Maynila Sinalanta ng Cholera

Grace Velasco at Nonnie Ferriol, Abante

Sinalanta ng cholera ang Maynila kung saan apat katao na ang naitatalang namatay dito habang 202-katao pa ang kasalukuyang nakaratay sa iba’t ibang ospital sa lungsod bunga ng nasabing sakit.

 

Nakilala ang mga nasawi na sina Aquilino Manalo Sarmiento, 70; Lucien Respal, 56; Arnulfo Bayo, 40 at Redemel Manabat, 7, pawang mga taga-Tondo, Maynila.

 

Ayon kay Clemente San Gabriel, administrative officer ng Sanitation Division ng Lungsod ng Maynila, umaabot na sa 202-katao ang nakaratay sa mga ospital sa siyudad gaya ng Ospital ng Tondo, San Lazaro, Mary Johnston, Gat Andres Medical Center at Tondo Medical Center.

 

Karamihan sa mga nakaratay sa mga nabanggit na ospital ay mula tatlong buwan hanggang 70-anyos na nagsimulang makaramdam ng pagkahilo, pananakit ng tiyan, pagtatae, at pagsusuka simula pa noong Oktubre 23. Nagsimula lamang magdagsaan ang mga ito sa ospital noong Sabado hanggang Lunes.

 

Ipinaliwanag ni San Gabriel na ang mga nabiktima ay nakainom ng kontaminadong tubig ng Maynilad Water Services, Incorporated (MWSI) na napasukan ng dumi dahilan umano sa mga ilegal na koneksyon ng tubo ng tubig ng mga residente rito.

 

Idinagdag pa ni San Gabriel na lumalabas sa water sampling na ginawa ng sanitation division na kontaminado ang nasabing tubig at walang residual chlorine na siyang pumapatay sa mga mikrobyo kung kaya’t nakaranas ng pananakit ng tiyan ang mga nakainom nito.

 

Sinabi naman ni Dr. Yolanda Olivares ng Department of Health, kumpirmadong cholera ang dumapo sa mga nabiktima.

 

Ayon kay Olivares, sa 115 na ginagamot sa San Lazaro Hospital, 29 sa mga ito ay positibo sa vibrio cholera.

 

Sa kabila nito, iginiit ni Olivares na hindi maituturing na outbreak ang insidente kundi clustering of cases lamang o pagkakaroon ng mahigit sa tatlong kaso sa iisang area.

 

1
1375
تعليقات (0)