag ang samahan ng mga nagluluwas (export) ng damit, ang Confederation of Garment Exporters of the Philippines (CONGEP). Maaari raw maapektuhan ng ulat ng Inquirer ang imahe ng buong industriya ng garments sa Pilipinas, kahit pa ang Anvil ay hindi naman kasapi ng CONGEP.

 

Dapat raw ay isinangguni ng Inquirer ang pagpapalabas ng ulat sa pribadong sektor at sa Department of Trade and Industry dahil maaari raw magbigay ito ng negatibong pagkilala ng mga taga-ibang bansa sa industriya ng garments sa Pilipinas at magtulak sa kanila na iwasan o huwag mamuhunan sa bansa.

 

Kung tutuusin, mahirap isipin kung paanong makakasama ang pagpapalabas ng isang ulat tungkol sa masamang kalagayan ng mga manggagawa, na ang nais lang naman ay maayos na pasahod at trabaho. Madalas kaysa hindi, nauuwi na lamang sa pagtitiis ang mga manggagawa na kadalasan ay pinagbabawalan pang mag-unyon at magreklamo, nguni’t walang magawa dahil madalas ay wala namang malipatang trabaho.

 

Batay sa reaksyon ng CONGEP, kung may mabalitaan tayong paglabag ng mga karapatan ng mga manggagawa sa mga pabrika ay dapat na tumahimik na lamang tayo, lalo na ang mga mamamahayag. Nagmamalasakit daw kasi ang kanilang mga kliyente, na karamiha’y Amerikano, sa mga usaping tulad ng kapakanan ng mga manggagawa.

 

Ganito nga kaya? Baka higit na wastong sabihin, ang malasakit ng mga kumpanyang dayuhan ay panatilihing mababa ang pasahod ng mga manggagawa sa ating bansa. Kaya nga dito at hindi sa kanilang bansa ginagawa ang mga damit na ibinebenta sa kanilang bansa.

 

Mataas ang pasahod sa mga manggagawa sa Amerika, at sa laki ng gastos, liliit ang tubo ng mga namumuhunan, at hindi magagawa ng mga ito na makipagsabayan sa mga kumpanyang gumagawa ng damit sa mga bansang mababa ang pasahod.

 

Maaaring layasan tayo ng mga dayuhang mamumuhunan, tulad ng "pangamba" ng CONGEP, nguni’t malaking kalokohan na isisi ang kanilang paglayas sa ulat ng Inquirer. Kung tutuusin, ang gawi ng mga dayuhang kumpanya ng mga kilalang tatak ng damit ang nagtutulak sa mga subcontractor na tapakan ang karapatan ng kanilang mga manggagawa.

 

Wala nang titingkad pa rito kaysa sa pagpapainom ng mga gamot sa mga manggagawa para lamang makasunod sa quota. Walang mahalaga sa nangongontratang dayuhan kundi tubo, kaya’t wala itong pakialam sa kahit anong gawin ng subcontractor sa kanyang mga manggagawa. Kahit pa ang tao ay tratuhin na lamang bilang makina sa tuluy-tuloy na pagtatrabaho, at wala nang iba pang pangangailangang dapat tugunin tulad ng maaayos na pasahod para makapamuhay ng sapat, pagpapahinga, maging kapiling ng kanyang pamilya at iba pa.

 

Ang pagsasawalang-bahala ng mga kumpanya sa mga pangangailangang ito ng karaniwang mamamayan ang dapat na ipatigil, hindi ang pag-uulat ng mga paglabag dito, at hindi ang paggigiit ng mga manggagawa na kilalanin ang kanilang mga karapatang ito.

 

Mahalaga rin ang pakikilahok ng karaniwang mamamayang namimili ng mga damit sa usaping ito, lalo na yaong mga naninirahan sa ibang mga bansa. Ang pamimili ng damit, lalo na roon sa mga maraming pambili, ay kadalasang nakasalalay sa kung ano ang uso at kung ano ang tatak ng kanilang isinusuot.

 

Magiging malaking tulong sa mga manggagawa kung magsisimula tayong ma-usisa tungkol sa kalagayan ng mga taong gumawa ng ating damit. Kung ititigil ng mga mamamayan ang pagtangkilik sa mga tatak na bunga ng pagsasamantala, maaaring mapilitang makinig ang mga gumagawa nito at higit na bigyang pansin ang kapakanan ng mga manggagawa.

 

1
1161
تعليقات (0)