Nagpaghandaan Mo na ba ang Takdang Oras?

Abdulmalik Marasigan

Marahil lahat tayo ay may kaalaman tungkol sa mga palatandaan ng Araw ng Paghuhukom. Ito ay nababanggit sa Banal na Qur'an at sa mga Hadith ni Propeta Muhammad. Ang unang kaganapan tungo sa Araw na iyon ang siyang huling yugto ng ating oras dito sa mundo – ang ating kamatayan. Magkagayon, may isang natatanging oras na nakatakda sa bawa’t isa sa atin, na mahalagang malaman at mapaghandaan. Ang oras na ito ay inilahad sa Hadith ni Propeta Muhammad.

Isang Bedouin (namumuhay sa disyerto) ang lumapit kay Propeta Muhammad at nagtanong sa kanya, kailan ba ang takdang oras? Itinuro ng Propeta ang isang batang lalake at nagsabi, Kapag ang batang ito ay lumaki, sa pahahon ng kanyang katandaan at kalakasan, ang iyong oras ay katiyakang lumipas na.

Ito ang oras na katiyakang dapat paghandaan, at ito rin ang oras na palapit ng palapit sa ating buhay sa bawa't sandaling lumilipas. Ang magsisilbing oras ng pagpapasiya sa bawa't isa sa atin kasabay ng pagwawakas ng ating mga gawa. Katotohanan, ito ang tanging oras! Ang hindi maiiwasang darating sa ating buhay at mararanasan ng bawa’t may kaluluwa. Ang paliwanag sa sinabi ng ating Dakilang Lumikha (Allah) sa Banal na Qur'an:

Makalalasap ng kamatayan ang lahat ng may buhay. At tanging sa Araw ng Pagbabagong-Muli ipagkakaloob ang inyong mga gantimpala. At sinumang iniligtas sa Apoy (ng Impiyerno) at ipasok sa Jannah (Paraiso), katotohanan siya ay nagtagumpay. At wala (kang makikita) sa buhay sa mundong ito maliban lamang sa mapanlinlang na kasiyahan. [Qur'an 3:185]

Ito ang panahon na kapag ang ating mga gawa ay tuwiran ng magwawakas. Matapos yaon, matatagpuan na lamang natin ang ating mga sarili sa tagpo ng pagbabalik sa ating Dakilang Lumikha upang magsulit sa ating mga gawa. Samakatuwid, dapat nating isaalang-alang ang pagninilay at pagtatanong sa ating mga sarili at sikapin nating makagawa ng mga mabubuti bago pa mahuli ang lahat. Ano ba ang ating naihanda bago dumating ang takdang oras? Ano ba ang ating mga ginawa sa ating buhay sa mundong ito bago ito tuwirang magwakas?

Ang ganitong mga pagsusuri at pagtatanong sa sarili ay nagtuturo ng isang sagot: Sa katunayan ang tanging bagay lamang na ating dapat na ihanda bago pa dumating ang itinakdang oras para sa atin ay ang ating tunay at dalisay na pananampalataya sa ating Tangi at Dakilang Lumikha – ang Allah at kaakibat nito ay ang ating mga mabubuting gawa. Si Propeta Muhammad ay nagwika na kailangan nating paghandaan ang pagdating ng takdang oras sa ating buhay. Kailangan nating gamitin ang ating buong buhay bilang paghahanda sa pagdating ng kamatayan at higit sa lahat sa pagsapit natin sa kabilang buhay na kung saan ang buhay na yaon ay wala ng hanggan at hindi na tayo muli pang makababalik sa nakaraan upang itama ang ating mga maling gawa.

Kung hindi natin gagamitin ang buhay na ito para sa paghahanda sa kabilang buhay, magkagayon, sinasayang lamang natin ang ating buhay at ang bawa’t yugto nito maging ito man ay isang tagpo ng tagumpay sa daigdig na ito. Kahit pa tayo ay malayo na ang narating, mataas ang ating katayuan sa lipunan, may mga malalaking palasyo, at maraming sasakyan, ito ay isa lamang tagpo ng pagsasayang ng ating panahon kung wala tayong paghahanda sa pagdating ng itinakdang oras sa ating buhay.

