Ang Tamang Konsepto (Pagkilala) Sa Isang Tunay Na Diyos

PLPHP

Ang ikalawang pangunahing pangangailangan upang ganap na maunawaan ang paksang tatalakayin, ay ang tamang pagkilala o konsepto sa Diyos. Bagamat maraming tao ang naniniwala sa pagkakaroon ng nag-iisang Diyos, ang pagkilala rito ay kapos at walang batayan. Ano nga ba ang katotohanan tungkol sa tunay na pangalan ng Nag-iisang Diyos? Ang matibay na batayan rito ay ang orihinal na wika ng mga Propeta na isinugo ng Nag-iisang Diyos at ang Banal na Kasulatan na dala ng mga naturang Propeta. Pumili tayo ng mga kinikilalang Propeta at Banal na Kasulatan. Nangunguna na rito ang tatlong dakilang Propeta ng tatlong pangunahing relihiyon sa mundo, sina Moises (Judaismo), Hesus (Kristiyanismo) at Muhammad (Islam). At mula sa mga Banal na Kasulatan, babanggitin natin ang Torah ni Moises (wala na ang orihinal nito kaya ang batayan ng mga Hudyo ay ang Lumang Tipan), ang Ebanghelyo ni Hesus (wala na rin ang orihinal na Ebanghelyo, kaya ang batayan ay ang Bagong Tipan, at ang Huling Banal na Kasulatan na tinatawag na Al Qur’an ng huling Propeta- Muhammad. Batay sa mga nabanggit na mga Propeta at ang kanilang mga Banal na Kasulatan, ating matutunghayan sa ilang pahina ng mga kasulatang ito ang katawagan na ginamit na tumutukoy sa Nag-iisang Diyos na Tagapaglikha. Sa maikling salita, ginamit ni Moises sa kanyang wikang Hebreo ang Eloihim[1], ginamit ni Hesus sa kanyang wikang Aramaiko ang Eli at ginamit ni Propeta Muhammad ang AllahU batay sa kanyang wikang arabik at kapahayagang Al Qur’an.

 

  

AllahU- Ang Nag-iisang Tunay Na Diyos

 

Maaaring bago sa pandinig ng di muslim ang salitang “Allah”, ngunit kung marunong lamang magbasa ng wikang semitiko (Aramaiko, Hebreo, Arabik, at iba pa) ang mga iskolar ng ibang relihiyon, kanilang matutunghayan na ang “Allah” na sinasamba ng mga muslim ay Siya ring Diyos na Tagapaglikha (The Almighty Creator) na kinikilala ng lahat ng Propeta-katulad nina Adam, Noah, Abraham, Ismael, Isaak, Lot, Enoch, David, Soliman,Moises, Aaron, Zakariyah, Juan Bautista, Hesukristo. Sa Bibliya, mababasa na si Hesus ay nagdasal at nagsumamo sa kanyang tinatawag na Diyos ng “Eli, Eli, lama Sabachtani?” (Mark 15:34) Ang ibig sabihin “Diyos ko, Diyos ko bakit Ninyo ako pinabayaan?” Ang Eli na tinatawag at kinikilalang Diyos ni Hesus sa kanyang wikang Aramaiko rito ay katumbas ng wikang arabik na “Elahi” (aking Diyos). At maging ang “Eloihim” ay matutunghayan din sa Bibliya bilang katawagan sa Diyos ni Propeta Moises sa kanyang wikang Hebreo. Alalahanin na sa wikang Arabik at Hebreo, ang IM sa dulo ng Eloihim ay isang salitang paggalang (plural of respect). Katulad ng Pilipino na ginagamit ang Kayo, Inyo kung ang kausap ay matanda bilang paggalang dito. Kaya’t ang Eli, Elah at Eloihim ay hindi tatlong magkakaibang kahulugan at salita kundi tatlong semitikong wikang tumutukoy sa isang arabik na salitang nakaugnay lamang sa Tanging Nag-iisang Tagapaglikha (The One and Only Creator)- ang Allah at ito ang Siyang tunay na Pangalan ng Nag-iisang Diyos. Katunayan pa nito, maging sa simbahan ng mga Kristiyano, ang awiting papuri sa Diyos na “Alleluya” ay katumbas ng “Allah Huwa” sa arabik na ang ibig sabihin ay “Siya ang Allah”. Ito ay isang bakas ng katotohanan na hindi maaaring ikubli ng sinuman.

