Ang Pagkamakumbaba

PLPHP

 

 

 

Sa Ngalan ng Allah, ang Mapagpala, ang Mahabagin

 

 

Ang Pagkamakumbaba o Kababaang-loob

[PLPHP]

 

 

Sa ilang araw na lamang ay bibiyayaan tayo ng AllahU ng isa pang buwan ng Ramadan, Insha’allah. Ang pag-aayuno sa buwan ng Ramadan ay isang pagkakataon upang alalahanin at gampanan ang dakilang katangian ng Islam: Ang pagsuko sa AllahU, pagpipigil, disiplina, sakripisyo, pagtiis, kapatiran at pagkamapagbigay. Sa paghahanda natin sa ating puso sa pagdating ng buwan ng Ramadan, ating pag-aralan ang isa sa mga katangian nito – ang pagkamakumbaba o kababaang-loob.

 

Sa wikang englis, ang salitang “humility - pagkamakumbaba o kababaang-loob” ay hango sa salitang Latin na may kahulugang “ground – lupa o sahig”. Ang pagkamakumbaba o kababaang-loob ay nangangahulugan ng pagkamabini, pagsuko at pagkamagalang, hindi kayabangan at pagkamataas. Magpakamababa at huwag itaas ang iyong sarili sa iba. Sa pagdadasal, sa pamamagitan ng pagpapatirapa sa lupa, tinatanggap natin na tayo’y sadyang mababa at ang pagpapakumbaba sa Panginoon ng mga Daigdig.

 

Sa Qur’an, ang AllahU ay gumamit ng ilang salita na nagbibigay kahulugan sa pagkamakumbaba o kababaang-loob. Ang ilan sa mga ito ay “tada’a” at “khasha’a.”

 

 

Tada'a

 

Sinabi ng AllahU:

 

Katotohanang Kami ay nagpadala (ng mga Tagapagbalita) sa maraming pamayanan (bansa) nang una pa sa iyo (O Muhammad). At sa kanila ay Aming idinulot ang matinding kahirapan (o pagkawala ng kanilang kayamanan) at paglala ng kanilang kalusugan na kasama ang mga kapinsalaan upang sila ay magsisampalataya ng may kapakumbabaan. [Surah Al-Anaam, Qur’an 6:42]

 

At nang ang Aming kaparusahan ay sumapit na sa kanila, bakit hindi sila nanampalataya ng may kababaang loob? Datapuwa’t ang kanilang puso ay naging matigas, at ginawang nakakaganyak ni Satanas sa kanila ang kanilang mga ginagawa. [Surah Al-Anaam, Qur’an 6:43]

 

Muling ipinahayag ng AllahU ito sa Surah Al-Araf:

 

Panikluhuran ninyo ang inyong Panginoon ng may kapakumbabaan at sa lihim. Siya ay hindi nalulugod sa mga lumalabag sa pag-uutos. [Surah Al-Araf, Qur’an 7:55]

 

At huwag gumawa ng kabuktutan sa kalupaan, matapos na ito ay maitalaga sa ayos, at inyong panikluhuran Siya ng may pangangamba at pag-asa. Katiyakan, ang Habag ng Allah (ay laging) malapit sa mga gumagawa ng kabutihan. [Surah Al-Araf, Qur’an 7:56]

 

 

Khash'a

 

Sinabi ng AllahU sa Surah Al-Muminoon:

 

Katiyakang matatagumpay ang mga sumasampalataya.  [Surah Al-Muminoon, Qur’an 23:1]

 

Sila na nagsisipag-alay ng kanilang panalangin ng may kataimtiman at ganap na pagpapasakop. [Surah Al-Muminoon, Qur’an 23:1]

 

Sinabi ng AllahU sa Surah Al-Hadid:

 

Hindi  pa ba dumating  ang panahon sa puso ng mga sumasampalataya  (na may kapakumbabaan at gumugugol sa pag-aala-ala sa Allah, sa Kanyang Kaisahan at sa Islam) na matablan ng katotohanan na ipinahayag (ang Qur’an) sa kanila; (baka mangyari) na sila ay  matulad sa mga tao na pinagpahayagan ng Kasulatan noon pang una (ang Torah [mga Batas] at Ebanghelyo, alalaong baga ang mga Hudyo at Kristiyano), gayunman, marami ng panahon ang nalagas at ang kanilang puso ay lumaki at tumigas?  At marami sa kanila  ang Fasiqun (mga mapaghimagsik at palasuway sa Allah). [Surah Al-Hadid, Qur’an 57:16]

 

Ang pagkamakumbaba o kababaang-loob ay katumbas ng pagsuko sa AllahU. Nararapat lamang na ating talikuran ang anumang uri ng pagkamasarili at pagkamataas sa ating pagkatao, at manatiling mapakumbaba, maginoo at higit sa lahat ay sumusuko bilang alipin ng AllahU.