Sa pagdating ng oras na yaon, may tatlong bagay na susunod sa atin sa libingan; ang ating mga yaman, mga mahal sa buhay at ang ating mga gawa. Dalawa rito ang babalik at isa lamang ang maiiwan at makakasama natin. Ang ating mga yaman at mga mahal sa buhay ay muling babalik kung saan sila namamalagi at hindi tayo sasamahan sa ating kalalagyan. Hindi natin sila maisasama sa ating hukay upang sa araw ng Pagbabangong-Muli ay maging karamay o maging tanggulan kung maaari man para sa ating kahihinatnan doon. Subali't tanging isa lamang ang maiiwan upang makasama natin sa ating libingan – ang ating mga gawa.

Mga minamahal na kapatid, kailangan nating pag-isipan at bigyan ng pansin ang ating buhay at paghandaan ang takdang oras bago pa ito sumapit. Kailangan natin itong paghandaan bago pa ang Anghel ng Kamatayan ay isugo ng Allah at dumating sa atin upang hugutin ang ating kaluluwa. Dapat din nating maunawaan na kung tayo ay handa sa pagharap sa itinakdang oras na yaon, ang Anghel ng Kamatayan ay lalapit sa atin na may magandang anyo, marahan niyang huhugutin ang ating kaluluwa palabas mula sa ating katawan, at ang Anghel ay aanyayahan tayo sa kasaganaan ng buhay sa Paraiso na inihanda ng Allah mula sa Kanyang habag at awa.

Sa kabilang-dako kung dumating ang takdang oras sa ating buhay na hindi tayo handa para dito dahil sa ating kapabayaan, ang ating mararanasan ay kakaiba. Ang Anghel ng Kamatayan ay darating at lalapit sa mga di-mananampalataya at mapaggawa ng masama na may nakatatakot na anyo. Lalapit siya at tatawagin ang kanyang kaluluwa sa poot at galit ng Allah kasama ang nagbabadyang kaparusahan para sa kanya. Ang kaluluwa ng di-mananampalataya ay magpupumilit na huwag lumabas sa kanyang katawan hanggang sa hugutin ito nang marahas at sapilitang ilabas mula sa kanyang katawan hanggang sa magkapunit-punit ito. Ito ba ang ating nais na harapin at danasin pagdating ng takdang oras? Ang ganitong tagpo sa buhay ng isang tao ay nangangahulugan lamang ng hindi pag-iisip at pagpapabaya sa sarili tungo sa paghahanda sa takdang oras ng buhay.

Si Propeta Muhammad ay nagsabi: Kapag ang isang di-mananampalataya ay nasa kalagayan na ng paglisan ng buhay dito sa daigdig at tumatawid sa kabilang-buhay, bababa sa kanya mula sa langit ang mga matatapang at mababagsik na mga anghel na may maiitim na mukha at may dalang Masuh (isang uri ng damit) mula sa Jahannam (Impiyerno). Uupo sila ng napakalayo sa kanya na kasing layo ng abot-tanaw. Pagkatapos, darating ang Anghel ng Kamatayan at uupo sa kanyang ulunan at magsasabi: 'O ikaw na masamang kaluluwa, lumabas ka tungo sa galit at poot ng Allah (swt). Magkakahiwa-hiwalay ang kanyang kaluluwa sa kanyang katawan at kukunin ito ng anghel katulad ng paghugot ng isang tinik ng sanga mula sa basang balahibo ng tupa. Kukunin ng Anghel ng Kamatayan ang kanyang kaluluwa, at sa kanyang pagkuha hindi ito iiwan ng ibang anghel sa kanyang kamay at sa isang kisap-mata’y ibabalot nila sa kanya ang Masuh (damit mula sa Impiyerno). Lalabas mula sa kanyang kaluluwa ang isang mabahong amoy na kasing-baho ng pinakabulok na bangkay na matatagpuan sa daigdig. (Imam Ahmad)

Sa Banal na Qur’an, ating mauunawaan ang sinabi ng Allah kung paano ang pagkuha ng kaluluwa sa mga di-mananampalataya.