 

 

Sino Si Jehovah?

 

Ang salitang “Jehovah” ay hindi maaaring maging pangalan ng Diyos sapagkat ayon na rin sa aklat na “World Religions From Ancient History” (edited by Geoffrey Parrinder, p 386) ang salitang Jehovah ay isang “medieval misreading” na ang ibig sabihin ay maling pagbigkas sa pagbasa nito at hindi ito matatagpuan sa Bibliyang Hebreo. Ayon pa rin sa “Interpreters Dictionary of the Bible” ang pangalang Jehovah ay isang artipisiyal na pangalan (vol 2, p 817). Ang “Asimov’s Guide to the Bible” ay nagsabi na ang Jehovah ay pagkakamali (vol 1 p, 135) at ang pagkakamaling ito ay magpapatuloy. Ang paliwanag naman ng mga kasapi ng Jehovah Witness ay ito: ang Jehovah ay mula sa YHWH (tetragrammaton). Ang ibig sabihin ng Tetra (ito ay wikang griego) ay apat at ang “grammaton” ay titik. Alalahanin na ito ay hindi winika ni Hesus, at hindi rin winika ni Moises at maging sino mang Propeta. Ang salitang Jehovah ay pagkakamali sapagkat nang ang isang Kristiyanong nangangalang Petrus Galantinus (AD 1520) ay pinaghalo ang katinig na YHWH sa patinig  na a, o at a nabuo ang salitang Ya Ho WaH. At dahil ang titik na “Ya” ay binibigkas sa wikang Latin ng “J” ang Jehovah ay naibigkas sa ganoong kaparaanan. Bagama’t inamin na ang salitang “Jehovah” ay isang pagkakamali, ito ay patuloy na ginamit. Higit pa rito, ang salitang Jehovah ay hindi nabanggit at wala sa pandinig ng sinumang nakabasa ng Old at New Testament bago dumating ang 16th century. Ganoon din naman ang pangalang Jesus, ito ay wala sa orihinal na wikang aramaiko ni Jesus (Esau ang tunay niyang pangalan sa aramaiko, at Eesa naman sa arabik). Ganyan din ang nangyari sa pangalan nina Yahya (John the Baptist), Yacob (Jacob), Yusuf (Joseph), Yehuda (Judah), Yeheshua (Joshua). Sadyang napakahalaga sa bawat tao na magkaroon ng tapat na pagsisiyasat at pag-aaral tungkol sa paksang ito upang makita ang katotohanan.

 

 

Ang Kahulugan Ng “Yahweh”

 

At ayon din sa “New Jerusalem Bible” ang YHWH na binibigkas na YAHWEH ay binigyan ng paliwanag ng ganito: Ito ay bahagi ng wikang Hebreo na nagpapahiwatig o nangangahulugang “Siya” o sa ingles na “He is”. Kung ang salitang Yahweh ay “Siya” hindi ito isang ganap na pangalan. Kaya higit na angkop ang salitang AllahU kaysa sa Jehovah o Yahweh. Ang mga arabong kristiyano at muslim ay kapwa tumatawag sa Diyos sa pangalang  “Allah” U[2].

 

 

Ang Kahulugan Ng “Bathala”

 

Ang salitang “Bathala” ay mula sa wikang arabik na “Bayt Allah”. Ang salitang “Bayt” ay katumbas ng “Bahay o Tahanan” sa ating wikang Pilipino. At ang “Allah”U naman ay ang Nag-iisang Diyos. Kaya, kung pagsasamahin ang dalawang salitang Bayt Allah o Bathala ang kahulugan nito ay Bahay o Tahanan ng Diyos (Allah). Samakatuwid, kahit sa salitang Bathala, ating matatagpuan ang bakas ng katotohanan na walang ibang tunay na diyos maliban sa AllahU.

