Mga Ma-iigsing Balita

PLPHP, Various Selection

Trial sa Tanay, iminungkahi

Ni Anthony Vargas, Correspondent

 

MAAARING gawin ang pagdinig sa kaso ni dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal, habang nakaditine ito sa naturang kampo. Ito ang iminungkahi ni Director General Hermogenes Ebdane Jr. kahapon. Magiging matipid pa ito, aniya. "In fact, we see the possibility of providing a court in that site, that's if possible," sabi ni Ebdane sa ginanap na inauguration ng Kiangan Hall sa Camp Crame.

 

Ipinagtanggol din ni Ebdane ang kanilang desisyon sa paglilipat ng dating pangulo sa Camp Capinpin na 50 kilometro ang layo sa Metro Manila at sinabing mayroon silang prerogative sa naturang aksyon.

 

"We are authorized by the court in 2001 to move the subject even without a written order from the court," sabi ni Ebdane.

 

Inilipat ang dating pangulo dalawang araw bago ang pagbisita ni US President George W. Bush.

 

Idinahilan ng PNP na nakatanggap sila ng impormasyon mula sa intele-hensya na nagsasabing may panibagong banta sa buhay ng dating pangulo. Seryoso ang banta, sabi ni Ebdane at mas malala pa sa Magdalo rebellion kung kaya't napilitan silang ilipat ang dating pangulo.

 

Samantala, nagsagawa ang Sandiganbayan ng ocular inspection kahapon sa detention cell ni Estrada. Sinabi ni Justice Edilberto Sandoval na isinagawa ang inspection para makita kung sapat ang pasilidad ng kampo.

 

----------------------------------

 

FPJ, tuloy na raw sa pagtakbo sa pagkapangulo

ni Jason Francisco

 

AYAW pang ipabanggit ng aming source ang kanyang pangalan ngunit tahasan niyang sinabi na sigurado na raw tatakbo ang hari ng pelikulang Tagalog na si Fernando Poe Jr. sa darating na eleksyon sa 2004.

 

"Sa amin lang niya sinabi talaga, kasi nakikita siguro niyang di namin hangad ang pera sa pagtulong sa kanya na tumakbo bilang pangulo ng ating bansa. Sabi nga ni Da King eh huwag kaming mainip at sigurado namang tatakbo siya talaga dahil ayaw niyang mapahiya sa maraming tao at mga kaibigan niyang umaasa sa kanya. Siya lang talaga para sa amin ang makababago ng takbo ng ating bayan dahil hindi siya 'yung tipo ng tradisyunal na pulitiko," sabi pa ng aming source.

 

Hindi raw totoo ang mga lumalabas na bali-balita na kesyo katambal na ni Da King ang ilang kilalang pulitikong tatakbo rin dahil sa ngayon ay pinag-aaralan pa talaga kung sinu-sino ang magiging kasama niya sa padating ng takdang panahon.

 

Ang totoo raw, bago tumulak sa States si FPJ noong Setyembre 15 ay nakipag-usap na ito sa kanila nang masinsinan upang maghanda-handa na sa kanyang pagbabalik.

 

Ang Grand Coalition ng oposisyon na kabibilangan ni Da King ang magdedeklara sa pagtakbo niya sa pagkapangulo. Sabi ng aming source ay di raw papayag si FPJ kung di pagka-presidente ang tatakbuhin dahil ito ang sigaw ng nakararami, lalo na ng masang Pilipino. Magbibigay daan naman daw sa iba pang kandidato na umurong para sa kandidatura ni Da King.

 

Sinabi pa ng aming source na nakausap daw nila si Susan Roces sa isang pagtitipon sa isang hotel kamakailan at sinabi nitong di na raw niya tinatanong si FPJ dahil alam naman niyang tatakbo na nga ito.

 

--------------------------

 

8 alkalde ng Metro Manila sa APEC, ipinagtanggol

 

IPINALALIWANAG ni Pangulong Arroyo ang kanyang pakay sa pagdalo sa APEC summit at ipinaliwanag kung bakit kailangang isama niya ang walong alkalde ng Metro Manila sa naturang summit.

 

Aniya, "Nagpunta ako sa summit nang may mga tiyakang bagay na nasa isip. Narito ako upang ulitin ang mensahe ng Cancun alang-alang sa katiwasayan ng mga Pilipino at sa ating pakikibaka sa karalitaan."

 

Sinabi rin niya na nais niyang isulong ang tiyakang papel sa maritime security bilang bagong larangan ng magkaag-pay na mga isyu ng kalakalan at terorismo.

At higit sa lahat, sinabi niyang gusto niyang sikaping dalhin ang mga isyu ng pampurok na kalakalan at puhunan sa hagdanan ng strategic local governance o makabuluhang pamamahalang lokal.

 

Ito ang dahilan aniya kaya isinama niya ang walong alkalde ng Metro Manila sa lakad na ito. Sabi ng Pangulo, "Kasama ko sila sa mahahalagang pulong at ipinahayag nila sa harap ng mga lider ng negosyo at tagabalangkas ng patakaran ang mahahalagang kuru-kurong makabubuti sa kanilang mga nasasakupan, sapagkat ang kapanatagang pampulitika at pangkabuhayan ay hindi maiiwasang magkaroon ng kinalaman sa pagsasagawa ng mga patakaran sa lahat ng panig ng pamayanan at maging sa mga dulong nayon."