At kung inyong makikita kung papaano kunin ng Aming mga anghel ang kaluluwa ng mga di-mananampalataya sa oras ng kanilang kamatayan, hahambalusin nila ang kanilang mga mukha at ang kanilang mga likod, na nagsasabing: lasapin ninyo ang kaparusahan sa naglalagablab na Apoy. Ito ay dahil sa mga ipinadalang (kasamaan) ng inyong kamay. Katotohanan, ang Allah ay makatarungan sa Kanyang mga alipin. [Qur'an 8:50-51]

Bakit ang isang kaluluwa ay mahaharap sa ganoong napakalagim na katapusan? Bakit ang isang kaluluwa ay ayaw lumabas nang banayad sa kanyang katawan patungo sa kanyang Dakilang Lumikha? Ano ang dahilan kung bakit ang isang kaluluwa ay gustong manatili sa kanyang katawan at mamalagi sa daigdig na ito? Marahil, ang sagot sa mga tanong na ito sa gayong tagpo ay malinaw sa bawa't isa sa atin. Maraming dahilan kung bakit ang isang kaluluwa ay ayaw lumabas sa kanyang katawan kapag ang Anghel ng Kamatayan ay dumating upang kunin ito sa itinakdang oras. Ang pinakamahalagang dahilan upang humantong sa ganito kalagim na tagpo at masamang pagwawakas ng isang kaluluwa ay dahil sa mali niyang pananampalataya o kaya naman ay pag-aalinlagan sa katotohanan tungkol sa Islam. Sinuman ang naniniwala sa ibang batayan maliban sa Qur'an at Sunnah ng Propeta, o kaya naman ay may pag-aalinlangan ukol dito sa oras na yaon, ay mapag-aalaman ng kanyang kaluluwa ang mga kamaliang kanyang nagawa. Kapag ang takdang oras ay dumating na sa isang di-mananampalataya doon lamang niya maiisip ang kanyang mga ginawa. Katotohanan, lahat ng mga gawa ng tao ay walang pantubos sa oras na yaon, kung mananatili sa kanya ang maling paniniwala at ang pag-aalinlangan na siyang magtutulak sa kanya pagtalikod sa pananampalatayang Islam.

Ating mababasa sa Banal na Qur'an:

Sabihin (O Muhammad)! Sasabihin ba Namin sa inyo ang pinakatalunan hinggil sa kanilang mga gawa? Sila ay yaong ang kanilang mga gawa ay nasayang sa buhay na ito habang iniisip nilang may nakakamit silang kabutihan sa kanilang mga gawa. [Qur'an 18:103-104]

Ang kahalagahan nito ay dapat na isaalang-alang ng bawa't isa, lalo na ng mga taong nagsasabing sila ay bata pa pagdating sa pananampalataya. Iniisip ng ilang tao na ang pagiging matapat sa pagkilala at pagsamba sa Allah ay para sa mga matatanda lamang at ang kanilang kabataan ay kailangan muna nilang gugulin sa pagpapakasaya sa makamundong bagay at pagdating ng kanilang katandaan ay saka pa lamang sila magsisisi at magbabalik-loob sa nag-iisang Dakilang Lumikha – ang Allah. Lagi nilang iniisip na marami pa silang natitirang panahon sa hinaharap upang ilaan sa pagdakila at pagsamba sa Allah. Ito ay sa kabila ng wala silang katiyakan kung ano ang kanilang magiging kinabukasan at hanggang kailan magwawakas ang yugto ng kanilang buhay. Hindi ba nila nababatid na maaari silang mamatay sa panahon ng kanilang kabataan? Sa sandaling mangyari ito’y saka pa lamang nila mapagtatanto na ang oras ng pagsisisi at paggawa ng mga mabubuting bagay ay hindi naghihintay ng kanilang pagtanda, kundi sa alinmang oras ng kanilang buhay kahit na sa kanilang kabataan. Ang kaluluwa ng isang tao ay magiging masaklap ang kahahantungan at makalalasap ng matinding pagdurusa, kapag ang Anghel ng Kamatayan ay dumating maging sa panahon ng kanyang kabataan bago pa ang oras na inisip niyang maging taimtim sa kanyang mga tungkulin sa Allah at magsisi sa kanyang mga kasalanan.

