Tawheed (Kaisahan ng Allâh)

Mohammad B. Mendoza

Walang anumang uri ng pagsamba o panalangin ang magkakaroon ng kabuluhan kung ang konsepto ng pagsamba ay lihis sa tunay na katuruan ng pagsamba sa Nag-iisang Tunay na Diyos.

Ang konsepto ng Tawheed [Kaisahan ng Allâh – s.w.t.] (ang mga letrang s.w.t. ay pinaikling Subhanahu wa Ta’ala na nangangahulugan ng: 'Siya ay Ganap na malayo at malaya sa anumang kakulangan, kapintasan at kamalian.' Kaluwalhatian sa Kanya, ang Kataas-taasan) ay isa sa pinakamahalagang bahagi ng pananampalatayang Islam. Ang pagsamba sa Allâh (swt) ang pangunahing batas na ipinag-uutos sa pananampalatayang Islam at ang lahat ng bahagi ng relihiyon ay nakapaloob dito. Ang Islam ay nananawagan sa buong sangkatauhan na umiwas sa anumang uri ng pagsamba na iniuukol sa anumang uri ng nilikha, at nagtuturo ng pagsamba sa Nag-iisang Tunay na Diyos – ang Dakilang Lumikha [(Allâh (swt)]. Walang anumang uri ng pagsamba o panalangin ang magkakaroon ng kabuluhan kung ang konsepto ng pagsamba ay lihis sa tunay na katuruan ng pagsamba sa Nag-iisang Tunay na Diyos.

Dahil sa kahalagahang hatid nito, ang konsepto ng Kaisahan ng Allâh (swt) ay nararapat na maunawaan nang lubos. Upang higit na maintindihan, ang Kaisahan ng Allâh (swt) ay nakasalalay sa sumusunod na panuntunan:

·Ang Kaisahan ng Allâh (swt) sa Kanyang Pagka-Panginoon.

·Ang Kaisahan ng Allah (swt) sa Pagsamba lamang sa Kanya.

·Ang Kaisahan ng Allah (swt) sa Kanyang Magagandang Pangalan at Natatanging mga Katangian.

Ang higit na malawak na paliwanag ang siyang mahusay na paraan upang lubos na maunawaan na ang Allâh (swt) ay Natatangi at Nag-iisa. Ang kaalaman tungkol sa Kaisahan ng Allâh (swt) ang nagsisilbing susi upang ganap na maunawaan ang wagas na katuruan ng pananampalatayang Islam.

Ang Kaisahan ng Allâh (swt) sa Kanyang Pagka-Panginoon.

Ang Kaisahan ng Allâh (swt) sa Kanyang Pagka-Panginon ay nangangahulugan na ang Allâh (swt) ang Siyang Lumikha ng buong kalangitan at kalupaan, at nagtataglay ng ganap na Kapangyarihan at Kamaharlikaan sa lahat ng Kanyang mga nilikha. Tanging Siya lamang ang Lumikha sa lahat ng bagay na nakikita at di-nakikita at maging sa mga bagay na lingid sa ating kaalaman. Siya ang tanging Nakaaalam ng mga kaganapan sa Kanyang mga nilikha. Siya ang nagbibigay ng lahat ng pangangailangan sa lahat ng Kanyang mga nilikha. At Siya ang nagbibigay ng buhay at Siya rin ang bumabawi nito. Siya ang Makapangyarihan – ang may Lubos na Kaalaman at Siya ay ligtas sa anumang kahinaan. Walang sinuman ang may kabahagi sa Kanyang Kamaharlikaan. Walang sinumang makasasalungat sa anumang bagay na Kanyang itinadhana. Siya ang Lumikha sa bawa't isa sa atin mula kay Adan. Siya ang Lumikha ng mga kalangitan at ng kalupaan at sa mga nilalaman nito na umiinog at nananatili ayon sa Kanyang batas. Walang isa mang dahong nalalagas mula sa mga puno ang hindi sumusunod sa Kanyang kapahintulutan. Ang lahat ng nilikha ay nasa ilalim ng Kanyang Pamamahala.

