Ang Kasunduan ng Tao at ng Allah

PLPHP

 

 

 

Sa Ngalan ng Allah, ang Mapagpal, ang Mahabagin

 

Ang Kasunduan ng Tao at ng Allah

[PLPHP]

 

 

Ang isang tao ay nararapat maging matapat sa kanyang sinumpaang tungkulin. Sa pagtalikod ng isang mananampalataya sa kalimang ito, ang lahat ng bagay na nakarinig sa kanyang pagpapahayag ay magiging saksi laban sa kanya sa paghuhukom ng Allah. Ang kanyang katawan, mata, bibig, kamay, paa at maging ang kaliit-liitang ugat at buhok niya sa katawan ay sasaksi sa kanyang walang katapatang pagpapahayag. Sa paghuhukom ng Allah, walang abugado ang maaaring magtanggol sa sinuman sapagkat maging ang hukom o abugado dito sa mundo ay haharap sa Allah upang managot sa kanilang mga gawain. Walang sinuman ang makakawala at makalulusot. Walang maikukubli at maitatago sa Panginoong Diyos. Kung ang mga tao may katungkulan dito sa mundo ay nakukuha sa suhol, hindi ang Allah sapagkat Siya ay ganap na makatarungan at makatotohanan. Lahat ay lalapatan ng parusa at gantimpala. Sa husgado dito sa mundo, ang saksi ay maaaring magsinungaling. Ngunit sa Hukom ng Allah, lahat ay ganap na katotohanan at hindi mapasisinungalingan. Maaaring dito sa mundo ang hukuman ay hindi makatarungan at maaari niyang mapawalang-sala ang isang kriminal, ngunit sa hukuman ng Allah, lahat ay may katarungan. Maaaring makatakas ang tao sa bilangguan dito sa lupa ngunit sa piitan o bilangguan ng Allah sa kabilang buhay, walang sinuman ang makakatakas. Kaya, isang malaking kasalanan sa Allah ang magpahayag ng kasunduan na lihis naman sa katapatan at katotohanan. At dahil sa kasunduang ito, ang tao ay may pananagutan na dapat tuparin bilang alipin. At ang pananagutang ito ay nakaugnay sa kanyang pang-araw-araw na pamumuhay bilang alipin ng Allah. Ang pagtupad sa tungkuling ito na may layuning sumunod at sumuko sa Kalooban ng Allah ay tinatawag na Ibadah.

 

‘Ibadah – Ang Kahulugan

 

Ang Allah (Ang Kataas-taasang Panginoon) ay nagsabi sa Kanyang Banal na Qur'an:

 

"Hindi Ko nilikha ang Jinn at Tao maliban sa pagsamba sa Akin." [Qur'an, 51:56]

 

Maliwanag mula sa talatang ito na ang layunin at dahilan ng ating pagsilang at ng ating buhay ay walang iba maliban yaong pagsamba sa Allah (Ang Makapangyarihan). Kaya't bilang tao nararapat nating alamin ang tunay na kahulugan ng "Ibadah" (pahapyaw na binigyan ng kahulugan sa tagalog bilang "pagsamba"). Kung ang kahulugan at tunay na diwa nito ay hindi nalalaman ng tao, paano niya maisasakatuparan ang tunay na layunin ng kanyang pagkakalikha? Anumang bagay na hindi naisasakatuparan ay itinuturing na walang kabuluhan. Katulad halimbawa ng isang doktor, na hindi kayang pagalingin ang maysakit, nangangahulugang hindi siya matagumpay sa kanyang propesyon. Kung ang magsasaka ay hindi makapag-ani ng magandang tanim, hindi siya nagtagumpay sa kanyang pagbubukid o pagbubungkal ng lupa. Kung hindi natupad ng tao ang layunin ng kanyang buhay, ang kanyang buong panahon ay maituturing na isang walang kabuluhang pamumuhay. Sa ganitong dahilan, nararapat nating unawain at isipin ang tunay na kahulugan ng "ibadah" at panatilihin natin ito sa ating puso at kalooban sapagkat dito nakasalalay ang tagumpay o kapahamakan ng ating buhay.

