Ang Buhay sa Kabila ng Kamatayan

PLPHP

Sa Ngalan ng Allah, ang Mapagpala, ang Mahabagin

 

*Ang Buhay sa Kabila ng Kamatayan*

[PLPHP]

 

 

Ang katanungan kung tunay ngang may buhay pagkatapos ng kamatayan ay hindi nasasakop ng kapamahalaan ng agham sapagkat ang agham ay tumutukoy lamang sa pagbabaha-bahagi at pag-aaral ng mga katipunan ng senso. Higit pa sa roon, ang tao ay naging abala sa mga pang-agham na pag-uurirat at pananaliksik sa makabagong kaisipan ng pagtawag, sa mga nakalipas na ilang dantaon na lamang, ngunit siya ay hirati na sa konsepto ng buhay sa kabila ng kamatayan sapul pa sa pasimula. Ang lahat ng mga Propeta ng Allah ay nanawagan sa kanilang pamayanan upang sumamba sa Allah at ang manampalataya sa kabilang buhay. Sila ay nagbuhos ng lubhang maraming pagbibigay diin sa paniniwala sa kabilang buhay na kahit ang pinakamaliit na pag-aalinlangan doon ay nangangahulugan ng pagtatakwil sa Allah at nagpapawalang saysay sa iba pang mga paniniwala. Ang lantay na katotohanan na ang lahat ng mga Propeta ng Allah ay nagsitalakay sa ganitong metapisikang katanungan tungkol sa kabilang buhay nang may pagtitiwala at pagkakatulad - na ang agwat ng kanilang mga gulang ay libong taon - ay nagpapatunay lamang na ang pinagkunan ng ganitong kaalaman tungkol sa kabilang buhay na ipinahayag nilang lahat ay iisa, ang kapahayagan ng Allah. Batid natin na ang lahat ng mga Propetang ito ay mahigpit na tinutulan ng kanilang pamayanan dahilan na rin sa pinakabuod na katanungan ng kabilang buhay sapagkat ang kanilang pamayanan ay nag-aakala na ito ay di kapani-paniwala. Ngunit sa kabila ng lahat ng mga pagtutol, ang mga Propeta ay nagsipagwagi ng lubhang maraming matatapat na tagasunod. Ang katanungan ay nalikha kung ano ang nag-udyok sa mga tagasunod na ito na iwanan ang kanilang nakagisnang paniniwala, tradisyon at kaugalian ng kanilang mga ninuno nang hindi nagbibigay pahalaga sa panganib na sila ay mapapahiwalay sa kanilang sariling pamayanan? Ang payak na kasagutan ay ito: sila ay gumamit ng kakayahan ng kanilang pag-iisip at puso at napagtanto nila ang katotohanan. Sila ba’y nakapagtanto ng katotohanan sa pamamagitan ng kamalayang pang-unawa? Hindi nga, sapagkat ang makaranas ng kabatiran tungkol sa buhay sa kabila ng kamatayan ay tunay na imposible. Sa katotohanan, ang Allah ay hindi lamang nagbigay ng kaisipang pangkamalayan kundi gayon din naman ng kamalayang makatuwiran, paghanga sa kagandahan at moral. Ang kamalayang ito ang namamatnubay sa tao tungkol sa katotohanang hindi mapatutunayan sa pamamagitan ng katipunang pangsentido. Dahil dito, kung bakit ang lahat ng mga Propeta ng Allah habang sila ay nananawagan sa mga tao upang sumampalataya sa Allah at sa kabilang buhay ay nananawagan sa pamamagitan ng paghanga sa kagandahan, sa moral at makatuwirang kamalayan ng tao. Halimbawa, nang ang mga naniniwala sa diyus-diyosan sa Makkah ay nagtatakwil sa pagkakaroon ng buhay sa kabila ng kamatayan, ang Qur’an ay naghantad ng kahinaan ng kanilang pananangan sa paggagawad ng lubhang makatotohanan at makatuwirang argumento upang patunayan.

