30 Helicopter, mga riple hihingin kay Bush

abs-cbnNEWS

Tatlumpung mga helicopter at 30,000 mga ripleng M-16 ang nakalagay sa listahan ng mga kagamitan na hihingin ng pamahalaan kay Pangulong George W. Bush ng Estados Unidos, pahayag ni Kalihim Blas Ople ng Ugnayang Panlabas nitong Linggo.

 

Ayon kay Ople, gagamitin ang mga helicopter at riple sa opensiba ng militar laban sa mga rebeldeng komunista at Moro. Layunin din nitong mapaigting ang kampanya ng pamahalaan kontra sa mga grupo ng terorista, dagdag ng opisyal.

Sinabi ni Ople na bahagi ang naturang listahan sa mga paksang pag-uusapan pagdating ni Bush sa Maynila sa Oktubre 18. Walong oras ang itatagal ng pagdalaw ni Bush sa bansa.

 

Anang kalihim, hindi na bago ang usaping ito sa tulong militar na ipagkakaloob ng pamahalaang Amerika sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Aniya, una nang nangako si Bush ng tulong noong bumisita ang Pangulong Arroyo sa Washington noong Mayo.

 

"Pipilitin natin ang mga Amerikano na tumupad sa kanilang pangako," sabi ni Ople.

 

Ipinahiwatig ng opisyal na dapat lang na tulungan ng Amerika ang Pilipinas dahil kaalyado ni Bush ang pangasiwaang Arroyo sa kampanya laban sa terorismo.

 

Kamakailan, idineklara ni Bush na isa ang Pilipinas sa mga bansang kaalyado nito sa Asya-Pasipiko sa opensiba laban sa mga grupong naghahasik ng terorismo.

1
1106
تعليقات (0)