Ang Kabilang Buhay

PLPHP - Zulfi Foreigners' Guidance Office

Ang papuri ay ukol sa Allah lamang. Ang pagpapala at ang pagbati ng Allah ay matamo ng pinakadakila sa lahat ng mga Propeta at mga Sugo, at ng lahat ng kanyang mag-anak at kanyang mga Kasama.

Kabilang sa mga Saligan at anim na Haligi ng Pananampalataya ang paniniwala sa Kabilang Buhay o Huling Araw(1). Kaya naman ang tao ay hindi magiging Mananampalataya hangga't hindi siya sumasampalataya sa nasasaad sa Aklat ng Allah (Qur'an) at sa mga napatotohanang Sunnah(2) ng Sugo, Sumakanya nawa ang kapayapaan(3), na nahihinggil sa Araw na iyon. Ang kaalaman hinggil sa Araw na ito at ang madalas na paggunita rito ay mahalaga dahil may malaking impluwensiya ito sa pagiging matuwid ng kaluluwa ng tao, sa pangingilag niya na magkasala, at sa pananatili niya sa Relihiyon ng Allah. Walang nagpapatigas sa puso at nagpapasigla sa paggawa ng mga pagsuway sa Allah na tulad ng pagpapabaya sa paggunita sa Araw na iyon, at sa mga kakila-kilabot na bagay at mga matinding kapighatian sa Araw na iyon, na hinggil doon ay nagsabi ang Allah:

"…sa araw na gagawa sa mga bata na ubanin?" [Qur'an, 73:17]

At nagsabi rin Niya:

"O mga tao, mangilag kayong magkasala sa inyong Panginoon! Tunay na ang pagyanig ng Huling Sandali ay kakila-kilabot na bagay. Sa Araw na makikita ninyo ito ay malilimutan ng bawat nagpapasuso ang pinasuso nito at mailalaglag ng bawat may dinadala sa sinapupunan ang dinadala nito. At makikita mo ang mga tao na parang mga lasing at hindi naman sila lasing, ngunit dahil sa ang pagdurusa mula sa Allah ay matindi." [Qur'an, 22:1-2]

------------------------
(1) Tumutukoy ito sa anumang magaganap pagkatapos ng kamatayan ng tao.
(2) Ang anumang sinabi, ginawa at sinang-ayunang ng Sugo, Sumakanya nawa ang kapayapaan.
(3) (SAS): Sallallahu 'Alayhi wa Sallam: Sumakanya ang pagpapala at kapayapaan ng Allah.

 

Binabanggit ito sa tuwing tinutukoy si Propeta Muhammad, Sumakanya nawa ang kapayapaan.

Ang Kamatayan

Ang kamatayan ang katapusan ng lahat ng may buhay rito sa mundo. Nagsabi ang Allah:

"Ang bawat may-buhay ay makatitikim ng kamatayan.…" [Qur'an, 3:185]

Sinabi pa Niya:

"Ang lahat ng sinumang nasa lupa ay malilipol." [Qur'an, 55:26]

Nagsabi naman Siya sa Kanyang Sugo, Sumakanya nawa ang kapayapaan:

"Tunay na ikaw ay mamamatay at tunay na sila rin ay mga mamamatay." [Qur'an, 39:30]

Samakatuwid, walang isa man sa mga tao ang mabubuhay magpakailan man sa mundong ito. Nagsabi ang Allah:

"At hindi Namin ibinigay sa isang tao noong wala ka pa ang Kawalang-kamatayan. …" [Qur'an, 21:34]

Ang kamatayan ay tiyak na mangyayari na hindi magagawang pagdudahan. Ngunit sa kabila nito, ang karamihan sa mga tao ay mga pabaya. Kaya kailangang dalasan ng isang Muslim ang pag-aalaala sa kamatayan at paghandaan ito. Kailangan ding magbaon siya ng mabuting nagawa sa mundo para sa kapakanan niya sa Kabilang-buhay bago mahuli ang lahat. Nagsabi ang Sugo, Sumakanya nawa ang kapayapaan: "Samantalahin ninyo ang limang ito bago dumating ang limang iyon: ang iyong buhay bago dumating ang iyong kamatayan, ang iyong kalusugan bago dumating ang iyong karamdaman, ang iyong panahong walang ginagawa bago dumating ang iyong pagkakaabalahan, ang iyong kabataan bago dumating ang iyong katandaan, at ang iyong yaman bago dumating ang iyong kadalitaan." (Musnad al-Imam Ahmad)

Dapat mong malaman na sng patay ay walang madadala sa kanyang libingan na anumang makamundong pag-aari. Ang matitira lamang sa kanya ay ang nagawa niya. Kaya maging masigasig kang magbaon ng mabuting gawa na sa pamamagitan nito ay matatamo mo ang buhay na walang hanggan at ang kaligtasan sa pagdurusa kung ipahihintulot ng Allah.

