BIO Weapons Kalat sa Mindanao

Boyet Jadulco

Pinaniniwalaang kalat na ngayon sa Mindanao ang mga biological weapons na posibleng gagamitin ng mga local at international terrorists sa paghahasik ng kaguluhan sa bansa.

 

Ito’y kasunod na rin ng pagkakadiskubre ng mga awtoridad ng bomb-making materials, bioterrorism manual at mga bakas ng biological weapons sa isang raid sa hideout ng Jemaah Islamiyah terrorist group sa Cotabato.

 

Walong local at foreign JI suspects ang nakatakas sa raid na isinagawa ng mga awtoridad sa kanilang hideout subalit naiwan ng mga ito ang mga residues ng hinihinalang chemical na nagdadala ng tetanus bacteria, ayon kay Lt. General Rodolfo Garcia.

 

“It’s being analyzed by chemical forensic experts,” anang deputy chief of staff sa isang news conference.

 

Ang raid ay isinagawa sa isang apartment sa Cotabato kung saan nahuli ang no. 2 man ng JI na si Indonesian Taufiq Rifqi dalawang linggo na ang nakakaraan.

 

Nauna rito’y nabaril at napatay ng mga awtoridad ang no. 1 man ng JI na si Fathur Rohman al-Ghozi sa North Cotabato, ilang buwan matapos na makatakas ito sa Camp Crame.

 

Ayon kay Garcia, ang pagkakaaresto kay Rifqi at ang pagkakadiskubre sa mga nasabing biological weapons ay isang patunay lamang na nagsasagawa na ng operasyon ang Jemaah Islamiyah (JI) sa bansa.

 

Ang JI ay ang terrorist cell ng al-Qaeda network sa Southeast Asia na itinuturong nasa likod ng serye ng mga pambobomba sa rehiyon kung saan pinakahuli rito ang bombing sa Bali, Indonesia na kumitil ng 202 katao.

 

Inihayag ni Defense Secretary Eduardo Ermita na may 40 JI foreign militants na maaaring nakapasok na sa bansa.

 

“These are foreign terrorists who in 1999 and 2000 conducted training in Camp Abubakar,” wika nito na ang pinatutungkulan ay ang dating headquarters ng MILF sa central Mindanao.

 

 

DI ITINATAGO

 

Nilinaw ni PNP Chief Gen. Hermogenes Ebdane na hindi nila itinatago sa publiko si Rifqi bagkus ay naghihintay lamang sila ng tamang tiyempo para isakatuparan ito.

 

Kinakailangan pa aniyang makipag-ugnayan sila sa mga kinauukulang ahensiyang naging susi sa pagsakote sa terorista na magugunitang nadakip sa kasagsagan ng mga paghahanda para sa pagdalaw ni US Pres. George W. Bush sa Pilipinas.

 

Si Rifqi ay nasa pangangalaga ngayon ng 6th Infantry Brigade sa pangunguna ng commander nito na si Maj. Gen. Generoso Senga.

 

 

MANHUNT OPERATION

 

Kaugnay nito, sinabi ni Garcia na isang malawakang manhunt operation ang isinagawa ngayon para maaresto ang mga kasamahan ni Rifqi.

 

Nabatid kay CIDG Chief Director Eduardo Matillano na isinagawa ang raid kamakalawa ng alas-2:30 ng madaling-araw sa safehouse na pag-aari ng isang Lolita Adanza sa 4th Road, Don E. Sero St., Bgy. Rosario Heights V, Cotabato City sa bisa ng search warrant na inisyu ni Hon. Judge Rene Concha.

 

1
1279
تعليقات (0)