Ang PagkaPropeta sa Islam

PLPHP

Ang PagkaPropeta sa Islam

 

 

Ang pagiging isang propeta ay di nalilingid sa mga makalangit na relihiyong inihayag tulad ng Hudaismo at Kristiyanismo. Gayunman, sa Islam, ito ay may natatanging antas at pagtatampok.

 

Ayon sa Islam, ang Allah ay lumikha ng tao para sa banal na layon: ang manampalataya sa Kanya at mamuhay ng matuwid ng ayon sa Kanyang mga aral at patnubay. Paano mapag-aalaman ng tao ang kanyang gagampanan at ang dahilan ng kanyang pagkalikha malibang siya ay tumanggap ng maliwanag at praktikal na panuntunan kung ano ang ninanais ng Allah na kanyang gawin. Dito’y dumaratal ang pangangailangan ng propeta. Kaya nga’t ang Allah ay pumili sa bawat bansa ng isang propeta o higit pa upang maiparating ang Kanyang Mensahe sa mga tao.

 

Ating maitatanong: Paano ba pinipili ang mga propeta at sino ang karapat-dapat sa ganitong karangalan? Ang pagkakaroon ng propeta ay isang biyaya ng Allah at paglingap na Kanyang ibinibigay sa maibigan Niya. Gayunman, sa pagmamasid sa mga iba’t ibang sugo sa lahat ng panahon ng kasaysayan, tatlong katangian ng isang propeta ang mapagkikilala.

 

Siya ang pinakatangi sa kanyang pamayanan sa moralidad at kaisipan. Ito ay kinakailangan sapagkat ang pamumuhay ng propeta ang siyang nagsisilbing huwaran para sa kanyang mga tagasunod. Ang kanyang personalidad ay nararapat na makaakit ng tao upang tanggapin nila ang kanyang mensahe kaysa sa lumayo sila dahil sa kanyang lisyang pag-uugali. Sa sandaling matanggap niya ang mensahe, siya ay malayo sa pagkakamali. Alalaong baga, siya ay di makagagawa ng kasalanan. Maaaring makagawa siya ng maliliit na pagkakamali na kalimitan ay naitutumpak ng rebelasyon.

 

Siya ay pinapatnubayan ng mga himala upang patunayan na siya ay di manlilinlang. Ang mga himalang yaon ay ipinagkaloob sa kanya sa pamamagitan ng kapangyarihan at pahintulot ng Allah na sa kalimitan ay naaakma kung saan ang kanyang pamayanan ay matatagumpay at kinikilala bilang mga matataas. Mailalarawan natin ito sa pamamagitan ng pagsipi sa mga dakilang himala ng tatlong propeta ng mga pangunahing relihiyon sa mundo: Ang Hudaismo, Kristiyanismo at Islam. Ang mga kapanahunan ni Moises ay magagaling sa salamangka o madyik. Kaya nga’t ang pinakapangunahin niyang himala ay nang talunin niya ang pinakamagaling na salamangkero ng Ehipto sa kanyang panahon. Ang mga kapanahunan ni Hesus ay kinikilala bilang magagaling na manggagamot. Kaya nga’t ang kanyang himala ay ang bumuhay ng patay at magpagaling sa di napapagaling na mga sakit. Ang mga Arabe, ang kapanahunan ng propetang si Muhammad ay kilala sa kanilang maiindayog at kahanga-hangang panitikan ng pagtula. Kaya nga’t ang pinakapangunahing himala ng propetang si Muhammad ay ang Qur’an, na ang buong pulutong ng mga manunula at manalumpating Arabe ay di makagawa ng makakahalintulad niyon bagama’t ang Qur’an ay paulit-ulit na nag-aanyaya ng paghamon. Bukod dito, ang himala ni Muhammad ay mayroon bagay na natatangi. Ang lahat ng mga nangaunang himala ay nagwakas sa takdang panahon at lugar, alalaong baga, ito ay ipinakita sa mga piling tao at piling panahon. Ngunit hindi sa himala ni Muhammad - ang Qur’an. Ito ay isang pansangtinakpan at di magwawakas na himala. Ang mga nakaraang lahi ay nakasaksi nito at ang darating na lahi ay makasasaksi ng kanyang mahimalang kalikasan sa punto ng kanyang istilo, nilalaman at ispiritwal na pamamatnubay. Ito magpahanggang ngayon ay masusubukan at walang sala na magpapatunay sa maka-Diyos na pinagbuhatan ng Qur’an.

