Ang Mga Karapatan ng Tao sa Islam

PLPHP

Sa Ngalan ng Allah, ang Mapagpala, ang Mahabagin

 

*Ang Mga Karapatan ng Tao sa Islam*

[PLPHP]

 

 

Sapagkat ang Allah ay sukdol at Tanging Siya lamang ang may kapamahalaan sa mga tao at sa sangtinakpan, Siya ang nakapangyayaring Panginoon, ang Tagapagtaguyod at Tagapanustos, ang Maawain, na ang Kanyang awa ay lumalaganap sa lahat ng tao; at sapagkat Siya ay nagbigay sa bawat tao ng makataong dignidad at karangalan, at hiningahan Niya siya ng Kanyang ispiritu, ito kung gayon, ay nakikiisa sa Kanya at sa pamamagitan Niya, at bukod pa sa kanilang makataong katangian, ang mga tao ay magkakatulad na katawan (substance) at walang nakikita at nahihipo at lantad na pagkakaiba ang maiuukol sa kanila upang maging dahilan ng kanilang pinagtiyap na pagkakaiba-iba tulad ng pagkamamamayan, kulay o lahi. Ang bawat tao samakatuwid ay may kaugnayan sa lahat ng iba pa at ang lahat ay nagiging isang pamayanan ng pagkakapatiran sa kanilang karangal-rangal at maayang pagpapaalipin sa pinakamahabagin na Panginoon ng sangtinakpan. Sa gayong makalangit na pagsasamahan, ang pag-amin ng Islam sa Kaisahan ng Allah ay nakatitindig bilang nakapananaig at nagigitna, at kinakailangan na matakdaan sa pananaw ng pagiging isa ng sangkatauhan at ang pagkakapatiran ng lahat ng tao.

 

Bagama’t ang isang bansang Islamik ay maitatatag sa alin mang bahagi ng mundo, ang Islam ay hindi nagnanais na limitahan ang mga karapatan ng tao ng ayon sa takdang kasakupan ng kanyang sariling bansa. Ang Islam ay naggawad ng ilang pundamental na mga karapatan na pangkalahatan para sa sangkatauhan sa kabuuan, na marapat na ipasunod at igalang sa lahat ng sandali kahima’t ang gayong tao ay naninirahan sa loob ng teritoryo ng bansang Islamik o sa labas nito, maging siya man sa bansa ay nasa kapayapaan o digmaan. Ang Qur’an ay maliwanag na nagsasaysay:

 

O kayong nagsisisampalataya! Maging mataman kayong saksi ng Allah sa katarungan. At nawa’y huwag ang inyong pagkagalit sa mga tao ang magbulid sa inyo upang mawalan ng katarungan; maging makatarungan, ito ang malapit sa pagkatakot sa Allah. [Qur’an, 5:8].

 

Ang dugo ng tao ay sagrado sa lahat ng pagkakataon at di marapat na dumanak ng walang katuturan. At kung sinuman ang lumabag sa kabanalan ng dugo ng tao sa pagkitil ng buhay ng walang katarungan, ang Qur’an ay naghahambing dito bilang katumbas ng pagpatay sa buong sangkatauhan:

 

… Sinumang kumitil ng buhay na hindi ganti sa buhay na kinitil, o sa mga kasamaang ginawa sa lupa, ay katumbas na rin ng pagkitil sa lahat ng sangkatauhan.

 

Hindi pinahihintulutan na apihin ang mga babae, mga bata, mga matatanda, mga maysakit at mga sugatan. Ang karangalan at kadalisayan ng babae ay marapat na igalang sa lahat ng sandali. Ang nagugutom na tao ay marapat na pakainin, ang hubad ay damtam, ang sugatan o maysakit ay lapatan ng lunas kahima’t sila ay nabibilang sa pamayanang Islamik o mula sa pangkat ng kanyang kaaway.

