Tahimik na mga Bayani ng Cordillera

Laarni Ilagan, abs-cbn

KARAMIHAN sa kanila ay mahiyain, tahimik at nagtatrabaho sa limitadong budget. Hindi rin nila ipinag-iingay na sila ang mga tao sa likod ng kampanya laban sa malnutrisyon sa kanilang mga komunidad.

 

Kumakatawan sina Leonida Abance, Veronica Adviento, at Delia San Juan sa mga mukha at boses ng lahat ng barangay health volunteer sa buong rehiyon na ang kontribusyon ay hindi halos napapansin.

 

Si Abance na mula sa Tadiangan, Tuba, Benguet, ay pinarangalan bilang Most Outstanding Barangay Nutrition Scholar (BNS) ng Region 1.

 

Hindi naging hadlang kay Leonida, 46, ang pagiging single parent sa kanyang iisang anak at nakatapos lamang ng second year high school para makapagserbisyo ng buong puso sa kanyang komunidad. Nagsilbi siya sa BNS ng Tadiangan sa loob ng pitong taon at bilang barangay health worker sa loob ng apat na taon.

 

Natulungan ni Abance ang Tadiangan sa pagkakaroon ng zero lamang na rate sa malnutrition, maorganisa at mapalakas ang Barangay Nutrition Council. Siya ang nagsimula ng household at community garden, at sa pagtatayo ng isang mini-library sa barangay hall.

 

Samantala si Adviento, first runner-up mula sa Poblacion North, Lagawe, Ifugao, ay ikalawang beses nang first runner-up sa regional search. Nakuha niya ang unang karangalan noong 2001. Labing-anim na taon na siyang barangay BNS sa kanilang poblacion.

 

Bagaman hirap din sa buhay, siya ang namuno sa kampanya laban sa malnutrition sa kanilang lugar. Asawa ng isang tricyle driver at hindi nakatapos ng kolehiyo, napatapos niya ang kanyang tatlo sa limang anak ng kolehiyo.

Samantala, si Delia San Juan ng Baguio City na itinanghal na second runner-up ay nag- volunteer bilang barangay health worker at BNS ng kanilang barangay sa New Lucban, isa sa pinakamalaking barangay sa Baguio. Nagbabahay-bahay siya para maturuan ang mga pamilya sa tamang nutrisyon.

 

Masisipag, mapagmalasakit, ang mga babaing ito ang tunay na mga bayani ng malnutrisyon sa Cordillera.

1
1377
تعليقات (0)