Ang Konsepto ng Diyos sa Islam

PLPHP

Ang Konsepto ng Diyos sa Islam

 

 

Isang kinikilalang katotohanan na ang bawat wika ay mayroon ng isa o mahigit pang termino na ginagamit sa pagtawag sa Diyos at kung minsan ay sa maliliit na diyos. Ito ay di naaakma sa Allah. Ang Allah ay isang pangsariling ngalan ng Tunay na Nag-iisang Diyos. Wala ng iba pa ang maaaring pangalanan ng Allah. Ang termino ay walang kasarian at di pangmaramihan. Ito ay nagpapakita ng Kanyang pagiging tangi kung ihahambing sa salitang Diyos na maaaring maging pangmaramihan, alalaong baga’y mga Diyos, o pambabae tulad ng diyosa. Ito’y kalugod-lugod na mabigyang pansin na ang Allah ay isang pangsariling ngalan ng Diyos sa Aramaik, ang wika ni Hesus at kapatid na wika ng Arabik.

 

Ang tunay na Nag-iisang Diyos ay nagpapamalas ng natatanging konsepto na itinataguri ng Islam sa Diyos. Sa mga Muslim, ang Allah ang Pinakamakapangyarihan, ang Lumikha at Tagapanustos ng sangtinakpan na walang makakawangki sa Kanya at ang anuman ay di makakatulad Niya. Ang mga kasamahan ng Propetang si Muhammad ay nagtanong sa kanya ng tungkol sa Diyos, ang kasagutan ay nagmula ng tuwiran mula sa Allah na rin sa pamamagitan ng maigsing kapitulo ng Qur’an na siyang itinuturing na buod ng kaisahan o kawikaan ng monoteismo (kaisahan ng Diyos). Sinabi ng Allah sa Banal na Qur'an:

 

Sa Ngalan ng Allah Ang Pinakamahabagin, Ang Pinakamaawain.

Ipagbadya (O Muhammad): Siya ang Allah, Ang Nag-iisa. Ang Allah, ang Walang Hanggang Sinusumpungan ng lahat. Siya ay di nagkaanak at di rin naman Siya ipinanganak. At walang anumang sa Kanya’y makakatulad.

 

Ang ibang di-Muslim ay nangangatuwiran na ang Diyos ng Islam ay isang mabagsik at malupit na Diyos na nag-uutos na Siya’y sundin nang lubusan. Siya’y di mabait at walang pagmamahal. Wala ng iba pang malayo sa katotohanan kundi ang pagpaparatang na ito. Sapat nang mapag-alaman na maliban sa isa, ang bawat kapitulo ng 114 na kapitulo ng Qur’an ay nagsisimula sa ganitong talata “Sa Ngalan ng Allah, Ang Pinakamahabagin, Ang Pinakamaawain.” Sa isa sa mga sawikain ng Propetang si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan), siya ay nagsaysay sa atin na:

 

“Ang Allah ay higit na mapagmahal at mabait ng higit pa sa ina sa kanyang minamahal na anak.”

 

Ngunit ang Allah ay Makatarungan din. Kaya nga’t ang mapaggawa ng kasamaan at makasalanan ay mayroong bahagi ng kaparusahan at ang matutuwid ng Kanyang kasaganaan at pagdamay. Sa katotohanan, ang katangian ng Diyos sa pagiging Maawain ay nagpapakita ng buong paglalarawan ng Kanyang katangian bilang Makatarungan. Ang mga tao na nagdaranas ng pagdurusa sa kanilang habambuhay dahil sa pagmamahal sa Kanya at ang mga tao na sa kanilang buong buhay ay umalipin at nagsasamantala sa iba ay di nararapat na tumanggap ng magkatulad na pagtanggap mula sa kanilang Panginoon. Ang umasa ng magkatulad na pagtanggap sa kanila ay katumbas ng pagsalangsang sa pinakabatayang paniniwala ng pagsusulit ng tao sa Kabilang Buhay at alalaong baga’y sumasalangsang sa lahat ng mga pagpapasigla tungo sa pagiging moral at matuwid na pamumuhay sa mundong ito. Ang sumusunod na talata ng Qur’an ay lubhang maliwanag at turol sa ganitong bagay.