 

Kung kami ay nagsasalita ng mga karapatan ng tao sa Islam, kami ay mataos na nagpapakahulugan na ang ganitong mga karapatan ay ibinigay ng Allah, ito ay hindi iginawad ng sinupamang hari o ng pangkat na pambatasan. Ang mga karapatan na ibinibigay ng mga hari o ng mga pangkat na pambatasan ay maaari ring mapawalang saysay sa paraang kung paano ito itinakda. Ito ay katulad din sa mga kaso ng mga karapatan na tinanggap at kinilala ng mga diktador. Maitatakda nila ito kung kailan nila maibigan at mapawawalang saysay kung kanilang nais, at lantaran nilang malalabag ito kung kanilang masumpungan. Ngunit sa dahilang sa Islam, ang mga karapatan ng tao ay iginawad ng Allah, walang pangkat na pambatasan sa mundo o sa anumang pamahalaan sa lupa ang may karapatan o kapamahalaan na gumawa ng anumang susog o baguhin ang karapatang iginawad ng Allah. Sinuman ay walang karapatan na bumago o magpawalang saysay doon. Ito’y hindi rin naman mga pangunahing karapatan ng tao na iginawad sa papel bilang isa lamang palabas at pagtatanghal at itinatakwil sa aktuwal na buhay kung tapos na ang palabas. Ito’y di rin katulad ng mga pilosopiyang kaisipan na walang kapamahalaan sa likuran nila.

 

Ang kasulatan at mga proklamasyon at resolusyon ng Nagkakaisang Bansa (United Nations) ay di maitutulad sa mga karapatan na itinakda ng Allah; sapagkat ang una ay di naaangkop sa bawat isa subalit ang huli ay naaangkop sa bawat mananampalataya. Sila ay bahagi at piraso ng pananampalatayang Islamik. Ang bawat Muslim o mga mamamahala na nag-aangkin sa kanilang sarili na sila ay Muslim, ay marapat na tumanggap, kumilala at magpatupad nito. Kung sila’y magpabaya na maipatupad ito, at magsimulang magtakwil sa mga karapatan na ginagarantiyahan ng Allah o gumawa ng mga susog at baguhin yaon, o lantarang lumabag sa mga ito habang sila’y tumutupad sa salita lamang, ang hatol ng Banal na Qur’an sa gayong pamahalaan ay maliwanag at turol:

 

Ang mga humahatol ng salungat sa iginawad ng Allah ay di mananampalataya. [Qur’an 5:44].

 

Ang Mga Karapatan Ng Tao Sa Bansang Islamik

 

1.        Ang kaligtasan ng Buhay at Ari-arian: sa talumpati na ipinahayag ng Propeta sa pagdiriwang ng Pamamaalam sa Hajj, siya ay nagwika:

 

“Ang inyong buhay at ari-arian ay di marapat na angkinin ng iba, hanggang sa inyong makatipan ang Allah sa Araw ng Pagkabuhay.”

 

Ang Propeta ay nagsabi rin ng tungkol sa Dhimmis (Ang di-Muslim na mamamayan sa bansang Muslim):

 

“Ang sinumang pumatay ng tao sa nasasakop ng kasunduan (alalaong baga, ang Dhimmi) ay di makalalanghap ng halimuyak ng paraiso.”

 

2.        Ang Proteksiyon ng Karangalan: Ang Banal na Qur’an ay naggawad -

 

i)          Kayong nangagsisisampalataya, huwag hayaang ang isang pangkat ng tao ay lumibak sa ibang pangkat ng tao.

ii)         Huwag kayong mag-upasalaan sa bawat isa.

iii)       Huwag kayong mag-aglahi sa pagtawag ng ibang pangalan.

iv)      Huwag kayong manirang puri sa talikuran o magsalita ng masama sa iba. [Qur’an, 29:11-12].

 

3.        Kapanatagan at Seguridad ng Pangsariling Buhay: Ang Qur’an ay naggawad ng ganitong pag-uutos -

 

i)          Huwag kayong magmatyag sa bawat isa.

ii)         Huwag kayong pumasok sa alinmang tahanan malibang tiyak ninyo na kayo’y may pahintulot ng naninirahan.

