Isa sa Anim na Dinukot sa Sabah, Nabawi

PLPHP - AP

NAILIGTAS ng pulisya ang isa sa mga binihag sa Sabah, Malaysia, noong Oktubre 6, ayon sa ulat kahapon. Kinilala ni Director General Hermogenes Ebdane Jr., chief ng Philippine National Police (PNP), ang biktima na si Nonoy Arcusil, 19. Isa si Arcusil sa anim na manggagawa na tinangay ng hinihinalang mga pirata sa Paradise Resort.

 

Ayon sa Armed Forces of the Philippines, nakasagupa ng mga awtoridad ang mga kidnaper sa bayan ng Languyan noong Lunes ng gabi. Matapos ang engkwentro, natagpuang bangkay ang limang biktima. Patuloy ang pagtugis ng mga pulis sa mga kidnaper.

 

Tumanggap din ng ulat ang punong himpilan ng PNP sa Kampo Crame at AFP sa Kampo Aguinaldo na nasawi ang lahat ng nalalabing mga bihag. Napaulat ding mayroong namatay sa panig ng mga kidnaper.

 

Pinatunayan ng pagkakasagip kay Arcusil na dinala ng mga pirata sa Mindanao ang mga bihag nila. Una nang itinanggi ng pamahalaang Malaysia na nakalabas ng hangganan ng bansa ang mga kidnaper patungo sa Mindanao. Pero noong Lunes, itinama ni Deputy Home Minister Datuk Chor Chee Heung ang abiso. Aniya, posibleng dinala ng mga kidnaper ang mga bihag sa isa sa mga isla ng Sulu.

 

Inihayag din ng mga awtoridad sa Malaysia na mayroong ugnayan ang mga pirata at ang bandidong Abu Sayyaf.

1
1374
تعليقات (0)