Impeachment vs Davide ipinahinto ng Korte

abs-cbn

Ipinatigil pansamantala ng Kataas-taasang Hukuman ang pagpapadala ng Articles of Impeachment sa Senado mula sa Kamara de Representante. Kaugnay ito sa reklamong impeachment na isinampa ng mga kongresista laban kay Punong Mahistrado Hilario Davide Jr.

 

Sa halip, nagdesisyon ang en banc ng Korte na atasan ang dalawang kapulungan, gayundin ang kampo ni Davide na sagutin ang mga petisyon hinggil sa pagiging labag umano sa Saligang Batas ng ikalawang reklamong impeachment.

 

Sa pamamagitan ng desisyon, pinigilan din ng Korte ang Senado na bumuo ng hukumang impeachment na lilitis kay Davide.

 

Tulad ng unang pagdinig sa petisyon noong Lunes, tumanggi si Davide na makihalo sa botohan. Bukod kay Davide, wala rin sa sesyon sina Associate Justices Josue Bellosillo, Consuelo Ynares-Santiago at Dante Tinga, na pawang nagbabakasyon.

 

Nag-ugat ang desisyon ng korte sa anim na petisyong iniharap ng iba't ibang mga grupo ng abogado.

 

Layunin ng mga petisyon na ideklarang labag sa Konstitusyon ang pagsusulong ng pangalawang impeachment sa loob ng isang taon laban kay Davide. Una nang inireklamo si Davide ng kampo ng dating pangulong Estrada.

 

Itinalaga rin ng Korte ang pitong mga experto sa Saligang Batas upang pagdebatehan ang isyu hinggil sa pagsasampa ng ikalawang reklamong impeachment.

 

Ang mga inimbitahan para sa debate ay sina dating senador Jovito Salonga, abogadong si Joaquin Bernas, S.J., dating mga mahistradong sina Florenz Regalado at Hugo Gutierrez Jr.

 

Kinumbida rin para sa naturang okasyon sina dating solicitor general Estelito Mendoza, Dean Raul Pangalangan ng U.P. College of Law at dating komisyonado Regalado Maambong.

 

Binigyan ng Korte ng hanggang Nobyembre 3 ang lahat ng partido upang sagutin ang isyu. Itinakda sa Nobyembre 5 ang unang paghaharap ng mga argumento para dito.

 

1
1359
تعليقات (0)