Davide Impeached na Talaga!!

Nina: Eralyn Prado, Boyet Jadulco, Irish Ann Cruz, Mac Cabreros, Ian Cruz,

Bumagsak kahapon ang mga huling pagtatangkang mahilot ang impeachment charges laban kay Supreme Court (SC) Chief Justice Hilario Davide matapos bumagsak ang negosasyon sa pagitan ng ‘prime movers’ ng impeachment at ng liderato ng Kamara.

 

Nabigo si House Speaker Jose de Venecia Jr. na makabuo ng kasunduan para mapapayag ang mga tagasulong ng impeachment laban kay Davide, sa pangunguna ni Tarlac Rep. Gilbert Teodoro, na iurong ang kanilang complaint.

Bunga nito, deklarado nang ‘impeached’ si Davide, ang kauna-unahang chief justice na nalagay sa ganitong kapalaran sa kasaysayan ng Pilipinas. Inaasahang agad na itong iaakyat sa Senado.

 

Sinasabing bumagsak ang negosasyon sa kabila ng pagiging bukas sa kompromiso ng mga anti-Davide forces dahil sa pagmamatigas ng Korte Suprema na kilalanin ang oversight power ng Kongreso para mabusisi ang kontrobersyal na P3 bilyong Judiciary Development Fund (JDF).

 

Ayon kay House Deputy Speaker for Visayas Raul Gonzales, hanggang kahapon ay walang positibong tugon ang kataas-taasang hukuman sa giit ng mga nagsusulong ng impeachment na ibukas sa imbestigasyon ng Kongreso ang libro ng JDF. Dito nag-ugat ang impeachment laban kay Davide sa hinalang nilustay ito ng Chief Justice.

 

Ayon kay Teodoro, nagkaroon ng consensus ang kanilang grupo na huwag iatras ang reklamo laban kay Davide dahil sa pagmamatigas ng Korte Suprema sa JDF congressional inquiry.

 

Sa naunang press briefing, sinabi ni Teodoro na bukas sila sa isang kompromiso kung ito’y ‘constitutionally acceptable solution’.

 

Tila napaso naman si Sen. Edgardo Angara sa resulta ng ‘failed negotiation’ dahil nauna nitong inihayag sa panayam sa Senado na tagumpay ang pag-uusap at nagpasya ang Kamara na iatras ang asunto.

 

“In practical terms, that means that the Senate is saved from the jury and obligation to sit as an impeachment court and we don’t have to convene ourselves into a hearing body for impeachment,” ani Angara.

 

Ayon kay Sen. Vicente ‘Tito’ Sotto III, wala nang mukhang ihaharap sa publiko ang mga kongresista kung iaatras nila ang reklamo laban kay Davide dahil lalabas na wala itong paninindigan.

 

 

Suporta kay Davide

 

Pinangunahan naman kahapon ni dating Pangulong Corazon Aquino ang mahigit 2,000-kataong sumugod sa Batasan complex para magpahayag ng solidong suporta kay Davide at hilingin sa mga mambabatas na pag-isipang mabuti ang epekto ng hakbang sa bansa sa kabuuan.

 

“I therefore call upon all our lawmakers to think through this complaint very thoroughly and to pray for guidance so that reason and not the sheer force of numbers will inform their judgment,” ani Aquino.

 

Maging si Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz ay umapela sa Senado na agad putulin ang tinawag nitong ‘insidious assault’ laban sa respetadong institusyon ng Korte Suprema.

 

Kabilang din sa solidong nagpahayag ng suporta kay Davide ay ang mga huwes ng Regional at Metropolitan Trial Court ng Quezon City. Kinondena ng mga ito ang umano’y walang basehang paratang sa kanilang lider.

 

Sa Makati City, naantala ang pag-inog ng hustisya nang mag-mass leave ang may 26 na hukom bilang suporta kay Davide.

 

Sa gitna naman ng pagdududa kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ukol sa ‘kinalaman’ nito sa pagluto kay Davide, nasorpresa ang lahat nang sumipot ito sa isang misa sa Korte Suprema na inialay para kay Davide.

 

Kasama nitong dumating sina National Security Adviser Roilo Golez, presidential spokesman Ignacio Bunye at Justice Sec. Simeon Datumanong.

 

Inamin din ng palasyo ng Malacaٌang kahapon na nakikialam na ang ehekutiba, sa pangunguna ng Pangulo, upang maharang ang impeachment case para huwag maiakyat sa Senado dahil magreresulta umano ito sa constitutional crisis.

 

Nananatili namang tikom ang bibig ng mga mahistradong miyembro ng SC sa kaso ng kanilang hepe.

 

Ngunit kumilos na si Atty. Ernesto Francisco para maghain ng petisyon sa SC upang kuwestyunin ang legalidad ng ikalawang impeachment laban kay Davide.

 

1
1357
تعليقات (0)