Amnesia: Kondisyon ng tao na 'walang nakaraan'

abs-cbn

Iba't ibang tanong, sasagutin ni G. Ernie Baron sa kanyang Knowledge Power. Narito ang paglalathala ng popular na palabas sa telebisyon na pinangungunahan ni G. Baron, ang tinaguriang "Walking Encyclopedia" dahil sa dami ng kanyang alam sa larangan ng agham, kasaysayan at pangkalahatang kaalaman.

 

* * *

 

FYI: Amnesia


Popular sa mga manonood ang isang kabanata ng "Chinovela" na
Meteor Garden. Sa naturang kabanata, nagkaroon ng amnesia ang karakter na si "Dao Ming Si" dahil sa isang aksidente. Hindi matandaan ni Dao ang kanyang nakaraan at wala rin siyang maalala sa relasyon nila ng nobyang si "San Cai."

 

Ang ganitong klase ng amnesia ay tinatawag na "retrograde amnesia." Karaniwang nangyayari ito kapag lubhang naapektuhan ang utak ng isang tao na naaksidente. Sa kabila nito, agad naibabalik ang alaala ng pasyente na mayroong retrograde amnesia.

 

Tulad ng karakter na si Dao, aksidente rin ang dahilan kung bakit nagkaroon ng retrograde amnesia si Cornelio Datoon.

 

Ani Datoon, tumatawid siya noon ng Circumferential Road-5 nang mabangga ng isang kotse. Sa ospital na binalikan ng malay si Datoon ngunit wala siyang matandaan kung ano ang nangyari sa kanya.

 

Nagtamo ng isang sugat sa ulo ang biktima. Inabot ng tatlong araw bago bumalik ang alaala ng pasyente sanhi ng matinding pagkabagok ng ulo sa semento.

 

Samantala, kung may retrograde amnesia, may tinatawag ding "anterograde amnesia."

 

Sa kasong ito, natatandaan ng biktima kung ano ang nangyari sa kanya matapos ang aksidente. Pero wala siyang matandaan sa kasalukuyang mga pangyayari.

 

Kaugnay nito, mayroon ding masamang epekto ang labis na pag-inom ng alak. Babala ng mga doktor, maaaring magkaroon ng "Korsakoff's psychosis," isang uri ng amnesia, ang tao na sobra kung uminom ng alak.

 

Nagkakaroon ng "traumatic amnesia" ang mga tao na dumaranas ng matinding pananakit ng ulo dahil sa mga palo dito. Sa kondisyong ito, nawawalan ng malay ang biktima. Kung matindi ang pagpalo, maaaring mauwi ito sa "comatose." Karaniwang nararanasan ng mga tao na sumasailalim sa "hazing" at pang-aabuso ang trumatic amnesia.

 

Matatawag na "psychogenic" ang kondisyon ng taong may "hysterical amnesia." "Psychological" o problema sa ugali at pag-iisip ang nagiging sanhi nito.

 

May tinatawag ding "infatile" o mas kilala bilang "childhood amnesia." Walang matandaan tungkol sa kanyang pagkabata ang taong may ganitong kondisyon. Posibleng dahilan nito ang pang-aabuso sa bata at masamang karanasan na sinapit ng pasyente.

 

Sa mga tao na hindi makaalala kung sino siya o hindi matandaan kung saan nailagay ang isang gamit, ang tawag dito ay "transient global amnesia." Nangyayari ito tuwing nagkakaroon ng "transient schemic attack" o "small stroke." Sa ganitong kondisyon, nababarahan ang "artery" o ugat papunta sa utak.

 

Karaniwan din na iniuugnay dito ang pagkakaroon ng "migraine" o matinding pananakit ng ulo.

 

Bukod sa mga nabanggit, maaari ring maging dahilan ng amnesia ang pagkakaroon ng "encephalitis" at iba pang sakit na may kaugnayan sa pagkasira ng "brain tissue."

 

Ang "limbic system" ng utak ay apektado sa pagkakaroon ng amnesia. Kasama dito ang pagkasira ng "hippocampus," isang parte ng utak na responsable sa memorya. Apektado rin ang "medial temporal lobe" sa pagkakaroon ng amnesia. Pero sa pamamagitan ng therapy at mga gamot, nagagawang ibalik ang alaala ng mga pasyenteng may amnesia.

 

 

Gallery: Modern gadgets


Dumating na ang kinabukasan ng modernong teknolohiya sa pamamagitan ng pagtatanghal ng "Stufflive 2003" sa
London.

 

Wika nga "techonology rules" dahil dumagsa dito ang mga imbentor at mga imbensyon nila.

 

Isa na rito ang "sunglasses screen." Kahit hindi tag-init, maaari itong isuot hindi dahil proteksyon sa araw kundi dahil pwedeng manood ng pelikula ang may suot nito.Mayroon ding "lighter cam." Sa kagamitang ito, maging si "James Bond" ay maglalaway dahil nagagawa nitong kunan ng litrato ang gagamit ng lighter bago sindihan ang sigarilyo.

 

Ano ang sinabi ng mga cellular phone ngayon na may kasamang camera?

 

Tampok din ang "underwater sportscar" na nagagawang magsakay ng dalawa katao hanggang sa lalim na 50 metro.

 

Ngunit hindi mura ang kotse dahil ipinagbibili ito sa halagang $830, 000.

 

Ngunit kung tipo ng kostumer ang magbisikleta, hindi na dapat alalahanin ang pagpaparadahan ng bisekleta dahil mayroong ipinagbibiling bisekleta na maaaring tiklupin.

 

Pero hindi paalala lang ng mga imbentor, hindi agad dapat magsaya ang mga tao dahil maghihintay pa sila kung kailan ilalabas sa pamilihan ang naturang mga imbensyon.

 

 

Health Tips ni Ka Ernie: Pagkain para sa utak


Kailangan ng balanseng diet para sa tamang operasyon ng magkabilang bahagi ng utak ng mga bata.

 

Ilan sa mga pagkain na dapat kainin para dito ay ang karne ng manok, isda, itlog, gulay na beans at gatas.

 

Ang laman ng mga isdang tulad ng tuna at mackerel ay mahusay sa utak dahil sa espesyal na mga taba na taglay nila. Ang mga bata na madalas kumain ng tuna at mackerel ay malimit maibilang sa mga matataas ang I.Q. o intelligence quotient.

 

Ang itlog na mayaman sa protina, zinc, Bitamina A at D ay nakakatulong upang mapaunlad ang memorya at pag-iisip ng bata.

 

Mainam din sa pagkakaroon ng mataas na lebel ng enerhiya at pag-iisip ang saging. Isa ito sa mga dahilan sa wastong operasyon ng utak.

 

Samantala, importante rin sa wastong pag-unlad ng utak ang mga sangkap na "DHA" at "ARA."

 

Importante ang pagbibigay ng tamang pagkain na may sapat na sustansya para sa wasto at balanseng pag-unlad ng utak ng sanggol.

 

Ang gatas ng ina ay mayaman sa mga sustansya pero kung hindi posible ang pagpapasuso, maaari ring gumamit ng alternatibong gatas na may tamang antas ng DHA at ARA.

 

* * *

 

Para sa inyong mga katanungan at reaksyon tungkol sa programa, i-text lang ang mga sumusunod na keyword: KPOWERquestion or reaction at ipadala sa 2366 para sa Globe at Touch Mobile.

 

 

1
1301
تعليقات (0)