Ang ‘Ibadah (Pagsamba) P-2

--

Pahina 2 of 2

Ang mga natatanging katangian ng pagsamba na inihaharap ng Islâm ay maaaring ihayag sa mga sumusunod:

1. Kalayaan mula sa Tagapamagitan

Ang Islâm ay binigyang-laya ang gawaing pagsamba mula sa pagkaalipin ng paggamit ng tagapamagitan – ang pagtawag ng tao sa tagapamagitan upang iparating ang kanyang pagsamba sa Diyos. Hinahangad na gawin ng Islâm ang tuwirang ugnayan ng tao at ng kanyang Lumikha, kaya naman ang paggamit ng tagapamagitan ay walang-saysay.

Nais bigyang-diin dito na kahit ang mga pantas sa Islâm ay hindi maaaring maging tagapamagitan ng tao at ng Allâh(swt), ni wala silang karapatang tanggapin o tanggihan ang anumang gawaing pagsamba para sa Allâh(swt). Sa paningin ng Allâh(swt), sila man ay karaniwang tao na nabigyan ng karagdagang tungkulin sa paghahatid ng kaalaman sa mga taong kulang pa ng karunungan. Itinuturing na nagkakasala ang mga dalubhasa sa Islâm kung ipagkakait nila ang kanilang kaalaman sa sinumang naghahanap nito. Sa madaling salita, ang Shari’ah (batas Islâmiko) ay hindi ibinibigay sa mga relihiyosong pantas ang paghahari sa ibang tao. Ang tanging tungkulin ng pantas ay gabayin lamang ang mga tao sa tamang landas. Ito ay batay sa sinabi ng Allâh(swt) kay Propeta Muhammad(saws):

Paalalahanin mo sila, sapagka’t ikaw ay tagapagpaalaala lamang; ikaw ay hindi tagadikta sa kanila. (Ang Qur’an 88:21-22)

Sinabi minsan ni Propeta(saws) sa kanyang anak na si Fatima na wala siyang maitutulong sa kanya sa harap ng Allâh(swt). Ito ay nagpapakita lamang na ang lahat ng tao, kahit pa man din kabilang sa pamilya ng sinumang Propeta, ay titindig sa harap ng Allâh(swt) nang pantay-pantay.

2. Ang Di-Natatakdaang Pook ng Pagsamba

Ang Islâm ay hindi lamang binibigyang-laya ang tao sa paggamit ng tagapamagitan sa gawain niyang ‘Ibâdah (pagsamba); pinalalaya din siya mula sa paniniwalang may natatanging pook upang doon lamang pumunta at isagawa ang kanyang pagsamba. Itinuturing ng Islâm ang bawa’t lugar na maging sapat na dalisay upang isagawa ang pagsamba, maging ito man ay isang tirahan, itaas ng sinasakyang hayop, sahig ng sasakyang dagat, o Masjid na itinayo para sa pagsamba. Saan man naroroon ang tao, maaaring siyang humarap sa kanyang Panginoon at makipag-usap sa Kanya. Ipinahayag ni Propeta Muhammad(saws) ang kaisipang ito nang kanyang sabihin, ‘ibinigay sa akin ang (kabuuan ng) mundo bilang Masjid: dalisay at malinis’.

3. Ang Malawak na Pananaw

Pinalawak din ng Islâm ang saklaw ng pagsamba. Sa Islâm, ang pagsamba ay hindi lamang nakatakda sa tiyak na panalangin at dasal na kailangang ganapin sa isang partikular na panahon, manapa’y itinuturing ng Islâm na ang bawa’t mabuting gawa na isinagawa nang matapat ayon sa ipinag-uutos ng Allâh(swt) upang makamtan ang Kanyang kasiyahan ay mga gawaing pagsamba at siya’y gagantimpalaan hinggil dito. Maging ang kanyang pagkain, pag-inom, pagtulog, mga libangang malilinis, at mga makamundong pagganap upang bigyang kasiyahan ang pisikal at ang sensuwal niyang pangangailangan ay nagiging gawaing pagsamba hangga’t ang mga ito’y hindi lumalampas sa itinakdang hangganang ipinahayag ng Allâh(swt). Sa katunayan, kahit anumang gawa ay nagiging pagsamba kung ang layunin sa pagganap nito ay umaayon sa Kalooban ng Allâh(swt): Iyon ay kung ninanais ng sinuman na maibsan ang kanyang pangangailangan sa mga legal na paraan upang ingatan ang sarili laban sa mga bagay na ipinagbabawal.