Siya ay nakahihigit sa anumang bagay na naaabot ng ating mahina at natatakdaang kaisipan. Siya ay tunay na makapangyarihan sa paglikha ng anumang bagay na sa pamamagitan lamang ng Kanyang mga Salita, ang lahat ng Kanyang naisin ay nagkakaroon ng katuparan. Siya ang lumikha ng mga bagay na nakikita at maging ang mga bagay na lingid sa ating kaalaman, bagama't Siya ay walang kabahagi sa anuman sa kanila. Lahat ng taong nasa Tamang Pananampalataya ay kumikilala sa Kanyang Kaisahan at sila’y sumasamba lamang sa Kanya. Ang Islam ay nagtuturo na ang Allâh (swt) ay hindi kailanman naging bahagi ng Kanyang nilikha at wala silang bahagi sa Kanyang Kapangyarihan.

Ayon sa Banal na Qur'an:

Siya ang Allâh, walang ibang Tunay na Diyos na dapat sambahin maliban sa Kanya. Ang Lubos na Maalam ng lahat ng (bagay na) lingid man at hayag. Siya ang Mahabagin, ang Maawain. Siya ang Allâh, walang ibang Tunay na Diyos na dapat sambahin maliban sa Kanya. Ang Tanging Hari, ang Banal, ang (pinagmumulan) ng Kapayapaan, ang Tagapagbigay ng Kapanatagan, ang Tagapagmasid (ng lahat ng Kanyang nilikha), ang Ganap na Makapangyarihan, ang di-Mapaglalabanan, ang Matayog. Luwalhati sa Allâh. Higit Siyang Mataas sa lahat ng iniuugnay nila bilang kasama o katambal Niya. Siya ang Allâh, ang Tagapaglikha, ang Tagapagsimula (ng lahat ng bagay), ang Tagapagbigay ng Hubog (o hugis, anyo). Sa Kanya ang pagmamay-ari ng pinakamagagandang Pangalan. Lahat ng nasa mga kalangitan at kalupaan ay lumuluwalhati sa Kanya. At Siya ang Ganap na Makapangyarihan, ang Matalino. (Qur'an: 59:22-24)

Sa Islam, sinumang maniwala na ang Diyos ay may katambal sa Kanyang Kapangyarihan mula sa Kanyang mga nilikha ay itinuturing na isang di-mananampalataya. Isang halimbawa ay ang maniwala sa anumang maaaring maganap sa hinaharap na nagmula sa isang manghuhula. Ito ay hindi tinatanggap sa pananampalatayang Islam sapagka't tanging ang Allâh (swt) lamang ang may sapat na kaalaman sa hinaharap.

Ang Kaisahan ng Allah (swt) sa Pagsamba lamang sa Kanya.

Ang Anumang uri ng pagsamba ay nauukol lamang sa Nag-Iisang Diyos – ang Allâh (swt). Tanging ang Allâh (swt) lamang ang nararapat pag-ukulan ng anumang uri ng pagsamba. Ito ang batas na ipinahayag ng lahat ng Sugo at Propetang ipinadala ng Allâh (swt) sa buong kasaysayan ng sanlibutan sapagka't dito nakapaloob ang wagas na katuruan ng likas na pananampalataya ng Diyos – ang Islam (ang pagsunod, pagsuko at pagtalima sa kalooban ng Allâh. Ipinahayag ng Allâh (swt) na ang unang layunin ng Kanyang paglikha sa sangkatauhan ay ang sumamba lamang sa Kanya. Ayon sa Banal na Qur'an:

Hindi Ko nilikha ang mga jinn at tao malibang sumamba lamang sila sa Akin. (Qur'an: 51:56)

Ang layunin ng Islam ay manawagan sa sangkatauhan tungo sa pagsamba sa Allâh (swt) – ang Nag-Iisang Diyos, at ang pag-iwas sa pagsamba sa anumang nilikha. Katunayan, malinaw na nakasaad sa Banal na Qur'an ang napakaraming mga talatang nag-uutos sa tao na sambahin lamang ang Allâh (swt). Tunghayan natin ang Kanyang sinabi:

Katotohanan! Ako ang Allâh; La ilaha illah Ana (walang ibang Diyos maliban sa Akin). Kaya, sambahin Ako at magsagawa ng As-Salaah bilang pag-alaala sa Akin. (Qur'an: 20:14)

Dahil dito, ang pananampalatayang Islam ay nagkakaroon ng kaibahan kung ating ihahambing sa ibang relihiyon. Bagama't maraming relihiyon ang naniniwalang may Diyos na lumikha ng mga bagay na nakapaligid sa kanila, gayunpaman, wala silang pag-aatubili sa pagtatangi ng ibang nilikhang katulad nila upang sambahin at pag-ukulan ng kakaibang paggalang. Ang mga ganitong uri ng relihiyon ay nananawagan at nagtuturo sa kanilang mga kasapi sa pananampalataya na sumamba sa ibang nilikha bilang katambal ng Allâh (swt) bagama't batid nilang ang mga ito ay walang kakayahang gumawa ng anumang bagay. Kanilang inihahanay ang mga diyus-diyusang ito bilang kabahagi ng kanilang pagsamba o di kaya nama'y ginagawa nila itong tagapamagitan di-umano upang sila'y lubos na mapalapit sa Tunay na Diyos na Tagapaglikha.

Ang lahat ng Sugo at Propeta ng Allâh (swt) mula kay Adan hanggang kay Propeta Muhammad (s.a.w.s.). Ang mga letrang s.a.w.s. ay pinaikling Sallallahu Alaihi Wasallam. Isang pangungusap na binabanggit sa tuwing sasabihin o maririnig ang pangalan ni Propeta Mohammad, na nangangahulugan ng “Nawa’y itampok ng Allah ang pagbanggit sa kanya at ilayo siya sa anumang kamalian (imperfection) at iligtas siya sa anumang masama (evil), ay nanawagan sa tao upang sumamba lamang sa Allâh (swt) na walang katambal at walang kabahagi sa Kanyang Pagka-Panginoon, sapagka't ito ang tunay, payak, at tamang pananampalataya. Pinasisinungalingan ng Islam ang mga bintang na ang mga naunang pamayanan ay pawang mga pagano at politista – na sa bandang huli ay dahan-dahan lamang di-umanong nagbago at natutuhan ang monotismo (ang pagsamba sa Tanging Nag-iisang Diyos). Sa katunayan, ang paniniwala ng mga Muslim ay sadyang salungat sa kanilang ipinararatang. Sa paglipas ng panahon, sa pagitan ng bawa’t pagdating ng Propeta, naging bahagi na ng kultura sa bawa't henerasyon ang paglalagay ng isang bagay na kanilang sasambahin. Maging sa panahong kasama pa nila ang kanilang Propeta, hindi pa rin maiwasang marami sa kanila ang sumasamba sa mga diyus-diyusan sa kabila ng mga Kapahayagang nagmula sa Allâh. Gayunpaman, marami rin sa kanila ang naniwala at sumunod sa mga Kapahayagang nagmula sa Allâh at nag-alay ng kanilang pagsamba sa Dakilang Tagapaglikha.

Nilikha ng Allâh ang bawa't tao na may pagpapahalaga sa pagsamba sa Kanya lamang. Subali't si Satanas ay patuloy na nagsisikap upang mailigaw ang tao mula sa Tuwid na Landas ng Allâh at siya ay nagtuturong sumamba sa mga inanyuhang bagay at mga diyus-diyusan katulad halimbawa ng mga tala, araw, buwan, apoy, ulan, bundok, mararangal na tao, hayop, puno at iba pa. At ang naging resulta nito, karamihan nga sa mga tao ay nag-uukol ng kanilang pagsamba sa mga bagay na kanilang nakikita at mga bagay na kanilang iniisip, bagama't sila ay may sapat na kaalaman na ang Dakilang Tagapaglikha ang Siyang lumikha sa lahat ng bagay na nakikita o lingid man sa kanilang kaalaman. Nagpadala ang Allâh ng mga Sugo at Propeta upang manawagan sa pagsamba sa Nag-Iisang Diyos sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. Nguni't sa tindi ng panlilinlang na ginagawa ni Satanas, ang mga tao ay patuloy na nangaligaw sa pamamagitan ng pagsamba sa katulad nilang pawang mga nilikha lamang.

