Ang Sinasabi Nila Tungkol sa Qur’an

PLPHP

Ang Sinasabi Nila Tungkol sa Qur’an

[PLPHP]

 

 

Ang sangkatauhan ay tumanggap ng Banal na Patnubay sa pamamagitan lamang ng dalawang paraan: una, ang salita ng Allah; pangalawa, sa mga Propeta na Kanyang sinugo upang maiparating ang Kanyang kautusan para sa mga tao. Ang dalawang bagay na ito ay lagi nang nananatili na magkasama at ang pagsisikhay na mapag-alaman ang mga kagustuhan ng Allah sa pamamagitan ng pagtalikdan sa isa man sa dalawang yaon ay lalagi nang magbibigay ng kalisyaan. Ang mga Hindu ay tumalikdan sa kanilang mga propeta at nag-ukol ng lahat ng panahon sa kanilang mga kasulatan na nagpatunay lamang bilang isang salitang dugtungan na sa kalaunan ay nawala. Katulad din naman ng mga Kristiyano, sa kanilang ganap na di pagbibigay pansin sa aklat ng Allah, ay nag-ukol ng lahat ng pagpapahalaga kay Kristo at hindi lamang nagtaas sa kanya sa pagka-Diyos bagkus ay kinalimutan na rin ang pinakabuod ng Tawheed (Kaisahan ng Diyos) na napapaloob sa Biblia.

 

Bilang isang bagay ng katotohanan, ang mga pangunahing kasulatan na ipinahayag nang una sa Qur’an, ang Torah at Ebanghelyo, ay lumitaw lamang sa anyong aklat pagkatapos nang mahabang panahon ng mga Propeta at iyon na rin ay salin lamang. Ito’y sapagkat ang mga tagasunod ni Moises at Hesus ay hindi nagsagawa ng malawakang pagsisikhay na mapanatili ang mga kapahayagang ito sa panahon ng pamumuhay ng kanilang mga Propeta. Bagkus, ito ay naisulat pagkaraan ng mahabang panahon ng kanilang kamatayan. Dahil dito, ang nasasaatin ngayon na anyo ng Biblia (ang Luma at Bagong Tipan) ay mga salin na lamang ng bawat isa ayon sa pagkakatanda nila ng orihinal na kapahayagan na nagtataglay ng mga karagdagan at mga kakulangan na isinagawa ng mga tagasunod ng nabanggit na mga Propeta. Taliwas doon, ang huling ipinahayag na Aklat, ang Qur’an, ay nananatili magpahanggang ngayon sa kanyang orihinal na anyo. Ang Allah na rin ang nagpatibay sa kapanatilian nito at dahil dito ang buong nilalaman ng Qur’an ay naitala sa panahon na rin ng pamumuhay ng Propetang si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) maging iyon man ay sa magkakahiwalay na dahon ng palmera, sa mga balat ng hayop, mga buto, atbp. Bukod pa rito ay mayroong sampung libo sa mga kasamahan ng Propeta ang nakapagsa-ulo ng buong Qur’an at ang Propeta na rin ay lagi nang nagsasalaysay niyaon sa Anghel na si Gabriel minsan sa isang taon at makalawa sa isang taon nang malapit na siyang mamatay. Pagkatapos noon, ang unang Kalifang si Abu Bakr ay nagkatiwala ng buong katipunan ng Qur’an sa isang aklat sa tagasulat ng Propeta na si Zaid Ibn Thabit. Ang aklat na ito ay nasa pag-iingat ni Abu Bakr hanggang sa kanyang kamatayan. Pagkatapos nito; ito ay napasakamay ng pangalawang Kalifang si Umar at pagkatapos niya ay napasakamay ni Hafsa, ang asawa ng Propeta. Mula sa orihinal na kopyang ito, ang pangatlong Kalifang si Uthman ay nagsagawa ng maramihang kopya na ipinadala niya sa iba’t-ibang lugar ng mga Muslim.

 

Ang Qur’an ay masusi at maingat na napanatili sapagkat ito ang magiging Aklat ng Patnubay sa buong sangkatauhan sa mga panahong darating. Dahil dito, ito’y hindi lamang nagpapahayag sa mga Arabe na kung saan ang kanilang wika ay ginagamit sa mga pahayag. Ito’y nagbabadya sa tao bilang isang katauhan.

 

“Oh Tao! Ano ang nagligaw sa inyo, sa inyong Panginoon.” Ang kaangkupan ng mga aral ng Qur’an ay naisagawa sa pamamagitan ng mga halimbawa ni Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) at ng mga mabubuting Muslim sa lahat ng panahon. Ang natatanging panawagan ng Qur’an ay dahilan sa ang kanyang tagubilin ay nalalayon tungo sa pangkalahatang kagalingan ng tao at nababatay sa lahat ng mga pagkakataon sa abot ng kanyang kakayahan. Sa lahat ng kanyang sukatan, ang karunungang pang-Qur’an ay pangwakas. Ito’y hindi nagtatakwil o sumusugat sa laman at hindi rin naman nagpapabaya sa kaluluwa. Ito’y hindi nagbibigay anyo ng tao sa Diyos at di rin naman nagtataas sa tao bilang Diyos. Ang lahat ay maingat na isinaayos kung saan sila kabilang sa pangkalahatang plano ng paglikha.