Maituturing ding isang gawaing pagsamba ang pagpapalakas ng katawan sa pamamagitan ng pagbibigay dito ng sapat na pagkain at tulog, paggamit ng lakas sa pagtatrabaho o paghehersisyo at pagbibigay dito ng kaukulang pagpapahinga at paglilibang upang magkaroon ito ng kakayahang balikatin ang mga tungkuling ibinigay ng Allâh(swt) sa tao. Sa katunayan, sinumang gumaganap nito na may layuning magbigay kasiyahan sa Allâh(swt), ay umaayon sa tinuran ng Propeta(saws) na ang isang mananampalataya na nagtataglay ng lakas ay mahusay at malapit sa Allâh(swt) kaysa sa isang mananampalatayang mahina. Sa madaling salita, kailangan ang pagkakaroon ng dalisay na hangarin upang ang mga gawaing bahagi ng makamundong buhay ay maituturing na gawaing pagsamba. Si Propeta Muhammad(saws) ay nagsabi:

Ang gantimpala ng mga gawa ay batay sa layunin, at bawa’t tao ay makakamtan ang gantimpala (kabayaran) ayon sa naging hangarin nito (Bukhari Vol.1:1).

Kaya naman, kung ang mabubuting gawa ng tao ay kanyang ginagawa upang bigyang kasiyahan ang Allâh(swt), may naghihintay na gantimpala para sa kanya lalo na sa kabilang buhay.

Magkagayon, ang tao ay maaaring maging maunlad sa kanyang ispirituwal na pamumuhay habang siya’y ganap na nasisiyahan sa kaaliwan ng makamundong buhay. Magaan niyang nagagampanan nang mahusay ang kanyang pangangailangang pisikal at materyal habang pinalalakas niya ang kanyang paniniwalang ispirituwal sa dahilang alaala niya ang Allâh(swt) sa kanyang dalisay na hangaring magbigay kasiyahan sa Kanya at iniaalay niya nang ganap ang kanyang paglilingkod sa Kanya. Kakayanin niyang manatili sa isang kalagayang pagsuko, pagsunod at pagtalima sa Allâh(swt), maging sa makamundong gampanin – at ito ang pinakadiwa ng pagsamba. Sa Islâm, na sadyang kaiba sa katuruan ng ibang relihiyon, ang pagbibigay-kasiyahan sa mga likas na pangkatawang-hilig ng tao ay hindi tinatalikuran o itinuturing na masama. Ni hindi itinuturing ng Islâm na ang pagtalikod sa pagbibigay-katuparan sa mga pagnanasa ng katawan ay higit na may kabanalan o makadiyos kaysa bigyang-kasiyahan ang mga ito. Si Propeta Muhammad(saws) ay nagsabi:

Kapag ang lalaki ay nag-asawa, nakamtan na niya ang kalahati ng pananampalataya, kaya dapat siyang matakot sa Allâh sa natitirang kalahati (Baihaqi).

Ang natitirang kalahati ay nauukol sa ibang bahagi ng kanyang pamumuhay dito sa mundo na dapat niyang gampanan nang may hangaring mapalapit sa Allâh(swt) at maging karapat-dapat sa pangakong gantimpala sa Paraiso.

Ninanais ng Islâm na maging maligaya ang tao sa mga kasiyahan at mabubuting bagay dito sa lupa hangga’t hindi siya lumalabag sa mga takdang hangganan o sa karapatan ng iba. Sa kanyang pagbibigay-kasiyahan sa kanyang mga pagnanais, hindi niya dapat yapakan ang marangal na kagalingan, ni sirain ang kapakanan ng nakararami sa kanyang lipunan. Hinggil sa likas na tawag ng laman, si Propeta Muhammad(saws) ay nagsabi:

Kung ang isang lalaki ay nakakita ng babaing nakaakit o nakarahuyo sa kanya, nararapat siyang pumunta sa kanyang asawa, sapagka’t taglay din niya ang bagay na taglay ng babaing nakarahuyo sa kanya. (Darimi)

Sa ganitong paraan, iniiwas niya ang kanyang sarili sa pagyurak sa karapatan ng iba habang pinangangalagaan niya ang kanyang dangal sa pamamagitan ng pag-iwas sa pangangalunya.

