Ang Prinsipyo ng As-Salaf As-Salih

PLPHP

 

 

 

Sa Ngalan ng Allah, ang Mapagpala, ang Mahabagin

 

Ang Prinsipyo ng As-Salaf As-Salih

[PLPHP]

 

 

Mula sa TRADITIONALIST Ash-Shaikh Muhammad At Tayyib B. Is-haq Al-Ansari Al-Madani

 

Ngayon pagkaraan ng aking paunang salita, ako ay magpapatuloy sa pagsabi na ako ay naniniwala (nananampalataya) na ang Allah, ang Tanging Isang Diyos, wala ng iba maliban sa Kanya, ang Tanging Isa, Ang As-Samad[1], na hindi ipinanganak o kaya ay nagkaanak, walang nararapat sambahin maliban sa Kanya. Sinoman ang mag-alay o maghandog ng pagsamba sa iba kaysa sa Allah ay itinuturing na isang mushrik (walang pananampalataya)

 

Ang Ibadah o pagsamba, ay isang kahulugan na kinapapalooban ng lahat ng bagay na ikinalulugod o ikinagagalak at ikinasisiya ng Allah maging ito ay sa pananalita o sa gawa katulad halimbawa ng limang haligi ng Islam, ang panalangin, ang pag-asam sa Kanyang Awa at Pagpapala, ang takot (sa Allah), pagtitiwala, pagtupad sa mga Pangako at iba pang uri (o pamamaraan) ng pagsamba.

 

Ako ay naniniwala sa Allah na Siya ay malayo sa kakulangan, samakatuwid, nasa Kanya ang Kaganapan at Kasapatan. Siya ay angkop sa lahat ng mga Banal na Katangian na Siya mismo ang nagbigay para sa Kanyang Sarili. At Siya ay tinatawag sa Pangalan na Kanyang itinawag sa mismong sarili at pangalang itinawag sa Kanya ni Propeta Muhammad. Ang mga Magagandang Pangalan at Katangian ng Allah ay katotohanan (at tunay) at hindi metaporikal.  Ang mga katangian ng Allah katulad na Siya ay lumuklok sa Kanyang Trono (ng Kapangyarihan), ang pagluklok ay walang paghahambing, o paglalarawan at walang katulad. Ang Allah ay nagsabi:

 

"Ang pinakamaawain ay lumuklok sa Kanyang Trono (ng Kapangyarihan)." [Qur’an 20:5]

 

Higit sa lahat, ang Salita ng Allah ay walang hanggang at likas na Mananatiling Buhay, na sinasalita sa mga pagkakataon.

 

Isinasalaysay na ang mga naunang banal na tagasunod (ng Islam) ay naniniwala na ang Allah ay laging makapangyarihan sa katangian ng pananalita, at Siya ay nagsasalita kung Kanyang marapatin (o naisin). Isa sa Kanyang salita, ay ang Qur’an na narinig ni Anghel Gabriel mula sa Kanyang Panginoon (Ang Allah, Azzawajall), tuwiran na walang namagitan at ibinaba at ipinahayag kay Propeta Muhammad, sa letra at kahulugan (na hindi matutularan ng sinoman). Sa madaling salita, ang Qur’an ay hindi salita ni Anghel Gabriel o ni Propeta Muhammad (sumakanila nawa ang kapayaan).  Ito ay Salita ng Allah sa buong letra at himig. Ang Qur’an ay salita ng Allah, sa letra at himig katulad ng Salita na Kanyang sinabi kay Propeta Moises nang ang huli ay lumapit sa punong-kahoy-nagsabing:

 

"Katotohanan, Ako ang iyong Panginoon. Kaya, hubarin mo ang iyong sapatos sapagkat ikaw ay nasa Banal na Pook ng Tuwa." [Qur’an 20:12]

 

Gayundin, sa Araw ng Muling Pagkabuhay tatawagin ng Allah ang lahat ng Kanyang alipin sa kanyang tinig na maririnig malayo man o malapit na nagsasabing: "Ako ang Hari. Ako ang Maniningil." Sa ganitong pamamaraan din, nagsasalita ang Allah sa Kanyang mga Sugo at Anghel, maging sa Kanyang mga alipin na Kanyang naising kausapin o di kaya naman ay nagpapadala Siya ng mga Aklat na kinapapalooban ng Kanyang mga Salita. Ang Kanyang mga Salita ay walang hanggan kaya hindi ito nilikha (uncreated)[2] kaya ang katangian ng pananalita, katulad ng mga iba pa Niyang katangian ay hindi nalilikha.