Ang taning ng tao ay di-malinaw; walang nakaaalam nito kundi ang Allah lamang. Kaya walang isa mang nakaaalam kung kailan siya mamamatay at kung saan siya mamamatay sapagkat ito ay bahagi ng kaalaman hinggil sa Nakalingid na natatanging ang Allah ang nakaaalam.

Kapag dumating ang kamatayan ay hindi na magagawang itaboy ito o ipagpaliban ito o takasan ito. Sinabi ng Allah:

"At ang bawat kalipunan ay may taning; kaya kapag dumating na ang kanilang taning, hindi sila mahuhuli ng isang saglit at hindi rin sila mauuna." [Qur'an, 7:34]

Ang Mananampalataya, kapag pinuntahan na ng kamaatayan, ay pinupuntahan ng anghel ng kamatayan na nasa magandang anyo at may mabangong amoy. Kasama nitong dumarating ang mga anghel ng awa na magpaparating sa kanya ng nakalulugod na balita ng pagpasok sa Paraiso. Nagsabi ang Allah:

"Tunay na ang mga nagsabing, "Ang Allah ang aming Panginoon," at pagkatapos ay nananatiling matuwid, magsisibabaan sa kanila ang mga anghel sa sandali ng kamatayan upang magsabi na "Huwag kayong mangamba at huwag kayong malungkot, at tanggapin ninyo ang nakalulugod na balita ng pagpasok sa Paraiso na sa inyo noon ay ipinangangako." [Qur'an, 41:30]

Kapag namatay naman ang isang Kafir (di-sumasampalataya o tumatangging sumampalataya) ay pupuntahan siya ng anghel ng kamatayan na may nakatatakot na anyo at maitim ang mukha. Darating kasama nito ang mga anghel ng parusa na magbabalita sa kanya ng pagdurusang tatamuhin niya. Sinabi ng Allah:

"At kung nakikita mo sana kapag ang mga lumalabag sa katarungan ay nasa mga hapdi ng kamatayan samantalang ang mga anghel ay nag-aabot ng kanilang mga kamay habang nagsasabi: "Ilabas ninyo ang inyong mga kaluluwa; ngayon ay gagantihan kayo ng pagdurusa ng kahihiyan dahil sa kayo noon ay nagsasabi hinggil sa Allah ng hindi totoo at kayo noon sa Kanyang mga Kapahayagan ay nagmamalaki." [Qur'an, 6:93]

Kapag dumating ang kamatayan, mabubunyag ang katotohanan at magiging malinaw na ang lahat sa bawat tao. Sinabi ng Allah:

"Hanggang sa, noong dumating na ang kamatayan sa isa sa kanila, magsabi siya: "Panginoon ko, pabalikin Mo po ako nang harinawa ako ay makagawa ng matuwid sa naiwan ko!" Aba'y hindi! Tunay na ito ay isang salitang siya ang nagsasabi nito. At ang nasa likod nila ay isang hadlang hangang sa araw na muli silang bubuhayin." [Qur'an, 23:99-100]

Kaya kapag dumating ang kamatayan ay hahangarin ng Kafir at makasalanan na muling mabuhay upang gumawa ng mga matuwid na gawa ngunit wala nang kabutihang maidudulot ang pagsisi kapag nahuli na ang lahat. Nagsabi ng Allah:

"At makikita mo ang mga lumalabag sa katarungan nang nakita na nila ang pagdurusa ay magsasabi sila: "May daan ba pabalik sa mundo?" [Qur'an, 42:44]

Bahagi ng awa ng Allah sa Kanyang mga lingkod na papasukin sa Paraiso ang sinumang la ilaha illallah (Walang tunay na Diyos kundi ang Allah) ang huling salita bago namatay. Nagsabi ang Sugo ng Allah, Sumakanya nawa ang kapayapaan: "Ang sinumang ang huling salita niya sa mundo ay la ilaha illallah, papasok siya sa Paraiso." (Itinala ni Imam Abu Dawud.) Iyon ay sapagkat hindi magagawang sabihin ito ng isang tao sa maselang sandaling iyon kung hindi siya tapat na naniniwala rito. Ang hindi tapat na naniniwala rito ay malilimutang sabihin ito dahil sa tindi ng dumapo sa kanya na hapdi ng paghihingalo. Kaya dahil doon, Sunnah (itinatagubilin) sa isang pupunta sa isang naghihingalo na ipabigkas dito ang la ilaha illallah.