 

Katotohanang sa mga Matutuwid, ang Hardin ng Kaligayahan ay sasakanila mula sa kanilang Panginoon. Ituturing ba Namin na magkatulad ang mga Sumasampalataya sa mga Makasalanan? Ano ang nagpapagulo sa inyo? Paano kayo humahatol? [Qur’an, 68:34-36]

 

Ang Islam ay nagtatakwil sa paglalarawan sa Diyos sa anupamang anyo ng tao o ang paglalarawan sa Kanya bilang may kinikilingan na piling tao o bansa ng batay sa yaman, kapangyarihan o lahi. Nilikha Niya ang lahat ng tao ng pantay. Maipakikita nila ang kanilang pagkakaiba-iba at makakamtan ang pagdamay ng Allah sa pamamagitan lamang ng pagiging matuwid at masunurin sa Kanya.

 

Ang konsepto na ang Diyos ay nagpahinga sa ika-pitong araw ng Kanyang paglikha, na ang Diyos ay nakipagtunggali (sa lakas ng braso) sa kanyang mga sundalo, na ang Diyos ay mapanibughuin na naghahangad ng masama sa sangkatauhan, o ang Diyos ay nagkatawang tao ay itinuturing na panunungayaw sa puntong pananaw ng Islam.

 

Ang natatanging pagtawag ng Allah bilang pangsariling ngalan ng Diyos ay isang pananalamin sa pagbibigay diin ng Islam sa kadalisayan ng pananampalataya sa Diyos na siyang buod ng mensahe ng lahat ng mga sugo ng Allah. Dahilan dito, ang Islam ay nagtuturing na ang pagtatambal ng anumang diyos o katauhan sa Diyos ay napakabigat na kasalanan na hindi mapapatawad ng Allah, sa kabila ng katotohanang maaari Siyang magpatawad ng ibang kasalanan.

 

Ang Manlilikha ay nararapat na maging ibang kalikasan sa mga bagay na nilikha sapagkat kung Siya ay katulad sa kalikasan ng nilikha, Siya ay magiging pansamantala lamang at samakatuwid ay mangangailangan ng taga-gawa. Dito’y mapapagpasiyahan na walang maaaring maitulad sa Kanya. Kung ang taga-gawa ay hindi panandalian lamang, sa gayon siya ay nararapat na walang hanggan. Ngunit kung Siya ay walang hanggan, Siya ay di maaaring malikha, at kung wala ang nagtulak sa Kanya upang lumitaw sa pagkalikha, wala sa panglabas Niya ang makapangyayari sa Kanya upang magpatuloy na mamalagi, na nangangahulugan na Siya ay may sariling kasapatan. At kung Siya ay di umaasa sa sinupaman upang magpatuloy ang kanyang pamamalagi, sa gayon ang Kanyang pamamalagi ay walang katapusan. Samakatuwid ang Manlilikha ay lalagi na at walang hanggan. Siya ang una at huli.

 

Siya ay may pangsariling kasapatan o pangsariling pinagkukunan, o di kaya’y ang kataga ng Qur’an na Al-Qayyum. Ang Manlilikha, ay hindi lumikha lamang sa dahilang upang mapalitaw sa pagiging sila. Siya rin ang nagpapanatili sa kanila at nagpapawala ng kanilang pamamalagi at Siyang pangunahing dahilan ng anupamang sumapit sa kanila.

 

Ang Allah ang Lumikha ng lahat ng bagay. Siya ang Tagapangalaga sa lahat ng bagay. Siya ang nagmamay-ari ng susi ng mga kalangitan at kalupaan. Walang anumang nilikha na gumagapang sa lupa ang hindi binigyan ng Allah ng kanyang ikabubuhay. Talastas Niya ang kanilang kinalalagyan at pinananahanan.

 

Ang Mga Katangian ng Diyos

 

Kung ang Lumikha ay magpakailan man at walang hanggan, samakatuwid ang Kanyang katangian ay magpakailan man at walang hanggan din. Hindi mangyayaring ang isa sa Kanyang mga Katangian ay magmaliw o makapagkamit pa ng bagong iba. Kung ito nga ay tunay, samakatuwid ang Kanyang katangian ay lantay. Mayroon ba kayang iba pang mahigit sa Lumikha na mayroong ganoong katangian? Mangyayari nga kaya halimbawa na magkaroon ng dalawang lantay na makapangyarihang Lumikha? Ang isang saglit na pagdidili-dili ay nagpapakita na ito’y di mangyayari.