 

Ang Allah, (Luwalhati sa Kanya) ay natatangi sa mga katangian ng pagmamahal, galak, galit, pagpanaog[3], pagbigay ng buhay at kamatayan, kasiyahan sa Kanyang mga alipin kung ang mga ito ay nagsisisi[4] at ang Allah ay malayo sa kakulangan. Siya ay makikita ng mga mananampalataya sa Araw ng Paghuhukom sa kanilang mga sariling mata katulad ng nakasaad sa mga talata ng Qur’an at maging sa mga Hadith ni Propeta Muhammad. Ang mga katangian ng Allah ay ganap na katotohanan katulad ng pagpapatunay ng Banal na Qur’an:

 

"Ipahayag: "Siya ang Allah, Ang Tanging Isa. Allah, ang Walang Hanggang, Ang Walang Pangangailangan.  Siya ay hindi nagkaanak at hindi ipinanganak. At sa Kanya ay walang makakatulad." [Qur’an, 112:1-4]

 

Ito ang ating pananalig na ating pinananatili at pinanghahawakan sa pagsunod at pagsuko sa Allah. Iginagalang at tinatanggap (at kinikilala) ang Kanyang mga Katangian at Pangalan na walang pagbibigay hambing sa katangiang angkop lamang sa tao. Hindi tayo nagbibigay ng anumang paglalarawan o pagsasalaysay mula sa ating sariling kaisipan at hindi nating itinatakwil o ipinagsisinungaling ang mga ito. Allah ay nagsabi:

 

"Walang anuman ang makakatulad Niya; at Siya ay Ganap na Palakinig, at Ganap na Nakakakita." [Qur’an, 42:11]

 

Tayo ay sumasaksi na si Propeta Muhammad ay Kanyang alipin at Sugo para sa sangkatauhan at para sa mga Jinn at kanyang ipinalaganap ang mensahe, tinupad ang tungkulin na ipinagkatiwala sa kanya, pinatnubayan niya ang kanyang pamayanan (ummah) na buong puso at nanatili siyang nakikipaglaban para sa Allah hanggang binigyan ng kaganapan at kabuuan ang relihiyong Islam.  Ang Allah ay nagsabi:

 

"Sa araw na ito, Aking binigyang kaganapan para sa inyo ang inyong relihiyon, binuo ang (lahat ng) kagandahang-loob sa inyo at pinili (at tinanggap) ang Islam bilang inyong relihiyon." [Qur’an, 5:3]

 

Pagkaraan nito, kinuha na siya ng Allah at isinama sa pinakamagandang kalagayan sa Paraiso (Jannah). Ang Propeta Muhammad ay lumisan dito sa daigdig at sa kanyang mga kasamahan at mamamayan. Walang sinoman ang magkakamit ng Iman maliban at hanggang ang kanyang mga pagnanasa ay pumailalim o umalinsunod sa mensahe na dinala ni Propeta Muhammad at maliban kung binibigyan niya ng pagpapahalaga at pagmamahal si Propeta Muhammad ng higit sa kanyang sarili, sa kanyang mga anak at sa lahat ng sangkatauhan. Ang mahalin si Propeta Muhammad ay nangangahulugan ng pagsunod sa kanyang mga kautusan o tagubilin, paniniwala sa kanyang mga salita at aral at pagtalikod sa kanyang mga ipinagbabawal. Nangangahulugan din na ang Allah ay dapat pag-ukulan ng pagsamba sa pamamagitan ng mga gawang pagsamba na katulad ng pagsasagawa ni Propeta Muhammad.

 

Si Propeta Muhammad ay hindi dapat itaas ng higit pa sa kalagayan na ipinagkaloob sa kanya ng Allah. Siya ay hindi dapat dakilain at papurihan ng labis sa pamamagitan ng pagdalangin sa Kanya at paghingi ng tulong sa kanya. Si Propeta Muhammad ay nagsabi:

 

"Ang panalangin (du'a) ay pagsamba."[5] At siya ay nagsabi; "Katotohanan, hindi ako ang dapat tawagan at hingan ng tulong kundi ang Allah."

