GMA: Pagbisita sa U.S., Europa tagumpay

abs-cbnNEWS

Ipinagmalaki ng Pangulong Arroyo nitong Martes ang limang-araw na pagbisita niya sa Amerika at Europa. Dumating sa Maynila ang eroplano ng Pangulo pasado 10 a.m. mula sa Paris.

 

Sa kanyang talumpati sa Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport, inihayag ng Pangulo ang "tagumpay ng pagbisita sa Estados Unidos, Italya at Pransya." Umalis ang Pangulo noong Huwebes patungo sa New York. Matapos ito, lumipat siya sa Roma at, pinakahuli, sa Paris.

 

Nagtalumpati si Gng. Arroyo sa pagtitipon ng mga opisyal ng United Nations sa New York, bago dumalaw sa Papa Juan Pablo II sa Vaticano. Humarap din siya sa pulong ng U.N. Educational, Scientific and Cultural Organization (Unesco) sa Paris.

 

Sumentro ang talumpati ng Pangulo sa mga benepisyong inani ng kanyang biyahe mula sa gobyerno ng mga bansa na kanyang dinalaw.

 

Partikular na binanggit ni Gng. Arroyo ang kabutihang dulot ng pagbisita niya sa "kapayapaan at kaayusan ng mga programa ng pamahalaan sa Mindanao." Gayundin, sinabi ng Pangulo na tinalakay sa mga pulong ang kalagayan ng mga Pilipinong migrante at ang benepisyo nito sa ipinagmamalaking kultura ng Pilipinas.

 

"[Ngayon], makakaasa na ang mga migrante ng higit na maraming trabaho. Mabibigyan na rin sila ng karapatan sa pagboto." anang Pangulo. Sisimulan sa Mayo 2004 ang pagpapatupad ng batas sa absentee voting para sa mga migrante.

 

"Nalulugod din ako sa suportang ipinagkaloob ng Unesco upang mapanatili ang kagandahan ng ating kultura." ani Gng. Arroyo. Aniya, susuportahan ng Unesco ang pagpapanatili sa kagandahan ng Banaue Rice Terraces at ang Tubbataha Reef sa Palawan.

 

Hinggil sa sitwasyon sa Mindanao, sinabi niyang: "Sinusuportahan tayo ng Santo Papa sa mga programa ng gobyerno upang ayusin at panatilihin ang kapayapaan sa Mindanao."

 

Inihayag ng Pangulo na katig si U.N. Secretary-General Kofi Annan sa mga layunin ng pamahalan para sa Mindanao. Nakipagpulong ang Pangulo kay Annan noong Biyernes.

 

Sinabi rin ni Gng. Arroyo na nangako ang Malaysia ng tulong upang matupad ang nakabinbin na usapang kapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng rebeldeng Moro Islamic Liberation Front.

 

Nangako rin ng tulong pinansyal ang mga ministro ng Organization of the Islamic Conference para sa Mindanao at sa mga mamamayan nito, dagdag ng Pangulo.

 

Sa panig ng pamahalaang Amerika, sinabi ng Pangulong Arroyo na nagpahayag ng pagnanais ang U.S. Institute for Peace na susuportahan nito ang gobyernong Pilipinas upang malutas ang sigalot sa Mindanao.

1
1033
تعليقات (0)