Madamdaming balik-bahay ni Erap

Rose Miranda, Star

Naging madamdamin ang muling pagbabalik ni dating Pangulong Joseph Estrada sa balwarteng lugar nito sa North Greenhills, San Juan Metro Manila kahapon ng umaga matapos na payagan ito ng Sandiganbayan na makasama ang maysakit na ina.

 

Si Estrada, base na rin sa mosyon na pinaboran ng Sandiganbayan, ay nagbiyahe sa pamamagitan ng isang kulay-orange na chopper mula sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal dakong alas-8:40 ng umaga at lumapag dakong alas-9:05 ng umaga sa helipad ng Crisanta Flowershop building sa Ortigas kung saan sinundo ito ng mga anak na sina San Juan Mayor JV Ejercito at Jinggoy Estrada.

 

Si Jinggoy pa ang naging driver ni Estrada nang magbiyahe ito ‘by-land’ patungo sa tahanan ng ina nitong si Doٌa Mary Ejercito, 98-anyos, sa North Greenhills.

 

Nang makita ni Estrada ang inang naka-wheelchair sa hardin ay hindi napigilan ng dating Presidente na yakapin ito ng mahigpit na siya namang nagpaluha sa matanda.

 

“Hindi ka daw kumakain? Ba’t hindi ka kumakain? Kailangan kumain ka nang madami, kumain ka ng mabuti,” malambing na tinig ni Estrada sa ina.

 

Bagama’t makalilimutin na si Doٌa Mary ay agad naman umano nitong naalala ang dumating na anak.

 

Inaasahang matutulog nang magdamag si Estrada sa tahanan nito sa Greenhills at ngayong araw ay nakatakda itong ibiyahe ng Philippine National Police (PNP) sa Makati Medical Center upang ipa-check-up ang karamdaman nito sa likod. Matapos nito ay muling ibabalik ang dating Pangulo sa Camp Capinpin ngayong araw katulad nang napagkasunduan at itinakda ng Sandiganbayan.

 

1
1344
تعليقات (0)