 

Ang pagdalangin upang humingi ng tulong kay Propeta Muhammad at maging sa ibang banal na tao, ay isinasaalang-alang bilang shirk o isang gawaing polyteismo. Ganoon din ang pagdalangin sa iba kaysa sa Allah para makatanggap ng biyaya o pag-alis ng mga kasamaan o kung sila ay itinuturing bilang tagapamagitan sa Allah. (Ang pagdalangin sa mga banal na tao (santo) o sa mga jinns, paghingi ng tulong sa mga ito, pag-alay ng mga hayop upang ang kanilang kahilingan ay matupad, ang mga ito ay kinabibilangan ng pagbibigay katambal o kaugnay sa Allah, maging ito ay may himala sa pananalita ay isang shirk at ang mga ganitong gawain ay naghahatid sa tao upang maligaw sa katotohanan. Kaya, isinugo ng Allah ang Propeta Muhammad upang muling alisin ang ganitong nakasanayan at upang linisin ang puso mula sa walang katapatan. Walang kapangyarihan o lakas maliban sa pamamagitan ng Allah. (Ang Dakila, Ang Kataas-taasan).

 

Tayo ay naniniwala na ang mga anghel at ang mga Banal na Kasulatan ng Allah ay totoo, ang mga Propeta ay totoo, ang Pagbabangong muli pagkaraan ng Kamatayan ay totoo, ang Paraiso (Jannah) at Impiyerno (Jahannam) ay totoo. Tayo ay naniniwala rin na ang Timbangan[6] ay totoo at ang Hawd[7] (ilog o bukal) ng ating Propeta ay totoo; na sinoman ang uminom mula rito ay hindi makararanas o makadarama ng pagka-uhaw. Ang nagsitalikod sa Islam (apostate) at ang mga taong gumawa ng pagbabago (bid'aah) sa mga bagay na pang-relihiyon ay hindi makalalapit mula sa Hawd na ito.

 

Naniniwala tayo sa Qadar (Tadhana) maging sa kabutihan nito o sa kasamaan. Tayo ay naniniwala na ang pamamagitan (intercession) ni Propeta Muhammad at ng lahat ng Propeta (sumakanila nawa ang kapayapaan) at ng mga banal (ganap na mabuti) na tao ay totoo ngunit nasa kapahintulutan lahat ng Allah at nararapat na ang Allah ay nagagalak o nasisiyahan sa tagapamagitan. Ang Allah (Ang Makapagyarihan) ay nagsabi:

 

"Sino ang makapamamagitan sa Kanya maliban sa  Kapahintulutan Niya." [Qur’an, 2:255]

 

At Siya ay nagsabi rin:

 

"Sila ay hindi makapamamagitan maliban na siya ay kinalulugdan Niya." [Qur’an 21:28]

 

Ang ating Propeta Muhammad ang siyang unang tagapamagitan at siya ang una na ang pamamagitan (intercession) ay tatanggapin. Maraming pribilehiyo ng pamamagitan na tanging siya lamang ang makatatamasa. Una, ang paghuhusga sa Araw ng Paghuhukom (ng Sangkatauhan) ang pribileyong tinatawag na Al-Muqam Al Mahmood (Ipinagkakapuring Kalagayan o Hanay) na inaaasam-asam ng mga Propeta at mga Sugo. Pangalawa, ang karapatan niyang mamagitan upang mailabas ang mga nasa Impiyerno[8]. Pangatlo, ang karapatan niyang mamagitang makapasok ang mga ito sa paraiso (Jannah) pagkaraan na ang mga ito ay linisin at padalisayin.

 

Naniniwala tayo na ang pinakamabuting henerasyon ay ang henerasyon ni Propeta Muhammad. Pagkaraan ay yaong henerasyong matapat na sumunod. Si Propeta Muhammad ay nagsabi:

 

Ang pinakamabuting henerasyon ay ang aking henerasyon, pagkaraan ay ang kanilang tagasunod at pagkaraan ay ang mga sumunod sa kanila."

 

Naniniwala tayo na ang pinakamabuting salita ay ang Salita ng Allah at ang pinakamabuting patnubay ay ang patnubay ni Propeta Muhammad at ang pinakamasama sa lahat ng bagay ay ang mga bida’h (pagbabago sa relihiyon) at bawat pagbabago ay tungo sa pagkakaligaw.

 

Kaya, kung hindi lamang sa pangamba ng kahabaan nitong aklat na ito, ang  bawat katanungan ay  mabibigyan  pa natin ng mga patunay mula sa Aklat ng Allah (Qu’ran) at  mula sa mga Sunnah ni Propeta Muhammad at mula rin sa mga pinagtibay ng Ijma'a (pagkakaisang kapasiyahan ng mga matatalino at banal na tao). 