Ang pagkakaroon ng mahinang panananampalataya, pagmamahal nang labis sa makamundong buhay at ang hindi pagbibigay ng pansin sa paghahanda sa kabilang buhay ang siyang magiging dahilan ng masaklap at masamang wakas. Ang isang tao sa oras ng kanyang kamatayan ay mamamaalam sa lahat ng mga bagay na minahal niya nang labis sa buhay niya dito sa mundo. Ang kanyang kaluluwa ay hindi magiging handa para iwan ang anumang labis niyang minahal sa buhay. Sana’y ginawa niyang mahalin ang Allah at inihanda ang sarili sa pagharap sa kabilang buhay kasabay ng kanyang di-pagtangi at di-pagmamalabis sa kasiyahan sa mga biyaya ng Allah dito mundo! Ilan sa mga paham (scholar) ng Islam ay sumulat tungkol sa taong nasa banig na ng kamatayan at sa oras na yaon ay hinihikayat nilang bigkasin niya ang mga katagang La Ilaha Illa Allah [walang tunay na diyos na dapat sambahin maliban sa Allah] at hindi niya ito magawa. Sapagka't ang iniisip lamang ay ang mga bagay na kanyang kinagiliwan at labis na minahal sa mundong ito. Anuman ang kanyang naging buhay at kasaganaang naranasan ay siya rin namang ayaw niyang iwanan sa oras ng kanyang kamatayan.

Malinaw na ipinahayag ni Propeta Muhammad na sinuman ang napopoot na makatagpo ang Allah, ang Allah ay kasusuklaman din siya. Ang taong may masamang wakas sa kanyang buhay ay makikita ang kanyang kalalagyan sa Impiyernong Apoy. At hihilingin niya na huwag ng dumating ang Araw ng Paghuhukom. Ayaw niyang makatagpo ang Allah. Magkagayon ang kanyang pagsusumamo ay hindi pakikinggan. Katotohanan, ang oras ng kanyang pagdarasal, pagsusumamo at pagsisisi sa mga kasalanan sa mga pagkakataong yaon ay wala ng saysay at tanging ang kanyang magagawa ay hintayin na lamang ang oras na darating upang harapin niya ang matinding kaparusahan bunga ng kanyang mga ginawa.

Minamahal na mananampalataya, ang paghahanda sa takdang oras, ang pagsisikap na maging mabuti at dalisay ang ating mga gawa, ang pagsamba lamang natin sa Allah at ang ating hangaring maging masunurin sa Kanyang mga ipinag-uutos, ay tanging landas upang ang ating oras ay tuwirang maging kapaki-pakinabang.

Ang Sugo ng Allah ay nagsabi: "Kapag ang isang mananamapalataya ay nasa oras na ng paglisan sa mundong ito at patungo na sa kabilang buhay, ang mga anghel na may mga mapuputing mukha, katulad ng sinag ng araw, ay bababa sa kanya dala ang isang damit at pabango mula sa Paraiso at uupo sa malayo na kasing layo ng abot-tanaw. At ang Anghel ng Kamatayan ay uupo sa kanyang ulunan at magsasabi, 'Mabuting kaluluwa, halina't lumabas ka tungo sa kapatawaran at habag ng Allah'. At ang kanyang kaluluwa ay lalabas nang marahan katulad ng paglabas ng patak ng tubig na banayad na lumalabas mula sa isang sisidlan. At kapag nangyari na ito, hindi nila bibitiwan ito sa kanilang mga kamay, at ibabalot nila ito (ng damit) at lalagyan ng pabango mula sa Paraiso, at mula roon ay lalabas ang isang pambihirang amoy na kasing bango ng pinakamainam na pabangong musko sa balat ng lupa."