 

Ang salitang "ibadah" ay hinango mula sa salitang "Abd". Ang kahulugan ng "Abd" ay alipin o lingkod. Samakatuwid ang kahulugan ng "ibadah" ay paglilingkod at pagpapaalipin sa Allah. Kung ang isang tao ay nananatiling gumagawa at kumikilos ayon sa ipinag-uutos ng kanyang Panginoon, ito ay tinatawag na paglilingkod at ibadah. Sa kabilang dako, kung ang isang tao na naglilingkod sa kaninuman at tumatanggap ng sahod ngunit siya ay hindi ganap na sumusunod sa kanyang pinaglilingkuran, ito ay tinatawag na pagsuway na ang katumbas ay walang katapatan. Ang isang alipin ay nararapat na isaalang-alang ang kanyang gawa at kilos para sa kanyang Panginoon. Nararapat din niyang ganap na nauunawaan ang kanyang tungkulin bilang alipin.

 

Ang unang tungkulin ng isang alipin ay ang pagiging matapat sa kanyang pinaglilingkuran. Ang tao bilang alipin ng Allah ay matatag na nananalig at naniniwala na walang dapat bigyan ng tunay at ganap na katapatan kundi ang Kanyang Tagapaglikha. Ang katapatan ay naipapahayag ng isang tao sa kanyang pananalita, at sa kanyang puso ay nakaukit ito at tunay na nasisilayan sa aktual na gawain at pamumuhay.

 

Ang ikalawang tungkulin ng isang alipin ay ang  laging masunurin sa kanyang Panginoon, tinutupad niya ang mga kautusan, hindi siya tumatalikod sa kanyang mga tungkulin at umiiwas siya sa pananalita mula sa kanyang sariling pag-iisip o di kaya siya ay hindi nakikinig sa salita na laban sa kagustuhan at batas ng kanyang Panginoon. Bilang mabuting alipin, sinusunod niya ang Batas ng Allah at hindi ang batas na gawa ng tao. Nangingibabaw sa kanya ang Batas ng Allah at hindi ang batas ng Kasamaan. Ang pagsasaalang-alang niya sa Allah bilang Panginoon ay nananatili sa kanyang isip at puso. Ang isang alipin ng Allah ay nananatiling alipin sa lahat ng oras, panahon at sa lahat ng pagkakataon o kalagayan. Wala siyang anumang karapatang magsabi na siya ay sumusunod sa isang partikular na kautusan at hindi sumusunod sa ibang kautusan. Hindi siya alipin sa isang takdang panahon lamang o kaya ay malaya sa kanyang tungkulin sa ibang panahon. Siya ay mananatiling alipin magpakailanman.

 

Ang ikatlong tungkulin ng isang alipin ay yaong pagbibigay galang at pagdakila sa kanyang Panginoon. Ang isang alipin ay nararapat sundin ang pamamaraan na ibinigay ng Kanyang Panginoon para sa paggalang at pagdakila sa Kanya. Siya ay nararapat na palagiang nakahanda sa anumang oras na itinakda ng Kanyang Panginoon upang magpakita ng paggalang at pagdakila bilang pagpapatunay na siya ay matapat at sumusunod sa Kanya.

 

Ito ang mga pangangailangan na siyang binubuo ng "Ibadah"; una, ang katapatan sa kanyang Panginoon; pangalawa, pagkamasunurin at pagtalima sa kanyang Panginoon, at ikatlo, ay paggalang at pagdakila (o pasasalamat) para sa kanyang Panginoon. Kung ano ang sinabi ng Allah sa talatang: "Hindi Ko nilikha ang jinn at tao maliban sa pagsamba sa Akin", ito ay aktual na nangangahulugan na nilikha ng Allah ang tao at jinn upang  manalig at sumamba lamang  sa Kanya, na sila ay dapat sumunod ng buong katapatan sa mga kautusan ng Allah. Sila ay hindi dapat sumunod sa utos ng sinuman na lihis sa batas ng Allah at sila ay dapat yumukod at magbigay paggalang at pagdakila o papuri sa Allah lamang at wala ng iba pa. Ang tatlong bagay na ito ay isinalaysay ng Allah sa isang malawak na katawagan: Ang Ibadah. Ito ang tunay na kahulugan ng ibadah na siyang dapat isagawa para sa Kanya. Ang diwa ng mga aral ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) at ng lahat ng Propetang (sumakanila nawa ang kapayapaan) isinugo ng Allah ay:

 

"Wala kayong (dapat) sambahin maliban sa Kanya." [Qur'an, 12:40]

 

Ito ay nangangahulugan na ang Allah ang tanging may Kapangyarihan at Kapamahalaan na kung saan ang tao ay dapat matapat at manalig at sumampalataya. Mayroon lamang isang Batas na dapat sundin ng tao at yaon ang Batas ng Allah (Diyos), at ang Allah ang tanging Diyos na dapat pag-ukulan ng tapat na pagsamba. Siya ang Lumikha ng langit at lupa at ng lahat ng nilalaman nito at ng lahat ng nasa pagitan ng mga ito.

