Ano ang IMAAN?

PLPHP

Sa Ngalan ng Allah, ang Mapagpala, ang Mahabagin

 

 

Bagama’t ang Imaan ay maaaring isalin sa wikang Pilipino na nangangahulugan ng paniniwala, pananampalataya o pananalig o sa wikang Ingles ay “faith”,  ito ay gahol na kahulugan at pahapyaw lamang.  Ang isang tao ay masasabi na may pananalig kung siya ay naniniwala na ang pagkain ng pagong (turtle) ay nakapagpapasigla ng katawan (aphrodisiac). Masasabi rin na ang tao ay may pananampalataya kung siya ay naniniwala na si Mariang Makiling ay diyosa, ang mga tao sa kagubatan ay maaaring sumasamba sa bato, puno o hayop at masasabi rin na ang mga ito ay pananalig. Ang mga Hindus ay nananampalataya na si Khrisna ay diyos na nagkatawang tao (god incarnate), ang mga Kristiyano rin ay nananampalataya na si Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay diyos din na nagkatawang tao (god incarnate). Nguni’t ang mga paniniwalang kayang ito ay nangangahulugan na ito ay katotohanan? Ito kaya ay tama? Ito kaya ay wasto? Walang dalawang kasagutan, maaaring tama o mali, maaari ring magdulot ng kasamaan o kabutihan. Ang katotohanan ay hindi maaaring maging dalawa, iisa lamang ang katotohanan. Ang ibig sabihin nito kung gayon, ang paniniwala ay maaaring tama o mali. Samakatuwid, kahit ikaw ay may pananalig, pananampalataya o paniniwala, hindi ito nangangahulugan na ikaw ay tumatahak sa tamang landas o kawastuan. Hindi rin ito nangangahulugan na ikaw ay ligtas sa iyong piniling paniniwala. Na ito ay malayo sa kapahamakan. Na ito ang Kaligtasan!

 

Dalawang bagay lamang ang nandirito sa sandaigdigan, ang Manlilikha na ang Allah at ang mga nilikha na tulad nating mga tao. Ang anumang pananampalataya na sumasamba sa mga nilikha ay maling landas. Ang mga nilikha na nangangailangan ng mga kalikasan na nilikha ng Allah upang matustusan ang kanilang pagiging likha ay hindi kailanman magiging Diyos. Napakasimple lamang. Sinuman na walang nilikha sa kanyang sarili (bagkus siya ang nilikha) ay hindi maaaring maging Diyos. Maaaring makapagtanong ang isang tao: Kung ang aking pananampalataya pala ay mali, bakit ako nagkakamit at nagtatamasa ng kaginhawahan, kasaganaan at katanyagan sa buhay? Hindi baga mga biyaya ito at pabuya ng aking sinasamba at pinaglilingkurang “diyos”? Kung mali ang aking relihiyon, bakit ako ay hindi nagdaranas ng mga kahirapan, pagsubok at kaguluhan? Dapat natin mapag-alaman na kahit ang ating pamumuhay ay nasa wasto at ayos, hindi nangangahulugan yaon na ikaw ay tumatahak sa tamang pananampalataya. Dapat natin malaman na sapagkat ang Allah ay Al Rahman, Siya ay nagbibigay ng mga pantay na biyaya sa lahat, sa mga mabubuti at masasama, sa mga sumasampalataya sa Kanya o hindi, sa mga kumikilala sa Kanya o nagtatakwil. Pinasisikat Niya ang araw sa mga mabubuti at masasama, pinamamalisbis Niya ang ulan sa mga tumatanggap at nagtatakwil sa Kanya, ito ay dahil sa Siya ang Al Rahman, alalaong baga’y ang pinagmumulan ng lahat ng habag at awa. Maaaring sa mundong ito ikaw ay mabuti, matulungin, mababang loob, hindi nananakit ng kapwa, hindi nagsisinungaling, patuloy na sumasamba sa “diyos”, maaari rin na higit ka pang mabuti at mainam kaysa sa isang Muslim! Dahil dito, ang Allah, sa Kanyang pagiging Al Rahman, ikaw ay binibiyayaan Niya ng lahat ng magaganda at mabubuting bagay dito sa lupa katulad ng kabuhayan, kalusugan, katanyagan, mabuting pamilya atbp., subalit ang lahat ng mga ito ay gantimpala lamang sa makamundong buhay dito sa lupa, at ang lahat ng mga ito ay may katapusan. Subalit sa Kabilang Buhay, ikaw ay wala ng gantimpala bagkus ay kaparusahan at kapahamakan sapagkat ikaw ay hindi kumilala at sumamba sa isang tunay na nag-iisang Diyos na ang Allah. Ang iyong magiging hantungan ay kabiguan at panghabang panahon na kasawian sa Impiyerno. Kahit na anong pagiging matimtiman mo sa iyong pananampalataya, pagiging mabuti mo sa iyong kapwa at kahit na ang buong buhay mo ay iniukol mo sa paglilingkod at pagsisilbi sa “diyos”, kapag mali ang iyong pananampalataya at mali rin ang iyong sinambang “diyos”, ang lahat ng ginawa mo dito sa lupa ay walang saysay at walang kabuluhan sapagkat hindi mo nagampanan ang dahilan ng iyong pagkalikha dito sa lupa, yaon ay ang sumamba ka lamang sa tangi, tunay, at nag-iisang Diyos na ang Allah. Winika ng Allah sa Qur’an:

 

“Nilikha Ko lamang ang mga Jinn at mga Tao upang sambahin Ako.” [Qur’an, 51:56]

 

Iba ang Imaan sa Islam. Ang Imaan ay ang tanging panananampalataya na walang alinlangan at nababatay sa katotohanan, alalaong baga’y ang ultimong pananalig (creed) na nanggaling lamang sa isang Dakilang Panginoon ng sangkatauhan at hindi mula sa mga nilikha. Dito nababatay ang paniniwala ng mga Muslim at hindi sa mga gawa-gawa lamang. Ito ang ibig sabihin ng Imaan.  Ang mga sumusunod ay ang pundamental na paniniwala (Imaan) ng isang tunay at tapat na Muslim:

 

1.      Ang tunay na Muslim ay sumasampalataya lamang sa Iisang Diyos. Siya'y sumasamba lamang sa Kanya at wala ng iba. Ang Islam, bilang isang monoteistikong relihiyon, ang mga Muslim ay mahigpit na nagpapanatili sa pagsamba sa Iisa. Siya'y hindi sumasamba sa kanino pa mang anghel o banal na tao o sino pa mang Propetang pinagkalooban ng Allah ng Kanyang mga salita. Ang Muslim ay hindi nagbibigay katambal o nag-uugnay sa Kaisahan ng Allah at hindi nag-uukol ng pagsamba maliban sa Allah. Ang Muslim ay naniniwala na ang Allah ay walang katambal, walang kapangkat, walang kasama, walang katipan, walang kalaguyo, walang kabilang, walang kahati, walang kawaksi, walang anak, walang ina, walang ama, walang kapatid, at walang katulad sa anupamang bagay. Ang Allah ay nagsabi sa banal na Qur’an:

 

“Ipagbadya: (O Muhammad)! Siya ang Allah, ang tangi at nag-iisa. Ang walang hanggang sinasandigan ng lahat. Hindi Siya ipinanganak at hindi Siya nagkaanak. At walang sinumang sa Kanya ay makakatulad”. [Qur’an, 112:1-4]

 

Ang tunay na Muslim ay sumasamba ng tuwiran sa Allah. Ang Allah ay hindi nangangailangan ng tagapamagitan. Sinuman o alinman ay walang karapatan upang maging tagapamagitan sa Diyos. Ang lahat ng bagay ay ginawa Niya at sa Kanya lamang lahat nauukol ang pagsamba.Ang ano mang bagay na nilikha ng Allah, maging tao, hayop, o halaman, ay walang karapatan upang pag-ukulan ng pagsamba. Ang tao ay makakarating at makakalapit sa Allah ng tuwiran. Sinuman ay hindi makakahadlang upang maipaabot sa Kataas-taasang Allah ang kanyang pagsamba at pagdalangin. Ang Allah ay hindi nangangailangan ng tagapamagitan sapagkat Siya ang Makapangyarihan sa lahat. Malapit ang Allah sa mga humihingi sa Kanya ng tuwiran. Dalawang bagay lamang mayroon dito sa sandaigdigan, ang Manlilikha (Allah) at nilikha. Kailanman, ang Manlilikha ay hindi maaaring makapantay ng mga nilikha. Ito ay simpleng bagay lamang upang tayo ay hindi maligaw ng landas. Sinumang ating sinasamba na walang nilikha, ito kailan man ay hindi magiging Diyos. Napakasimple lamang nito at hindi mahirap unawain.

