Kuratong Judge, Di Matinag

Ronnie Calumpita, Kabayan

PATULOY na ipinagwawalang-bahala ng Quezon City Regional Trial Court Branch 81 ang pakiusap ng prosecution na resolbahin muna ang isyu ng hurisdiksyon sa kontrobersyal na Kuratong Baleleng case nang atasan ng korte ang government prosecution na mag-sumite ng komento sa "motion for judicial determination of probable cause" na isinampa ng depensa.

 

Sa isang pahinang order, sinabi ni Judge Ma. Theresa Yadao na ang hindi pagtupad sa order sa loob ng tatlong araw mula sa pagkakatanggap nito ay magiging dahilan para mapilitang magdesisyon na ang korte sa motion for judicial determination of probable cause kahit na walang komento ang prosecution.

 

Ayon kay Chief State Prosecutor Jovencito Zuno, hindi dadalo ang prosecution sa kahit na anong hearing para sa motion for judicial determination of probable cause dahil ang isyu ng hurisdiksyon at dapat munang resolbahin.

 

Noong Oktubre 17, hindi gumawa si Yadao ng kahit anong ruling sa dalawang inamyendahang impormasyon tungkol sa edad ng mga biktima na sina Melebren Soronda at Sherwin Abalona dahil hindi ito motion kundi isang manipestasyon lamang na minor pa sila sa panahon ng insidente.

 

Ang dalawang amended information na isinumite ng prosecution ay basehan nila sa korte para muling ma-raffle ang multiple-murder case sa family court dahil ang dalawang biktima ay minor noong mangyari ang insidente. Pero sa halip na aksyunan ang impormasyon, itinuloy pa rin ni Yadao na dinggin ang motion for judicial determination of probable cause.

1
1295
تعليقات (0)