 

Ang Bunga Ng Maling Pakahulugan Ng 'IBADAH

 

Ano ang masasabi natin sa isang alipin o tagapaglingkod ng Allah na inuutusang maghanap-buhay ngunit wala siyang ginagawang hakbangin kundi ang ipalad ang mga kamay at bumigkas ng mga surah ng Qur'an? Ano ang masasabi natin sa isang alipin o lingkod na palagiang yumuyukod at sumusubsob sa lupa sa kabila na siya ay inuutusan na ipagtanggol ang Batas ng Allah? Siya ay inuutusan ng Allah na magtanggol laban sa di-makatuwirang gawa ng ibang tao, ngunit wala siyang ginagawang hakbangin kundi ang  bumigkas ng magandang himig ng Qur'an? Siya ay inuutusan ng Allah na magtatag ng isang Islamikong Batas sa pamahalaan upang ang mga magnanakaw, mamamatay-tao, at ang lahat ng uri ng kriminal ay masugpo at maparusahan, ngunit bilang alipin wala siyang ginagawang hakbangin kundi ang manalangin? Siya ay inuutusan ng Allah na alisin ang mga masamang gawain ng ibang tao ngunit wala siyang ginagawa kundi ang umupo sa masjid at magsumamo? Ang ganito bang asal o kilos ay maaaring isaalang-alang bilang tunay na alipin o tagapaglingkod ng Allah? Sapat na bang tawaging alipin ng Allah ang isang taong nagbabasa, nagdarasal mula sa madaling-araw hanggang takipsilim samantalang hindi man lang siya nagtangka sa kanyang sarili na sundin ang mga batas na nakapaloob sa Banal na Qur'an?. Karaniwan na kapag  tayo ay nakakakita ng mga tao na laging nasa masjid, magandang bumigkas ng tilawat ng Qur'an, o kaya naman ay matagal magdasal,o ang kanyang nuo ay may bakas ng pagpapatirapa iniisip natin na siya  ay isang debotong mananampalataya at isang banal na tao. Dito nagsisimula ang maling pang-unawa sa salitang ibadah.

 

Mayroong isang alipin na abala araw at gabi sa pagpapatupad ng tungkuling ipinagagawa sa kanya ng ibang di-Muslim. Siya ay sumusunod sa kanilang mga utos at gumagawa ayon sa batas ng mga ito. Siya ay walang pasubaling sumusunod sa mga ito na lihis sa Batas ng Kanyang Panginoon Diyos. Bagamat sadyang laging namumutawi sa kanyang  labi ang pangalan ng Diyos, ang Allah at nagbibigay papuri sa Allah, siya ba ay maituturing na isang tapat na alipin? Siya ay isang sinungaling at mandaraya! May mga taong nagdarasal, nag-aayuno, nagbibigay zakat, nagbibigay papuri (dhkir), nagbabasa ng Qur’an ngunit sa araw at gabi naman ay sumasalungat at sumusuway sa Batas ng Allah. Sila na sumusunod sa kautusan ng di-Muslim, sila na walang alinlangang tumatakwil sa Batas ng Allah at sumusunod sa Batas ng kaaway ng Allah, sila na nakikipagtulungan sa kaaway ng mga Muslim para ang kapwa Muslim ay maitaboy sa kapahamakan, sila  na nakikipagkaibigan at nagbibigay tulong sa kaaway ng Islam bagamat nagdarahop ang kapwa Muslim sa ibang panig ng mundo. Maituturing bang Ibadah ang kanilang gawa? Ito ba ang tunay na kahulugan at diwa ng pagsamba (ibadah)?

