Ang Kalinisan sa Islam

Ahmed Baguec

 

 

 

 

Sa Ngalan ng Allah, ang Mapagpala, ang Mahabagin

 

 

*Ang Kalinisan sa Islam*

[Ahmed Baguec]

 

 

Ang isa sa pangunahing bagay sa relihiyon na dala ni Propeta Muhammadr ay ang pangalagaan ang kalinisan. Ayon sa pang-unawa ng Islam sa kalinisan, saklaw nito ang pisikal, pangkaluluwa, materyal at pananampalataya.

 

Sa utos ng Islam, bago isagawa ang anumang seremonya, kinakailangang maging malinis sa katawan, damit, at lugar ng pagsasambahan.  Ang kapaligiran ay kailangang manatiling malinis.

 

Bago simulan ang pagdarasal o kaya’y paglalakbay sa banal na Ka’bah (Hajj o Umrah), kinakailangang maglinis (Wudho). Sinumang nakipagtalik sa asawa, ay kinakailangang paliguan ang buo niyang katawan (Ghusul). Kailangan din ito sa kababaihan kapag natapos na ang kanilang pagdurugo dahil sa regla o panganganak.

 

Sa tuwing isagawa ang limang beses na Salah sa buong maghapon, bawa’t Muslim ay kinakailangan munang maglinis ng ilang bahagi ng katawan kabilang ang mukha, kamay, paa, bunganga, ilong at tainga. Ito rin ay nagsisilbing paalala sa mga Muslim na manatiling malinis ang kanyang kaluluwa at malaya sa anumang mga ipinagbabawal na gawain.

 

Ang kalinisan ay hindi lamang pisikal. Ang sarili ay kinakailangan ding maging dalisay sa mga masasamang gawain na sumisira sa ating ugnayan sa ibang tao at sa AllahU. Kinakailangang linisin ang isipan sa anumang masasamang hangarin o gawaing ipinagbabawal. Kinakailangang malaya ang puso sa inggit, pagkukunwari, at iba pang masasamang hangarin. Dapat lamang maging larawan ng pag-asa, katapatan, mapagpatawad, mahabagin, kabanalan, kapatiran, mabuting kapitbahay, at iba pang mga dakilang katangian.

 

Pinangangalagaan din ng Muslim ang kanyang mga pang-araw-araw na kinakain laban sa lahat ng pag-kaing nakasasama sa kalusugan pangmedisina man o pangrelihiyon. Iniiwas ang kanyang mga mata, tainga, at dila sa kasamaan. Ang mga ito ay ilan lamang sa mga dakilang katangian ni Propeta Muhammadr.

 

Para sa pagpapadalisay sa ating mga ari-arian, itinatag ng Islam ang panuntunan ng “Zakat”. Kapag ang halaga ng natitirang ari-arian na sakop ng Zakat ay umabot sa ‘Nisab’[1], ang pagbabayad ng Zakat ay ipi-nag-uutos ng AllahU sa kapakanan ng mamamayang Muslim at ang sangkatauhan sa pangkalahatan.

 

Sinumang may naipon sa loob ng isang taon nguni't hindi umabot sa sukat ng Nisab, maaari rin siyang magbigay ng kawanggawa sa mga mahihirap bagaman boluntaryo na lamang ito. Hindi nangangahulugan ito na ang may kakayahan lamang ang magbigay ng kawanggawa sa mahihirap bagkus hinihikayat din ang ibang magbigay ng kawanggawa na naaangkop sa kanilang kakayahan.

 

Ang Propeta Muhammadr ang nagsabi:

 

Ang kamay sa itaas (tagapagbigay) ay nakalalamang kaysa sa kamay sa ibaba (ang tumatanggap ng tulong).

 

Kung mauunawaan lamang ng tumatanggap ng Zakat ang sinabi ni Propeta Muhammadr sisikapin niyang siya ang maging tagapagbigay kaysa sa tagatanggap sa pamamagitan ng pagpupunyagi sa higit na magandang pamumuhay na naaayon sa katuruan ng Islam.

 

Sa Islam, ang pag-aari ng maraming kayamanan ay hindi nakadaragdag sa karangalan ng tao. Gayundin naman, ang karukhaan ng tao ay hindi nagpapababa sa kanyang antas sa lipunan. Tunay na ang yaman ay kinakailangan ng tao upang mabuhay sa mundong ito, nguni't ito ay isa lamang sa pamamaraan, hindi ang katapusan. Ang katapusan ay ang kaligayahan sa buhay na ito na makakamit sa pamamagitan ng maha-halagang asal at hindi nangangahulugan ng pag-talikod sa paghahanap ng yaman upang may ikakabuhay.

 

Kabilang sa mga dakilang kahalagahan ng Islam ay ang pag-uutos sa paggawa ng mabuti at ang pagbabawal ng paggawa ng masama. Ang kabutihan ay pinangangalagaan at ang kasamaan ay itinatakwil. Sa maikling pananalita, ang Islam ay tunay na binubuo ng mga utos at mga pagbabawal. Lahat ng mga utos at pagbabawal ay nakabubuti sa sangkatauhan. Ang AllahU ang higit na Nakaaalam, ang Mahabagin, ay hindi magtatakda ng anumang batas at panuntunan maliban sa kabutihan at sa kapakanan ng Kanyang nilikha.

 

Ang mga ipinagbabawal ay kinakailangan iwasan dahil sa mga kasamaang idudulot nito sa sangka-tauhan. Ang kasamaan ay nilikha bilang pagsubok sa budhi ng tao at paghamon sa kanilang kusang-loob na pamimili sa tama at mali.

 

Ang lahat ng utos at pagbabawal mula sa AllahU na ipinadala sa Kanyang Propeta Muhammadr ay naglalayong padalisayin ang pantaong kaluluwa upang mamuhay nang malinis kaakibat ng pagsamba niya sa Nag-iisang AllahU (Diyos).

 



[1]  Ang itinakdang sukat sa halaga ng natitirang kayamanan.

 

1
2558
تعليقات (0)