Akala Ko’y Mananatiling Pangarap na Lamang

www.tanglawbuhay.com

Ang Paglalakbay sa Makkah

Masusing sinisiyasat ni Aling Sarah ang nabili niyang payong kahapon sa bayan nang may pumaradang pulang traysikel sa tapat ng kanilang bahay. “Sino kaya ito”, ang bulong niya sa kanyang sarili. Hindi niya makilala ang lalaking bumaba sa traysikel na may bitbit na isang malaking maleta at may isang maliit na bag na nakasugbit sa kanyang balikat.“Assalamo alaykom, inay!” ang malakas at masayang pagbati ng lalake.Nagulat at napanganga si Aling Sarah dahil nakilala niya kaagad ang tinig nito. “Faisal, ikaw ba iyan anak?”

“Opo, inay!” ang tugon ni Faisal habang hirap na hirap na ipinapasok ang kanyang malaking maleta sa tarangkahan.

Tuwang-tuwa si Aling Sarah, halos magkandarapa siya sa pagsalubong sa pamangkin. “Kumusta na ang aking anak?” ang maluha-luhang bungad niya kay Faisal. “Salamat sa Allah at nakabalik ka nang maluwalhati.”

Pinalad si Faisal na mamasukan bilang isang clerk sa isang malaking kompanya sa Riyadh. Tila hiyang si Faisal sa kanyang pananatili sa Saudi Arabia dahil malaki rin ang kanyang pinagbago – matipuno siya ngayon, mamula-mula ang kutis at matikas ang kanyang tindig.

“Kaninang umaga pa sana ako kaya lang naantala ang aming flight kaninang madaling araw.” ang tugon naman ni Faisal sabay ang mahigpit na yakap sa kanyang nakagisnang ina.

Lumaki si Faisal sa pangangalaga ni Aling Sarah. Maaga siyang naulila, halos mag-iisang taon pa lamang siya nang sabay na yumao ang kanyang magulang. Natamaan sila ng ligaw na bala noong kasagsagan ng kaguluhan sa Mindanao.

“Tamang-tama nakapagluto na ako ng tanghalian, halina ka na at kakain na tayo, tiyak na magugustuhan mo ang ulam - ginataang tulingan.”

“Wow, sa wakas makatitikim ulit ako ng luto ninyo inay!”, ang masayang tugon ni Faisal.

Mabilis na inihain ni aling Sarah ang umuusok pang pagkain sa mesa. Sabik na umupo ang binata at nagsimula nang kumain. “Ang sarap inay, talagang masarap kayong magluto!”

“Magpakabusog ka anak, malayo-layo rin ang nilakbay mo.” Ang magiliw na sambit ni aling Sarah.

Mabilis kumain si Faisal, siya’y uminom, naghugas ng kamay at kapagdaka’y nagsabi. “Inay, hulaan ninyo kung ano ang pasalubong ko sa inyo.”

“Huwag mong sabihing payong iyan dahil kabibili ko pa lamang ng isa kahapon!” ang pabirong tugon ni aling Sarah.

“Hindi po inay, masyado namang maliit iyon para sa aking pinakamamahal na ina.” Ang malambing na sagot ni Faisal.

“E, ano nga ba iyan?” Ang pagtatanong ni Aling Sarah.

“Inay, makapupunta na kayo sa Makkah sa taong ito! Nakapag-ipon po ako ng sapat ninyong gagastusin para sa inyong Hajj.” Ang nakangiting sambit ni Faisal sabay na iniabot ang sobreng naglalaman ng limang-libong dolyar na nagkakahalaga ng higit sa dalawangdaang-libong piso.

Humagulgol ng iyak si Aling Sarah sa kanyang narinig. “Purihin ang Allah at tinugon Niya ang aking pagnanais makapunta sa Makkah. Akala ko’y mananatiling pangarap na lamang ang aking pagnanais magsagawa ng Hajj. O anak, ito na ang pinakamaligayang araw para sa akin, maraming salamat iyo. Nawa’y pagpalain ka ng Allah.” Hindi mapatid ang pagtulo ng kanyang luha.

Ganito karubdob ang pagnanais ng bawa’t Muslim na makapunta sa Makkah para magsagawa ng Hajj, ang isa sa mga haligi ng pananampalatayang Islam.

Ang Hajj ay isang paglalakbay sa Banal na Bahay (ang Ka'bah sa Makkah) upang isagawa ang mga ritwal sa mga partikular na lugar at oras. Ito ay isa sa mga haligi ng Islam na itinakda sa bawa't Muslim, lalaki at babae, minsan sa kanyang tanang buhay, kung siya ay may matinong kaisipan, nasa tamang gulang, at may kakayahang pisikal at pananalapi.

Ang Allah ay nagwika:

Ang paglalakbay sa Bahay (Ka’bah) ay isang tungkulin na dapat gampanan bilang pagsunod sa Allah, sa mga may kakayahang isagawa ito. At sinuman ang magtakwil (tungkol dito), samakatuwid ang Allah ay walang pangangailangan ng anuman sa sinuman sa Kanyang mga nilikha. (Al-Imran 3:97)

Ang Hajj ay ang pinakamalaking Islamikong pagtitipon. Ang mga Muslim mula sa iba’t ibang panig ng mundo ay dumadalo upang makisalo sa pagdiriwang na ito sa iisang lugar at oras.

Silang lahat ay tumatawag at dumadalangin sa Nag-iisang Panginoon, nakasuot ng magkakatulad na uri ng kasuotan, at isinasagawa ang iisang uri ng ritwal. Walang pagkakaiba sa pagitan ng mahirap at mayaman, taong maharlika at karaniwan, puti at itim, Arabo at ibang lahi. Silang lahat ay pantay-pantay sa harap ng Dakilang Diyos – ang Allah. Walang anumang pagkakaiba sa kanila maliban sa pagiging makadiyos (Taqwaa) sa Allah. Ang Hajj ay isang tagpo kung saan binibigyang-diin ang pagkakapatiran ng lahat ng mga Muslim at ang pagkakaisa ng kanilang pag-asam at damdamin.

Ang Hajj ay isang paggunita sa mga tagpong naganap noong panahon ni Propeta Abraham, ng kanyang asawang si Hagar at ng kanilang anak na si Propeta Ismael. Ang mga ritwal ng kaganapang ito ay ipinahayag ng Allah kay Propeta Muhammad – ang huling Sugo at Propetang ipinadala sa buong sangkatauhan.

Sinabi ni Abu Hurayrah: Narinig ko ang Propeta na nagwika: Sinumang magsagawa ng Hajj ng dahil sa Allah at hindi siya nakipagtalik sa asawa, hindi gumawa ng kasalanan o hindi nakipagtalo nang di-makatarungan habang siya’y nasa panahon ng Hajj, siya’y magbabalik (na dalisay) katulad ng siya’y ipinanganak ng kanyang ina. (Isinalaysay ni Al-Bukhari,1449 at ni Muslim, 1350)

Tanglaw Buhay

1
5193
تعليقات (0)