Atrasadong Bush Mitsa ng Walkout

abs-cbnNEWS

“Atrasado siya kaya nilayasan namin siya!”

 

Idinahilan ito ni Rep. Loretta Rosales kung bakit nilisan niya at ng anim pang mambabatas ng party-list ang Batasan Pambansa bago magtalumpati si Pangulong George W. Bush nitong Sabado sa joint session ng Kongreso.

 

Sa panayam ng radyo dzMM, sinabi n Rosales na: " [Hinihingi ng] diplomasya at protocol na dapat igalang mo ang oras." Si Rosales ang kinatawan ng Akbayan.

 

Dalawang oras na naatrasado si Bush noong Sabado ng hapon. Itinakda ang oras ng pagdating ng lider ng Amerika sa Batasang Pambansa ganap na 2:30 p.m. Ngunit pasado 4 p.m. na ultimo anino ni Bush ay wala pa, ani Rosales.

 

Nakapasok ang limousine ni Bush sa bakuran ng Batasan sa Lungsod Quezon dakong 4:30 p.m.

 

Sinabi ng mga awtoridad na naantala ang pagdating ni Bush dahil kinailangang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng lider ng U.S. patungo sa Batasan.

 

Himutok ni Rosales: "Paghintayin ba naman kami ng dalawang oras?"

 

Aniya, dalawampung minuto bago ang 2:30 p.m. ay pinaupo na sila upang abangan si Bush sa bulwagan ng Kamara.

 

"Ang anunsyo, 20 minuto bago kami pinaupo, dadating na siya (Bush)," aniya.

 

Sinabi din ng mambabatas na insulto para sa mga Pilipino ang pagdating nang atrasado ni Bush.

 

 

Paalisin ang aktibista


Dalawang araw matapos ang walong-oras na pagbisita ni Bush sa Maynila, inihayag ni Rosales ang dahilan ng pagkaantala ng pagdating ng lider sa Batasang Pambansa.

 

Aniya, "Narinig ko si [Director General Hermogenes] Ebdane at sinabi niya ang dahilan ng pakaatrasado ni Bush." Si Ebdane ang hepe ng Pambansang Pulisya.

 

Sinabi ng mambabatas na narinig niya si Ebdane na tumanggi sa mungkahing paalisin ang mga aktibistang nagtipon sa labas ng bakuran ng Batasan. Ani Rosales, nais ng U.S. Secret Service na palayasin sa Batasan ang mga aktibista dahil banta ang mga ito sa seguridad ni Bush.

 

"Pero pinupuri ko si Ebdane dahil sinalungat niya ang mga Amerikano," pahayag ni Rosales. "Sabi niya (Ebdane), 'Hindi sila pwedeng paalisin dahil magagalit ang gobyerno. Umiiral ang maximum tolerance para sa mga raliyista.' "

 

 

Walang plano


Tiniyak din ng kongresista na hindi nila binalak na layasan si Bush habang nagtatalumpati ang lider. "Wala kaming
plano, [sa katunayan nga] nagsuot ako ng itim na damit dahil magandang ipakita na nakasuot ka ng itim bilang protesta."

Nilinaw din niyang hindi nila iniwan si Bush sa kalagitnaan ng talumpati ng lider. "Umalis kami bago siya magsimula ng talumpati. Kabastusan naman iyon kung aalis kami habang nagsasalita siya."

 

Ipinagtanggol ni Rosales ang ginawa nilang hakbang. "Hindi naman namin siya binastos dahil ayaw din namin ng nambabastos."

 

Isa si Rosales sa pitong kinatawan ng party-list na umalis nang dumating si Bush sa bulwagan ng Kamara. Kabilang din sa mga lumabas sina Rep. Satur Ocampo at Rep. Crispin Beltran, kapwa kinatawan ng Bayan Muna.

1
1277
تعليقات (0)