 

Iniisip ba natin na ang pagharap sa Qibla ay ibadah? Ang pag-iwas ba sa pagkain at inumin tuwing ramadhan ay ibadah? Ang pagdalaw ba sa Makkah ay ibadah? Ang pagsasagawa ba ng bawat kilos ng salah ay ibadah? Iniisip ba natin na ang pagbigkas ng Surah ng Qur'an ay ibadah? Ang pag-ikot ba sa kaa'ba ay ibadah? Matatawag ba nating Ibadah ang mga panlabas na aspeto ng ating mga gawain? Ang mga Muslim ba na nagsasagawa nito ay maituturing na ito ay ibadah para sa Allah at natupad ba nila ang layunin ng talatang:

 

"Hindi ko nilikha ang Jinn at Tao maliban sa pagsamba sa Akin."

 

Pagkaraan nitong pagsasagawa ng panlabas na aspeto, malaya na ba silang gawin ang nais nila para sa kanilang buhay?

 

 

'Ibadah - Paglilingkod at  Pagpapaalipin sa Diyos

 

Ngunit sa katotohanan ang Ibadah, na siyang dahilan na ating pagkakalikha at siyang pinag-uutos ng Allah na dapat nating isagawa ay isang bagay na kakaiba. Na sa ating buhay,tayo ay dapat sumunod sa Batas ng Diyos sa bawat hakbang at sa bawat kalagayan, at dapat malaya ang ating sarili sa batas na sumasalungat sa Batas ng Allah. Bawat kilos natin ay nararapat na nasa hangganang itinakda para sa atin ng Allah. Bawat galaw natin ay nararapat na umaayon sa pamamaraan na inilahad ng Diyos. Sa gayon, ang buhay na ginugol sa pamamaraang itinakda ng Allah ay binubuo at kinapapalooban ng Ibadah.

 

At dahil sa ganitong pamamaraan ng buhay, ang ating pagtulog, ang ating paggising, ang ating pagkain at pag-inom, bawat galaw at pananalita, ang lahat ay ibadah. Magkagayon, ang ating pakikipagtalik sa ating mga asawa, ang ating paghalik sa ating mga anak ay gawang ibadah.. Ang mga gawain na karaniwang isinasaalang-alang na pang-pisikal ay pangrelihiyong gawain ay ibadah, datapwat sa pagsasagawa ng mga ito kinakailangan na tayo ay nananatili sa hangganang limitasyon na itinakda ng Allah, at tinitingnan natin ang bawat hakbang kung ano ang pinahihintulutan o ipinagbabawal, kung ano ang halal o ano ang haram, kung ano ang nararapat at ano ang hindi nararapat. Magkagayon alam natin ang bagay na ikinasisiya o ikinagagalit ng Allah. Halimbawa, tayo ay lumabas upang maghanap-buhay. Sa paghahanap-buhay, makakatagpo tayo ng mga trabaho na madaling pagkakakitaan ng salapi ngunit ito ay sa paraang haram (o ipinagbabawal). Kung, dahil sa pagsunod natin sa Allah, tayo ay umiwas sa masamang hanap-buhay at ating hinarap ang isang hanap-buhay na malinis at marangal, ang ating panahon na ginugol sa paghahanap-buhay ay itinuturing lahat bilang ibadah. At ang tinapay na ating iniuwi sa ating bahay, pinakain sa ating pamilya at sa ating sarili at sa karapat-dapat na tao- ang lahat ng gawaing  ito ay karapat-dapat na bigyan ng pagpapala at gantimpala mula sa Allah.

 

 Kung, sa ating paglalakad sa kalsada, ay inalis natin ang isang bagay na makatitinik o makasasakit sa tao, ito ay itinuturing na ibadah. Kung itinuro natin ang tamang daan sa isang bulag na naglalakad, o ginamot natin ang isang maysakit o di kaya ay tumulong tayo sa isang taong nagdadalamhati, ito ay ibadah. Kung, habang tayo ay nagkikipag-usap sa kapwa, tayo ay umiwas sa pagsisinungaling, paninirang-puri, pagsasalita ng masasakit o masama laban sa kapwa at dahil sa ating takot at pagsunod sa Allah, tayo ay nagsabi ng katotohanan lamang, ang ating panahon na ginugol sa malinis na pananalita ay itinuturing bilang panahong iginugol sa pag-iibadah.