Nilikha ng Allâh ang sangkatauhan upang sumamba lamang sa Kanya. At ang pinakamalaking kasalanang nagagawa ng tao ay ang sumamba nang may katambal sa Allâh. Sinasabi nilang ang pagtatalaga ng katambal ay upang mapalapit lamang sa Allâh. Katotohanang hindi nangangailangan ang Allâh ng sinumang tagapamagitan upang Kanyang dinggin ang ating mga panalangin. Tunghayan natin ang nakasaad sa Banal na Qur'an na ganito ang kahulugan:

Katotohanan, hindi pinatatawad ng Allâh ang kasalanang pagbibigay-katambal sa pagsamba sa Kanya, nguni't Kanyang pinatatawad ang sinumang Kanyang naisin, at kung sinuman ang magtambal sa pagsamba sa Allâh, siya ay nakagawa ng napakalaking kasalanan. (Qur'an: 4:48)

Sa katunayan, hindi kailangan ng Allâh (swt) ang anumang pagsambang ating iniuukol sa Kanya, bagama't ito'y isang gawaing kalugod-lugod sa ating Dakilang Tagapaglikha, sapagka't Siya ay may Kasapatan sa Kanyang Sarili. Sa kabilang banda, tayong mga tao ang may pangangailangan sa Kanya. Kung ang lahat ng tao ay sasamba sa Kanya, katiyakang hindi madaragdagan ang Kanyang Kapangyarihan, sa kabilang dako, kung ang mga tao ay hindi sasamba sa Kanya, hindi mababawasan ang Kanyang Kamaharlikaan, mananatili pa rin Siyang Dakila. Subali't sa pamamagitan ng pagsambang ating isinasagawa para sa ikalulugod ng Allâh (swt), nakatatanggap tayo ng biyaya mula sa Kanya na nagiging dahilan upang maging dalisay ang ating mga kaluluwa at magampanan natin ang dakilang layunin ng ating pagkakalikha.

Ang pagsamba ay hindi lamang isang kinaugaliang gawain na may kaugnayan sa ating pagkakalikha. Dito nakapaloob ang lahat na gawaing may dalisay na layuning nauukol lamang sa Allâh (swt). Halimbawa, ang paggalang at pangangalaga sa ating mga magulang lalo na sa pagdating ng kanilang katandaan, ang pagbibigay ng isang basong tubig na inumin sa isang taong nauuhaw, ang pagtanggal ng matinik na bagay sa daanan, at lahat ng mabuting gawain ay nagiging isang uri ng pagsamba kung ito'y ginagawa natin nang may malinis na layuning magbigay kasiyahan sa Allâh (swt) lamang.

Ang Kaisahan ng Allah (swt) sa Kanyang Magagandang Pangalan at Natatanging mga Katangian.

Ang mga Natatangi at Kaisahan ng Allâh (swt) sa Kanyang mga Pangalan at Kakaibang mga Katangian ay nagpapatunay na ang Allâh (swt) ay walang kabahagi sa Kanyang mga nilikha o kaya naman sila (mga nilikha) ay may kabahagi sa Kanya. Ang Allâh (swt) ay Natatangi sa lahat ng bagay. Hindi Siya maaaring limitahan sa anumang bagay, sapagka't Siya ang Tagapaglikha ng lahat ng ito. Sa Banal na Qur'an, sinabi ng Dakilang Allâh (swt) na ganito ang kahulugan:

Allâh! La ilaha illa Huwa (walang Tunay na Diyos na dapat sambahin maliban sa Kanya). Ang Lagi (at Nananatiling) Buhay, ang Qayyum. Ang antok o idlip ay hindi makapangyayari sa Kanya. Sa Kanya ang pagmamay-ari ng lahat ng bagay sa mga kalangitan at kalupaan. Sino ba ang maaaring mamagitan sa Kanya malibang Kanyang pahintulutan. Batid Niya ang nangyayari sa kanila (sa Kanyang mga nilikha) sa daigdig na ito at ang mangyayari sa kanila sa Kabilang Buhay at kailanman ay hindi nila maaabot ang anumang Kanyang Kaalaman maliban kung naisin Niya. Ang Kanyang Kursi ay abot ang mga kalangitan at kalupaan. At hindi Siya nakadarama ng kapaguran sa pangangalaga at pagpapanatili sa mga ito. Sapagka’t Siya ang Kataas-taasan – ang Dakila. (Qur'an: 2:255)

Ang literal na kahulugan Kursi na nababanggit sa itaas na talata ay upuan (silya), at kung minsan naman ay isinasalin bilang Trono (Luklukan). Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: Ang Kursi kung ihahambing sa Arsh ay walang anupaman kundi isang singsing na inihagis sa malawak na disyerto. Kung ang Kursi ay umaabot sa buong sanlibutan, gaano pa kaya kalaki ang Arsh? Tunay, na ang Allâh ang Siyang Tagapaglikha ng Kursi at Arsh.

Sa Islam, mahigpit na ipinagbabawal na itambal ang anumang katangian ng Allâh (swt) sa Kanyang mga nilikha. Ang mga katangian at pangalang maaari nating iakibat sa Kanyang Kamaharlikaan ay yaon lamang mga Pangalang Kanyang binanggit sa Banal na Qur'an at yaong mga ginamit ni Propeta Muhammad (saws) sa kanyang paglalarawan sa ating Tagapaglikha. Marami sa mga pangalan at katangian ng Allâh (swt) ang maihahambing sa katayuan ng isang tao, subali't ito'y paglalarawan lamang ng isang tao, kung saan ang kanilang taglay na mga katangian ay may hangganan. Tanging ang Allâh (swt) ang nagtataglay ng pambihirang kaalaman na hindi maihahalintulad sa kaalamang taglay ng isang nilikha. Sapagka't ang kaalamang taglay ng ating Tagapaglikha ay walang hangganan o limitasyon, hindi tulad ng kaalaman ng isang tao na maaaring magkamali o makalimot.

Ang Allâh – ang Ganap na Makapangyarihan, ay nagtataglay ng walang hanggang kaalaman. Bagama't ang isang tao ay may taglay na kakayahan, malinaw na ito ay may hangganan. At ang lahat ng bagay dito sa sanlibutan ay nagkakaroon lamang ng kaganapan kapag pinahintulutan ng Allâh (swt). Tanging ang Allâh – ang Nag-Iisang Diyos, ang may sapat na kakayahang magpatupad ng mga bagay na naitakda na, ito man ay nagyari na, nangyayari o mangyayari pa lamang. Samantalang anuman ang naisin ng isang tao ay nagkakaroon lamang ng katuparan sa pamamagitan ng tulong na nagmumula sa Allâh (swt).

Anumang katangian ng isang tao ay hindi maaaring ihalintulad sa Allâh (swt), sapagka't ang mga katangiang taglay ninuman ay may hangganan. Ang Allâh ay walang kasarian, hindi rin Siya nagtataglay ng kahinaan at katiyakang Siya ay walang anumang pagkukulang. Ang Allâh (swt) ay nakahihigit sa lahat ng Kanyang mga nilikha. Sinumang magtambal ng anumang nilikha sa pangalan at katangian ng Allâh (swt) ay nagkakasala ng politismo – isang kasalanang kailanma’y hindi mapapatawad ng Allâh (swt). Kaya sinuman ang maniwalang may hihigit pa sa Allâh (swt) at sa Kanyang pambihirang mga katangian, siya ay nakagawa ng napakalaking kasalanan, at kapag ang isang tao ay namatay sa ganitong katayuan, siya ay maibibilang sa mga talunan sa Kabilang Buhay.

Paalaala: Sinumang nagnanais ilathala ang artikulong ito ay mangyari po lamang makipag-ugnayan sa Guraba@gmail.com para sa kaukulang pahintulot. Maraming salamat po.

Tinipon ni Mohammad B. Mendoza

1
8874
تعليقات (0)