 

Ang Qur’an ay nagsabuod ng ganitong pagtatalo sa mga sumusunod na talata.

 

“Ang Allah ay hindi nag-angkin sa Kanyang sarili ng anak, o ng iba pang diyos sa kanya. Kung magkagayon, ang bawat diyos ay makapagpapalipat sa kanyang nilikha at ang iba sa kanila ay makapagwawagi ng higit sa iba. At bakit, mayroon pa ba kayang ibang diyos sa lupa at langit liban sa Allah? Sila (ang kalangitan at kalupaan) ay walang salang mapupuksa.”

 

Ang Kaisahan ng Allah

Ang Qur’an ay nakapagpapaala-ala sa atin ng pagiging huwad ng mga pinananaligang diyos. Sa mga sumasamba sa mga bagay na gawa ng tao ay itinanong: Sumasamba baga kayo sa mga bagay na nililok ninyo o nagsipanguha baga kayo ng iba pa maliban sa Kanya upang inyong maging tagapagtanggol kahit na ang mga yaon ay walang kapangyarihan upang maipagtanggol ang kanilang sarili?

 

Sa mga sumasamba sa mga buntala, ang Qur’an ay nagturing ng kasaysayan ni Abraham.

 

Nang ang kadiliman ay lumikom sa kanya at siya’y makamalas ng bituin, siya ay nagsaysay, “Ito ang aking Panginoon.” Datapuwa’t ng ito’y lumubog, siya ay nagturing, “Ayaw ko ang lumulubog.” Nang mapagmalas niya ang buwan na sumisikat, siya ay nagsaysay, “Ito ang aking Panginoon.” Datapuwa’t nang ito’y lumubog, siya ay nagturing: “Kung hindi ako papatnubayan ng aking Panginoon, walang pagsalang ako’y kasama sa bunton ng nangapaligaw.” Nang mapagmalas niyang namamanaag ang araw, siya ay nagsaysay, “Ito ang aking Panginoon, ito ay higit na dakila.” Datapuwa’t nang ito’y lumubog, siya ay nagturing: “O aking pamayanan, tandisang tinatalikdan ko ang itinatambal ninyo (sa Allah). Ibinaling ko ang aking tingin sa Kanya na lumikha ng mga kalangitan at kalupaan, ako’y isang tao ng dalisay na pagsamba, ako’y di sumasamba sa mga diyus-diyosan.”

 

Ang Pag-uugali ng Isang Mananampalataya

 

Upang maging Muslim, alalaong baga, ay isuko natin ang ating sarili sa Allah, tayo ay kinakailangan na manampalataya sa kaisahan ng Allah, sa kaisipan na tanging Siya lamang ang Lumikha, Tagapangalaga, Tagapanustos, atbp. Subalit ang ganitong paniniwala - na sa kalaunan ay tinawag na Tawhid Ar-Rububiyyah ay hindi sapat. Marami sa mga sumasamba sa diyus-diyosan ang nakakaalam at naniniwala na tanging ang Kataas-taasang ang Allah ang makagagawa ng lahat ng ito. Datapuwa’t ang mga ito ay di-sapat upang sila’y maging Muslim. Sa Tawhid Al Uluhiyyah, alalaong baga, na ang bawat tao ay tumatanggap sa katotohanan na ang Allah ay iisa at nalalaan upang sambahin, at samakatuwid ay nararapat na umiwas sa pagsamba sa ibang bagay o katauhan.

 

Pagkatapos na matamo ang ganitong kaalaman ng nag-iisa at tunay na Diyos, ang tao ay nararapat na mamalagi sa pananampalataya sa Kanya, at di marapat na ang ibang bagay ay makaganyak sa kanya upang itatwa ang katotohanan.

 

Kung ang pananampalataya ay pumasok sa puso ng tao, ito ay nagbibigay ng tiyak na estado ng isipan na nagbubunga ng tiyak na pagkilos. Kung ang estado ng isipan at mga gawain ay pagsasamahin, ito ang siyang katibayan ng tunay na pananampalataya. Ang Propeta ay nagwika:

 

“Ang pananampalataya ay yaong nananahan ng matatag sa puso at yaong pinatutunayan ng mga gawa.”

 

Ang pinakapangunahin sa gayong estado ng isipan ay yaong damdamin ng pasasalamat (utang na loob) sa Allah na masasabing siyang pinakabuod ng Ibadah (pagsamba).