 

Samakatuwid, ang tunay na diwa at kahulugan ng Ibadah ay ang pagsunod sa Batas ng Allah at pagtahak sa buhay ayon sa Kanyang Banal na Kautusan mula sa panahon na tayo ay magkaisip hanggang sa panahon ng ating kamatayan. Walang itinakdang panahon ang pagsasagawa ng pag-iibadah. Dapat magsagawa ng Ibadah sa lahat ng panahon at pagkakataon. Sa bawat gawain at bawat uri nito, ang ibadah para sa Allah ay dapat isagawa. Sa maikling salita, ang lahat ng ating gawain ay itinuturing bilang ibadah kung ang mga gawaing ito ay umaaayon at umaalinsunod sa Batas ng Allah at ang tunay na layunin ay upang bigyan kasiyahan ang Allah. Kaya, sa anumang mabuting gawa o pag-iwas sa kasamaan ng dahil sa takot (at pagsunod sa Allah), sa anumang antas ng pamumuhay at larangan ng paggawa, ating tinutupad ang ating Islamikong pananagutan. Ito ang tunay na kahalagahan at diwa ng ibadah, yaong ganap na pagsuko at tapat na pagsunod tungo sa kasiyahan ng Allah, habang buhay sa lahat ng pagkakataon at pangyayari. Ngayon, maaari nating maitanong sa ating sarili, ano ang salah (pagdarasal), ang sawm (pag-aayuno), ang Hajj (pagdalaw sa makkah), ang Zakat (pagkakawang-gawa), at iba pa? Ito ay mga pamamaraang itinakda ng Allah para sa paghahanda ng Ibadah. Ang Salah ay nagpapaalala sa ating ng limang (5) ulit sa isang araw na tayo ay alipin ng Allah at sa kanya lamang ang paglilingkod at pagsamba. Ang Zakat ay nagpapahiwatig sa atin ng katotohanan na ang yaman at salapi na ating pinagpapagurang kitain ay isang pagpapala at handog ng Allah sa atin. Hindi natin dapat gugulin ang mga kayamanang ito sa mga masamang pagnanasa kundi sa mga bagay na kapaki-pakinabang. Ang Hajj ay nagbibigay pahiwatig sa atin ng pagmamahal at kadakilaan ng Allah. Ang Sawm (pag-aayuno) ay nagtuturo ng pagtitiis at pagpipigil sa sarili upang makamtan ang kasiyahan ng Allah. Kung pagkaraan ng pagsasagawa ng mga ito, ang ating buong buhay ay naging kabuuan ng Ibadah para sa Allah, walang alinlangan na ang ating Salah, ay tunay na Salah, ang Zakat ay tunay na Zakat, ang Hajj ay ganap na Hajj. Ngunit kung ang bagay na ito ay hindi naisakatuparan ayon sa hinihingi ng Islam, walang layunin at walang kabuluhan ang maibibigay ng pagyuko-yuko, pagpapakagutom at pagpapakauhaw, ang pagsasagawa ng hajj o ang pagbibigay ng Zakat. Ang mga panlabas na aspeto ng mga ito ay maihahalintulad sa isang katawan, na kung ito ay may kaluluwa at gumagalaw at gumagawa, katiyakan na ito ay buhay ngunit kung ang katawan ay walang kaluluwa, hindi ito hihigit pa sa isang bangkay. Ang isang bangkay ay mayroong pisikal na kabuuan katulad ng kamay, paa, mata at ilong ngunit walang kaluluwa. Kaya ito ay inililibing. Katulad din na kapag ang pamamaraan ng Salah ay tinutupad ngunit walang kalakip na pagkatakot, pagmamahal at katapatan sa Allah, ito ay nagiging walang kabuluhan at walang kahalagahang ritwal.

 

Malawak Na Kahulugan Ng 'IBADAH

 

At dahil ang Ibadah ay nagsasaad ng paglilingkod at pagpapaalipin, na tayo ay isinilang na alipin ng Allah, hindi natin maaaring bigyang laya ang ating sarili mula sa paglilingkod sa Kanya sa anumang panahon at pagkakataon. Hindi natin maaaring sabihin na tayo ay alipin ng Allah sa ilang oras at maging malaya sa pagkaalipin sa ibang nalalabing oras. Katulad din naman, na hindi natin maaaring sabihin na tayo ay magsasagawa lamang ng ibadah sa mga oras na ating naisin. Dapat nating isipin na tayo ay isinilang na alipin ng Allah. Nilikha Niya tayo para sa paglilingkod sa Kanya. Samakatuwid, ang ating buong buhay ay nararapat gugulin sa paglilingkod sa Kanya at walang isang sandali na tayo ay dapat magpabaya sa pag-iibadah.