 

4.        Ang Seguridad ng Pangsariling Kalayaan: Ang Islam ay nagtakda ng prinsipyo na walang sinumang mamamayan ang maaaring mabilanggo malibang ang kanyang kasalanan ay napatunayan sa isang hayag na hukuman. Ang dumakip sa isang tao ng batay lamang sa paghihinala at siya’y ikulong ng walang marapat na pag-uutos ng husgado at ang pagkakait sa kanya ng sapat na pagkakataon upang maipagtanggol niya ang kanyang sarili ay di pinahihintulutan sa Islam.

 

5.        Ang Karapatan na Tumutol Laban sa Pang-aalipin: Ang isa sa mga karapatan na iginawad ng Islam sa tao ay ang karapatan upang tumutol laban sa pang-aalipin ng pamahalaan. Ang Qur’an ay nagsasaysay tungkol dito:

 

“Ang Allah ay namumuhi sa mga masasamang pag-uusap sa harap ng madla, malibang ito ay ginagawa ng taong napinsala.”

 

Sa Islam, kagaya ng mga pinaksa sa una, ang lahat ng kapangyarihan at kapamahalaan ay tanging sa Allah lamang, at sa tao ay mayroon lamang pinagagampanang kapamahalaan bilang isang lagak; ang sinuman na tumanggap o mabiyayaan ng gayong kapamahalaan ay marapat na tumayo ng may kapakumbabaan sa harap ng kanyang pamayanan na laan para sa sinuman o sa kanino mang kapakanan, at siya ay maipatatawag upang gamitin ang ganitong kapangyarihan. Ito ay sinasang-ayunan ni Hazrat Abu Bakr na nagsabi sa kanyang unang talumpati:

 

“Makiisa kayo sa akin kung ako ay matuwid, datapuwat itumpak ninyo ako kung ako’y gumawa ng pagkakamali. Sundin ninyo ako habang ako’y sumusunod sa mga kautusan ng Allah at ng Kanyang propeta, ngunit magsilayo kayo sa akin kung ako ay napapaligaw.”

 

6.        Ang Kalayaan ng Pagpapahayag: Ang Islam ay nagbigay ng karapatan ng isipan at pagpapahayag sa lahat ng mamamayan ng bansang Islamik sa kasunduan na ito ay marapat gamitin lamang tungo sa pagpapalaganap ng katotohanan at mabuting pag-uugali at hindi sa pagpapalaganap ng kasamaan at mga kalisyaan. Ang kalayaan ng pagpapahayag sa konseptong Islamik ay higit na mataas sa konsepto na namamayani sa Kanluran. Sa anupamang kaparaanan, ang Islam ay hindi nagpapahintulot upang ang kasamaan at kalisyaan ay mapalaganap. Ito ay hindi rin nagbibigay sa sinuman ng karapatan upang gumamit ng nakaaaglahi at nagmamalabis na salita upang gumawa ng mga pagpuna. Naging kalakaran ng mga Muslim ang magtanong sa Banal na Propeta kung ang ganitong bagay ay mayroong maka-Diyos na pagtatakda na ipinahayag sa kanya. Kung siya ay nagturing na siya’y di tumanggap ng maka-Diyos na pagtatakda, ang mga Muslim ay malayang nagpapahayag ng kanilang opinyon sa gayong bagay.

 

7.        Ang Kalayaan ng Pakikianib: Ang Islam ay nagbigay din sa mga tao ng kalayaan ng pakikianib at pagtatatag ng mga pangkat o samahan. Ang ganitong karapatan ay natatakdaan din ng mga tiyak na pangkalahatang alituntunin.

 

8.        Ang Kalayaan ng Konsiyensiya at Paniniwala: Ang Islam ay naggawad ng pag-uutos:

 

“Walang pamimilit sa bagay ng panananampalataya.”