 

Sa panahon ng Jahliyya, hindi ito naririnig. Wala silang sinunod na ibang pamantayan maliban sa sarili nila, at ang higit sa lahat ay labis nilang pinangangalagaan ang kanilang dangal. Hindi sila nagpapakumbaba sa kanino man, maging tao man siya o diyos. Labis nilang ikinaliligaya ang lubos nilang kalayaan at pagsasarili, ang kanilang lakas, taglay nila ang walang hangganang pagtitiwala sa sarili at mahigpit na tinatanggihan ang ibang kapangyarihan. Ang isang tao ay panginoon ng kanyang sariling katawan. Sa katotohanan ang mga ito ay siyang mga kinakailangang katangian upang maging ganap na lalaki ang isang tao. Ang pagkamakumbaba o kababaang-loob at pagsunod ay isang kahinaan at hindi katangian ng kagalang-galang at magiting na lalaki. Ang mga Arabo sa panahon ng Jahliyya ay mabagsik, matapang at sasalungatin nila ang anumang bagay na maaring papahiya sa kanila, o ang kanilang karangalan ay dudungisan.

 

Dumating ang Islam at hiningi sa kanila, bago ang lahat, na buong puso nilang isuko ang kanilang sarili sa tanging Nag-iisa at Tagapaglikha, at talikuran ang pagmamataas, pagmamalaki, at ang damdaming pagkamasarili. Marami sa mga paganong Arabo ang nabahala sa kahilingang ito – ang pagkapantay-pantay sa ibang tao, ang pagsuko sa AllahU lamang. Sa karamihan, ang katauhang ito ay hindi nawawala, nakikita pa rin natin ito sa mga tao sa mundong ito, at astugfirillah, minsan o malimit sa ating sarili.

 

Katotohanan, ang kasalanan ni Iblis (Satanas) ay ang kanyang pagmamataas sa pagtanggi niyang magpakumbaba sa kagustuhan ng AllahU. Naniniwala siyang nakatatas ang kanyang antas – nakahihigit sa ibang nilikha – at patuloy siyang bumubulong sa atin, hinihikayat tayong magmataas, pagmamahal sa yaman at kapangyarihan. Dapat nating palaging alalahanin na tayo’y walang halaga – walang pag-aari – maliban sa biyaya ng AllahU sa atin. Wala tayong magagawa ng sarili nating kapangyarihan.

 

Kung mapagmataas at mayabang tayo sa buhay na ito, ilalagay tayo ng AllahU sa ating kalalagyan at turuan tayo ng pagpapakumbaba sa kabilang buhay sa pamamagitan ng paggawad sa ating ng kahiya-hiyang kaparusahan.

 

Sinabi ng AllahU sa Surah Al-Jathiya:

 

Paglingkuran ninyo ang Allah at huwag kayong magtambal ng anuman sa pagsamba sa Kanya, at magsigawa kayo ng kabutihan sa mga magulang, mga kamag-anak, mga ulila, sa mahirap na humihingi, sa kapitbahay na malapit sa pagkakamag-anak, sa kapitbahay na hindi malapit sa inyo, ang mga kasamahan na malapit sa inyo, ang mga napapaligaw (na inyong nakadaop) at sa mga angkin ng inyong kanang kamay. Katotohanang ang Allah ay hindi nagmamahal sa mga mayayabang at hambog. [Surah An-Nisa, Qur’an 4:36]

 

Sila na mga kuripot at nag-uudyok din sa iba na maging kuripot, at nagtatago ng mga biyaya na sa kanila ay ipinagkaloob ng Allah, at Aming inihanda sa mga walang pananampalataya ang kaaba-abang kaparusahan. [Surah An-Nisa, Qur’an 4:37]

 

Kasawian sa bawa’t makasalanan na mapagkunwari! [Surah Al-Jathiya, Qur’an 45:7]

 

Na nakakarinig sa mga Talata ng Allah na ipinahayag sa kanya. Datapuwa’t siya ay matigas at mapagmataas na wari bang wala siyang naririnig. Kung gayon, ipagbadya sa kanya ang kasakit-sakit na parusa. [Surah Al-Jathiya, Qur’an 45:8]

 

At kung siya ay makaalam ng ilan sa Aming mga Talata (ang Qur’an), tinatanggap niya ito ng may panunuya. Sa ganitong (mga tao) ay may naghihintay na kaaba-abang Parusa. [Surah Al-Jathiya, Qur’an 45:9]

 

Sinabi ng AllahU sa Surah Al-Mujadila:

 

Katotohanang sila na sumusuway sa (mga pag-uutos) ng Allah at ng Kanyang Tagapagbalita (Muhammad) ay manlulupaypay na parang alikabok (mawawalan ng karangalan), na katulad ng mga tao ng panahong sinauna na winalang dangal (din), sapagkat ipinarating Namin ang Maliliwanag  na Ayat (mga tanda, katibayan, kapahayagan, aral, atbp.).  At ang mga hindi sumasampalataya ay magkakamit ng kaaba-abang Kaparusahan. [Surah Al-Mujadila, Qur’an 58:5]

 

Kami ay nagpapakupkop sa AllahU mula sa apoy sa impiyerno, at tulungan mo kaming alalahanin ka sa inyong mga biyaya. Tulungan mo kaming mapagpasalamat sa Iyo, at magpakumbaba sa Iyo, sapagka’t Ikaw lamang ang tanging Tagapagtustus, ang ganap na Kapangyarihan.

 

1
2844
تعليقات (0)