 

Ang lahat ng propeta ay maliwanag na nagpapahayag na kung anuman ang kanyang tinanggap ay di mula sa kanyang sarili bagkus ay mula sa Diyos para sa kapakanan ng sanlibutan. Siya ay nagpapatotoo rin kung ano ang ipinahayag pagkaraan niya. Ang propeta ay gumawa ng ganito upang ipakita na siya ay nagpapaabot lamang ng mensahe na ipinagkatiwala sa kanya ng Tanging Nag-iisang Diyos ng sanlibutan sa lahat ng panahon. Kaya nga’t ang mensahe ay isa sa nilalaman at magkatulad sa layunin. Samakatuwid, ito ay hindi dapat na lumihis sa kung ano ang ipinahayag bago pa siya o kung ano ang darating pagkaraan niya.

 

Ang mga propeta ay kinakailangan upang maiparating ang mga kautusan at patnubay ng Allah sa mga tao. Wala tayong paraan upang mapag-alaman kung bakit tayo ay nilikha? Ano ang ating kasasapitan pagkatapos ng kamatayan? Mayroon ba kayang buhay sa kabila ng kamatayan? Tayo ba ay nararapat na magsulit sa ating mga gawa? Sa madaling sabi, mayroon ba kayang anumang gantimpala o kaparusahan sa ating mga ginawa sa buhay na ito? Ito at ang iba pang maraming katanungan tungkol sa Diyos, sa mga anghel, sa paraiso, sa impiyerno, atbp. ay di matutugunan kung wala ang tuwirang rebelasyon mula sa Lumikha at Nakakaalam ng mga nalilingid. Ang gayong mga kasagutan ay kinakailangan na mapapanaligan at nararapat na iparating sa atin ng mga tao na ating pinagkakatiwalaan at iginagalang. Ito ang dahilan kung bakit ang mga sugo ay mga pinili sa lipunan sa antas ng moral na pag-uugali at kakayahang pangkaisipan.

 

Dahil dito, ang mahahalay na istorya sa Bibliya tungkol sa ilang mga dakilang propeta ay di tinatanggap ng Muslim. Halimbawa, nang si Lot ay iulat na nakikipagtalik sa kanyang anak na babae habang siya ay lasing o kaya’y si David na isinuong sa kamatayan ang isa sa kanyang mga pinuno upang mapangasawa lamang ang asawa niya. Ang mga propeta sa Muslim ay higit na dakila kaysa sa mga ibinabadya ng istoryang ito. Ang mga ganitong istorya ay walang katotohanan sa puntong pananaw ng Islam.

 

Ang mga propeta rin ay mahimalang sinubaybayan ng Allah at pinagtagubilinan Niya upang magpatotoo sa pagpapatuloy ng mensahe.

 

Ang nilalaman ng mensahe ng Propeta sa sangkatauhan ay maisasabuod na katulad ng mga sumusunod:

 

v      Ang maliwanag na kaisipan tungkol sa Allah: Ang Kanyang katangian, ang Kanyang nilikha, ano ang marapat at di marapat na iakibat sa Kanya.

 

v      Ang maliwanag na ideya tungkol sa nalilingid na mundo, ang mga anghel, ang mga ispiritu (jinns), ang Paraiso at Impiyerno.

 

v      Bakit tayo ay nilikha ng Diyos? Ano ang ninanais Niya sa atin at ano ang gantimpala o kaparusahan sa pagsunod o pagsuway sa Kanya.

 

v      Paano natin mapapatnugutan ang ating lipunan ng ayon sa Kanyang kagustuhan. Ito nga, ang maliwanag na mga tagubilin at batas na kung maipapatupad ng tumpak at may pagkamatapat ay magbubunga ng isang maligaya at ulirang lipunan.

 

Maliwanag na sa mga paksaing binabanggit sa itaas na walang maaaring makapalit ang mga propeta. Maging sa panahong ito sa pagsulong ng agham, ang tangi lamang lantay na pinagkukunan ng kaalaman tungkol sa supernatural na mundo ay rebelasyon. Ang patnubay ay di maaaring makamit mula sa agham o maging mula sa mistikong karanasan. Ang una ay lubhang materyalistiko (makamundo) at lubhang limitado; ang pangalawa ay lubhang paksain at sa kalimitan ay lubhang nakaliligaw.