May malalim na kahulugan at mahalagang dahilan sa pagpapalawig ng saklaw ng pagsamba. Ang dahilan ay ninanais ng Islâm na manatili sa puso ng tao ang patuloy niyang pakikipag-ugnayan sa kanyang Panginoon. Nais din ng Islâm na laging maingat ang tao sa kanyang mga hangarin upang ang kanyang pamumuhay ay mangyaring pagmulan ng kanyang kabutihan sa darating na buhay katulad ng isinasaad sa Banal na Qur’an:

At hanapin ang tahanan sa kabilang buhay sa (pamamagitan ng) mga ibinigay sa iyo ng Allâh, at huwag kalimutan ang iyong bahagi sa mga legal na kasiyahan sa mundong ito. (Kabanata Al-Qasas - 28:77)

Ang kahulugan ng “kasiyahan sa mundong ito” sa naturang talata ay: Gamitin ang yaman at napakaraming biyayang ibinigay ng Allâh(swt) sa iyo upang Siya’y iyong sambahin at ilapit ang iyong sarili sa Kanya sa pamamagitan ng paggawa ng mabubuti na makapagbibigay sa iyo ng gantimpala dito sa mundo at sa kabilang buhay. Ang mga “legal na kasiyahan” dito sa mundo ay tumutukoy sa mga pinahihintulutan ng Allâh(swt) hinggil sa mga pagkain, inumin, pananamit, tirahan at kababaihan. Ang iyong Panginoon ay may karapatan sa iyo, ang iyong sarili ay may karapatan sa iyo, ang iyong pamilya ay may karapatan sa iyo, at ang iyong mga panauhin ay may karapatan sa iyo. Kaya ibigay ang karapatan sa bawa’t isa sa kanila.

Kaya naman, kung batid ng tao na kahit ang kanyang mga kasiyahan at kaaliwan ay maaaring maging gawaing pagsamba sa pamamagitan lamang ng pagbibigay dito ng dalisay na layunin at hangarin, ito’y magiging magaan para sa kanya na patuloy na maging masunurin sa Allâh(swt) at ituon ang lahat ng kanyang pagsisikap na magbigay kasiyahan sa Allâh(swt). Dahil alam niyang mabuti na ang kanyang pagsamba sa Allâh(swt) ay hindi nangangahulugan ng pagtalikod sa makamundong buhay. Sa isang talata sa Banal na Qur’an ay ating mauunawaan ang ganito:

Sabihin, sino ang nagbawal sa gayak ng pananamit na ibinigay ng Allâh, na Kanyang ginawa para sa Kanyang mga alipin... (Kabanata Al-A’raf – 7:32).

Sa paksang ito, ang Propeta(saws) ay nagsabi: Nais makita ng Allâh ang mga tanda ng Kanyang mga biyaya sa Kanyang alipin. (Al-Tirmidhi at Al-Hakim)

Ano ba ang kahahantungan ng pagkakaroon ng mabuting layunin. Pinipigil nito ang tao sa paglimot sa Allâh(swt), dahil kung wala sa kanya ang mabuting layunin, siya ay mahuhulog sa pagmamalabis sa pagbibigay-kasiyahan sa kanyang mga makamundong pagnanais. Ang Propeta(saws) ay nagsabi na kapag ang tao ay magiliw niyang inilagay ang pagkain sa bibig ng kanyang asawa para lalong pagtibayin ang bigkis ng kanilang pagmamahalan, siya ay gagantimpalaan dito. Ito ay sadyang mauunawaan, sapagka’t sinisikap lamang niyang gampanan ang layunin ng kanilang pagsasama nang may damdamin at pagmamahal. Ating basahin ang kahulugan ng isang talata sa Banal na Qur’an:

At kabilang sa Kanyang mga Tanda ay ito, na Siya’y lumikha para sa inyo ng mga asawa mula sa inyong mga sarili, upang matagpuan ninyo ang katahimikan sa kanila. At Kanyang inilagay ang pagmamahalan at habag sa pagitan ninyo. Katotohanan, yaon ay mga Tanda para sa mga taong nagmumuni-muni. (Kabanata Ar-Rum – 30 :21)

Ating basahin ang kahulugan ng isang talata sa Banal na Qur’an : Siya ang lumikha sa inyo mula sa iisang tao (Adam), at lumikha mula sa kanya ng kanyang asawa (Eva), upang mangyaring matamasa niya ang kasiyahan ng pagpisan sa kanya. (Kabanata Al-A’raf – 7:189).