 

Sa kabalintunaan, ang mga lipunang totalitaryan (nakapaghahari) ay ganap na nagkakait sa bawat tao ng kanilang kalayaan. Sa katotohanan, ang ganitong di marapat na pagtataas ng kapamahalaan ng bansa na may sapat na kahalayan ay nag-aangkin ng isang uri ng pang-aalipin at ng pagiging alipin ng isang tao. Sa isang panahon, ang pang-aalipin ay nangangahulugan nang ganap na paghawak ng tao sa kanyang kapwa tao - sa ngayon ang gayong uri ng pang-aalipin ay napalis na ng legal ngunit ang humalili sa halip ay ang lipunang totalitaryan (nakapaghahari) na nagtatakda ng magkatulad na uri ng paghawak (kontrol) sa tao.

 

9.        Proteksiyon ng Pangrelihiyong Damdamin: Sa gitna ng kalayaan ng paniniwala at kalayaan ng konsiyensiya, ang Islam ay nagbigay ng karapatan sa tao na ang kanyang pangrelihiyong damdamin ay mabigyan ng tamang paggalang at walang marapat na sabihin o gawin na makapanghihimasok ng kanyang karapatan.

 

10.    Proteksiyon sa Di-Makatarungang Pagkapiit: Ang Islam ay kumikilala rin sa karapatan ng tao na hindi siya maaaring hulihin o ipiit dahil sa kasalanan ng iba. Ang Qur’an ay maliwanag na naggawad ng ganitong prinsipyo:

 

“Walang sino mang may sala ang maaaring umako sa sala ng iba.”

 

11.    Ang Karapatan sa mga Pangunahing Pangangailangan sa Buhay: Ang Islam ay kumikilala sa karapatan ng mga nangangailangang tao na ang tulong at pagdamay ay marapat na ibigay sa kanila:

 

“At sa kanilang kayamanan, ay may natatakdang karapatan para sa nangangailangan at naghihikahos.”

 

12.    Ang Pagkakapantay-pantay sa Harap ng Batas. Ang Islam ay nagbigay sa kanyang mamamayan ng karapatan sa sukdulan at ganap na pagkakapantay-pantay sa mata ng batas.

 

13.    Ang Tagapamahala ay Di Makapangyayari sa Batas: Isang babae na nabibilang sa isang mataas at marangal na pamilya ang hinuli sa pagnanakaw. Ang kaso ay dinala sa Propeta, at doo’y ipinayo na siya’y iligtas sa kaparusahan ng pagnanakaw. Ang Propeta ay sumagot,

 

“Ang mga bansa na nabuhay bago pa kayo ay pinuksa ng Allah sapagkat sila ay nagpaparusa sa kasalanan ng mga pangkaraniwang tao datapuwat hindi sila nagpaparusa sa mga kasamahan ng kanilang tagapamahala. Isinusumpa ko sa Kanya na naghahawak ng aking buhay sa Kanyang kamay, na kung si Fatima, ang anak ni Muhammad, ay makagawa ng kasalanan, ay puputulin ko ang kanyang kamay.”

 

14.    Ang karapatan na Makilahok sa Pamamalakad ng Bansa:

 

“At ang kanilang pamamalakad ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagsasanggunian sa kani-kanilang sarili.” [Qur’an, 42:38].

 

Ang shura o ang pangkat pambatasan ay walang ibang kahulugan maliban sa: Ang tagapagpaganap na pinuno ng pamahalaan at miyembro ng asembliya ay marapat na ihalal sa pamamagitan ng malayang pamimili ng tao.

 

At panghuli, bilang pagliliwanag, ang Islam ay nagmimithi na makamit ang mga nabanggit sa itaas na mga karapatan ng tao at marami pang iba hindi lamang sa pagkakaloob ng mga tiyak na mga legal na pananggalang kundi bilang pangunahin sa pag-aanyaya sa sangkatauhan na umakyat mula sa mababang antas ng buhay ng hayop upang makagawa ng higit pa sa ipinakikita ng tali ng pagkakamag-anak sa dugo, kalahiang mapagpaimbabaw, kapalaluan sa wika, at pangkabuhayang karapatan. Ito ay nag-aanyaya sa sangkatauhan na lumipat sa pantay na buhay ng pamamalagi na kung saan, sa pamamagitan ng kanyang pangloob na katalinuhan, ang tao ay makapaglilirip sa ulirang pagkakapatiran ng mga tao.

 

 

1
2526
تعليقات (0)