Mag-Resign ka na lang!

Eralyn Prado, Boyet Jadulco at Rose

Alang-alang sa pagsalba sa integridad at imahe ng respetadong institusyon ng Korte Suprema, hiniling ng mga kongresistang nagsusulong ng impeachment case laban kay Chief Justice Hilario Davide Jr. na kusa na lamang magbitiw sa puwesto.

 

Sa pangunguna ni Tarlac Rep. Gilbert Teodoro, prime mover ng Davide impeachment, binigyan-diin ng grupo na walang maitutulong kay Davide ang patuloy nitong paninindigang manatili sa puwesto at igiit na pulitika ang nasa likod ng hakbang.

 

“It is not befitting of a Chief Justice to warn perpetrators of this evil scheme because of that statement, he deserves not to stay in that position,” ani Teodoro.

Sinang-ayunan naman nina Rep. Rodolfo Albano ng Lakas at Rep. Constantino Jaraula ng LDP ang argumento ng mga nagpasimuno ng impeachment charges na ito’y hindi pagkilos lang ng mga taga-oposisyon kundi isang sama-samang aksyon ng mga mambabatas mula sa magkakalabang lapian kaya’t mahirap mapaniwalaang ito’y may kulay pulitikal.

 

Isinusulat ang balitang ito ay umabot na sa 93 ang bilang ng mga kongresistang lumagda sa impeachment complaint mula sa orihinal na 78 lagda na siyang nagsilbing endorser ng asunto para maiakyat ito sa Senado.

 

Ang kaso ay nag-ugat sa umano’y kuwestyunableng pagkakalustay sa P3 bilyong Judiciary Development Fund (JDF) na patuloy na tinatanggihang ipaliwanag ni Davide.

 

 

Constitutional o hindi?

 

Para naman sa ikaaayos ng buong proseso ng impeachment proceedings laban kay Davide, inirekomenda ni opposition Sen. Rodolfo Biazon na iparesolba muna sa Supreme Court (SC) ang constitutionality ng ikalawang impeachment case na isinampa sa Kamara.

 

“It is important to determine whether the first impeachment complaint is deemed initiated even though it was not given due course due to its insufficiency in substance,” ani Biazon.

 

Ang tinutukoy ay ang probisyon sa Saligang Batas (Article XI, Section 3, Paragraph 5) na nagsasabing hindi maaaring sampahan ng ikalawang impeachment charges ang isang impeachable government official sa loob ng iisang taon.

 

Lumalabas na nagsukob sa isang taon ang unang impeachment case na isinampa ni dating Pangulong Joseph Estrada laban kay Davide at pito pang mahistrado at ang bagong impeachment raps kaugnay ng JDF scam.

 

Nagiging sentro ngayon ng debate ang naturang probisyon dahil iginigiit ng mga tagasulong ng impeachment na hindi maikokonsiderang ‘filed’ ang unang kaso dahil hindi pa naman ito nareresolba ng Mababang Kapulungan ng Kongreso. Nasa proseso pa lang ng botohan ang usapin.

 

Ang paghahain ng impeachment complaint ay magsisimula umano oras na makapasa ito sa Kamara at pormal na maiakyat sa Senado na siyang aaktong impeachment court.

 

Ngunit para naman sa mga tagapagtanggol ni Davide, malinaw na ‘unconstitutional’ ang ikalawang impeachment raps dahil isinampa ito na halos buwan lang ang pagitan sa unang impeachment case.

 

Ang mismong petsa ng paghahain ng kaso ng mga complainant sa Kamara ang tumutugon sa terminong ‘filed’ na nakasaad sa Saligang Batas at hindi ang pag-akyat nito sa Senado na siyang iginigiit ng mga endorsers.

 

 

Bilisan na lang

 

Tila walang malinaw na posisyon ng pagsuporta kay Davide, pagpapabilis lang sa proseso at makatarungang desisyon ang nais mangyari ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa impeachment charges laban sa Chief Justice.

 

“The rule of law is being followed and there is a constitutional process being applied. I only wish the process to be speedy and insulated from heavy partisan or personal undertones,” anang Pangulo.

 

Tiwala ang Pangulo na hindi mangyayari ang pinangangambahang constitutional crisis sa isyu hangga’t maayos na nasusunod ang itinatadhana ng batas sa buong proseso.

 

Sinisikap ng Malacaٌang na dumistansya sa usapin bilang pagkilala sa separasyon at pagiging independente ng hudikatura at ehekutiba sa isa’t isa.

 

 

Roco sumaklolo kay Davide

 

Taliwas naman sa kumpyansa ni Arroyo na hahantong sa krisis ang Davide impeachment move, tahasang sinabi ni dating Education Sec. at Sen. Raul Roco na ito’y malaking banta sa respetadong institusyon ng bansa.

 

“The most respected institution of the judiciary is under attack and neither the President nor the Speaker of the House of Representatives has taken the initiative to support the Supreme Court and avert another national crisis,” ani Roco ng Aksyon Demokratiko.

 

Dahil dito, kasama sina Lito Osmeٌa ng Promdi at Renato de Villa ng Reporma, nanawagan si Roco sa sambayanan na idepensa ang Korte Suprema “from an unmitigated political attack.”

 

Tiniyak din ng Lawyers for Reform/Lawyers for Roco (L4R) na, “These slash-and-burn tactics to gain political and economic power at the expense of our democratic institutions will fail.”

 

 

Senate coup?

 

Inilutang naman ng isang Senate insider ang nilulutong kudeta sa Senado para makuha ng oposisyon ang kontrol dito na tuluyang sesentensya kay Davide.

Oras umanong mapatalsik bilang lider si Senate President Franklin Drilon ay tiyak na ang pagbagsak din ni Davide sa impeachment trial ng isang Senado sa ilalim ng kontrol ng oposisyon.

1
1312
تعليقات (0)