Nilikha ng Allâh(swt) si Eva mula kay Adam, mula sa maikling tadyang sa kaliwa. Kaya naman, ang babae ay nilikha mula rin sa katulad niyang tao (na si Adam) upang magkaroon ng pagkakatugma at pag-uunawaan.Ang Layunin at Hangarin

Ang mga pantas sa Islâm ay nagpahayag na ang pagkakaroon magandang layunin ay nagpapabago sa normal na gawain (‘âdah) upang ito ay maging gawaing pagsamba (‘Ibâdah). Ang mabuting hangarin ay lumilikha ng kakaibang daigdig sa buhay ng tao.

Sanhi ng kawalan ng kadalisayan ng hangarin, ang tao ay kumakain at umiinom at binibigyang-katuparan ang kanyang makamundong pagnanasa katulad ng mga hayop. Siya ay nabubuhay lamang sa daigdig kapantay ng antas ng mga hayop. Ang dahilan nito’y walang ibang hangarin ang kanyang pagkilos kundi ang bigyang-kasiyahan ang kanyang makahayop ng pagnanasa.

Sa kabilang dako, ang tao, bagaman tila magkatulad ang pagkilos sa unang nabanggit kung ang pag-uusapan ay ang pagbibigay-kasiyahan sa pagnanasa at sa pagiging maligaya sa kaaliwan sa buhay, ang kanyang dalisay na layunin ay nagbibigay sigla sa kanyang pagganap at ito ay nagiging gawaing pagsamba. Siya ay may layunin at hangarin sa bawa’t gawain na mamuhay nang may pagsunod sa kautusan ng Allâh(swt) upang makamtan ang Kanyang gantimpala. Ang kadakilaan ng kanyang hangarin ay makikita sa kanyang pag-aasal na nagpapahiwatig ng katotohanan ng kanyang pagkilala sa mabuti at masama.

Sa kabaligtaran nito, yaong salat sa mabuting intensiyon sa kanilang mga gawain ay maaaring madaig at sakmalin ng kanilang katakawan, kasakiman, kahiligan at kahayukan at sila’y higit na malapit sa pagkabulid sa masamang pamumuhay at sa kawalan ng moralidad. Subali’t ang pagkakaroon ng dalisay na hangarin at pagkakaroon ng mataas na antas ng pag-iisip ang nagbibigay lakas upang paglabanan ng tao ang mabulid sa pagiging hamak at kawalan ng dangal. At salamat sa magandang pananaw ng Islâm tungkol sa buhay, ang lahat ng ito’y maaaring gampanan na hindi pagkakaitan ang tao ng nakabubuting kasiyahan ng buhay.

Ang tunay na batayan ng pagkakaiba ng dalawang katayuan ay ang isa ay lagi nang alaala ang Allâh(swt), samantalang ang isa ay nasa ganap na pagkalimot. Ito ang dahilan kung bakit ang isa’y nagiging makadiyos at masambahing nilalang, at ang pangalawa’y walang pag-iingat at tila hayop na walang ginawa kundi magparaya sa sarili. Isang talata sa Banal na Qur’an na ganito ang kahulugan:

…habang ang mga di-sumasampalataya’y binibigyang kasiyahan ang mga sarili at nagsisikain kung paano kumain ang baka; at ang Apoy ang kanilang magiging tahanan.” (Kabanata Muhammad - 47:12)

Sadyang napakalaking kawalan magkagayon ang dinaranas ng tao sa di niya pagtutuwid ng kanyang pananaw sa buhay at sa di niya paglilinis ng kanyang layunin. Tanging ito lamang ang makapag-iiba upang maging gawain pagsamba kahit ang kanilang paghahanap ng kaaliwan at kasiyahan dito sa mundo. Tunay na trahedya ang sinasayang ng tao dahil sa kawalan niya ng tamang layunin sa kanyang mga gawa. Mayroon siyang pagkakataong makamtan ang buhay na walang hanggan at maisasakatuparan sana niya ito nang magaan na hindi kinakailangan pang mawala ang kanyang bahagi dito sa mundong.