Ang Libingan

Nagsabi ang Sugo, Sumakanya nawa ang kapayapaan: "Tunay na ang tao—kapag inilagay na sa libingan nito, tinalikuran na at umalis na ang mga nakilibing sa kanya—tunay na siya ay talagang makaririnig ng mga yabag ng kanilang mga sapin sa paa. Pagkatapos ay pupuntahan siya ng dalawang anghel at pauupuin nila siya at magsasabi sila sa kanya: 'Ano ang sinasabi mo noon sa taong ito (si Muhammad)?' "Nagsabi pa siya, Sumakanya nawa ang kapayapaan: "Tungkol naman sa Mananampalataya, magsasabi ito: 'Sumasaksi ako na siya ay Lingkod ng Allah at Kanyang Sugo.' Kaya may magsasabi sa kanya: 'Tingnan mo ang luklukan mo sana sa Impiyerno, pinalitan ng Allah alang-alang sa iyo ng isang luklukan sa Paraiso." Nagsabi pa siya, Sumakanya nawa ang kapayapaan: "Kaya kapwa niya makikita ang dalawang ito. Tungkol naman sa Kafir o Munafiq ay may magsasabi naman dito: 'Ano ang sinasabi mo noon sa taong ito (si Muhammad)?' At magsasabi ito: 'Hindi ko alam; sinasabi ko noon ang sinasabi ng mga tao.' Kaya may magsasabi: 'Hindi mo nalaman at hindi mo sinunod ang patnubay?' Pupukpukin siya ng mga martilyong bakal ng isang pukpok kaya mapasisigaw siya ng sigaw na maririnig ng anumang nasa malapit sa kanya maliban sa tao at jinni."

Ang pagbabalik ng kaluluwa sa katawan sa loob ng libingan ay ilan sa mga bagay hinggil sa Kabilang-buhay na hindi matatalos ng isipan ng tao sa daigdig. Nagkaisa ang mga Muslim sa paniniwala na ang tao ay pagiginhawahin sa libingan niya kapag siya ay isang Mananampalatayang karapat-dapat palasapin ng kaginhawahan, o pagdurusahin kapag siya ay karapat-dapat palasapin ng pagdurusa. Nagsabi nga ang Allah:

"Ang Apoy, idadarang sila roon sa umaga at gabi. At sa araw na sumapit ang Huling Sandali ay sasabihin sa mga anghel: "Papasukin ninyo ang mga kampon ni Paraon sa pinakamatinding pagdurusa." "Nagsabi naman ang Sugo, Sumakanya nawa ang kapayapaan: "Manalangin kayo ng pagpapakupkop sa Allah laban sa pagdurusa sa libingan." [Qur'an, 40:46]

Ang matinong isip ay hindi magkakaila nito sapagkat nakikita ng tao sa buhay sa mundong ito ang nakahahawig ng dinaranas ng nasa libingan. Ang natutulog ay maaaring makadama na siya ay pinagdurusa ng matinding parusa; magsisigaw siya at hihingi ng saklolo ngunit ang kanyang katabi ay hindi makararamdam niyon. Ito ay sa kabila ng malaking pagkakaiba sa pagitan ng buhay at kamatayan. Ang pagdurusa sa libingan ay kapwa sa kaluluwa at sa katawan. Nagsabi nga ang Sugo, Sumakanya nawa ang kapayapaan: "Ang libingan ang una sa mga yugto ng Kabilang-buhay. Kaya kung nakaligtas siya rito, ang anumang pagkatapos nito ay higit na madali kaysa rito; ngunit kung hindi siya nakaligtas dito, ang anumang pagkatapos nito ay higit na matindi kaysa rito." (Itinala ni Imam at-Tirmidhi) Kaya nararapat sa isang Muslim na dalasan ang panalangin na iligtas siya sa parusa sa libingan, lalong-lalo na bago magsabi ng assalamu 'alaykum wa rahmatullah sa Salah(1). At gayon din ang pagiging masigasig sa paglayo sa mga pagsuway na siyang unang dahilan ng pagdurusa sa libingan at sa Impiyerno. Tinawag itong pagdurusa sa libingan sapagkat ang karamihan sa mga tao ay inililibing. Gayon pa man, ang nalunod o ang nasunog o ang nakain ng mabangis na hayop o ang anumang tulad nito na hindi nalibing ay pinagdurusa o pinalalasap ng ginhawa sa Barzakh(2).

Ang pagdurusa sa libingan ay sari-sari gaya ng pagpukpok ng mga martilyong bakal at iba pa. Pupunuin ng kadiliman ang libingan ng isang patay, lalatagan siya ng higaang mula sa Impiyerno, at magbubukas sa harap niya ng isang pinto mula sa Impiyerno. Ang masagwang gawa niya ay magpapakita sa kanya sa anyo ng isang lalaking pangit ang mukha at nakasuot ng damit na mabaho ang amoy, na mananatiling kasama niya sa libingan niya.

------------------------------------

(1) Ang panalanging ito ay: allahumma inni a'udhu bika min 'adhabi jahannam, wa min 'adhabil qabri, wa min fitnatil mahya wal mamat, wa min fitnatil masihid dajjal: O Allah, tunay na ako po ay nagpapakupkop sa Iyo laban sa pagdurusa sa Impiyerno at laban sa pagdurusa sa libingan, laban sa tukso ng buhay at kamatayan, at laban sa tukso ng Bulaang Kristo.

(2) Ito ay ang yugto ng panahon sa pagitan ng kamatayan ng tao at muling pagbubuhay.

