Granada pinasabog sa Q.C., 4 sugatan

abs-cbnNEWS

Apat katao ang nasugatan nang hagisan ng granada ang isang restawran sa Lungsod Quezon nitong Miyerkules ng madaling araw.

 

Nagtamo ng mga galos sa katawan sina Leo Lim, Dadermoon Montan, Ernesto Aparicio, at Renato Hatol, tamaan ng mga sharpnel at basag na salamin dakong 2:30 a.m. Pawang nakatayo sa labas ng Dreams Cafe sa Timog Avenue ang mga biktima nang mangyari ang pagsabog.

 

Ayon sa mga saksi, dalawang lalaki na lulan ng scooter ang naghagis ng granada sa paradahan ng sasakyan ng naturang negosyo. Tinangka ng mga tsuper ng taksi na habulin ang mga lalaki ngunit nakatakas ang mga ito patungo sa direksyon ng Quezon Avenue.

 

Patuloy ang siyasat ng Central Police District sa insidente bagama't may hinala ang mga imbestigador na inihanda ang granada para sa may-ari ng naturang restawran.

 

Nabatid na maaaring naipagkamali ng mga lalaki na isa sa grupo nina Lim ang negosyanteng si Jojo Hinato. Nakatayo si Hinato sa labas ng kanyang restawran at akmang sasakay ng taksi nang mangyari ang pagsabog.

 

Bukod sa mga biktimang nasugatan, napinsala din ang ilang mga sasakyan na nagdaraan. Tinamaan ng basag na mga salamin ang isang kotseng Honda Civic at ilang taksi na nagdaraan sa lugar.

 

 

1
1294
تعليقات (0)