Ito ang pangkalahatang tuntunin ng Islâm tungkol sa pagsamba. Hindi nito hinahadlangan ang tao na makamtan ang anumang likas niyang pangangailangang pisikal, bagkus hangad ng Islâm na pataasin ang sangkatauhan sa isang kalagayang naaangkop sa kanyang dangal at katayuan.

Ang Kahalagahan ng mga Itinakdang Rituwal sa Pagsamba.

Ang malawak na sakop ng pagsamba ay kinabibilangan ng lahat ng gawain na isinasagawa nang may layuning tupdin ang kalooban ng Allâh(swt), kasama na rito ang pagganap sa mga legal na kasiyahan. Dahil sa katuruang ito, may mga taong ginagamit ito upang suportahan ang kanilang maling pananaw na ang mga itinakdang rituwal para sa pagsamba, katulad ng Salâh (pagdarasal), Sawm (pag-aayuno), Zakâh (kawangawa) at Hajj (paglalakbay sa Makkah) ay maaaring isantabi o kaya’y ituring na di mahalaga ang mga ito. Katotohanang sadyang kabaligtaran ang ganitong pananaw sa itinuturo ng Islâm.

Madalas sabihin ng tao: “Basta’t ako’y naniniwala sa Diyos at gumagawa ng mabuti ay sapat na iyon sa akin.” Sa pananampalatayang Islâm, ang mga itinakdang rituwal ay mga pangunahing paraan upang palakasin ang ugnayan ng tao sa Allâh(swt). Kaya naman, ang mga taong pabaya sa mga bagay na panrelihiyon hinggil sa mga itinakdang tungkulin ng pagsamba ay tunay na nagkakamali. Kanilang iniisip na ang tunay na pananampalataya ay hindi na kailangan pa ang Salâh (pagdarasal) o ang Sawm (pag-aayuno), na ang batayan ng tunay na pananampalataya ay kinabibilangan lamang ng kadalisayan ng puso, kabutihan ng layunin at kagandahang asal. Ito ay sadyang mali at malayo sa mga itinuturo ng Islâm.

Ang layuning magkaroon ng pamumuhay nang makadiyos ay hindi maaaring ihiwalay sa lantad na pagganap. Samakatuwid ang pagkakaroon lamang ng intensiyon upang gumawa ng mabuti ay hindi makikilala ang taong makadiyos sa iba. Ang pagsunod sa Islam ay dapat magkaroon ng kapuwa panlabas at panloob na anyo.

Ang ganitong sinasadyang pagwawalang-halaga sa mga itinakdang tungkuling rituwal ay sumisira sa mismong pundasyon ng relihiyon. Kung tatangkilikin ang ganitong pananaw na hindi na kailangan pa ang mga rituwal na pagganap, bawa’t isa kahit yaong mga sumasalungat sa Islam, ay maaaring sabihing sila ang pinakatapat sa mga lahat ng sumasamba.

Ang Salâh (pagdarasal) at ang lahat ng iba pang itinakdang kaanyuan ng pagsamba ay nagsisilbing pagkilala sa mga taong may tunay na paniniwala at may pagnanais na maglingkod sa Allâh(swt) nang mataimtim na sadyang salungat sa mga taong nasisiyahan na lamang sa kanilang paimbabaw na pagpapahayag. Kaya naman, tunay na napakahalaga ang Salâh, na ang Propeta(saws) ay nagsabing ang Salâh ay ang haligi ng pananampalatayang Islâm, at sinuman ang tumalikod dito, ay giniba ang pinakahaligi ng pananampalataya.