 

Ang pagdurusa ay magpapatuloy kung ang namatay ay isang Kafir o isang Munafiq. Ngunit kung ang namatay naman ay isang Mananampalatayang masuwayin, magkakaiba ang pagdurusa ayon sa pagsuway na nagawa at maaari pang itigil ang parusa sa kanya. Ang mabuting Mananampalataya naman ay lalasap ng ginhawa sa libingan niya sapagkat paluluwagin para sa kanya ang kanyang libingan at pupunuin ng liwanag. Magbubukas para sa kanya ng isang pinto patungo sa Paraiso. Makararating sa kanya ang halimuyak nito at bango nito. Lalatagan siya ng higaang mula sa Paraiso. Ang mabuti niyang gawa ay magpapakita sa kanya sa anyo ng isang magandang lalaki na aaliw sa kanya sa kanyang libingan.

Ang Pagsapit ng Huling Sandali (1) at ang mga Tanda Nito

Hindi nilikha ng Allah ang daigdig upang manatili kailanman. Darating dito ang isang araw na pagwawakasan nito. Ang araw na ito ay ang araw ng pagsapit ng Huling Sandali. Ito ay isang katotohanang di-mapag-aalinlanganan. Nagsabi ang Allah:

"Tunay na ang Huling Sandali ay talagang darating, walang pag-aalinlangan hinggil dito…" [Qur'an, 40:59]

Sinabi pa Niya:

"Nagsabi ang mga tumangging sumampalataya: "Hindi darating sa amin ang Huling Sandali." Sabihin mo: "Aba'y hindi, sumpa man sa aking Panginoon, talagang darating ito sa inyo." [Qur'an, 34:3]

"Ang Huling Sandali ay malapit na sapagkat nagsabi ang Allah:

"Nalalapit na ang Huling Sandali.…" [Qur'an, 54:1]

Nagsabi pa Siya:

"Nalalapit na para sa mga tao ang Pagtutuos sa kanila habang sila ay pabayang bumabaling palayo." [Qur'an, 21:1]

Ngunit ang pagiging malapit na ng Araw ng Pagtutuos ay hindi batay sa sukatan ng mga tao at sa nalalaman nila. Ito ay kaugnay sa kaalaman ng Allah at sa nagdaan sa edad ng mundo.(2) Ang kaalaman hinggil sa pagsapit ng Huling Sandali ay kabilang sa kaalamang Nakalingid na sinarili ng Allah ang kaalaman hinggil doon. Hindi Niya ito ipinaalam sa isa man sa Kanyang mga nilikha.

Sinabi Niya:

"Tinatanong ka ng mga tao hinggil sa Huling Sandali. Sabihin mo: "Ang kaalaman hinggil dito ay nasa sa Allah lamang." At ano ang magpapabatid sa iyo, baka ang Huling Sandali ay malapit na?" [Qur'an, 33:63]

Bumanggit ang Sugo, Sumakanya nawa ang kapayapaan, ng mga tandang nagpapahiwatig sa nalalapit na pagdating ng Huling Sandali. Kabilang sa mga ito ay ang pagdating ng al-Masih ad-Dajjal (Bulaang Kristo). Siya ay isang malaking tukso sa mga tao dahil bibigyan siya ng Allah ng kapangyarihang makagawa ng mga mahimalang bagay na ikalilinlang ng maraming tao. Uutusan niya ang langit na umulan at ito ay uulan; uutusan niyang tumubo ang damo at ito ay tutubo; bubuhay siya ng patay; at iba pang mga himala. Nabanggit din ng Sugo, Sumakanya nawa ang kapayapaan, na siya ay kirat. Darating siya na dala ang halimbawa ng Paraiso at Impiyerno; ang sinasabi niya na Paraiso ay Impiyerno at ang sinasabi naman niya na Impiyerno ay Paraiso. Mananatili siya sa Lupa sa loob ng apatnapung araw: may araw na gaya ng isang taon, may araw na gaya ng isang buwan, may araw na gaya ng isang linggo, at ang nalalabing mga araw ay gaya ng mga karaniwang araw. Walang matitirang lugar sa daigdig na hindi niya papasukin, maliban sa Makkah at Madinah.

------------------------------

(1) Ang Huling Sandali na tinutukoy rito ay ang huling sandali ng isang tao, o ng Sansinukob bago sirain at lipulin ng Allah ang lahat ng Kanyang nilalang.
(2) Ang panahon ngayon ay higit na malapit sa Huling Sandali kaysa sa oras ng paglikha ng mundo.

Kabilang rin sa mga tanda ng Huling Sandali ay ang pagbaba ni Jesus na anak ni Maria, Ang kapayapan nawa ay mapasakanya, sa puting minaret sa dakong silangan ng Damascus sa oras ng Salah sa madaling araw, na doon ay magdadasal siya ng dasal sa madaling araw kasama ng mga tao. Pagkatapos ay hahanapin niya ang Bulaang Kristo at kanya itong papatayin.

