7 solons na nambastos kay Bush, 'di papatusin

Ely Saludar, Star

Walang plano ang Malacañang na patulan ang pitong Kongresista na nambastos kay US President George W. Bush na nag-walkout at paglalabas ng streamer habang nagtatalumpati ito sa joint session ng Kongreso sa Kamara.


Ayon kay Deputy Presidential Spokesman Ricardo Saludo, itinuturing ng Palasyo na kalayaan at karapatan ng mga Kongresista ang asta na ginawa ng mga ito kay Bush.


"Yun po ang kanilang kalayaan at malayang pagpapasya pero makikita naman ng ating kababayan at ng buong mundo na ang nakararami sa ating mambabatas at nakararami sa ating taumbayan ay naging maayos naman ang pagtanggap kung kaya’t hindi na dapat pansinin dahil hindi naman naging dahilan ng kahihiyan para sa bayan," ani Saludo.


Ikinatuwiran ni Saludo na hindi naman nakaapekto sa pagbisita ni Bush ang nasabing pagwo-walkout ng mga Kongresista.


Dahil dito, sinabi ni House Speaker Jose de Venecia na malabong maparusahan ang pitong Kongresista na kinabibilangan nina Sectoral Reps. Crispin Beltran, Liza Masa, Satur Ocampo, Etta Rosales, Mario Agua, Renato Magtubo at JV Bautista.

1
1258
تعليقات (0)