Ang Praktikal na Mithiin

Ang tunay na layunin ng Islâm sa pagpapahayag na ang ‘Ibâdah (pagsamba) na sumasaklaw ang buong buhay ng tao ay upang gawin ang pananampalataya bilang kapaki-pakinabang sa pagpapabuti sa buhay ng tao, sa paghubog sa kanya na maging marangal at magkaroon ng pagtitiis at katatagang-loob sa panahon ng kahirapan at kagipitan, at sa pagtuturo sa kanya na magkaroon ng pagnanais na magsikap tungo sa paglaganap ng mabuti at sa pagwasak ng masama. Sa Banal na Qurán, ating mauunawaan ang ganito:

Hayaang magkaroon sa inyo ng isang pangkat (samahan) na nag-aanyaya sa lahat ng kabutihan, nag-uutos ng Ma’roof (mabuti) at nagbabawal ng Munkar (masama). At sila yaong magtatagumpay. (Kabanata Al-Imran-3 :104)

Ang lahat ng mga ito ay maliwanag na nagpapatibay na ang Islâm, ang tanging nagtuturo sa mga naturang mga konsepto at mithiin, ay sumasalungat sa mga taong naniniwala sa laging pagkatalo o pagkabigo, at sumasalungat din sa mga taong naniniwala sa pamumuhay na mag-isa at pagtalikod sa mundo (asetisismo), pag-iwas sa yaman ng buhay, at paglayo sa anumang paggawa. Ang mga kaugaliang ito ay walang kaugnayan sa Islâm. Manapa’y, mga tanda ito ng pagkatalo at pagtakas sa pagpupunyagi sa buhay. Batid nating lahat na ang buhay ay nangangailangan ng lakas, ng materyal at ng paggawa. Ang papel ng Islâm sa pagpupunyagi sa buhay ay isang tiyak at positibong bagay. Sa pamamagitan ng ganitong pananaw, tinitiyak ng Islâm na idaan ang taglay na lakas at yaman ng tao sa isang paraan na magtutungo, sa bandang huli, sa ikabubuti ng nakararami. Ang sistema ng pagsamba sa Islâm ay isang paraan upang matiyak ang malakas, mahusay at tumpak na pagsasanay at pagsagawa ng pagsamba.

Tunghayin natin ang isang pangyayari upang ilarawan ang pananaw ng Islâm sa paksang tinatalakay, at upang iwasto ang kaisipan ng maling pagkaunawa sa kung ano ang kahulugan ng buhay espirituwal. ‘Ito’y iniulat na si ‘A’ishah, ang isa sa mga tinaguriang ina ng mga mananampalataya, na minsan nakita ang isang taong naglalakad na yukung-yuko ang katawan sa kahinaan, na tila mamatay-matay, na sadyang nakatatawag-pansin sa mga taong nakapalibot sa kanya. Si Aíshah ay nag-usisa tungkol sa kanya at nabatid niya na ang tao kinikilalang madasalin at makadiyos. Tinuligsa ni ‘A’ishah ang uri ng kabanalang ito at nagsabi: Si ‘Umar (isa sa unang pinuno ng mga Muslim), ang anak ni Khattab, ang pinakamakadiyos sa mga tao, gayunpama’y kapag siya’y nagsasalita, tinitiyak niyang maririnig siya. Kapag siya’y naglalakad, siya’y mabilis, at kapag siya’y pumalo, ito‎‎’y nakasasakit.’ Samakatuwid, kung ang isang tao ay makadiyos, mararapat na makita sa kanya ang pangangalaga sa kanyang sarili at hindi nagpapabaya sa kanyang bahagi sa mga biyayang ipinagkaloob ng Allâh(swt) dito sa mundo.

Isinalaysay ni Abdullah ibn Amr ibn al-As na ang kanyang pagmamalabis sa pagsamba ay nakarating sa kaalaman ni Propeta Muhammad(saws). Minsan siya ay kinausap ng Propeta(saws):

Totoo ba ang aking narinig na ikaw ay nag-aayuno sa buong maghapon araw-araw at gising ka sa buong magdamag gabi-gabi sa pagdarasal ? Siya ay sumagot: Oo, O Sugo ng Allâh. Pinayuhan siya ng Propeta(saws): Huwag mong gawin iyon. Mag-ayuno ka ng ilang araw at ihinto ito ang ilang araw. Mag-alay ka ng Salaah at gayundi’y matulog sa gabi. Sapagka’t ang iyong katawan ay may karapatan sa iyo, ang iyong asawa ay may karapatan sa iyo, at ang iyong mga panauhin ay may karapatan sa iyo. (Sahih Bukhari-Aklat 3:Kabanata 56)

