Pag-upo sa UNSC national pride ng RP

Rose Miranda/Boyet Jadulco, Abante

Binansagan kahapon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na ‘national pride’ ang pagsungkit ng Pilipinas ng puwesto sa United Nations Security Council (UNSC) kasabay ng pag-asam na ito na ang magiging tulay upang manumbalik kundi man tumibay ang kumpiyansa ng international community sa Pilipinas.

 

Ito’y kasunod ng pag-aanunsyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mula sa 191 bansang bumubuo sa UN General Assembly, 179 dito ang bumoto pabor sa pagkakaloob sa Pilipinas ng two-year non-permanent seat sa 15-member UNSC nitong Huwebes.

 

May 10 non-permanent seat sa UNSC na pinapalitan kada 2 taon. Ang mga bansang Bulgaria, Papua New Guinea, Mexico, Cameroon at Syria ang mawawala sa international body sa katapusan ng taon. Papalitan sila ng Pilipinas, Algeria, Brazil, Romania at Benin. Sa kasalukuyan, ang Pilipinas lamang ang tanging bansa sa Asya na miyembro ng UNSC.

 

Ang 5-permanent seat sa council ay inookupahan ng United States, Britain, Russia, France at China na may veto power para maharang ang anumang resolusyon.

 

Ayon sa Pangulo, malaking karangalan ang tiwalang ipinagkaloob ng iba’t ibang UN members sa Pilipinas dahil kahalintulad umano ito ng pagtatalaga rin sa bansa bilang major non-NATO ally ng Estados Unidos.

 

Sinabi pa nito na ang impresibong kampanya ng kanyang gobyerno laban sa terorismo at kahirapan ang naging daan para mapansin ng UNSC ang Pilipinas at mabigyan ito ng kaukulang pagkilala.

 

Samantala, inihayag ni Sen. Manuel Villar na makukuha ng Pilipinas ang respeto ng mga banyagang bansa dahil sa pagkakabilang nito sa prestihiyosong international body.

1
1309
تعليقات (0)