'Sorry, Ha?'

ICSFP

PINAUUSO ba ng Malacaٌang ang paghingi ng pasensya sa mga taong nalagay sa alanganin ang reputasyon dahil sa maling akusasyon ng administrasyon at mga ahensya nito?

 

Nag-sorry si Pangulong Arroyo kay GMA-7 reporter Tina Panganiban-Perez matapos tarayan at akusahang tumutulong sa rebelyon. Bunsod ito ng ginawa ni Tina na eksklusibong panayam kay Senador Gringo Honasan nang magtago matapos iugnay sa nabigong kudeta ng grupong Magdalo noong Hulyo 27.

 

Binigyan din si Tina ng bulaklak bilang patunay ng sinseridad ng Pangulo sa paghingi ng sorry, bukod pa sa "presidential hug."

 

Si Acza Ramirez, empleyado ng isang sangay ng Land Bank of the Philippines, na nagsumbong sa katiwalian sa sangay na pinaglilingkuran niya ay naiprisinta ng National Bureau of Investigation, kasama ang Pangulo, sa media bilang pangunahing suspek sa iregularidad sa bangko na ipinagbigay-alam niya! Isa ito sa pinakamalaking pagkakamali ng NBI.

 

Humingi rin tawad ang Pangulo kay Acza, hinandugan ng isang salu-salo sa Malacaٌang, at siyempre, ang nakagawiang presidential hug. Sa isang bukod na okasyon ay nag-sorry rin si NBI Chief Reynaldo Wycoco kay Acza.

 

Masaklap ang karanasan para kay Acza. Kinutya siya dahil sa maling bintang sa kanya. Bukod dito, hindi natuloy ang kanyang pagbubuntis. Isipin natin kung ang "sorry" ay makatatapat sa ligayang idudulot sana ng bata sa kanyang sinapupunan.

 

Ngayon, sinasabi ng Malacaٌang na dapat mag-sorry ang Philippine National Police sa pamilya ni dating pangulong Joseph Estrada kung di makapaglalabas ng matitibay na ebidensya sa kaugnayan ng mga Estrada sa bigong kudeta noong Hulyo 27.

 

Ipinahayag ito ng Malacaٌang nang aminin ng Department of Justice na wala pang sapat na ebidensya para sampahan ng kaso ang mga Estrada at naghihintay pa ng karagdagang doku-mento mula sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group.

 

Patunay raw ito na ang pamahalaan, sa pamamagitan ng DOJ, ay walang kinikilingan at aakto lang sa anumang kaso batay sa mga ebidensyang isusumite sa tanggapan.

 

Kinikilala natin ang mga rason ng pamahalaan sa pagso-sorry sa kanilang mga nasagasaan. Na ito ay patunay na handa ang administrasyon na tanggapin ang pagkakamali at magpakababa.

 

Sa isang banda, makaiiwas ang pamahalaan sa ganitong delikadong sitwasyon kung masusing pag-aaralan muna ang isyu bago umaksyon. Bagaman at posibleng makabawi ng moral ang indibidwal na nasaktan sa paratang matapos tanggapin ang paumanhin, malaking mantsa ito sa kredibilidad ng pamahalaan.

 

Ang magandang reputasyon ay kayamanan. Ito ang nagdidikta sa iba para tayo irespeto. Kung ang pamahalaan ay may reputas-yong "Sorry, ha?" ano ang magiging impresyon ng mga tao?

1
950
تعليقات (0)