Ang isa pa rin sa mga tanda ng Huling Sandali ay ang pagsikat ng araw sa kanluran. At kapag nakita ito ng mga tao, matatakot sila at mananampalataya ngunit wala nang maidudulot na mabuti ang kanilang pagsampalataya. Mayroon pang maraming ibang tanda ng pagsapit ng Huling Sandali.

Walang maaabutan ang Huling Sandali kundi ang mga taong ubod ng sama. Iyan ay dahil magpapadala muna ang Allah, bago sumapit ang Huling Sandali, ng banayad na hanging kikitil sa mga mananampalataya. Kaya kapag nagpasya na ang Allah na hatulan ng kamatayan ang mga nilikha at wakasan ang daigdig, mag-uutos Siya sa anghel na hipan ang Tambuli. At kapag narinig iyon ng mga tao ay mamamatay sila. Nagsabi ang Allah:

"At iihip sa tambuli at mamamatay ang sinumang nasa mga langit at ang sinumang nasa lupa, maliban sa niloob ng Allah.…" [Qur'an, 39:68]

Magaganap iyon sa araw ng Biyernes at pagkatapos niyon ay mamamatay ang lahat ng anghel at walang matitira kundi ang Allah.

Ang buong katawan ng isang tao ay maglalaho at kakainin ng lupa maliban sa napakaliit na buto sa dulo ng gulugod (spinal cord). Ang mga katawan naman ng mga propeta at mga Shahid (namatay na alay ang buhay sa Islam) ay hindi kakainin ng lupa. Magpapadala ang Allah ng ulan at manunumbalik ang mga katawan ng mga tao. Kapag ninais na ng Allah na buhayin ang mga tao ay bubuhayin muna Niya si Israfil, ang anghel na nakatalaga sa pag-ihip ng Tambuli. Iihip ito sa tambuli sa ikalawang pagkakataon at bubuhayin ng Allah ang lahat ng nilikha. Magsisilabasan ang mga tao sa kanilang libingan, na gaya ng kung papaano silang nilikha ng Allah sa unang pagkakataon: mga nakayapak, mga hubad, at mga di-tuli. Nagsabi ang Allah:

"At iihip muli sa tambuli at walang-anu-ano sila, buhat sa mga libingan, ay dali-daling magsisilalabasan patungo sa kanilang Panginoon." [Qur'an, 36:51]

Nagsabi pa Siya:

"Sa Araw na magsisilabasan sila mula sa libingan nang mabilis na para bagang nag-uunahan sila tungo sa mga diyus-diyusan nila. Mapagpakumbabang nakatungo ang mga tingin nila—binabalot sila ng kahihiyan! Iyan ang araw na sa kanila noon ay ipinangangako." [Qur'an, 70:43-44]

Ang unang ilalabas sa lupa ay ang ating Propetang si Muhammad, Sumakanya nawa ang kapayapaan, gaya ng nasaad mula sa kanya. At pagkatapos nito ay dadalhin ang mga tao sa pook na pagtitipunan sa kanila. Ang pook na ito ay malapad at malawak. Ang mga Kafir ay titipunin na naglalakad sa pamamagitan ng kanilang mga mukha. (Tinanong na ang Sugo, Sumakanya nawa ang kapayapaan, kung papaano silang titipunin na naglalakad sa pamamagitan ng kanilang mukha. Nagsabi siya: "Ang nagpalakad sa kanila sa pamamagitan ng kanilang mga paa ay magagawa silang palakarin sa pamamagitan ng kanilang mga mukha.") Ang tumalikod sa paggunita sa Allah ay bubuhaying muli na isang bulag. Lalapit ang araw sa mga tao. At ang dami ng pawis ng tao ay ayon sa kanilang mga kasamaang nagawa. Mayroon sa kanilang ang pawis ay aabot sa bukong-bukong, mayroon sa kanilang hanggang sa baywang, at mayroon sa kanilang ang pawis ay halos umabot na sa ilong.

Mayroong pasisilungin ang Allah sa Kanyang lilim sa araw na walang ibang lilim kundi ang Kanyang lilim. Nagsabi ang Sugo, Sumakanya nawa ang kapayapaan: "May pitong [uri ng tao na] pasisilungin ng Allah sa Kanyang lilim sa araw na walang lilim kundi ang Kanyang lilim: makatarungang pinuno; binatang lumaki sa pagtalima sa Allah; lalaking nakatali ang puso sa mga masjid; dalawang taong nagmamahalan alang-alang sa Allah: nagkikita alang-alang sa Kanya at naghihiwalay alang-alang sa Kanya; lalaking inanyayahan ng isang babaeng may mataas na kalagayan at kagandahan, ngunit nagsabi siya: 'Tunay na ako ay natatakot sa Allah;' at taong nagkawanggawa ng isang kawanggawa at ikinubli niya ito upang hindi malaman ng kaliwa niya ang ginugol ng kanan niya; at taong nang maalaala ang Allah habang nag-iisa ay nag-umupaw ang mga mata niya [sa luha]."

