Impeachment ipapa-dismiss ni Davide

Eralyn Prado/Rose Miranda/Grace Velasco/Noel Abuel - Abante

Inihahanda na umano ni Supreme Court (SC) Chief Justice Hilario Davide ang ihahain nitong ‘motion to dismiss’ kaugnay sa isinampang impeachment complaint laban sa kanya ng mga kongresista sanhi ng umano’y maanomalyang paggamit ng mahigit sa P3 bilyong Judiciary Development Fund (JDF).

 

Ito ang napag-alaman mula kay Sen. Ralph Recto base na rin umano sa mga SC insiders na nakausap nito.

 

“From my conversations with them, they said that the Chief Justice is expected to file a motion to dismiss the article of impeachment the moment the Senate convenes itself as an impeachment tribunal,” ani Recto na nasabi pang maaaring sentro ng argumento ng mosyon ni Davide ang iginigiit nitong ‘unconstitutional’ ang paghahain ng pangalawang impeachment complaint laban sa kanya.

 

Magugunitang kinukuwestiyon ang second impeachment dahil ayon sa batas, hindi puwedeng dalawang beses ma-impeach sa loob ng isang taon ang iisang personalidad lamang. Ang unang impeachment complaint kay Davide ay isinampa ni dating Pangulong Joseph Estrada dahil sa umano’y pagkakadawit sa nito sa iregularidad sa pagkakatalaga bilang pangulo ni Gloria Macapagal-Arroyo.

 

 

BOYCOTT SAN MIGUEL PRODUCTS

 

Rumatsada na ang unang bugso ng mga hukom sa Pilipinas laban sa impeachment kay Davide sa pamamagitan ng text brigade na kumokondena sa negosyanteng si Danding Cojuangco bilang utak ng nasabing reklamo.

 

“Wear black on Monday to show support for CJ Davide and protect the judiciary. Boycott San Miguel products. Let’s teach NPC/Lakas congressmen and Danding babies a lesson. Pls. pass,” anang nakasaad sa text message na ipinakalat ng mga miyembro ng Philippine Judges Association (PJA).

 

Nauna ng napaulat na napag-utusan lamang si Camarines Rep. William Fuentebella para isulong ang pangalawang impeachment complaint laban kay Davide at ang tunay na nasa likod nito ay si Cojuangco na naghihiganti umano matapos na hindi pumabor dito ang desisyon ng SC ukol sa coco levy fund.

 

 

HARANG-IMPEACHMENT APRUB KAY GMA

 

Nakatakdang pulungin ngayon ng ruling party Lakas-CMD ang kanilang mga kaalyadong kongresista para harangin ang impeachment case laban kay Davide, at pabor sa nasabing pagpupulong ang Malacaٌang, ayon kay Presidential Spokesman Ignacio Bunye.

 

Sa hiwalay na panayam kay Lakas spokesman Heherson Alvarez, sinabi nitong haharangin nila ang impeachment kay Davide dahil mukhang hindi ito napag-aralan at napagkasunduan lang.

 

 

PIRMA NI ERICE BINAWI

 

“I made a mistake”.

Ito ang mariing sinabi ni Caloocan City Rep. Edgar “Egay” Erice kasabay ng pagbawi nito sa kanyang pirma sa impeachment complaint kay Davide sa paniniwalang may mga nasa likod ng nasabing aksyon na gusto lamang guluhin umano ang pamahalaan.

 

Inamin ng mambabatas na napaniwala umano siya na nasa tamang proseso ang impeachment kay Davide tulad ng pagdaan sa mga committee sa Kongreso kung kaya’t pumirma ito.

 

Magkagayunpaman, nilinaw ng mambabatas na nanatili pa rin ito sa posisyon na may nilabag patungkol sa disbursement ng Judicial Development Fund (JDF) kasabay ng panawagan sa House committee on justice na imbestigahan at pag-aralan ang nasabing impeachment complaint.

 

 

CONSTITUTIONAL CRISIS KUNG...

 

Samantala, inihayag nina Reps. Aurelio Umali at Prospero Nograles na wala silang nakikitang constitutional crisis dahil unang-una ay wala naman umanong paglabag sa Konstitusyon.

 

“There could only be constitutional crisis if Davide would refuse to submit himself in the impeachment trial,” ani Umali.

 

 

1
1343
تعليقات (0)