Dapat nating tandaan na ang ating pagnanais na makamtan ang buhay na walang hanggan sa Paraiso ay nangangailangan ng tamang pagganap sa mga likas nating pangangailangan dito sa mundo na may layuning sumunod sa mga pahayag ng Allâh(swt) na Kanyang ipinarating sa atin sa pamamagitan ng Kanyang huling Sugo at Propeta na si Muhammad(saws). Wala ng darating pang Sugo dito sa daigdig dahil ibinigay na sa kanya ng Allâh(swt) ang huling rebelasyon – ang Banal na Qur’an. Ating basahin ang kahulugan ng isang talata sa Banal na Qur’an:

…Sa Araw na ito ay ginawang ganap Ko ang inyong Deen (panuntunan ng buhay) para sa inyo, Aking ginawang lubos ang tulong Ko sa inyo, at Aking pinili para sa inyo ang Islâm bilang inyong pananampalataya. (Kabanata Al Ma’idah- 5:3)

Lubusang ibinigay na ng Allâh(swt) ang ganap na panuntunan ng buhay para sa tao upang ito‎’y kanyang magampanan habang siya’y nananatiling pansamantala dito sa mundo bilang paghahanda ng kanyang minimithing huling hantungan – ang Paraiso. Ang pagganap ng tao sa mga rituwal na ipinatutupad ng Islam at ang kanyang pagganap sa mga likas niyang pangangailangan dito sa mundo ay nararapat lamang niyang gampanan ayon sa katuruan ng Islam upang makamit niya ang kanyang layuning magbigay kasiyahan sa Allâh(swt).

Samakatuwid, ang mga salita, gawa, kilos at pagganap ng tao maging ito ay personal, ugnayang pamilya, ugnayang lipunan, politika, agham at iba pang bahagi ng buhay ay mga bagay na mahahalaga sa kanyang pananatili dito sa mundo. Ang mga ito ay magsisilbi ring mga gawaing pagsamba kung kanyang gagampanan ang mga ito ayon sa hangganang itinakda ng Allâh(swt) na Kanyang ipinahayag sa huling Sugo na si Muhammad(saws). Kaya naman, makatitiyak tayo na tatanggapin ng Allah(swt) ang ating mga pagganap kung gawin nating huwaran si Propeta Muhammad(saws) sa ating maikling pamumuhay dito sa lupa:

Katiyakan, nasa Sugo ng Allâh ay isang magandang halimbawa para sa inyo upang pamarisan, sa sinumang may pag-asa (sa pagharap) sa Allâh at sa Huling Araw, at laging niyang alaala ang Allâh. (Kabanata Al-Ahzaab-33:21)

Sabihin (O Muhammad), Kung mahal ninyo ang Allâh, sumunod sa akin. Mamahalin kayo ng Allâh at patatawarin ang inyong mga kasalanan, sapagka’t ang Allâh ay Lagi nang Mapagpatawad, Ang Mahabagin. (Kabanata Al-Imran- 3:31)

-ooOoo-

Talababa:

1. (swt) Ang kahulugan ng tatlong letrang ito na inyong nakikitang nakasulat pagkatapos ng pangalan ng Allâh ay ang pinaikling Subhanahu wa Ta’ala na ang ibig sabihin ay: Siya ay Ganap na malayo at malaya sa anumang kakulangan, kapintasan at kamalian.' Kaluwalhatian sa Kanya, ang Kataas-taasan)

2. Hadith: Mga winika, gawa, pinahintulutan, ipinagbawal at pangaral ng Propeta Muhammad(saws).

3. (saws) Ang kahulugan ng tatlong letrang ito na inyong makikitang nakasulat pagkatapos ng pangalan ni Propeta Muhammad ay pinaikling Sallallahu Alaihi Was-sallam. Isang pangungusap na binabanggit sa tuwing sasabihin o maririnig ang pangalan ni Propeta Mohammad, na nangangahulugan ng “Nawa’y itampok ng Allah ang pagbanggit sa kanya at ilayo siya sa anumang kamalian (imperfection) at iligtas siya sa anumang masama (evil).

Paalaala:

Sinumang nagnanais ilathala ang aklat na ito ay mangyari po lamang makipag-ugnayan kay Omar Ar-Rashoud sa arrashoud@gmail.com para sa kaukulang pahintulot. Maraming salamat po.

source: tanglawbuhay

1
6469
تعليقات (0)