Tunghayan nating ang sinabi ng Allah sa Banal na Qur'an tungkol sa mapayapang pagpanaw ng mga mananampalataya sa oras ng kanilang kamatayan, yaong mga dalisay at tapat sa kanilang pananampalataya, gumagawa ng mga mabubuting bagay at nagsisisi nang tapat matapos na sila ay nakagawa ng kamalian.

Katotohanan, yaong mga nagsasabing: Ang aming Panginoon ay ang Allah lamang, at pinanatili nila ito, (sa oras ng kanilang kamatayan) bababa sa kanila ang mga anghel at magsasabing: huwag kayong matakot o mangamba! Sa halip ay tanggapin ninyo ang mainam na balita ng pagpasok sa Paraiso na ipinangako sa inyo. Kami ang inyong naging mga kaibigan sa buhay ninyo dito sa lupa gayundin naman sa kabilang buhay. Doon ay makakamtan ninyo ang lahat ng inyong naisin, at doon ay matatamasa ninyo ang lahat ng inyong hihilingin. Ang walang hanggang kasiyahan mula sa Allah, ang Mapagpala, ang Maawain. [Qur'an 41:30-32]

Ipakikita sa taong ito ang kanyang kalalagyan sa Paraiso habang siya ay nasa kanyang libingan. At sasabihin niya sa Allah na gawing madali ang pagdating ng Araw ng Paghuhukom. At ito ang kahulugan ng sinabi ni Propeta Muhammad: "Sinuman ang nagmamahal at nagnanais na makaharap ang Allah, mamahalin at nanaisin din ng Allah ang makaharap siya. "

At ito ang ating magiging katayuan sa pagdating ng takdang oras – ang ating sariling oras na tiyak na darating at kailangan nating harapin. Maaaring isa tayo sa mga kaluluwang kukunin nang malumanay sa ating katawan o kaya naman ay isa sa mga kaluluwang magpupumilit pang manatili sa katawan pagdating ng kamatayan. Magkagayon, mula sa mga sandaling ito’y kailangan nating ilaan ang ating buong makakaya upang gumawa ng mga mabubuting bagay, upang mapabilang tayo sa mga taong may maligayang wakas ang buhay sa daigdig na ito. Magagawa natin ito sa pagwawaksi ng ating maling pananampalataya, alisin natin ang ating pag-aalinlangan, pagsisihan ang ating mga masasamang gawa, laging isaalang-alang at isa-puso ang kahahantungan natin sa kabilang buhay.

Iiwan ko sa bawa't isa sa atin ang sinabi ni Ali ibn Abu Talib, ang huling khalipa ng Sugo ng Allah. Sinabi niya: Humayo kayo sa pamamagitan ng buhay na ito at pumaroon kayo sa hinaharap tungo sa susunod na buhay. Ang bawa't buhay ay may bunga at kahulugan, magkagayon hangarin ang bunga ng buhay sa kabila upang hindi mawalang-saysay ang mga bunga ng pamumuhay sa daigdig na ito. Ngayon ang panahon na ang ating mga gawa ay walang pagsusulit, subali’t bukas ay ang panahon ng ating pagsusulit at hindi na tayo makagagawa pa ng anuman upang ituwid ang anumang pagkakamali.

Dalangin ko sa Allah na mapabilang tayo sa mga taong bibiyayaan Niya ng magandang wakas ang buhay sa daigdig na ito. O Allah, nawa’y akayin kami sa matuwid na landas at panatilihin kami sa landas ng Iyong mga pinagpala. Ameeen.

Assallamu Alaykum wa Rahmatullahi wa Barakatu! Nawa'y sumainyo ang kapayapaan at pagpapala ng Allah.

Tanglaw Buhay

1
5201
تعليقات (0)