Hinihilaang miembro ng 'Magdalo,' 5 pa, dakip sa Maynila

abs-cbnNEWS

Inaresto ng mga operatiba ng Western Police District (WPD) ang anim katao, kabilang ang isang kapitan ng Hukbong Dagat at pinaghihinalaang kasapi ng grupong "Magdalo," nang makipagbarilan ang mga ito sa Maynila noong Martes ng gabi.

 

Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Reserve Capt. Reynaldo Sen, gwardyang si Reynaldo Yamas, mga sibilyang sina Edward Reyes, Alvin Samaniego, Daniela Reyes, at Pia Ragunton.

 

Dinakip ang mga suspek sa loob condominium unit ni Sen sa ikatlong palapag ng gusaling LTS sa kalye Paz, distrito ng Paco.

 

Ayon sa ulat, tumanggap ng sumbong ang pulisya noong Martes ng gabi hinggil sa insidente ng barilan sa naturang kalye.

 

Pagdating ng mga pulis, maging sila ay pinaputukan ng mga salarin mula sa ikatlong palapag ng gusali. Rumesponde rin ang isang tropa ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng WPD ngunit pinagbabaril din sila ng mga suspek.

 

Nagawa ng mga pulis na makapasok sa loob ng gusali. Natukoy din nila ang yunit ni Sen na siyang pinagmulan ng mga putok.

 

Pagpasok sa naturang yunit, agad nadakip ang gwardyang si Yamas at ang mga sibilyan. Samantala, kinailangang tadyakan ang pinto ng kwarto ni Sen upang mapalabas mula dito ang suspek na nagtatago.

 

Nasamsam sa kwarto ni Sen ang iba't ibang uri ng baril, mga bala, mga radyo, at bandera ng Magdalo.

 

Dinala sa presinto ang mga suspek para sa imbestigasyon. Patuloy ang siyasat hinggil sa lisensya ng mga baril sa kwarto ni Sen. Gayundin, naglunsad ng imbestigasyon ang WPD hinggil sa kinalaman ni Sen sa nabigong kudeta sa Oakwood hotel sa Makati noong Hulyo 27.

1
1296
تعليقات (0)