Ang mga nabanggit na ito ay hindi lamang ukol para sa lalaki datapuwa't ukol din para sa babae: pananagutin din siya sa mga ginawa niya—kung mabuti ang kanyang mga nagawa ay mabuti rin ang gantimpala at kung masama ang kanyang mga nagawa ay masama rin ang gantimpala. Ang tatanggapin niya ay katulad ng ukol sa lalaki na gantimpala at pagtutuos.

Sa gayong katayuan, titindi ang uhaw sa lahat ng mga tao sa araw na iyon na ang haba ay katumabas ng limampung libong taon, ngunit para sa mga sumampalataya iyon ay lilipas nang mabilis: kasingtagal ng pagsasagawa ng dasal na tungkuling isagawa. Pupunta ang mga Muslim sa Hawd (Lawa) ng Propeta, Sumakanya nawa ang kapayapaan, upang uminom doon. (Ang Hawd ay isang malaking pagpaparangal na tanging sa ating Propeta, Sumakanya nawa ang kapayapaan, ipinagkaloob ng Allah. Iinom doon ang mga tagasunod niya sa Araw ng Pagbubuhay. Ang tubig nito ay higit na matindi ang kaputian kaysa sa gatas, higit na matamis kaysa sa pulut-pukyutan; ang amoy nito ay higit na mabango kaysa sa musk, at ang mga panalok dito ay kasindami ng bilang ng mga bituin sa langit. Ang sinumang uminom dito nang isang ulit ay hindi na mauuhaw pagkatapos niyon kailanman.)

Mananatili ang mga tao sa pook na pinag-ipunan sa kanila nang mahabang panahon habang naghihintay ng hatol at pagsisiyasat sa kanila. Kapag nagtagal na ang kanilang pagtayo at paghihintay kalakip ng dinaranas nilang matinding hirap at init ng araw ay maghahanap sila ng mamamagitan para sa kanila sa Allah upang hilinging hatulan na ang mga tao. Pupuntahan nila si Adan, Ang kapayapaan nawa'y mapasakanya, ngunit ito ay hihingi ng paumanhin na hindi makapamamagitan. Pupuntahan nila si Noe, Ang kapayapaan nawa'y mapasakanya, at ito ay hihingi rin ng paumanhin. Pupuntahan nila si Abraham, Kaluguran nawa siya ng Allah, at ito ay hihingi rin ng paumanhin. Pupuntahan nila si Moises, Ang kapayapaan nawa'y mapasakanya, at ito ay hihingi rin ng paumanhin. Pupuntahan nila si Jesus, Ang kapayapaan nawa'y mapasakanya, at ito ay hihingi rin paumanhin. At saka nila pupuntahan si Muhammad, Ang kapayapaan nawa'y mapasakanya, at magsasabi siya: "Ako ang mamamagitan." Magpapatirapa siya sa ilalim ng Trono at magpupuri sa Allah ayon sa mga papuring isisiwalat Nito sa kanya sa sandaling iyon. At sasabihin sa kanya: "O Muhammad, itaas mo ang iyong ulo; humiling ka at bibigyan ka; mamagitan ka at tatanggapin ang iyong pamamagitan." Kaya ipahihintulot na ng Allah na simulan ang pagsisiyasat at ang paghahatol. Ang mga tagasunod ni Propeta Muhammad, Ang kapayapaan nawa'y mapasakanya, ang unang sisiyasatin.

Ang unang sisiyasatin sa mga nagawa ng tao ay ang kanyang pagsagawa ng Salah (dasal): kung naging wasto at katanggap-tanggap ito, isasaalang-alang ang iba pang nagawa niya; at kung tatanggihan ito, tatanggihan ang iba pa niyang nagawa. Tatanungin din ang tao tungkol sa limang bagay: tungkol sa kanyang buhay kung sa ano niya inubos ito, tungkol sa kanyang kabataan kung sa ano niya ginamit ito, tungkol sa kanyang kayamanan kung saan niya nakuha ito at kung sa ano niya ginugol ito, at tungkol sa kanyang kaalaman kung ano ang ginawa niya rito.

Ang unang hahatulan sa mga tao ay ang kasalanang kaugnay sa pagpatay. Ang kabayaran sa kasalanan sa araw na iyon ay ang mga Hasanah (nagawang mabuti) at ang mga Sayyi'ah (nagawang masama). Kukuha mula sa mga Hasanah ng taong nakagawa ng kasalanan at ibibigay sa nagawan niya ng kasalanan. At kapag kinapos ang kanyang mga Hasanah, kukuha mula sa mga Sayyi'ah ng taong nagawan niya ng kasalan at ililipat sa kanya.

