RP, itinalagang non-NATO ally ng US

Niel Villegas at AFP

IDINEKLARA kahapon ni US President George W. Bush bilang kaalyado ang Pilipinas, nang italaga niya ang pagiging "major US non-NATO ally" ng bansa.

 

Ang pagkilos ay magtatag ng legal na pundasyon para sa pagpapalawak ng US ng tulong militar at panseguridad sa bansa at bilateral cooperation sa pagbata sa terorismo.

 

Sa memorandum na ipinadala kay US Secretary of State Colin Powell, sinabi ni Bush na ang pagtatalaga sa Pilipinas ay kaugnay ng Foreign Assistance Act of 1961 at batas na nagre-regulate ng US arms exports.

 

"I hereby designate the Republic of the Philippines as a major non-NATO ally of the United States for the purposes of the Act and the Arms Export Control Act," saad ni Bush, na iniatas din ang paglalathala sa dokumento sa Federal Register.

 

Bunga ng pagtatalaga, ang Pilipinas ay hahanay na sa mga bansang Japan, Australia, Israel, South Korea at Argentina, na nagkakamit ng benepisyo ng panseguridad mula sa US.

 

Samantala, kaugnay ng nalalapit na pagbisita ni Bush sa bansa, humigit-kumulang 4,000 pulis ang ipakakalat ni Mayor Lito Atienza, bilang bahagi ng paghahandang panseguridad.

 

Sinabi ni Atienza sa pulong pambalitaan na inatasan na niya ang buong puwersa ng Western Police District na paigtingin ang seguridad sa mga pangunahing government installations sa lungsod upang makaiwas sa mga hindi inaasahang insidente sa walong oras na pagbisita ni Bush sa Oktubre 18.

 

Sinabi pa ng alkalde na ang anumang pangyayari na makaaantala sa pagbisita ni Bush ay maglalagay sa bansa sa masamang imahe dahil sa mahinang seguridad.

1
1144
تعليقات (0)