Maalaala Mo Kaya?

Balikas

Noong 1976, lumagda ang kumpanyang Westinghouse Electric Corporation at ang Pilipinas ng kontrata upang magtayo sa lalawigan ng Bataan ng isang plantang nukleyar. Ang halaga ng kontrata: 1.1 bilyong dolyar. Nang matapos ang pagtatayo ng planta noong 1985, umabot na ang halaga ng planta sa 2.2 bilyong dolyar.

 

Naganap ang lahat ng ito sa kabila ng mga alinlangan sa pagiging ligtas ng teknolohiyang nukleyar at pagiging angkop nito sa ating bansa na napakadalas dalawin ng mga lindol. Noong 1986, nakita ng buong daigdig ang panganib ng mga plantang nukleyar nang magkaroon ng aksidente ang planta sa Chernobyl, Ukraine, kung saan libo-libo ang nasawi ang epekto ng radiation ay kumalat maging sa napakaraming bansa sa Europa.

 

Dahil sa alinlangan kung ligtas nga bang patakbuhin ang Bataan Nuclear Power Plant, sa kasalukuyan ay nakatiwangwang na lamang ito. Sa kabila nito, patuloy pa ring binabayaran ng bansa sa kasalukuyan ang interes sa utang na 2.2 bilyong piso, na noon pa mang 1986 ay tinataya nang 350 libong dolyar bawa’t araw.

 

Naganap ang transaksyon sa pagitan ng Westinghouse at ng bansa sa pamumuno ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Ang transaksyong ito ay isa lamang sa mga kasamaang ibinibintang sa 20 taong pamumuno ng naturang Pangulo. Nariyan din ang bintang ng pagnanakaw ng salapi ng bayan at paglabag sa mga karapatang-pantao ng maraming sibilyan noong panahon ng Martial Law.

 

Ngayong ika-11 ng Setyembre, HINDI ginugunita ng bansa ang kaarawan ni Marcos. Kung tutuusin, ito ay hindi pagkakait ng katarungan kay Marcos, kundi pagkakait ng katarungan sa sambayanang Pilipino.

 

Nitong mga nakaraang buwan, nagkaroon ng panukala sa Kongreso na ideklarang pista opisyal sa Ilokos ang kaarawan ni Marcos. Kung hindi man natin gawing opisyal ito, dapat talaga ay may araw tayong inilalaan upang maalala ang mga ginawa ng dating pangulo sa ating bansa.

 

Mahalaga na maalala natin, dahil na rin sa mga kaganapan sa kasalukuyan. Ngayon ay nahaharap ang asawa ng Pangulo sa mga bintang ng pagnanakaw ng salapi ng bayan. Ang militar na nagtamasa ng ibayong kapangyarihan noong panahon ni Marcos ay pinagmumulan ngayon ng banta ng pag-agaw ng kapangyarihan ng mamamayan. May mga mamamayan na naghahangad ng pamumunong may “kamay na bakal” kahawig ni Marcos.

 

Mahalaga na gunitain si Marcos dahil nariyan pa rin ang mga bagay na akala nati’y napatalsik kasama niya. Masaklap pa nito, ang mga utang ng bansa bunga ng pag-abuso sa kapangyarihan noon ay pinagbabayaran pa rin natin ngayon, at pagbabayaran pa rin ng mga anak natin sa hinaharap.

 

May kasabihang sinuman na hindi nakababatid sa kanyang kasaysayan ay isinumpang ulitin ito. Kung ibabaon na lang natin si Marcos sa limot, malamang ay may panibagong Marcos pa na susulpot sa ating hinaharap.

 

1
896
تعليقات (0)