Mahinang Ekonomiya ang Problema

Star

EKONOMISTA si President Gloria Macapagal-Arroyo pero kakatwang ito ang isa sa mga problema sa bansang itinuturing niyang "asawa". Mahina ang ekonomiya ng bansa. Ang problemang ito ang ipinangako ni Mrs. Arroyo na sosolusyunan makaraan niyang sabihin noong Dec. 30, 2002 na hindi na siya tatakbo sa May 2004 presidential elections. Ibabangon ang ekonomiya at nang mahango sa kahirapan ang mga Pinoy. Sabi pa niya sa pagpapaunlad na lamang ng ekonomiya niya itutuon ang kanyang paningin.


Pero nagbago ng pasya si Mrs. Arroyo. Binawi ang sinabi at ngayon ay tatakbo na siya sa 2004. Walang nagbago mula December 30, 2002 hanggang noong October 4, 2003 na inihayag niya ang pagtakbo sa election. Kung gaano kahina ang ekonomiya noong nakaraang taon, ganoon pa rin ngayon at ano ang aasahang pagbabago sa buhay ng mga kawawang Pinoy. Wala!


Isang patunay na mahina ang ekonomiya ng Pilipinas at hindi nagkakaroon ng pagbabago ay nang ihayag ng Asian Development Bank na apat na porsiyento lamang ang tinatayang itataas ng gross domestic product (GDP). Sinabi ni ADB chief economist Ernesto Pernia na nauungusan pa ng mga katabing bansa ang Pilipinas. Halos lahat ng bansa sa
Asia ay malaki na ang agwat sa Pilipinas.


Ang bansang India ay tumaas ng six percent ang kanilang GDP; ang Bangladesh ay 5.3 percent; ang Pakistan ay 5.1 percent; ang Sri Lanka ay five percent at ang Pilipinas ay four percent. Kung ang per capita growth naman ang pag-uusapan, nasa hulihan pa rin ang Pilipinas. Nangunguna ang China, Hong Kong, Indonesia, Malaysia, Singapore, South Korea, Thailand at ang Pilipinas nga.


Malinaw ang katibayan na kahit ang mahirap, magulo at corrupt na
Bangladesh at Sri Lanka ay naungusan pa ang Pilipinas. Gayunman, nagpahiwatig ang ADB na maaaring tumaas ang GDP sa susunod na taon at magiging 4.5 percent.


Mahinang investment ang nakikitang dahilan nang mahinang pag-usad ng ekonomiya. Ibig sabihin dapat na paigtingin pa ng gobyerno ang paghikayat sa mga foreign investors na maglagak ng kanilang pera sa bansa. Pag-aralan ang mga hakbang. Ganoon din naman, sikapin ng pamahalaan na madurog na ang mga tiwali upang magkaroon ng tiwala ang mga namumuhunan. Isa ang corruption sa problemang iniaangal ng mga investors. Remedyuhan ito upang umusad na ang ekonomiya at hindi mapag-iwanan ng katabing bansa.

1
1162
تعليقات (0)