 

Ngayon, maaaring maitanong:

 

Ilan ang mga propeta na isinugo ng Allah sa sangkatauhan? Tunay nga na hindi natin talos ang bilang. Ang ilang Muslim na iskolar ay nagsasabi na mayroon 240 libong Propeta. Tayo’y nakatitiyak lamang kung ano ang maliwanag na binabanggit sa Qur’an, alalaong baga, ang Allah ay nagparating ng isang sugo (o higit pa) sa bawat bansa. Ito ay sa dahilang ang isa sa mga prinsipyo ng Allah ay hindi Siya tatawag ng tao upang magsulit sa Kanya malibang naggawad Siya sa kanila kung ano ang marapat gawin at di-marapat gawin. Ang Qur’an ay bumabanggit ng pangalan ng 25 propeta at nagsasaad din na mayroon pang ibang propeta na hindi binanggit ang pangalan sa propetang si Muhammad. Sa 25 ito ay kasama si Noe, ang taong Arko, si Abraham, Moises, Hesus at Muhammad. Ang limang ito ang pinakadakila sa pulutong ng mga sugo ng Allah. Sila ang tinatawag na (Ulu’alazim) ang mga propeta na may di natitinag na misyon.

 

Ang isang namumukod na pananaw ng pananampalataya sa Islam tungkol sa pagiging propeta ay ang paniniwala at paggalang ng Muslim sa lahat ng mga sugo ng Allah at ni isa ay walang itinatakwil. Sapagkat ang lahat ng mga propeta ay mula sa Nag-iisang Diyos, sa magkatulad na layunin - na mapatnugutan ang sangkatauhan tungo sa Allah - ang paniniwala sa lahat sa kanila ay mahalaga at makatotohanan; ang pagtanggap sa ilan at pagtatakwil sa iba ay batay sa maling pag-aakala sa ginagampanan ng propeta o ang pagkiling sa kalahian. Ang mga Muslim lamang ang tanging tao sa mundo na nagtuturing ng paniniwala sa lahat ng mga propeta ng Allah bilang isang artikulo ng pananampalataya. Kaya nga’t ang mga Hudyo ay nagtatakwil kay Hesukristo at Muhammad (sumakanila nawa ang kapayapaan); ang mga Kristiyano ay nagtatakwil kay Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) at sa katotohanan ay nagtatakwil din kay Moises sapagkat hindi sila umaalinsunod sa kanyang mga batas. Ang mga Muslim ay tumatanggap sa kanilang lahat bilang mga sugo ng Allah na nagdala ng patnubay sa sangkatauhan. Magkagayunman, ang mga rebelasyon mula sa Allah na dinala ng mga propetang yaon ay binago, sinusugan, at nilagyang daya sa pamamagitan ng isa o iba pang paraan. Ang paniniwala sa lahat ng mga sugo ng Allah ay iniuutos ng Qur’an sa mga Muslim:

 

Ipagbadya (O mga Muslim): “Kami’y sumasampalataya sa Allah at sa anumang bagay na ipinahayag kay Abraham at Ismael at Isaac at Hakob at sa kanyang mga lahi, at sa mga bagay na ipinahayag kay Moises at Hesus at sa mga Propeta mula sa kanilang Panginoon. Kami’y hindi nagtatadhana sa kanila (mga Propeta) ng pagtatangi-tangi at sa Kanya lamang kami tumatalima.” [Qur’an, 2:136].

 

Ang Qur’an ay nagpatuloy sa mga sumusunod na talata upang pagtagubilinan ang mga Muslim na ito ng tunay at walang kinikilingang pananampalataya. Kung ang ibang bansa ay sumasampalataya sa katulad nito, sila ay tumatahak sa tuwid na landas. Kung hindi, sila ay sumusunod sa kanilang mga kagustuhan at kahinaan at sa ganoon, ang Allah ang makapangyarihan sa kanila. Matutunghayan natin:

 

“At kung sila’y nagsisampalataya sa iyong pinanampalatayaan, sa gayon sila’y matuwid na napapatnubayan. Ngunit kung sila’y tumatalikdan, sa gayon sila’y di nagkakaisa, at ikaw ay sapat na para sa Allah laban sa kanila. Siya ang Nakakarinig, ang Nakakaalam. Ito ang relihiyon ng Allah at sino pa kaya baga ang higit na mainam sa relihiyon kaysa sa Allah?” [Qur’an, 2:137-138]

 

Mayroon dalawang mahalagang puntos (sa gitna ng karamihan) na nauugnay sa pagkapropeta na kinakailangang maliwanagan. Ang mga puntong ito ay nauukol sa tungkuling ginampanan ni Hesus at Muhammad bilang mga propeta na kalimitan ay di nauunawaan.