 

“At siya ay nagturing sa Amin ng isang pabula, at nakalimot sa katotohanan ng kanyang pagkalikha, at nagsasabi: Sino ang magpapanumbalik sa butong ito na nangabulok na? Ipagbadya: Siya ang magpapanumbalik doon (sa mga buto) na Siya rin ang lumikha roon ng una, sapagkat Siya ang nakakaalam ng bawat nilikha. Siya ang naggawad sa inyo ng apoy mula sa luntiang puno, at tunghayan nagpapaningas kayo roon. Di ba Siya na lumikha ng mga kalangitan at kalupaan ay makalilikha rin ng katulad nila? Tunay nga, at Siya lamang ang Kataas-taasang Manlilikha, ang Nakakaalam.” [Qur’an, 36:78-81]

 

Sa iba pang pangyayari, ang Qur’an ay maliwanag na nagsasaysay na ang mga di sumasampalataya ay walang matibay na batayan sa kanilang pagtatakwil ng buhay sa kabila ng kamatayan. Ito ay batay lamang sa mga haka-haka.

 

Sila’y nagsisipagbadya: “Wala nang iba pa maliban sa aming pangkasalukuyang buhay; kami’y namamatay, kami’y nabubuhay, at tanging panahon lamang ang makasisira sa amin. At tungkol sa kabilang buhay, sila’y walang kaalaman, bagkus ay mga haka-haka lamang. At kung ang Aming rebelasyon ay binibigkas sa kanila, ang kanilang pamarali ay ang pagsasabi ng: “Ibalik mong muli sa amin ang aming mga ninuno kung ikaw ay nagbabadya ng katotohanan.” [Qur’an, 45:24-25]

 

Tunay ngang ang Allah ay magpapabangon ng lahat ng mga patay. Subalit ang Allah ay may Kanyang sariling plano ng mga bagay-bagay. Darating ang araw na ang buong santinakpan ay masisira at muli ang mga patay ay mabubuhay upang hatulan sa harapan ng Allah. Ang araw na yaon ang siyang simula ng buhay na hindi magwawakas, at sa araw na yaon ang lahat ng tao ay gagantimpalaan ng Allah ng ayon sa kanyang mabubuti o masasamang gawa.

 

Ang paliwanag na ibinibigay sa Qur’an tungkol sa pangangailangan ng buhay sa kabila ng kamatayan ay kung ano ang hinihingi ng moral na kamatayan sa tao. Sa katotohanan, kung wala ang buhay sa kabila ng kamatayan, ang paniniwala sa Allah ay mawawalan ng katuturan o kahit na nga ang isa ay sumasampalataya sa diyos, ito ay maaaring di-makatuwiran at naiibang diyos na pagkatapos na likhain ang tao ay di nagmamalasakit sa kanyang kahihinatnan. Tunay ngang ang Allah ay makatarungan. Siya ay magpaparusa sa mga nagmamalabis sa pamamahala na ang mga krimen ay di na mabilang, na pumatay nang daang tao na walang kasalanan, na lumikha ng mga kasamaan sa lipunan, na umalipin sa maraming tao upang masunod lamang ang kanilang naisin, atbp. Ang tao, na mayroon lamang maigsing panahon ng kanyang buhay sa mundong ito, at ang pisikal na mundo ring ito ay di na magtatagal, ang mga kaparusahan o mga gantimpala na katumbas ng mabuti o masasamang gawa ng tao ay di maaari rito.

 

Ang Qur’an ay mahigpit na nagsasaysay na ang Araw ng Paghuhukom ay darating at ang Allah ay magpapasiya tungkol sa kahihinatnan ng bawat kaluluwa ayon sa tala ng kanyang gawa.

 

Ang mga di sumasampalataya ay nagbabadya: “Ang Panahon na yaon ay hindi darating sa amin. Ipagsaysay: Tunay nga, sa pamamagitan ng aking Panginoon, ito ay walang pagsalang daratal sa inyo. Siya ang Nakakaalam ng mga Nalilingid. Maging ang timbang ng pinakamaliit, kulang man o higit, ay di malilingid sa Kanya dito sa kalangitan o kalupaan, bagkus ay nasa isang maliwanag na Talaan. Na magantimpalaan Niya ang mga sumasampalataya at gumagawa ng mga kabutihan. Sa kanila ay igagawad ang kapatawaran at kasaganaan. Ngunit sa mga sumusuway sa Aming mga rebelasyon na humahamon (sa Amin); matatamasa nila ang kasaki-sakit na kaparusahan at kagalitan.” [Qur’an, 34:3-5]