 

Ang damdamin ng pasasalamat (utang na loob) ay lubhang mahalaga na ang di sumasampalataya ay tinatawag na ‘kafir’ na nangangahulugan ng “sinuman na nagkukubli ng katotohanan”, gayon din naman sa sinuman na walang utang na loob (pasasalamat).

 

Ang nananampalataya ay nagmamahal at nagpapasalamat sa Allah sa lahat ng mga biyaya Niya sa kanya, ngunit may kabatiran sa katotohanan na ang kanyang mabubuting gawa, maging pangkaisipan o pangkatauhan ay malayo upang makatumbas ng maka-Diyos na biyaya, siya ay laging may pag-aalala sa kanyang paggawa (at kung hindi) ang Allah ay mapagparusa sa kanya dito at sa Kabilang Buhay. Samakatuwid, siya ay may takot sa Kanya, ng may malaking kapakumbabaan. Ang sinuman ay di darating sa gayong estado ng isipan kung siya sa lahat ng sandali ay hindi nag-aala-ala sa Allah. Ang pag-aala-ala sa Allah ay siyang buhay na lakas ng pananampalataya na kung wala nito, ito ay kukupas at malalanta nang tuluyan.

 

Ang Qur’an ay nagsisikap na maisakatuparan ang ganitong damdamin ng pasasalamat (utang na loob) sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagbanggit ng mga katangian ng Allah nang malimit. Matatagpuan natin halos ang mga katangiang ito ng sama-sama sa mga sumusunod na talata ng Qur’an.

 

Siya ang Allah, wala ng ibang Diyos liban sa Kanya. Siya ang Nakakaalam ng nalilingid at nakikita. Siya ang Pinakamaawain, ang Pinakamahabagin. Siya ang Allah, wala ng ibang Diyos liban sa Kanya. Siya ang Hari, ang Pinakabanal, ang Tagapagbigay ng Kapanatagan (Kapayapaan), ang Tagapagbantay ng Pananampalataya, ang Tagapangalaga, ang Pinakamakapangyarihan, ang Kataas-taasan. Purihin ang Allah sa lahat ng mga itinatambal sa Kanya. Siya ang Allah, ang Manlilikha, ang Taga-gawa, ang Taga-hubog. Sa Kanya ang lahat ng magagandang pangalan. Ang lahat ng nasa kalangitan at kalupaan ay nagpupuri sa Kanya. Siya ang Pinakamakapangyarihan, ang Pinakamaalam [Qur’an, 59:22-24]

 

Wala ng ibang Diyos liban sa Kanya, ang Buhây, ang Walang Hanggan. Ang antok at idlip ay di makapangyayari sa Kanya. Siya ang nag-aangkin ng lahat ng mga nasa kalangitan at kalupaan. Sino baga kaya ang makapamamagitan sa Kanya libang Kanyang pahintulutan? Talastas Niya kung ano ang nasa harapan nila at kung ano ang nasa likuran nila, at sila’y di makapaglilirip ng anumang bagay ng Kanyang karunungan libang Kanyang pahintulutan. Ang Kanyang Luklukan (sa paraang akma at Siya lamang ang nakakaalam) ay ang mga kalangitan at kalupaan, at ang pagtataguyod doon ay di nagdudulot ng kapagalan sa Kanya. Siya ang Kataas-taasan, ang Kabanal-banalan. [Qur’an, 2:255]

 

O Angkan ng Kasulatan (Hudyo at Kristiyano)! Huwag kayong magmalabis sa inyong pananampalataya, at huwag magturing ng ukol sa Allah liban sa katotohanan. Ang Mesiyas, si Hesus na anak ni Maria, ay isa lamang sugo ng Allah, at Kanyang salita na ipinarating kay Maria, at ispiritu mula sa Kanya. Magsisampalataya kayo sa Allah at sa Kanyang mga sugo at huwag magsulit ng “Trinidad”. Mangagtimpi! Ito ay makabubuti sa inyo. Ang Allah lamang ang Tanging Nag-iisang Diyos. Tunay ngang malayo sa Kanyang kapurihan na Siya’y magkaroon ng anak. Sa Kanya ang lahat ng nasa kalangitan at kalupaan. At ang Allah ay sapat na bilang Tagapagtanggol. [Qur’an, 4:171]

 

1
2409
تعليقات (0)