 

Ang pagkakalahad ng Qur’an tungkol kay Hesus ay mahigpit na nagpapabulaan sa konsepto ng kanyang pagiging “Diyos” o “Anak ng Diyos”, sa halip ay naglalarawan sa kanya bilang isa sa mga dakilang propeta ng Allah. Maliwanag na binabanggit sa Qur’an na ang pagkasilang kay Hesus na walang ama ay hindi nangangahulugang anak siya ng Diyos at sa ganitong paksa ang Qur’an ay bumanggit tungkol kay Adan na nilikha ng Allah na walang ama at ina:

 

“Tunay ngang ang kawangkian ni Hesus sa paningin ng Allah ay tulad ni Adan. Nilikha Niya siya mula sa alabok at nagwika sa kanya. “Mangyari nga!”, at siya’y nalikha. [Qur’an, 3:59]

 

Katulad din naman ng iba pang propeta, si Hesus ay nagsagawa rin ng mga himala. Halimbawa, binuhay niya ang patay at nagpagaling sa mga bulag at ketongin, ngunit kung nagpapamalas man siya ng ganitong himala, siya ay tandisang nagpapahayag na ito ay mula sa Allah. Sa katotohanan, ang mga lihis na pag-aakala tungkol sa katauhan at misyon ni Hesus ay namayani sa bunton ng kanyang tagasunod sapagkat ang maka-Diyos na mensahe na ipinangaral niya ay hindi naitala sa panahon ng kanyang pamamalagi sa mundo, bagkus ito ay naitala pagkalipas ng halos isang daang taon.

 

Ayon sa Qur’an, siya ay isinugo sa angkan ng Israel; siya ay nagpatotoo sa katotohanan ng Torah na ipinahayag kay Moises at nagdala rin siya ng masiglang balita nang pagdatal ng pangwakas na sugo na susunod sa kanya.

 

“At si Hesus na anak ni Maria ay nagwika, ”O angkan ng Israel, ako nga ang tunay na Sugo sa inyo na nagpapatotoo sa Torah bago pa ako dumating at nagbibigay sa inyo ng magandang balita ng isang Sugo na susunod sa akin, na ang pangalan ay tatawaging ipinagkakapuri.” [Qur’an, 61:6]

 

(Ang may salungguhit na talata ay ang salin ng Ahmad, na siyang pangalan ng propetang si Muhammad.) Magkagayunman, ang karamihan sa mga Hudyo ay nagtakwil sa kanyang pangangaral. Sila ay nagbalak ng laban sa kanyang buhay at nangag-akala na siya ay namatay sa krus. Subalit ang Qur’an ay nagpapabulaan sa ganitong opinyon at nagsasabi na siya’y hindi namatay o napako sa krus bagkus ay itinaas siya ng Allah sa Kanyang piling. Mayroong isang talata sa Qur’an na nagpapahiwatig na si Hesus ay muling babalik, at ang lahat ng mga Kristiyano at Hudyo ay maniniwala sa kanya bago siya mamatay. Ito ay sinasang-ayunan din ng mga kawikaan ng propetang si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan).

 

Si Muhammad, ang huling propeta ng Allah ay ipinanganak sa Arabia noong ika-anim na siglo sa panahon ng Kristiyano (CE). Hanggang sa sumapit siya sa gulang na apatnapu, ang pamayanan ng Makkah ay kumikilala sa kanya bilang isang tao na may mataas at pinong pag-uugali at tumatawag sa kanya ng Al-Ameen (ang mapagkakatiwalaan). Hindi rin niya batid sa kanyang sarili na di maglalaon siya ay magiging propeta at tatanggap ng mga rebelasyon mula sa Allah. Siya ay nanawagan sa mga sumasamba sa mga diyus-diyosan sa Makkah na sumamba lamang sa tangi at iisang Diyos at tanggapin siya bilang Kanyang Propeta. Ang rebelasyon na kanyang tinanggap ay napanatili sa panahon ng kanyang pamumuhay at naisaulo ng kanyang mga kasamahan at naitala rin sa mga bahagi ng dahon ng palmera, balat ng hayop, atbp. Kaya nga’t ang Qur’an na matatagpuan sa ngayon ay siya ring Qur’an na ipinahayag sa kanya na kahit isang kataga ay di nabago sapagkat ang Allah na rin ang gumarantiya sa pagiging dalisay nito. Ang Qur’an ay nag-aangkin bilang aklat ng patnubay sa buong sangkatauhan sa lahat ng panahon at bumabanggit kay Muhammad bilang pangwakas na propeta ng Allah.

 

1
2485
تعليقات (0)