 

Ang Ibadah ay hindi paglisan o pag-iwas ng sarili mula sa gawain na pang-araw-araw dito sa mundo at ang pag-upo sa isang tabi habang bumibigkas ng "Allah". Ang tunay na kahulugan ng Ibadah ay yaong anuman ang gawin natin dito sa mundo, kinakailangang ito ay nasa itinakdang batas ng Allah. Ang ating pagtulog, paggising, pagkain, pag-inom, pag-galaw ay nararapat na nasa pagsunod sa Batas ng Allah. Kung tayo ay nasa bahay kasama ang asawa, anak, kapatid, magulang, tayo ay nararapat kumilos at gumalaw ayon sa itinakdang pagkilos o paggalaw na iniutos ng Allah sa atin. At dahil tayo ay kumikilos ayon sa kautusan ng Allah, tayo ay nagiging mabuting asawa, mabuting kapatid, mabuting magulang at mabuting kapitbahay at mabuti sa kapwa. At bakit tayo nagiging mabuti? Sapagkat ito ang bunga ng ating tapat na pag-papaalipin sa Allah. Kung kausap natin ang mga kaibigan at nasisiyahan ang sarili, hindi dapat makalimot na tayo ay hindi malaya sa pagiging alipin ng Allah. Kung sa kadiliman ng gabi, nararamdaman natin na maaari tayong makagawa ng kasalanan dahil walang tao sa mundo ang nakakakita sa atin, dapat nating alalahanin na ang Allah ay nakakakita sa atin at Siya ang dapat nating katakutan at hindi ang mga tao sa mundo. Kung sa pagsunod natin sa katotohanan at katapatan ay nakaranas tayong malaking kawalan, dapat nating tanggapin ito ng walang pagdaramdam sapagkat nais nating bigyang kasiyahan ang Allah. Kung tayo ay nasa isang lugar at nararamdaman natin na maaari tayong gumawa ng krimen na walang pulis na makakakita, dapat nating iwasan ito at alalahanin ang Allah. Kaya, ang Ibadah ay hindi pagtalikod sa materyal na gawain at pag-upo sa isang sulok na nag-iisa at nagbibilang ng litanya ng rosaryo (tasbih). Sa katotohanan, ang Ibadah ay pakikisalamuha at paggawa dito sa mundo at kalakip na pagsunod sa Batas ng Allah. Ang pag-ala-ala sa Allah ay hindi lamang yaong patuloy na pagsasalita ng "Allah", "Allah", "Allah" ngunit ang tunay na pag-ala-ala sa Allah ay binubuo ng pag-ala-ala at pag-iisip sa Allah habang tayo ay nasa mga gawain.Sa buhay dito sa mundo, maraming pagkakataon na maaari tayong sumuway sa Batas ng Allah, na kung saan ang tukso ng yaman at laman ay naroroon, dapat nating laging alalahanin ang Allah at manatiling matatag sa pagsunod sa Kanyang mga Batas. Ito ang tunay na Dhikr (Pag-alaala sa Allah). Kaya nga, bilang tao kinakailangang maramdaman natin na tayo ay tunay ng alipin ng Allah at kinakailangan na mapanatili natin ang pagpapailalim sa Kanya sa bawat sandali ng ating buhay at sa bawat sandali ng ating mga gawain. Ang patuloy na pag-ala-ala ay nararapat dahil sa katotohanan sa ating mga sarili (nafs) ay may nakakubling suhestiyon ng Satanas na walang tigil na umaakit at umaakay na gumawa tayo ng kasamaan.  At mayroon pa ring milyon-milyong satanas sa buong mundo na nangagkalat at nagsasabi sa tao: "Ikaw ay aking alipin". Ang kasamaan ng mga Satanas ay hindi masusugpo maliban kung ang tao ay laging naaalala sa araw -araw na siya ay alipin ng Allah at hindi alipin ng Satanas. Kaya ang Allah ay nagtakda ng mga pamamaraan na dapat isagawa ng isang mananampalataya upang ang tunay na kaganapan at kahulugan ng Ibadah ay maisakatuparan sa lahat ng pagkakataon.

 

 

1
2710
تعليقات (0)