Hello, Dubya? Pwe!

Kabayan

GANITO ba ang ating magiging pasalubong sa pagdating ni Pangulong George W. Bush sa ating bansa? Magpapakita ba tayo ng masamang ugali matapos na anyayahan natin siya na dalawin naman tayo? Dangan kasi ay makapal ang dating ng mga balita na sasalubungin ng mga protesta ang pagdalaw ni Bush sa atin.

 

Bagay na nagpapakita ng masamang mukha ng demokrasya na nagpapabaya sa kahit sino na ilabas ang kanyang saloobin. Maganda ang may ganyang garantisadong mga karapatan ng isang malayang tao, ang karapatang sabihin ang gusto niyang sabihin at ilantad ang kanyang saloobin.

Maganda iyan!

 

 

Ngunit may hangganan...


Hindi sa lahat ng pagkakataon ay dapat tayong manggigil. May oras na kailangan ang pagtigil. Kung wala na sa lugar. Hindi na angkop sa kagandahang asal. Kung magdudulot ng kahihiyan sa ating bansa at watawat.

 

Kung may ibang nakatagong motibo ang pagprotesta sa pagdating ni Bush; ang pagsusulong ng isang banyagang ideolohiya halimbawa, ang pagiging alipin ng ilang mahiwagang mga anino na kumikilos upang ang daigdig ay maging magusot sa habang panahon.

 

Dapat nang supilin ang mga ganyan. Dahil ang mga nagpoprotesta nang dahil sa kahit anong dahilan ay hindi mo masasabing tinitingnan ang buong bayan. Ang kanilang mga kakosa lamang ang nangunguna sa kanilang pag-iisip.

 

May magsusuot daw ng mga ribbon na ilang kongresista dahil ipakikita nila ang protesta nila laban sa giyera sa Iraq at Afghanistan, sa "war on terror" na pinangungunahan ni Bush.

 

Ano ang kinalaman natin sa Iraq at sa Afghanistan at pati iyon ay pakikialaman natin? Maniniwala pa ako kung ang ipoprotesta nila ay ang mga ginagawang pag-atake ng mga komunistang NPA at ang pagdukot at pagpatay na ginagawa ng mga ito. Bakit kapag ang makakaliwang hukbong iyan ang kumikilos ay wala silang kibo?

 

Itong mga magsusuot ng ribbon ay mga mambabatas na dapat ay siyang tumayong mga may-ari ng bahay na may darating na bisita sapagkat sa kanilang magarang Batasan magtatalumpati si Bush dahil sa pag-anyaya ng dalawang Kamara ng Kongreso mismo. Samakatuwid, kayo pang "host" ang magpapakita ng masamang ugali sa bisita?

 

Ang ilang militanteng grupo naman ay magsusunog daw ng mga bandila ng Amerika at ipagsisigawan din ang kapakanan ng mga NPA na maalis sa talaan ng mga terorista. E, kung nagkakalat nga ng "terror," bakit aalisin?

 

Maliwanag ang babala ng mga pinuno ng Kongreso: May hiling ang pamahalaan na magpakitang buti tayo sa bisita at kung may manggugulong mambabatas man o hindi ay babagsakan ng bigat ng batas.

 

Papayagan naman silang magprotesta hanggang mangitim sila, sa Freedom Park lang at hindi na puwede sa ibang lugar. Anila pa ay magiging matahimik ang kanilang mga protesta ngunit, kapag ang mga pulis ang magsisimula ay mapipilitan silang lumaban.

 

Okey lang din. Huwag lang kayong mang-uulot. Kaya naman kayo nabubukulan kung minsan sa inyong mga rally ay dahil na rin sa pagpipilit ninyo.

 

Konting pino, mga kasama. Nahahalata tuloy kayo. Baka sa bandang huli ay wala na kayong makuhang simpatya at ipagdasal pa ng bayan na magdalawang bukol na kayo sa susunod ninyong protesta!

 

 


Magkano ba ang ginagastos sa isang protesta lalo na yaong isinasagawa ng diumano ay mga "mahihirap" at "dukha?" Sa mga bandera lang at streamers ay malaki na, 'yun pang bayad sa "hakot?" Aba, mahal ang gasolina ngayon, pati rental ng trak!

 

Sino kaya ang namumuhunan sa mga ganitong kilos-protesta? Diretsahin na natin, sino ang gumagamit sa kanila?

 

1
1178
تعليقات (0)