Talaga, Ha?

Kabayan

ISA sa malaking antisipasyon ng pamahalaan sa gagawing pagbisita ni US President George Bush sa Oktubre 18 ay ang posibilidad umano na makapagdala ito ng mga mamumuhunan sa bansa at makalikha ng maraming hanapbuhay.

 

Talaga, ha?

 

Ganito ang ating reaksyon sapagkat mahirap panghawakan ang bawat bibitawang pangako ng mga Amerikano. Masarap lang pakinggan, pero hindi sinasabi kung kailan tutuparin.

 

Gaya rin ng pangakong trabaho sa Iraq. Hindi pa alam kung kailan magiging normal at hindi pa nakikita ang muling pagbangon nito sa malapit na hinaharap. Wala pa tayong naipadadalang manggagawa sa Iraq bukod sa peacekeeping force, na maliit lang ang suweldong tinatanggap.

 

Ang pahayag ng Malakanyang sa magagandang dala-dalahan ni Bush ay posibleng pampakalma lang sa gagawing malawakang protesta ng ilang sektor sa Bush visit. Sa pananaw ng Pangulo, magtatagumpay lamang ang pamahalaan sa pagpapanumbalik ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan kung masisiguro ang katiwasayan sa bansa. Ibig bang sabihin, dapat ay masaya ang gagawing pagsalubong kay Bush at walang kaguluhan?

 

Hindi natin masisi ang Pangulo sa ganitong "wishful thinking." Kasalukuyang sinisikap ng pamahalaan na makabawi sa 760,000 trabahong nawala sa sektor ng agrikultura noong Hulyo dahil sa mga nagdaang bagyo.

 

Gayunpaman, mas positibo ang tingin natin sa mga sariling inisyatiba ng pamahalaan kaysa sa napakalabong pangako ng pagdating ni Bush.

 

Maganda ang ginawa ng Department of Agriculture na pagpapalabas ng P1 bilyong financial assistance upang makalikha ng 200,000 trabaho sa susunod na 30 araw. Kung may puhunan, madali para sa mga agri-worker na mabawi ang trabaho o negosyong nawala sa kanila.

 

Dapat ding maging agresibo ang Department of Trade and Industry sa kanilang P22 bilyong investment program upang malampasan ang kanilang target na 39,000 oportunidad para sa Small and Medium Enterprises. Malaki ang kumpiyansa natin sa SMEs dahil na rin sa nakikitang tulong nito sa ekonomiya.

 

Kailangan lang na maging mahigpit ang pamahalaan sa pagmamatyag sa mga ahensyang pinagkukunan ng pondong pampautang gaya ng Bureau of Internal Revenue, Bureau of Customs, Land Transportation Office at iba pa. Maganda ang koleksyon kung walang kurakutan. Sa ipinalabas na laki ng halagang nauuwi sa kurakot, kung sa kaban ng bayan mapupunta, hindi problema ang puhunan.

 

Sa ating payak na pananaw, ang mga nabanggit na hakbangin ng pamahalaan ay mas may magkakaresulta kaysa pangako ng Bush visit. Maaaring matagal ngunit tiyak.

 

Kalimutan na natin ang patuloy na pagsandal kay Uncle Sam. Noong nasa bansa pa ang US military bases ay wala rin halos naitulong sa atin ang Amerika. Ngayon pa ba sila tutulong gayung wala silang interes na pangangalagaan sa bansa?

1
959
تعليقات (0)