 

Nawa'y patnubayan tayo ng Allah tungo sa kanyang matuwid na Landas sa lahat ng ating mga pananalita at gawa at pangalagaan tayo mula sa mga nakaliligaw na pagsubok (ang nakikita o hindi nakikita).  Idalangin natin na nawa'y bigyan tayo ng Allah ng Katatagan sa pagsunod sa Islam at ipahintulot ng Allah na tayo ay mamatay sa Islam. Nawa'y ang kapayapaan at pagpapala ng Allah ay mapasakay Propeta Muhammad at sa kanyang angkan.

 

Ang aklat na ito na sinulat ni Sheikh Muhammad At Tayyib ibn Ishaq Al-ansari sa Al madinah Munawarah noon taong 1358 H na namatay noong 7-6-1363 H, ay isang pagbibigay aral at babala (paalala) para sa ating mga sarili at sa lahat ng kapatid sa Islam.

 

Nawa'y pagpalain siya ng Allah.

 



1.        Ang As-Samad ay isa sa Magandang Pangalan o Katangian ng Allah. Ito ay binanggit sa Surah# 112. Ito ay nagsasaad ng sumusunod: Ang Panginoon na ang pagsunod ay dapat ituon o ilaan, na kung wala ang Kanyang Kapahintulutan ay walang magaganap. Bawat nilikha ay sa kanya umaasa para sa kanilang pamumuhay. Siya ang tanging Tagapaglikha.

2.        Ang Salita ng Allah ay isa sa Kanyang Katangian at katulad ng iba Niyang Katangian, ito ay walang hanggan at hindi nilikha. Sa madaling salita, ang Kanyang Salita ay hindi katulad ng salita ng Kanyang mga nilikha sapagkat ang mga nilikha ng Allah ay nilikha na sakop ang panahon.

 

3.        Si Abu Hurairah ay nagsalaysay na si Propeta Muhammad ay nagsabi :"Ang ating Panginoon, Ang Maluwalhati, AngKataas-taasan, ay pumapanaog sa pinakamababang kalangitan sa huling ikatlong bahagi ng gabi bawat gabi at nagsasabing: Sino ang nais manalangin sa Akin upang ito ay ipagkakaloob? Sino ang nais humiling at aking ibibigay? Sino ang nais humingi ng kapatawaran at aking patatawarin? (Bukhari) (MM)

 

4.        Si Abdullah b Masoud ay nagsalaysay na si Propeta Muhammad ay nagsabi: "Ang Allah ay nagagalak sa pagsisisi ng Kanyang mga alipin kaysa sa isang tao na naglalakbay kasama ang kanyang hayop na puno ng kargada, sa disyerto na mapanganib. Siya ay namahinga at nakatulog, pagkaraan ay nagising na nawawala ang kanyang hayop. Ang panahon ay mainit at siya ay nauuhaw kaya nagpasiyang bumalik sa kanyang lugar. Siya ay namahinga at nakatulog at nagising at nadatnan ang kanyang hayop na nasa kanyang tabi. Ang paliwanag ni Imam Muslim sa Hadith na nasa itaas ay ganito "Nang matagpuan niya ang nawawalang hayop, ang tao ay nadulas sa kanyang pananalita ng dahil sa gulat at kasabikan: "O, Allah, ikaw ay aking alipin at ako ang iyong panginoon."(MM)

 

5.        Abu Dawood & At-Tirmidhi

 

6.        Nangangahulugan na ang masama at mabuti ay titimbangin sa Araw ng Paghuhukom.

 

7.        Ang Hawdh ay isang bukal o ilog ni Propeta Muhammad. Ang mga mananampalataya ay bibigyan ng inumin mula rito sa Araw ng Paghuhukom. Ito ay tinatawag na "Al Kawthar".(MM)

 

8.        Ang ibig sabihin dito ay ang pamamagitan (intercession) tungkol sa pagpapalabas mula sa impiyerno ng mga naipasok rito bunga ng kanilang kasalanan ay hindi nakahanggan o limitado para kay Propeta Muhammad lamang. Kundi ito ay pinagsama-samang pamamagitan ng iba pang mabubuting mananampalataya (Sugo, Propeta o mabuting tao.) Ito ay pamamagitan (intercession) na gagawin ni Propeta Muhammad pagkaraan ng Kanyang Unang Natatanging Pamamagitan. Katulad ng pamamagitan na ginawa niya upang bumaba ang parusa ng kanyang amain na si Abu Talib. Ito ang paliwanag ni Abdul-Aziz ibn Abdullah ibn Baz, Presidente ng Presidency Of Islamic Reseraches, Ifta and Propagation. Nawa'y patawarin siya ng Allah at bigyan siya ng tagumpay sa bawat mabubuti niyang gawain.

1
2734
تعليقات (0)