 

Sa katunayan, ang mga iskolar na nagpaparatang na si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) ang sumulat ng Qur’an ay nag-aangkin ng isang bagay na lubhang di kapanipaniwala sa tao. Mayroon ba kayang isang tao sa panahon ng ika-anim na siglo C.E., ang makapagsasabi ng mga pang-agham na katotohanan na siyang nilalaman ng Qur’an? Makapagpapaliwanag kaya siya tungkol sa ebolusyon ng pagkabuo ng sanggol sa sinapupunan ng buong katumpakan na gaya ng natutunghayan natin sa makabagong agham?

 

Pangalawa, may katuwiran kaya ang maniwala na si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan), na hanggang sa gulang na apatnapu ay nakikilala lamang sa kanyang katapatan at karangalan, ay di kaginsa-ginsa ay nagpasimulang sumulat ng Aklat na walang makakatulad sa karangalang pangliteratura at sa katumbas noon kung saan ang buong pulutong ng mga manunulat at mananalumpating Arabe na may mataas na antas ay hindi makagawa noon? At panghuli, makatuwiran kaya na sabihin na si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) na kilala bilang AL-AMEEN (Ang Mapagkakatiwalaan) sa kanyang lipunan at kinalulugdan din ng mga di-Muslim na iskolar dahilan sa kanyang katapatan at karangalan ay dumating na may taglay na huwad na kaangkinan at dahil sa ganoong panghuhuwad ay makapagtuturo sa libong tao ng mabuting pag-uugali, karangalan at katapatan, at nakagawang makapagtatag ng pinakamabuting lipunan ng tao sa ibabaw ng mundo?

 

Walang duda, and sinumang matapat at walang kinikilingan na humahanap ng katotohanan ay darating sa panahon ng paniniwala na ang Qur’an ay siyang ipinahayag na Aklat ng Allah.

 

Hindi man ganap ang aming pagsang-ayon sa lahat ng kanilang mga sinasabi, inilathala namin dito ang ilan sa mahahalagang kuru-kuro ng mga di-Muslim na iskolar tungkol sa Qur’an. Ang madlang mambabasa ay mabilis na makamamalas kung paano ang makabagong mundo ay patungo na at papalapit sa katotohanan tungkol sa Qur’an. Kami’y nag-aanyaya sa lahat ng mga iskolar na may bukas na kaisipan na pag-aralan ang Qur’an sa liwanag ng mga nabanggit na puntos. Naniniwala kami na ang pagtatangka sa isa man sa mga yaon ay makapaghihikayat sa mambabasa na ang Qur’an ay di mangyayaring maisulat ng kahit sinumang tao.

 

Gaano man kadalas na tunghayan namin ito (Ang Qur’an), sa pasimula ay nababagot kaming muli, hindi nagtatagal ito’y nakapanghihikayat, nakapamamangha, at sa huli ay humahatak ng aming mataas na paggalang at pagkagiliw. Ang kanyang istilo, ayon sa kanyang mga nilalaman at layunin ay masigid, kamangha-mangha, lagi na at tunay na mataas. Kaya nga’t ang aklat na ito ay magpapatuloy sa pagsasagawa sa lahat ng panahon ng mabisang panghihikayat.

- Goethe. Sinipi mula sa ‘Diksiyonaryo ng Islam’ ni T.P. Hughes, p. 526.

 

Ang Qur’an ay walang dudang naghahawak ng mahalagang katayuan sa bunton ng mga mataas na aklat na pangrelihiyon ng daigdig. Bagama’t ito ang pinakabata sa mga gawang pangkarunungan na nabibilang sa ganitong uri ng panitikan, ito ay nagbunga sa sinupaman sa kagila-gilalas na bisa na naisagawa nito sa malaking katipunan ng tao. Ito ay lumikha hindi lamang ng lahat kundi ng bagong larawan ng isipan ng tao at ng bagong uri ng pag-uugali. Sa simula, ito’y nagpabago sa marami at sa iba’t ibang tribu ng disyerto sa lupain ng Arabia tungo sa pagiging bansa ng mga bayani, at saka nagpatuloy na lumikha ng malawak na samahang pampulitika’t pangrelihiyon ng daigdig ng Muhammadanismo na isa sa mga mataas na lakas na maibibilang sa ngayon ng Europa at Silangan.

-         G. Margoliouth. Pambungad sa ‘Ang Qur’an’ ni J.M. Rodwell, New York:

Everyman’s Library, 1977, p. VII.