 

Sinumang tao  na sumasamba sa anupamang bagay na nilikha lamang ng Allah ay nagkakasala ng Shirk, ang pagsamba sa huwad at maraming diyos at dahil dito ay hindi nararapat na magkamit ng kapatawaran ng Allah. Ang Allah, dahil sa Kanyang pagiging Mahabagin at Mapagpatawad ay maaari Siyang magpatawad ng anumang kasalanan maging ito ay kasinglawak ng lupa o kasinglalim ng dagat maliban lamang sa isa: ang Shirk. Kapag ang isang tao ay namatay sa ganitong paniniwala, siya ay walang kaligtasan at ang kanyang hantungan ay kaparusahan sa naglalagablab na Apoy ng Impiyerno.

 

2.      Ang tunay na Muslim ay naniniwala sa mga Anghel. Ang mga Anghel ay nilikha ng Allah na hindi natin nakikita. Sila ay bahagi ng mga bagay na nalilingid sa atin. Sila ay nilikha ng Allah mula sa liwanag. Sila ay lagi nang sumasamba at naglilingkod sa Allah. Hindi sila kailanman sumusuway at sila  ay hindi nagkakasala. Sila ay nilikha ng Allah sa gayong kalalagayan. May mga gawain na ginagampanan ang mga Anghel.  Katulad na rin ng mga naunang rebelasyon na kung saan ang anghel na si Gabriel (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay nagdala ng mensahe sa mga naunang Propeta mula sa Allah, gayon din naman kung paano ipinahayag ang Qur’an sa pamamagitan ng Anghel. Bawat isa sa atin ay may dalawang anghel na nagmamatyag, isa ang naglilista ng lahat ng ating mabubuting gawa at ang isa naman ay nagtatala ng lahat nating masasamang gawa. Wala tayong isa mang gawa na makaliligtas sa kanilang paningin. May mga Anghel na nakatalaga upang kunin ang kaluluwa ng mga tao na nakatakda ng mamatay, may mga Anghel na nagbabantay sa mga pintuan ng paraiso at impiyerno. May Anghel na siyang iihip ng tambuli sa araw ng paghuhukon. Ang mga Anghel ay tapat na tagasunod ng Allah.

 

3.      Ang tunay na Muslim ay naniniwala sa lahat ng mga Propetang isinugo ng Allah magmula pa kay Adan (sumakanya nawa ang kapayapaan), ang panghuli sa kanila ay si Propeta Muhammad (sumakanya nawa ng kapayapaan). Ang lahat ng mga Propeta ay tao. Walang isa mang Propeta ng Diyos ang hihigit pa sa pagiging tao. Walang Propetang may bahid ng pagka-Diyos, pagka-anghel o pagka-imortal. Lahat sila ay taong kagaya rin naman natin, may buhay at kamatayan at lubos na nagpapaubaya sa tulong at awa ng Kataas-taasang Allah. Ang mga Propeta ay kagaya rin natin na natutulog, kumakain, nagtatrabaho, natutuwa, umiibig, napapagod, nalulungkot, nagagalit, nagpupunta sa mga pamilihan, atbp. Lahat ng mga Propeta ay Muslim na tumatalima sa Allah ng walang pasubali. Karagdagan pa rito ay ang di pagtatangi-tangi ng Muslim sa sinumang Propeta. Lahat sila ay tinatanggap nila ng walang alinlangan kagaya ni Abraham, Noe, Hakob, David, Moises, Hesus at marami pang iba at si Muhammad bilang Huling Propeta (sumakanila nawa ang kapayapaan). Sino mang tumanggap sa iba at tumalikdan sa isa ay hindi matatawag na Muslim. Bilang mga Sugo ng Diyos, sila ay nagsipagpahayag ng magkakatulad na bagay na iisa ang pinanggalingan; ang Iisang Diyos, ang Allah. Sa pasimula pa, ang Muslim ay naniniwala na ang relihiyong mula pa kay Adan (sumakanya nawa ang kapayapaan) at ang relihiyon ng lahat ng mga Propeta ay iisa. Iisa lamang ang kanilang aral at layon. Kaya sa mga Muslim, si Abraham ay hindi Hudyo, si Hesus ay hindi Kristiyano, si Muhammad ay hindi Muhammadan (sumakanila nawa ang kapayapaan), bagkus silang lahat ay mga Muslim sapagkat sila ay sumunod, tumalima at sumuko sa utos ng nag-iisang Diyos na Siyang nagsugo sa kanilang lahat na ang pangunahing utos ay  pagsamba at pagkilala lamang sa Allah. Sila ay hindi nagdala ng Hudaismo, Kristiyanismo, Buddhismo, Hinduismo, atbp. sapagkat ang Allah ay hindi nagpadala ng iba’t ibang relihiyon kundi iisa lamang, ito ang relihiyon ng pagsamba at pagtalima at pagsuko sa Allah na tinatawag sa wikang Arabik na Islam.

