"Krismas"

ni Iman Grajo

Sa Ngalan ng Allah, ang Mapagpala, ang Mahabagin

Nakalulungkot na marami-rami rin sa mga Muslim lalung-lalo na yaong mga naninirahan sa lugar na karamihan ay mga Kristiyano, ang nagdaranas ng pagsubok dulot ng kapaskuhan. Subali’t ang higit na nakalulungkot ay mayroon ding ibang mga Muslim na naniniwala na ang pakikibahagi sa mga pagdiriwang tulad ng Pasko ay hindi naman gaanong nakasasama lalo pa nga na nakapagdudulot ito ng kaligayahan hindi lamang sa mga kabataaan kundi maging sa mga matatanda. At kadalasan, para sa mga Muslim na mahihina ang determinasyon, mahirap din namang labanan ang "social pressure" na ito at sila'y nagpapadala na lamang sa nakagawian ng lipunan. May mga magulang rin na walang magawa kundi ang sumang-ayon na lamang sa pagsusumamo ng kanilang anak na naimbitahang dumalo sa mga pagtitipon na may kinalaman sa Pasko. Hindi marahil masagot ang katunungan kung bakit sila lamang ang tanging pinipigilang dumalo sa mga iba’t ibang kasiyahang nagaganap sa lipunan, at kung bakit hindi rin sila maaaring tumanggap ng regalo sa pagdiriwang na ito di tulad ng mga karaniwang bata.

Katotohanang ang panahon ng kapaskuhan ay masigasig na itinataguyod sa lahat ng aspeto ng negosyo, paaralan at sa bawa't pampublikong lugar. Ang telebisyon, radyo at iba’t ibang lathalain ay pawang mga instrumentong bumibighani sa imahinasyon sa pamamgitan ng sari-saring pamamaraan sa loob ng isang buwan o mahigt pa taon-taon. At hindi naman sila bigo sapagka’t ang halos lahat ay nahuhumaling sa ganitong pang-aakit.

Sa mga naunang henerasyon, ang kapaskuhan ay isang relihiyosong okasyon lamang. Ang mga regalo, "Christmas tree" at palamuti ay hindi gaanong pinag-uukulan ng pansin. Subali't lubhang iba na sa kasalukuyang panahon. Ang Pasko ay naging isang mahalagang bahagi ng kulturang masa na nagbibigay ng napakagandang pagkakataon na kumita nang malaki ang mga mangangalakal. At ito ay dahil sa magarbong sistema ng paghahanda, pagpapagandahan ng iba't ibang palamuting nagkikislapang puno ng kulay, mga magagarang damit, at ang pagpapalitan ng regalo na wari bagang isang obligasyon na dapat tuparin. Ang maling palagay na ang kaligayahan ay maaaring matamo mula sa mga materyal na bagay at walang patumanggang pakikipagsaya ang siyang pwersang nasa likod ng isang buwang paghahanda at kasiyahan na nagpapatuloy pa hanggang sa pagtatapos ng taon. Ang kaganapang ito, bagama't mali, ang siyang nagtutulak sa mga ibang Muslim sa paniniwala na ang kapaskuhan diumano ay hindi na isang relihiyosong pagdiriwang at hindi na rin naman ito sumasalungat sa katuruan ng Islam.

Ang matiryosong kapaligirang bumabalot sa pagdiriwang ng Pasko ay isang paganong kultura (jahiliyyah). Animo isa itong malaking paligsahan na isinasagawa at ipinatutupad upang makapag-aksaya ng maraming oras, pagod at salapi, samantalang napakaraming pamilya ang halos hindi kumakain sa iba't ibang panig ng daigdig, at upang patuloy na libangin ang tao palayo sa pagkilala at pag-alaala sa Dakilang Lumikha.