 

 

Ang “God, Gods At Goddess”

 

Ang salitang “Allah”U ay pinanatili upang bigyang pagkakaiba ang natatanging pangalan ng Nag-iisang Tagapaglikha at ang kaibahan Niya sa Kanyang mga nilikha. Ang AllahU ay hindi nasasangkot at hindi nababahiran ng anumang katangian o paglalarawan na angkop lamang para sa Kanyang mga nilikha. Halimbawa; ang Kasarian (sexual identity)- ito ay ginagamit upang bigyang pagkakaiba ang babae at lalaki. Ang Kasarian ay hindi maaaring taglayin ng isang Tunay na Diyos. Ang “Allah”U ay hindi rin nasasangkot sa pangmaramihan (plurality of number)-Hindi katulad ng salitang “god” sa wikang ingles kapag ito ay dinagdagan ng letrang “s” sa dulo ng god, ito ay magiging gods na nangangahulugan na “maraming diyos”. O di kaya ay “dess” na naging “goddess” na ang kahulugan ay diyos na babae. Ang AllahU ay isang salita na nagsasaad ng Kaluwalhatian, Kapangyarihan, Kadakilaan at Kapurihan o Karangalan. Ito ay isang banal na katawagan na hindi maaaring gamitin ng sinumang nilikha sa anupamang dahilan at pamamaraan at kalagayan.

 

 

Ang Konseptong “Diyos Ama”

 

Ang katawagang “Diyos Ama” ay hindi ginagamit ng mga muslim sapagkat ang “ama” ay nagpapahiwatig ng isang katangian ng tao. Ang Allah ay hindi nagkaanak o nanganganak at hindi rin naman Siya ipinanganak ng ninuman sapagkat ang ganitong kalakaran ay angkop lamang sa tao o hayop. Tunay na napakaganda ng Konsepto ng Islam tungkol sa Diyos. Maliwanag nitong binigyang pagkakaiba at pagitan ang anumang katawagang nararapat sa Diyos na hindi maaaring matagpuan sa katawagan umuugnay naman sa isang nilikha lamang. Ang paggamit o pagtawag ni Hesus bilang Ama sa Diyos ay isang metaporikal na pagtawag lamang at hindi literal na pagtawag na karaniwang ginagamit ng tao. Karaniwang ginagamit ang metaporikal na (ama) sa makalumang panahon. Ang “ama” sa metaporikal na kahulugan ay maaaring “Tagapagsimula o Tagapagtatag (Founder). Maging sa ating bansa, metaporikal din ang ginagamit sa pagbibigay tag-uri o pagkilala sa mga dakilang tao, halimbawa- ang Pangulong Manuel Quezon ay siyang tagapagsimula (founder) o tagapagtatag ng wikang Pilipino kaya naman siya ay tinaguriang “Ama ng Wika”. Kaya nga, ang Islam ay ganap na umiiwas sa anupamang masalimuot na kataga na maaaring magdulot ng pag-aalinlangan o maling kaisipan tungkol sa malinis at wagas ng pagkakilala sa Nag-iisang Tunay na Diyos. Siya ang Nag-iisang tunay na Diyos, nag-iisang walang katulad, nag-iisang walang kapantay, nag-iisang may ganap na kapangyarihan, katarungan, kagandahan, karunungan, kaalaman ---na walang paghahambing sa sinuman. Batid Niya ang nasa kalaliman ng karagatan, ng kalupaan at ng kalangitan. Walang makaaarok o makasusukat sa Kanyang kakayahan.

 

……………………………………………………………………………

[1]     Eloihim ay binubuo ng dalawang salita. Una, ay ang “El” na ang kahulugan ay “lakas” at ang ikalawa ay “Alah” na ang kahulugan ay “to swear” o pumailalim sa panunumpa. Ito ang paliwanag ng mga scholars ng “First Scofield Reference Bible sa footnote (tala-ibaba) ng Genesis 1:1 pahina 1. Karagdagan pa nito, si Dr. William Smith ay nagbigay paliwanag sa “Elohim” sa pahina 220 ng kanyang aklat na “Bible Dictionary as Revised and Edited by FN Peloubet ng ganito: “Elohim is plural word of Eloah” (in arabic Allah)

 

[2]       Allah ay siyang arabik na katawagan sa Diyos na ginagamit ng mga arabong kristiyano at muslim. Britanicca, 1990 edition vol 1 p. 276

 

1
1272
تعليقات (0)