 

Isang gawa, noon, nagbibigay hatid sa makapangyarihan at di matutularang emosyon kahit na sa malayong mambabasa, malayo ayon sa panahon, at higit pa sa pag-unlad ng isipan, isang gawa na hindi lamang lumulupig sa pagtanggi sa sandaling kanyang masimulan ang matamang pagbabasa, bagkus ay nakapagpapabago sa tumututol na kalooban tungo sa pagkamangha at pagkagiliw, ang ganitong gawa ay tunay na kahanga-hangang produksiyon ng isipan ng tao at isang suliranin ng mataas na pagnanasa sa bawat matapat na tagapagmasid ng mga kahihinatnan ng sangkatauhan.

- Dr. Steingass, sinipi mula sa ‘Diksiyonaryo ng Islam’ ni T.P. Hughes, p. 526-527.

 

Ang nabanggit na pagmamasid ay maggagawad ng nauunang pag-aakala na hindi makatuwiran sa mga nakamamalas na si Muhammad ang may akda ng Qur’an. Paanong ang isang tao, mula sa pagiging mangmang, ay mangyayaring maging isang mahalagang may akda, sa turing ng pampanitikang dangal, sa kabuuan ng pampanitikang Arabik. Paano siyang makapagbabadya ng katotohanang pang-agham sa panahong yaon na walang sinumang tao ang maaaring makagawa noon, at sa lahat ng ito ay wala minsan mang pinakamaliit na pagkakamali sa pagsasaysay niya ng ganitong talakayin.

- Maurice Bucaille, ‘Ang Biblia, Ang Qur’an at Agham’, 1978, p. 125.

 

Dito, samakatuwid, ang dangal nito bilang likhang pampanitikan ay hindi marapat marahil na sukatin sa pamamagitan ng mga nabubuong haka-hakang sawikain ng pagpapahayag ng katauhan o kagandahan, kundi sa pamamagitan ng bisa na nalikha nito sa mga kababata at kababayan ni Muhammad. Kung ito ma’y nagsasaysay ng may kalakasan at panghihikayat sa mga puso ng kanyang mga tagapakinig upang mapag-ugnay sa panahong ito ang napapatabi at nagkakasalungatang mga sangkap sa pagiging isang ganap at buo at maayos na katawan, na pinasisigla ng mga kaisipang tunay na malayo sa isipang Arabe na magpahanggang sa ngayon ay nakapamamayani, sa gayon ang kanyang pangungusap ay tandisang ganap, dahil na rin sa pagkakalikha nito ng makataong bansa mula sa malupit na mga tribu, at nagbigay ng bagong himaymay sa lumang gisi ng kasaysayan.

- Dr. Steingass, sinipi mula sa ‘Diksiyonaryo ng Islam’, p. 528

 

Sa pagsasagawa ng pangkasalukuyang pagtatangka na mapag-ibayo ang pagganap sa tungkulin ng aking mga nangaunang angkan, ang makapagpalabas ng isang bagay na maaaring matanggap na kahalintulad ng mataos na pagbigkas ng Qur’an sa Arabik maging iyon man ay kulang sa kasiglahan, ako’y nagbuhos ng masusing panahon upang pag-aralan ang maselan at mayamang indayog na magkakaiba, na bukod sa kanyang mga mensahe ay siyang nagbibigay sa Qur’an ng di mapapasubaliang kakanyahan bilang isa sa mga may pinakamataas na antas na likhang pampanitikan ng sangkatauhan. Ang kanyang katangi-tanging kataglayan - ‘ang kanyang di matutularang kaakmaan ng indayog’ ayon sa pagkakalahad ng sumasampalatayang si Pickthall sa kanyang banal na Aklat, ‘na ang pinakatunog noon ay nagdudulot sa mga tao upang mapaluha at makadama ng walang kahulilip na kaligayahan’ - ay di binigyang pansin ng halos lahat ng mga nanga-unang nagsalin nito sa ibang wika, ito samakatuwid ay hindi kataka-taka na ang kanilang mga ginawa ay mahina at walang kasiglahan kung tunay na ihahalintulad sa mainam na nagagayakang orihinal.

-         Arthur J. Aberry, ‘Ang Paliwanag sa Qur’an’, London:

Oxford University Press, 1964, p. X.

 

Ang ganap at makabuluhang pagsusuri nito (Ang Qur’an), sa liwanag ng makabagong kaalaman, ay naghahantong sa atin upang kilalanin ang pagsasang-ayunan ng dalawang ito, na binigyan pansin sa maraming ulit na mga pagkakataon. Ito’y nakapagpasiya sa amin na tunay ngang di malilirip na ang tao sa panahon ni Muhammad ay makapag-aakda ng gayong mga pangungusap, sa antas ng karunungan ng tao sa kanyang panahon. Ang gayong mga katuturan ay siyang bahagi na nagbigay sa mga kapahayagan ng Qur’an ng natatanging lugar, at nagtulak sa walang kinikilingang siyentipiko ng kanyang pag-amin na gahol ang kanyang kakayahan upang makapagbigay ng paliwanag na nababatay lamang sa materyal na pangangatuwiran.

- Maurice Bucaile, ‘Ang Qur’an at Makabagong Agham’, 1981, p. 18.

 

1
2521
تعليقات (0)