Pagkatapos ng pagsisiyasat ay itatayo ang Sirat. (Ito ay isang tulay na manipis pa sa buhok at matalas pa sa espada na itatayo sa ibabaw ng Impiyerno.) Ang bilis ng pagdaan ng mga tao sa Sirat ay batay sa kanilang gawa. Mayroon sa kanilang daraan na kasingbilis ng kisap-mata, kasingbilis ng hangin, at kasingbilis ng mga matuling kabayo. Mayroon din sa kanilang magsisigapang. Sa ibabaw ng Sirat ay mayroong mga kalawit na susungkit sa mga tao at itatapon sila sa Impiyerno. Magsisilaglagan sa Impiyerno ang mga Kafir at ang mga masuwaying Mananampalatayang niloob ng Allah na malaglag. Ang mga Kafir ay mananatili magpakailanman sa Impiyerno, ngunit ang mga masuwaying Mananampalataya ay pagdurusahin doon hangga't ninanais ng Allah at pagkatapos ay hahanguin din upang ipasok sa Paraiso. Magpapapahintulot ang Allah sa sinumang ninais Niya sa mga propeta, mga sugo, at mga matutuwid na tao na mamagitan para sa ibang pumasok sa Impiyerno na mga sumampalataya sa Tawhid. At hahanguin din sila ng Allah mula roon.

Ang mga tumatawid sa Sirat—na mga mananahan sa Paraiso —ay titigil sa tulay na nasa pagitan ng Paraiso at Impiyerno upang magsingilan sa mga pagkakasalang nagawa nila sa isa't isa. Kaya hindi makapapasok sa Paraiso ang isang taong may pagkakasala sa kanyang kapatid sa pananampalataya hanggang hindi siya nakapagbabayad dito at hanggang hindi sila nasisiyahan sa isa't isa. At kapag pumasok na ang mga taga-Paraiso sa Paraiso at pumasok na rin ang mga taga-Impiyerno sa Impiyerno, dadalhin ang kamatayan na nasa anyong lalaking tupa at kakatayin sa pagitan ng Paraiso at Impiyerno habang nanununod ang mga taga-Paraiso at ang mga taga-Impiyerno. Pagkatapos nito ay sasabihin: "O mga taga-Paraiso, mabuhay nang walang hanggan sapagkat wala nang kamatayan; O mga taga-Impiyerno, mabuhay nang walang hanggan sapagkat wala nang kamatayan." Kaya kung may isang mamamatay sa galak, namatay na sana sa galak ang mga taga-Paraiso; at kung may isang mamamatay sa hinagpis, namatay na sana sa hinagpis ang mga taga-Impiyerno.

Ang Impiyerno at ang Pagdurusa Roon

Nagsabi ang Allah:

"…pangilagan ninyo ang Apoy na ang panggatong ay ang mga tao at ang mga bato, na inihanda para sa mga tumatangging sumampalataya." [Qur'an, 2:24]

Nagsabi naman ang Sugo, Sumakanya nwa ang kapayapaan, sa kanyang mga Kasama: "Ang [init ng] inyong apoy na pinaririkit ninyo ay isang bahagi sa pitumpung bahagi [ng init] ng apoy ng Impiyerno." Nagsabi sila: "O Sugo ng Allah, kahit nga ito ay talagang sapat na." Nagsabi pa siya: "At tunay na iyon ay nakahihigit ng animnapu't siyam na bahagi, na ang bawat bahagi ay katulad [ng init] nito."

Ang Impiyerno ay may pitong antas na ang bawat antas ay higit na matindi ang pasakit na dulot kaysa sa ibang antas. Ang bawat antas sa mga ito ay tatahanan ng mga tao ayon sa kanilang mga ginawa. Ang mga Munafiq (Nagpapangap na Muslim) ay ilalagay sa pinakamababang antas ng Impiyerno na siyang pinakamatindi ang pasakit. Ang pagdurusa ng mga mapupunta sa Impiyerno na mga Kafir ay tuloy-tuloy at hindi titigil. Sa tuwing naluluto ang kanilang balat, muli itong panunumbalikin para sa karagdagang pagdurusa na naman. Nagsabi ang Allah:

"Sa tuwing naluluto ang kanilang mga balat, pinapalitan Namin sila ng mga balat na iba sa una, upang malasap nila ang pagdurusa." [Qur'an, 4:56]

Nagsabi pa Siya:

"Ngunit ang mga tumangging sumampalataya ay mapasasakanila ang apoy ng Impiyerno na hindi pupuksa sa kanila upang mamatay sila. At hindi rin magpapagaan sa kanila ng pagdurusang dulot nito. Ganyan Kami gaganti sa bawat palatangging sumampalataya." [Qur'an, 35:36]

Tatanikalaan sila roon at igagapos ang mga leeg nila. Nagsabi ang Allah:

"At iyong makikita ang mga sumalansang, sa Araw na iyon, na sama-samang nakagapos sa mga tanikala. Ang kanilang mga damit ay mula sa alkitran at tatakpan ang kanilang mga mukha ng apoy." [Qur'an, 14:49-50]

Ang pagkain ng mga mapupunta sa Impiyerno ay ang Zaqqum sapagkat nagsabi ang Allah:

