4 Iraqi patay; 5 Sugatan sa engkwentro

AP

BAGHDAD, Iraq-Pinaputukan ng US troops ang dalawang kotse sa isang checkpoint sa Fallujah, na ikinasawi ng apat na Iraqis at sumugat ng limang iba pa, ulat ng lokal na residente at Arab satellite television kahapon.

 

Hindi naman nakapagkomento ang US military officials kaugnay ng insidente.

 

Gayunman, ayon sa mga residente na nakapanayam sa telepono, naganap ang insidente dakong alas-10 ng gabi sa silangang bahagi ng Fallujah, kung saan nakakalat ang presensya ng tropang Amerikano. Sa ulat ng Al-Jazeera television, inihayag na ang mga nasawi ay dalawang lalaki at dalawang babae at isa naman sa mga nasugatan ay bata.

 

Ang Fallujah, sa kanlurang bahagi ng Baghdad ay nasa "Sunni Triangle," isa sa pangunahing sentro ng tensyon sa pagitan ng US troops at Iraqi civilians.

 

Noong Setyembre 12, walong pulis na Iraqi ang napatay ng mga sundalong Amerikano mula sa 82nd Airborne Division sa Fallujah.

 

Samantala, iniulat ng mga residente sa US-controlled al-Rashid Hotel and Convention Center complex sa central Baghdad na tatlong rocket ang pinaputok sa compound kahapon.

 

Sinabi ng isang sundalong Amerikano sa convention center na tatlong rocket-propelled grenade ang pinaputok sa al-Rashid.

1
1006
تعليقات (0)