GMA Dadalo sa Islamic meet

Maila Ager, INS

HABANG papaalis si Pangulong Arroyo ngayon papuntang Kuala Lumpur, umaasa ang Malakanyang na makukuha ng Pilipinas ang observer status sa 57-nation Organization of Islamic Conference (OIC).

 

Dadalo si Pangulong Arroyo sa dalawang araw na summit ng OIC bilang tugon sa paanyaya ni Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad.

 

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang presidente ng Pilipinas ay nakatanggap ng imbitasyon para dumalo sa taunang kumperensiya ng OIC.

 

Ayon kay Defense Sec. Eduardo R. Ermita na pinalitang Presidential Adviser on the Peace Process, malaking karangalan ito ng Pangulo at ng Pilipinas sa kabuuan at makatutulong pa sa ginagawang usapang pangkapayapaan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na idaraos din sa buwang ito sa Kuala Lumpur.

 

Si Ermita ay kabilang sa iilang kagawad ng Gabinete na sasama sa Pangulo sa Malaysia sa dalawang araw na pulong ng OIC. Kasama rin sina Kalihim Blas F. Ople ng Ugnayang Panlabas at Gob. Parouk Hussin ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

 

Ayon kay Ermita, ang nag-anyaya ay ang Punong Ministro Mahathir Mohamad ng Malaysia, ang punung-abala sa pulong na ito ng OIC bilang pagkilala sa pagsisikap ng Pilipinas na malutas ang 30 taon nang hidwaan sa Mindanao.

 

Ang ika-10 summit ay idaraos sa Putrajaya Convention Center sa Putrajaya, Malaysia.

1
1196
تعليقات (0)