 

---------------------------------

 

Garcia, libre sa imbestigasyon

Sammy Martin, Correspondent

 

SINABI ng Malakanyang kahapon na binibigyan nila ang pinuno ng Government Service Insurance System (GSIS) na si Winston Garcia ng pagkakataon na maipaliwanag ang kanyang panig alang-alang sa diwa ng transparency o sa di pagkukubli ng kahit na ano.

 

Sabi pa ni Pangulong Macapagal-Arroyo, "Walang katuturang ibitin ang tabak ni Damocles sa kanyang ulunan sapagkat binibigyang matuwid niya ang kanyang ginawa. Ang masusing pagsusuri ng sambayanan ay siyang maglalantad ng katotohanan at pagkatapos, saka kami gagawa ng karampatang hakbang.

 

Samantala, sinabi ni Sen. Aquilino Pimentel Jr. kahapon na ang tanging paraan para maayos ang pagpapalakad ng pension fund para sa 1.4 milyong miyembro ng GSIS ay palakasin ang oversight authority.

 

At ito, sabi ni Pimentel, chairman of the Senate committee on Civil Service and Government Reorganization, ay dapat nang gawan ng aksyon ng dalawang houses ng Congress.

 

Mariing sinabi ni Pimentel na kailangang maayos ang paraan ng pag-monitor at pag-review ng mga desisyon ng pamamahala at sistema ng public accountability.

"While the GSIS enjoys a lot of autonomy as a corporate entity, it would be good if some higher authorities would look after the policies and decisions of the GSIS," sabi pa ni Pimentel.

 

---------------------------

 

Pinaghihinalaang kuta ng JI nilusob

AP

 

INIULAT ng militar na nilusob nila ang isang kuta na pinaniniwalaang ginagamit ng mga tauhan ng Southeast Asian terror group Jemaah Islamiyah pero walang natagpuang kahit isang suspek.

 

Naka-rekober umano ang mga awtoridad ng kagamitan sa paggawa ng bomba, kasama ng mga wire, sirang battery charger, ginawang timing devise at mga dokumento ng paggawa ng rocket-propelled grenade.

 

Sinabi ni Military spokesman Deputy Chief of Staff Maj. Gen. Rodolfo Garcia na ang mga dokumento ay patungkol sa Jemaah Islamiyah pero tumangging magbigay ng detalye at sinabing hindi pa nila alam kung sino ang mga nakatira sa kuta.

 

Noong isang linggo nakaaresto din umano ang mga awtoridad ng isang Indonesian Jemaah Islamiyah suspect sa pareho ring siyudad. Kinilala siyang si Taufiq Rifqi at inilarawang ikalawa sa pinaka-importanteng operatiba ng JI sunod kay Fathur Rohman al-Ghozi.

 

------------------------

 

Bomb threat

Harley Palangchao, Correspondent

 

BAGUIO CITY-Halos 8,000 mag-aaral ng Baguio Colleges Foundation, kasama ang kanilang mga propesor, ang nagtakbuhan palabas ng campus kahapon ng umaga matapos kumalat ang balitang may bomba sa nasabing paaralan. Ayon sa Baguio City Police Office , alas-10 ng umaga nang makatanggap ng tawag sa telepono ang operator ng BCF na may bomba sa third floor ng paaralan.

 

Mabilis na kumalat ang balita kaya't nag-unahang makalabas ang mga estudyante at kanilang mga propesor ngunit napatunayang hindi totoo ang banta.

 

-------------------------

 

Barangay, nilusob ng armadong grupo

 

COTABATO-Nagmistulang ghost town ang Bgy. Tampat sa Carmen, Cotabato, matapos lusubin ng mga armadong grupo noong Huwebes ng madaling araw na ikinamatay ng isang tao. Ayon kay Gerry Factoran, program director ng Phil. Development Assistance Program, napansin nila ang pagtatakbuhan ng mga bata at kababaihan bitbit ang kanilang mga gamit.

 

Sinabi pa ni Factoran na sinunog ng mga armadong grupo ang mga kabahayan sa naturang lugar. Bunsod nito, paghihiganti ng mga armadong grupo ang tinitingnang anggulo ng MILF hinggil sa pagkakapatay ng kanilang barangay lider na si Jeremia Penefrancia.

 

-----------------------

 

APEC leaders nakatuon sa terorismo

 

BANGKOK, Thailand-Terorismo at banta sa kaligtasan ang naging pangunahing isyung tinalakay sa pagbubukas ng Asia-Pacific summit kahapon, habang ang mga lider ng United States at South Korea ay nagpulong upang talakayin ang sigwa sa pagitan ng nahating peninsula kaugnay ng usaping nukleyar.

 

Habang ang pagbata pa rin sa terorismo ang panawagan ni US President George W. Bush, ang ibang lider ng 21-miyembrong bansa ay patuloy sa pag-aangat ng malayang kalakalan. Marami naman ang nagreklamo na ang pagpupulong ay nalihis.

 

"We are putting obstacles in the way of advancement of our economies," ani Mexican President Vicente Fox, na nagnanais na simulan muli ng World Trade Organization, ang global trade talks na nabigo noong nakaraang buwan nang maraming papaunlad na bansa ang umalis. "We should go back to the table, but we should go back with a political will to overcome this problem."

1
1281
تعليقات (0)