 

4.      Ang tunay na Muslim ay naniniwala  sa lahat ng mga nangaunang aklat na ibinigay ng Allah sa mga naunang Sugo tulad ng Kalatas (Suhuf) kay Abraham, ng Salmo (Zabur) kay David, ng Mga Batas (Taurat) kay Moises at ng Ebanghelyo (Injil) kay  Hesus. Ang panghuli rito ay ang Al Qur’an kay Muhammad (sumakanila nawa ang kapayapaan). At dahil ang mga naunang kapahayagan ay hindi napanatiling ganap at buo ang kawastuhan dala ng kakulangan, pagkawala, pagbabago, pagtatanggal at pagdaragdag, ang mga Muslim ay hindi na sumusunod sa mga naunang aklat maliban na lamang sa Qur’an na tanging pahayag ng Allah na Kanyang iningatan upang hindi mabago kailanman. Ang mahigpit na paggalang sa mga naunang Propeta at pagtanggap sa mga naunang pahayag ay isang katakdaan sa mga Muslim. Maraming mga mananaliksik ang nagsipagsuri sa Qur’an at ang pagkakapahayag nito mula sa Allah  para sa mga tao ay walang alinlangang mapapanaligan.

 

5.      Ang tunay na Muslim ay naniniwala sa Huling Sandali (Sa Araw ng Paghuhukom). Ang bawa’t tao ay huhukuman ng Allah ayon sa kanyang pagsunod o pagsuway sa mga ipinag-uutos Niya. Ang lahat ng kabutihan at kasamaan ay may katumbas na gantimpala at kaparusahan mula sa Allah. Ang Muslim ay naniniwala sa pagkakaroon ng Paraiso para sa mga matutuwid na tao at Impiyerno sa masasamang tao. Dahil ang layon ng Allah sa kanyang paglikha sa tao ay upang sambahin Siya, marapat lamang na magkaloob Siya ng gantimpala sa Kanyang mga nilalang na sumusunod sa Kanyang mga tagubilin. Dahil dito, lahat tayo ay manlalakbay. Manlalakbay sa pagsubok. Ibinigay Niya ang tamang daan upang makapagkamit tayo ng Kanyang gantimpala. Kaya nga, sa Hustisya ng Allah ang marapat at matuwid ay may pabuya at ang masama ay may kaparusahan. Ang buhay natin para sa Allah ay isang pagtahak, isang karera. Nagsisimula tayo sa pagtahak upang marating ang Kanyang kaharian.

 

6.      Ang tunay na Muslim ay naniniwala sa Qadar o sa kahahantungan o kasasapitan ng bawat nilalang maging yaon man ay sa kabutihan o sa kasamaan. Ang bawat tao bago pa man isinilang ay may takda na ang kanyang buhay at may takda na rin kung siya ay magiging tagapagmana ng kaharian ng langit o ng poot ng Allah. Ang takdang kahahantungan ng mga tao ay isang itinadhanang bagay ng Allah . Ang tao ang gumagawa ng kanyang kasasapitan bagama’t ang lahat ng kanyang kahahantungan ay alam na at turol na sa langit. Ang bawat tao ay biniyayaan ng Allah ng kalayaan ng katawan at pag-iisip upang kanyang mapili ang daan ng katotohanan o kapahamakan. Bagama’t ang ating kahahantungan ay naitakda na bago pa sumapit ang Araw ng Paghuhukom, hindi sapat yaon upang naisin ng sinuman na magpadala na lamang sa mga pangyayari o tanggapin ang mga kahihinatnan. Ito’y sapagkat hindi natin alam kung ano ang nakasulat at nakalaan sa atin, at dahil dito, ang bawat isa ay nararapat na magsikap na hubugin niya ang kanyang hantungan. Ito ay naglalayon sa ating pamumuhay ng pagpapasakop at pag-asa sa Allah, pag-aaral sa Kanyang mga kagustuhan at pagsunod sa Kanyang mga tagubilin at alituntunin.

 

1
2372
تعليقات (0)