Bahagyang Panalo

Balikas

Walang kasunduang nabuo sa pulong ng World Trade Organization (WTO) sa Cancun, Mehiko. Ito ay dahil hindi tinanggap ng mga mahihirap na bansa ang mga mungkahi dito, na anila’y pabor sa mga mayayamang bansa tulad ng Estados Unidos at ng European Union.

 

Mahigit 20 papaunlad na bansa, na kinabibilangan ng Brazil, India, Tsina, Indonesia at ng Pilipinas, ang nagkaroon ng pagkakaisa sa pulong. Iginiit ng mga bansang ito ang pagbabawas ng subsidyo ng mga mayayamang bansa sa kanilang sektor ng agrikultura. Pilit namang iginigiit ng Estados Unidos at ng Europa ang tinatawag na "Singapore Issues", apat na bagong kasunduang may kinalaman sa pamumuhunan sa mga bansa.

 

Para sa mga papaunlad na bansa o developing countries, hindi nakabilang sa burador ng kasunduan sa Cancun ang kanilang mga nais mangyari. Sa halip, ang nakasaad dito ay mga bagong kasunduan na mga mayayamang bansa lamang ang makikinabang.

 

Maraming pumupuna sa proseso kung paano binubuo ang mga kasunduan sa WTO. Isa rito ay isa-isang pakikipag-usap ng mga mayayamang bansa sa mga mahihirap, o tinatawag na "green room negotiations". Nariyan din ang tinatawag na mga "mini-ministerial" kung saan hindi lahat ng mga kasapi sa WTO ay pinadadalo.

 

Isa pang malaking kakulangan ay ang kawalan ng sapat na panahon upang pag-aralan ng mga kinatawan ng bawa’t bansa ang "draft agreement" o burador ng kasunudan. Ayon sa samahang Institute for Agriculture and Trade Policy (IATP), tatlong araw lamang ang inilaan upang pag-aralan ng bawa’t kinatawan ang nilalaman nito. Lubhang maikli ang panahong ito upang pag-aralan ang kasunduan, at lalong wala nang panahon upang isangguni ito sa mga nasasakupan ng bawa’t bansa.

 

Sa Cancun, masasabing nagapi ng mga maliliit ang mga dambuhala. Nguni’t hanggang kailan ang pamamayaning ito?

 

Malaki ang tulong o subsidyong ibinibigay ng mga mayayamang bansa sa kanilang mga magsasaka, habang ang mga mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas ay halos walang tulong mula sa pamahalaan. Dahil dito, may kakayahan ang mga magsasaka sa ibang bansa na ibenta nang mura ang kanilang mga produkto kahit sa ibang bansa, at dahil ang kanilang produkto ang nabibili dito, nababagak lamang ang mga produkto ng ating mga lokal na magsasaka.

 

Dahil sa pagmamatigas ng mga mayayamang bansa na umiwas sa usapin ng pagbabawas sa subsidyo sa kanilang mga magsasaka, nakaumang pa rin ang patuloy na dumping o pagluluwas nila ng mga produkto sa ating bansa sa napakamurang halaga. Maaaring magpatuloy pa rin ang pagkawala ng kabuhayan ng maliliit na magsasaka na hindi makakapagbenta ng mura kaysa mga inangkat na produkto.

 

Ang ‘di-pagkakasundo sa Cancun ay nagbabadya ng kahalagahan ng pagkakaisa ng maliliit upang matalo kahit dambuhala. Nagpapakita rin ito na hindi masama ang pagtanggi ng mga bansa na maging sunud-sunuran na lamang sa bawa’t naisin ng mga makapangyarihang bansa at mga korporasyong multinasyunal na nakikinabang sa mga pandaigdig na kasunduan sa WTO.

1
994
تعليقات (0)