 

Ang araw ng muling pagkabuhay ay siyang araw kung saan ang katangian ng Allah na Makatarungan at Maawain ay lubos na mangingibabaw. Ang Allah ay maghahasik ng Kanyang awa sa mga taong nagpakasakit ng kanilang buhay sa mundong ito para sa Kanya na sumasampalataya na ang walang hanggang kaligayahan ay nalalaan sa kanila. Subalit sa mga nagmamalabis sa mga biyaya ng Allah, na di nagbibigay pansin sa kabilang buhay na darating ay malalagay sa pinakamasaklap na kalagayan. Ang Qur’an ay nagsasaysay kung ano ang pagkakaiba nila.

 

“Siya ba na pinangakuan Namin ng mabuting pangako, na ang katuparan noon ay makikita niya, ay tulad ng iba na pinagkalooban Namin ng mabubuting bagay sa buhay na ito, ngunit, sa Araw ng Muling Pagkabuhay, siya ay isa sa mga ihaharap upang magsulit sa harap ng Allah?” [Qur’an, 28:6].

 

Ang Qur’an ay nagsasaysay din na ang makalupang buhay na ito ay isang paghahanda tungo sa walang hanggang buhay pagkatapos ng kamatayan. Subalit sa mga nagtatakwil nito, sila ay naging alipin ng kanilang mga damdamin at mga pagnanais na lumibak sa mga taong matutuwid at mapag-alala sa Allah. Ang mga gayong tao ay makakapagnilay-nilay lamang ng kanilang kabaliwan sa oras ng kanilang kamatayan at sa sindak ng Araw ng Paghuhukom, at ang walang kahulilip na kaligayahan na itinakda para sa matatapat na sumasampalataya ay buong gandang binabanggit sa Qur’an sa mga sumusunod na talata.

 

“Hanggang sa sumapit nga ang kamatayan sa isa sa kanila, at siya at nagsabi: O aking Panginoon, ibalik mo akong muli, upang aking maituwid ang aking mga naiwanan! Tunay nga, ito’y isa lamang salita na kanyang binigkas; at sa likuran nila ay may isang sagka hanggang dumating ang araw na sila’y ibabangon. Ang kung hinipan na ang Tambuli sa araw na yaon, ang pagkakamag-anak ay di makikilala, at di rin makapangungusap ang bawat isa sa kanila. Tunay nga, ang may mabibigat na timbangan ang siyang matatagumpay. At ang may magagaan na timbangan, sila ang nagpahamak sa kanilang kaluluwa na sa impiyerno ay mamalagi, ang apoy ay tumutupok sa kanilang mukha at sila ay nagsisipamanglaw.” [Qur’an, 23:99-104]

 

Ang paniniwala sa buhay sa kabila ng kamatayan ay di lamang nagtatakda ng tagumpay sa kabilang buhay, bagkus ay naghahatid sa mundong ito upang magkaroon ng kapayapaan at kaligayahan sa pamamagitan ng paghubog sa bawat tao upang magkaroon nang katungkulan at maging masunurin sa kanilang mga gawa.

 

Tunghayan na lamang ang mamamayan ng Arabia. Ang pagsusugal, ang alak, ang mga alitang pang-tribu, ang pagnanakaw at pagpatay ang siyang namamayaning pag-uugali nang sila ay di pa naniniwala sa kabilang buhay. Ngunit nang kagyat na tinanggap nila ang pananampalataya sa Nag-iisang Diyos at sa kabilang buhay, sila ay naging pinakadisiplinadong bansa sa buong mundo. Tinalikdan nila ang kanilang mga bisyo, at nagtulungan ang bawat isa sa oras ng pangangailangan, at nilutas nila ang pagkakahidwa-hidwa ng ayon sa katarungan at pagkakapantay-pantay. Gayon din naman, ang pagtatakwil sa kabilang buhay ay mayroon ding magiging bunga hindi lamang sa kanilang buhay kundi gayon din naman sa buhay sa mundong ito. Kung ang bansa sa kanyang kabuuan ay nagtatakwil doon, ang lahat ng uri ng kasamaan at pagmamalabis ay nagiging masigabo sa gayong lipunan at nawawasak sa bandang huli. Sa ilang bahagi, ang Qur’an ay bumabanggit sa kasindak-sindak na kinasapitan ni Aad, Thamud at Paraon:

 

“Ang mga Tribu ni Thamud at Aad ay di sumasampalataya na may Paghuhukom na daratal. Tulad ni Thamud, sila ay winasak sa pamamagitan ng kidlat, at sa tulad ni Aad, sila ay winasak sa pamamagitan ng nakakahiwang hagupit ng hangin, na iginawad Niya sa kanila sa loob ng pitong mahahabang gabi at walong mahahabang araw upang mapagmalas ninyo ang mga tao na nakahandusay doon na waring sila ba’y tulad ng sungot ng mga nalugmok na puno ng palmera.

 

Sa ngayon, nakikita mo ba (Muhammad) ang latak nila? Tulad ni Paraon at ang nanga-una sa kanya, at ang pinalugmok na mga bayan. Sila’y nagsigawa ng mga kamalian at naghimagsik nang laban sa Sugo ng kanilang Panginoon, at sinukol Niya sila ng mahigpit na sakmal. Tunay nga, nang tumaas ang tubig, ay kinandili Namin kayo sa Arko upang gawin Namin itong tagapagpaala-ala sa inyo at mapananganan ng inyong pandinig. At sa sandaling ang Tambuli ay hipan ng isang matinding pagsabog at kung ang kalupaan at mga kabundukan ay itaas at durugin sa minsan lamang, gayon nga sa Araw na yaon, ang Sindak ay magdaraan at ang kalangitan ay mahahati sapagkat ito ay magiging marupok sa Araw na yaon. At ang mga anghel ay nasa magkabilang panig at walo ang nagtatangan ng Luklukan ng kanilang Panginoon sa ulunan. Sa Araw na yaon, ikaw’y ihaharap sa Pagsusulit at walang anumang lihim ang iyong maikukubli. Tunay ngang siya na bibigyan ng kanyang aklat sa kanyang kanang kamay ay magsasabi: “Kunin ninyo at basahin ang aking aklat! Tunay ngang talastas ko na kakaharapin ko ang aking pag-uulat. At sa gayon siya’y makakaranas ng napakaligayang kalagayan, sa Mataas na Hardin, na ang mga kumpol (ng bunga) ay abot kamay niyang pitasin.”

 

Sa kanila roon ay ipagsusulit:

 

“Magsikain kayo at uminom ng may kasiyahan bilang gantimpala sa inyong ginawa sa mga panahong lumipas.”

 

Subalit siya na pagkakalooban ng aklat sa kaliwang kamay ay mangungusap: Sana’y hindi na ako pinagkalooban ng aking aklat nang hindi ko na mapagbalikan ang aking mga gawa. Sana’y ang kamatayan ko ang magpawakas doon.

 

Ang kayamanan ko ay nawalang saysay, ang kapangyarihan ko’y kagyat na pumanaw.” [Qur’an, 69:4-29]

 

Kaya nga’t mayroong kahika-hikayat na katuwiran na manampalataya sa kabilang buhay.

 

Una, ang lahat ng mga Propeta ng Allah ay nanawagan sa mga tao upang sumampalataya roon.

 

Pangalawa, kailanma’t ang makataong lipunan ay maitatag ng ayon sa ganitong paniniwala, ito ay magiging pinakauliran at mapayapang lipunan na ligtas sa mga panglipunan at moral na kasamaan.

 

Pangatlo, ang kasaysayan ay nagpapatotoo na kailanma’t ang ganitong paniniwala ay sama-samang itinatakwil ng pangkat ng tao, sa kabila ng paulit-ulit na paalala ng Propeta, ang pangkat sa kabuuan ay pinarusahan din ng Allah maging sa mundong ito.

 

Pang-apat, ang moral, ang pangkagandahan at pagpapahalaga sa makatuwirang paggamit ng pandama ng tao ay nagtatambad sa posibilidad ng buhay sa kabila ng kamatayan.

 

Panglima, ang katangian ng Allah bilang Makatarungan at Maawain ay walang saysay kung wala ang kabilang buhay.

 

 

1
2525
تعليقات (0)