No. 92

PLPHP - Star

PINAGHATIAN ng Pilipinas, Albania, Argentina, Ethiopia, Gambia, Pakistan, Tanzania at Zambia ang ika-92 puwesto bilang mga tiwaling bansa. May 133 bansa ang kasama sa corruption report na ginawa ng Transparency International. Pinaka-corrupt na bansa ang Bangladesh na nasa number 133. Nangunguna naman ang Finland bilang pinakamalinis na bansa o walang nangyayaring katiwalian.


Kinuwestiyon ni President Arroyo ang report ng Transparency International. Ang report aniya ay isa lamang perception ng corruption. Kakatwa rin naman, ayon pa kay Mrs. Arroyo na hindi man lamang isinama ng Transparency International ang ginagawang paraan ng pamahalaan para madurog ang katiwalian. Binanggit ni Mrs. Arroyo ang isinasagawang "lifestyle checks" sa mga opisyal ng pamahalaan. Marami na aniyang mga opisyal ang nasampahan ng kaso dahil bumagsak sila sa "lifestyle checks".


May katwirang umalma si Mrs. Arroyo sapagkat kasama ang Pilipinas sa mga tiwaling bansa sa mundo. Masakit ito lalo na sa tulad niyang pinuno. Pero ito ang katotohanan. Hindi maitatago ang katotohanan na laganap ang katiwalian sa mga departamento at ahensiya ng pamahalaan. Sa kabila ng mga kampanya ng pamahalaan para madurog ang mga corrupt, wala pa ring makitang pagbabago at mas lumala pa ang problema sa corruption.


May score na 2.5 ang Pilipinas ngayong taong ito bilang isa sa mga corrupt na bansa. Pababa nang pababa ang score ng Pilipinas. Noong 2001, ang score ng Pilipinas ay 2.9 at noong 2002 ay 2.6. Malamang na bumaba pa ito sa 2004 kung hindi magkakaroon ng puspusang kampanya ang pamahalaan laban sa corruption.


Kung seryoso ang gobyerno laban sa pagdurog sa mga tiwali, kailangang magkaroon ng ngipin ang batas. Ipakita na walang sinasanto, walang kamag-anak, asawa, anak at kaibigan. Isang malaking kahinaan ng mga namumuno ay ang pagtatakip kapag ang nasasangkot na ay malalapit sa kanila. Nasisira na ang mga nilikhang batas. O kung maparusahan ang mga tiwali, ito ay hanggang sa suspensiyon lamang. Matagal na ang anim na buwan na suspensiyon. Ganyan lamang kagaan ang parusa sa mga nagkamal ng pera ng bayan. Marami ang nagtatawa sa kalambutan ng batas. Ganyan sa bansang ito kaya marami ang buwayang walang kabusugan.

1
1179
تعليقات (0)