"Tunay na ang puno ng Zaqqum ang magiging pagkain ng mga makasalanan. Gaya ng latak ng langis, kukulo ito sa loob ng mga tiyan gaya ng pagkulo ng mainit na tubig." [Qur'an, 44:43-46]

Nagsabi naman ang Sugo, Sumakanya nawa ang kapayapaan: "Kung may isang patak mula sa Zaqqum na pumatak sa mundo, talagang nakasira na sana ito sa mga naninirahan sa mundo: sa mga pamumuhay nila. Kaya papaano na ang sinumang ito ang magiging pagkain niya?" (Itinala ni Imam at-Tirmidhi)

Binibigyang-linaw ng isang sanaysay buhat sa Sugo, Sumakanya nawa ang kapayapaan, na nasasaad sa aklat ng Sahih Muslim kung gaano kabigat ang pagdurusa sa Impiyerno at gaano katindi ang kaginhawahan sa Paraiso. Ayon sa sanaysay, dadalhin sa Impiyerno ang Kafir na pinakamaginhawa ang buhay sa mundo. Ilulublob siya rito nang sandali at pagkatapos ay sasabihin sa kanya:

"May nagdaan na ba sa iyo noon na kaginhawahan?"

"Wala. Walang nagdaan sa akin na kaginhawahan kailanman," ang sasabihin niya.

Nakalimutan niya ang lahat ng kaginhawahan at kariwasaan na nalasap sa lupa dahil sa sandaling paglulublob Impiyerno.

Gayon din ang Mananampalatayang may pinakamiserableng pamumuhay sa daigdig, dadalhin siya sa Paraiso. Ipapasok siya rito nang sandali at saka sasabihin sa kanya:

"May nagdaan na ba sa iyo noon na kamiserablehan?"

"Wala. Walang nagdaan sa akin na kamiserablehan ni kapinsalaan kailanman."

Nakalimutan niya ang lahat ng dinanas niyang kamiserablehan, karukhaan at kalungkutan dahil sa sandaling pagpasok sa Paraiso.

Ang Katangian ng Paraiso

Ang Paraiso ay ang tahanan ng buhay na walang hanggan at ang pagpaparangal para sa mga matuwid na lingkod ng Allah. Doon ay mayroong kaginhawahang wala pang matang nakakita, wala pang tainga na nakarinig, at hindi pa sumagi sa isip ng tao. Sinabi ng Allah:

"At hindi nalalaman ng isang tao ang itinago para sa kanila na ikalulugod ng mga mata bilang ganti sa anumang ginagawa nila noon." [Qur'an, 32:17]

Ang Paraiso ay binubuo ng mga antas na magkakaiba ang mga kalagayan ng mga mananampalataya roon ayon sa kanilang mga nagawa sa mundo. Nagsabi ang Allah:

"…itataas ng Allah sa mga antas ang mga sumampalataya mula sa inyo at ang mga binigyan ng kaalaman.…" [Qur'an, 58:11]

Makakain at maiinom nila roon ang minimithi ng kanilang mga sarili. Doon ay may mga ilog ng tubig na di-nagbabago ang lasa at amoy, mga ilog ng gatas na hindi nagbabago ang lasa, may mga ilog ng dinalisay na pulut-pukyutan, at mga ilog ng alak na masarap para sa mga umiinom. Ang kanilang alak ay hindi katulad ng alak dito sa lupa. Nagsabi ang Allah:

"Magpapaikot sa kanila ng kopa mula sa dalisay na alak: maputi, masarap para sa mga umiinom. Walang taglay ito na kapinsalaan at hindi sila, mula rito, malalasing." [Qur'an, 37:45-47]

Doon ay mag-aasawa sila ng mga magagandang dilag. Nagsabi ang Sugo, Sumakanya nawa ang kapayapaan: "Kung may isang babaeng buhat sa Paraiso na susulyap sa mga naninirahan sa lupa, talagang paliliwanagin niya ang anumang nasa pagitan ng dalawa—ang langit at lupa—at talagang pupunuin niya ito ng mabangong halimuyak."

Ang pinakamalaking kaligayahan ng mga maninirahan sa Paraiso ay ang mapagmasdan ang Allah. Ang mga maninirahan sa Paraiso ay hindi iihi, hindi dudumi, hindi sisipunin, at hindi dudura. Ang mga suklay nila ay ginto at ang mga pawis nila ay musk. Ang kaligayahan nilang ito ay mamamalagi, hindi titigil at hindi mababawasan. Nagsabi ang Sugo, Sumakanya nawa ang kapayapaan: "Ang sinumang papasok sa Paraiso ay pagiginhawahin, hindi na maghihirap at hindi na susubukin. Ang pinakakaunti ang bahagi sa mga maninirahan sa Paraiso—at siya ang kahuli-hulihang lalabas sa Impiyerno at papasok sa Paraiso—ay mainam kaysa sa buong mundo nang makasampung ulit."

1
5498
تعليقات (0)