Bukod sa "commercial aspect" nito, ang Pasko ay itinuturing na paggunita sa kapanganakan ni Hesus bilang diyos na nagkatawang-tao o pangalawang persona sa Trinidad. Ang ika-25 ng Disyembre na tinatangkilik ng mga Kristyano bilang kapanganakan ni Hesus at kung saan ipinagdiriwang ang kapaskuhan ay nagsimula lamang may apat na siglo pagkaraan ng panahon ni Hesus. Ang araw na ito ay kinikilala rin bilang kaarawan ng diyus-diyusan ng mga Hindu na si Khrishna at diyus-diyusan ng mga Griyego na si Mithra. Kasabay din ito ng taunang "Tree Festival" na isinasagawa sa Hilagang Europa bago dumating doon ang Kristiyanismo. Ang "Christmas Tree" na siyang pinakatampok na aspeto ng paganong pagdiriwang kaalinsabay ang ika-25 ng Disyembre ay isinama sa ritwal ng simbahan. Ang mga matutulis na dahon ng "evergreen tree" na nananatiling luntian kahit sa pagpatak ng niyebe sa panahon ng taglamig ay pinaniniwalaang nagtataglay ng kapangyarihang mangalaga laban sa masasamang ispiritu. Ang pagtatapos ng Disyembre kasabay ng paghaba ng araw kaysa gabi at ang pagbabalik ng init ay hudyat na napanalunan ang tunggali laban sa masasamang puwersa na taglay ng dilim at lamig. Sa pagdaloy ng panahon, tinanggkilik ng simabahan ang ganitong uri ng paniniwala dahil sa politika. Samakatuwid, ang okasyong tulad ng Pasko ay nag-ugat mula sa pagsamba sa iba't ibang uri ng nilikha at hindi sa mismong Tagapaglikha.

Hindi kailanman dapat sang-ayunan ng isang Muslim ang ganitong uri ng paniniwala at gawain. Sinuman, kahit pa nga yaong mayroon lamang kaunting kaalaman sa Islam ay tiyak na tatanggihan ang "kufr" at "shirk" anuman ang anyo nito. Kinakailangang niyang maging matatag na tanggihan ang lahat ng bagay na sumasalungat sa konsepto ng "LA ILAHA ILLA'LLAH" (Walang tunay na Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah)..

Katunayan na ang bawa't gawaing pagsamba na walang batayan sa ating pananampalataya ay "Bida'ah" o bagay na inimbentong nauuwi sa pagkaligaw. May paalaala sa atin ang Propeta ng Allah (nawa'y sumakanya ang kapayapaan at pagpapala ng Allah) ukol dito: "Sinumang gumawa ng bagay na hindi umaayon sa ating pananampalataya ay hindi ito tatanggapin."

Sadyang malinaw na ang selebrasyon ng kaarawan, maging ito ay para sa mga propeta, relihiyosong tao o maging sino pa man, ay bagay na banyaga sa Islam at nagmula sa kulturang pagano. Ipinagbabawal sa Muslim ang pagsunod sa mga bagay na sumasalungat sa kanyang pananampalataya. Bilang kapalit, ang Islam ay nagbigay naman ng dalawang pagdiriwang, ang Eidul Fitr at Eidul Adha. (ang pagdiriwang pagkatapos ng Ramadhan at pagkatapos ng Hajj). Nag-iwan ng paalaala at babala ang Propeta (nawa'y sumakanya ang kapayapaan at pagpapala ng Allah) na sinumang gumaya sa ibang nasyon at kabilang sa kanila. Ating matutunghayan sa Banal na Qur’an: O mananampalataya! Pangalagaan ninyo ang inyong mga sarili at pamilya mula sa Apoy na ang panggatong ay tao at bato. (Kabanta At-Tahreem: 6)

Iwasan natin ang anumang bagay na maaaring pagmulan ng ating pagkasadlak sa kamalian patungo sa Apoy ng Impiyerno. Ang ating pag-iwas sa Apoy ang nangangahulugan ng ating pagnanais makamtan ang ipinangakong Paraiso na Allah.

http://www.tanglawbuhay.com/content/view/121/51/

1
6648
تعليقات (0)